Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) ABRIL 2015

 TALAMBUHAY

Pinagpala sa Kaayaaya at sa Maliligalig na Panahon

Pinagpala sa Kaayaaya at sa Maliligalig na Panahon

IPINANGANAK ako noong Marso 1930 sa nayon ng Namkumba, malapit sa lunsod ng Lilongwe, sa bansang Malawi. Tapat na mga lingkod ni Jehova ang aking pamilya’t mga kaibigan. Noong 1942, inialay ko ang aking buhay sa Diyos at nabautismuhan sa isa sa magagandang ilog sa lugar namin. Sa sumunod na 70 taon, sinikap kong sundin ang payo ni apostol Pablo kay Timoteo na ‘ipangaral ang salita, maging apurahan dito sa kaayaayang kapanahunan at sa maligalig na kapanahunan.’—2 Tim. 4:2.

Noong 1948, dumalaw sina Nathan H. Knorr at Milton G. Henschel sa Malawi. Napasidhi nito ang pagnanais kong paglingkuran si Jehova nang buong panahon. Tandang-tanda ko pa ang nakapagpapatibay na pahayag ng mga kinatawang iyon mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Habang nakatayo sa maputik na parang, matamang nakinig ang mga 6,000 katao sa pahayag ni Brother Knorr na “Permanent Governor of All Nations.”

Nang maglaon, nakilala ko si Lidasi, isang magandang sister na lumaki rin sa pamilyang Saksi. Tunguhin din niyang maglingkod nang buong panahon. Ikinasal kami noong 1950, at noong 1953, may dalawa na kaming anak. Kahit marami kaming pananagutan sa pamilya, napag-usapan namin na puwede ko pa ring ituloy ang plano kong mag-regular pioneer. Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan naman akong maging special pioneer.

Di-nagtagal, nagkapribilehiyo akong dumalaw sa mga kongregasyon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Dahil sa suporta ni Lidasi, napaglaanan ko ang pamilya ko sa materyal at espirituwal na paraan habang ginagampanan ang atas na ito. * Pero gustong-gusto namin na pareho kaming makapaglingkod nang buong panahon. Kaya nagplano kaming mabuti, at sa pakikipagtulungan ng mga anak namin, nakapagpayunir si Lidasi noong 1960.

Napatibay kami ng mga asamblea para maharap ang pag-uusig

Sa kaayaayang mga panahong iyon, nasiyahan kami sa paglilingkod sa mga kapatid sa iba’t ibang kongregasyon. Nakarating kami sa magagandang dalisdis ng kabundukan ng Mulanje sa timog hanggang sa mga baybayin ng Lake Malawi, na sumasakop sa halos buong silanganing bahagi ng bansa. Nakita namin ang patuloy na pagdami ng mga mamamahayag at kongregasyon sa mga sirkitong dinalaw namin.

Noong 1962, nasiyahan kami sa “Courageous Ministers” District Assembly. Nang sumunod na taon, muling dumalaw si Brother Henschel sa Malawi  at isang espesyal na kombensiyon ang idinaos malapit sa lunsod ng Blantyre. Mga 10,000 katao ang dumalo. Nakatulong ang kombensiyong iyon para maging handa kami at maharap namin ang paparating na maliligalig na panahon.

DUMATING ANG MALILIGALIG NA PANAHON

Ipinagbawal ang gawain, at inagaw ng gobyerno ang pag-aari ng sangay

Noong 1964, nakaranas ng matinding pagsubok ang mga Saksi dahil ayaw nilang makisali sa mga gawain sa politika. Mahigit 100 Kingdom Hall at mahigit 1,000 bahay ng mga Saksi ang winasak dahil sa sunod-sunod na pag-uusig. Pero patuloy pa rin kaming nakapaglingkod sa mga sirkito hanggang sa ipagbawal ng gobyerno ng Malawi ang gawain ng mga Saksi noong 1967. Inagaw ang pag-aari ng sangay sa Blantyre, ipinadeport ang mga misyonero, at ikinulong ang maraming Saksi, pati na kami ni Lidasi. Nang palayain kami, maingat naming ipinagpatuloy ang gawaing paglalakbay.

Minsan noong Oktubre 1972, mga 100 miyembro ng kilusang Malawi Youth League ang sumugod sa bahay namin. Plano nilang patayin ako. Pero bago pa sila makarating, isang miyembro nila ang nagtimbre sa akin. Kaya sinabihan ko ang asawa’t mga anak ko na magtago sa kalapít na mga puno ng saging. Saka ako tumakbo at umakyat sa malaking puno ng mangga. Kitang-kita ko kung paano nila sinira ang bahay at lahat ng gamit namin.

Dahil ayaw makisali sa politika ng ating mga kapatid, sinunog ang mga bahay nila

Dahil sa tumitinding pag-uusig sa Malawi, libo-libo ang lumikas. Tumuloy ang pamilya ko sa isang refugee camp sa kanlurang Mozambique hanggang noong Hunyo 1974. Nang panahong iyon, inanyayahan kami ni Lidasi na maging special pioneer sa Dómue, Mozambique, malapit sa hangganan ng Malawi. Naglingkod kami doon hanggang 1975, nang makamit ng Mozambique ang kasarinlan nito sa Portugal. Kasama ang iba pang mga kapatid, pinabalik kami sa Malawi kung saan pinag-uusig pa rin ang mga Saksi.

Pagbalik sa Malawi, inatasan akong dumalaw sa mga kongregasyon sa kabiserang lunsod na Lilongwe. Kahit may pag-uusig at mahirap ang kalagayan, dumami ang mga kongregasyon sa mga sirkitong pinaglilingkuran namin.

SINUPORTAHAN KAMI NI JEHOVA

Minsan, pagdating namin sa isang nayon, nagmimiting pala roon ang isang partido sa politika. Nalaman ng ilan sa mga tagasuporta nito na mga Saksi ni Jehova kami, kaya pilit nila kaming pinaupo sa tabi ng mga miyembro ng kilusang Malawi Young Pioneers. Marubdob kaming nanalangin kay Jehova na tulungan kami. Pagkatapos ng miting, binugbog nila kami. Isang matandang babae ang tumakbo papunta sa amin at sumigaw: “Parang awa n’yo na, tigilan n’yo na sila! Pamangkin ko siya. Hayaan n’yo na siya!” Sinabi ng nangangasiwa sa miting: “Sige, pakawalan n’yo na sila!” Hindi namin alam kung bakit ginawa iyon ng matandang babae dahil hindi naman namin siya kamag-anak.  Naniniwala kami na dininig ni Jehova ang panalangin namin.

Political party card

Noong 1981, napaharap na naman kami sa ilang miyembro ng Malawi Young Pioneers. Kinuha nila ang aming mga bisikleta, bagahe, karton ng mga libro, at mga file ng sirkito. Tumakas kami papunta sa bahay ng isang elder. Nanalangin ulit kami. Nag-aalala kami kasi baka kung ano ang gawin nila sa impormasyong nasa mga file. Nang tingnan nila ang mga file, nakita nila ang mga liham mula sa iba’t ibang panig ng Malawi na nakapangalan sa akin. Natakot sila. Akala kasi nila opisyal ako ng gobyerno. Kaya ibinalik nila agad sa mga elder ang mga kinuha nila—walang labis, walang kulang.

Minsan naman, tatawid kami sa ilog sakay ng bangka. Political chairman ng lugar na iyon ang may-ari ng bangka, kaya hinanapan niya ng political party card ang lahat ng pasahero. Nang papalapit na siya sa amin, namukhaan niya ang isang magnanakaw na pinaghahanap ng mga awtoridad. Nagkagulo sa bangka, kaya hindi na kami hinanapan ng party card. Muli naming nadama ang pag-ibig at suporta ni Jehova.

INARESTO AT IBINILANGGO

Noong Pebrero 1984, habang papunta ako sa Lilongwe dala ang mga report para sa tanggapang pansangay sa Zambia, hinarang ako ng isang pulis. Hinalughog niya ang bag ko. May nakita siyang mga literatura sa Bibliya, kaya dinala niya ako sa presinto at binugbog. Pagkatapos, iginapos niya ako ng lubid at ikinulong kasama ng mga magnanakaw.

Kinabukasan, dinala ako ng hepe sa ibang silid. Gumawa siya ng isang sulat na nagsasabi: “Ako, si Trophim R. Nsomba, ay tumatalikod na sa pagiging Saksi ni Jehova para makalaya.” Sumagot ako: “Hindi lang ako handang magapos, handa rin akong mamatay. Saksi ni Jehova pa rin ako.” Hindi ako pumirma. Nagalit ang hepe at sinuntok nang pagkalakas-lakas ang mesa. Sa sobrang lakas, napatakbo ang pulis na nasa kabilang kuwarto para tingnan kung ano ang nangyari. Sinabi sa kaniya ng hepe: “Ayaw pirmahan ng lalaking ito ang sulat na nagsasabing hindi na siya mangangaral. Kaya papirmahin n’yo ’yan sa isang dokumento na nagsasabing Saksi ni Jehova siya at ipakulong natin siya sa Lilongwe.” Walang kaalam-alam ang mahal kong asawa sa nangyayari sa akin. Pagkaraan ng apat na araw, naibalita sa kaniya ng ilang kapatid kung nasaan ako.

Mabait sa akin ang mga pulis sa presinto sa Lilongwe. Sinabi ng hepe: “Heto ang isang plato ng kanin. Nakulong ka naman kasi dahil sa Salita ng Diyos. Ang iba rito, mga magnanakaw.” Pagkatapos, inilipat ako sa Kachere Prison. Limang buwan ako roon.

Natuwa ang warden doon sa pagdating ko. Gusto niya akong gawing “pastor” ng bilangguan. Tinanggal niya ang pastor doon at sinabi rito: “Ayoko nang magturo ka ng Salita ng Diyos dito, kasi ninakawan  mo ang simbahan n’yo kaya ka nabilanggo!” Kaya ako ang pinagturo ng Bibliya sa mga preso linggo-linggo.

Pero nang maglaon, nagbago ang kalagayan. Pinagtatanong ako ng mga opisyal ng bilangguan para alamin kung ilan ang Saksi sa Malawi. Nang hindi nila makuha ang gusto nilang impormasyon, binugbog nila ako hanggang sa mawalan ng malay. Sa isa namang pagkakataon, gusto nilang malaman kung nasaan ang punong-tanggapan natin. Ang sabi ko, “Madali lang sagutin ’yan.” Natuwa ang mga pulis at inihanda ang tape recorder. Sinabi ko na ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay mababasa sa Bibliya. Nagulat sila at nagtanong, “Saan sa Bibliya?”

“Sa Isaias 43:12,” ang sagot ko. Hinanap nila ang teksto at dahan-dahang binasa: “‘Kayo ang aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’” Tatlong beses nilang binasa iyon. Pagkatapos, nagtanong sila: “Paano nangyaring nasa Bibliya ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova at wala sa Amerika?” Ang sabi ko naman: “Kahit mga Saksi ni Jehova sa Amerika, naniniwala na makikita sa tekstong ’yan kung nasaan ang punong-tanggapan.” Dahil hindi ko ibinibigay ang sagot na gusto nila, inilipat ako sa Dzaleka Prison, hilaga ng Lilongwe.

PINAGPALA MAGING SA MALILIGALIG NA PANAHON

Pagdating ko sa Dzaleka Prison noong Hulyo 1984, may 81 Saksi roon. Nagsisiksikan doon ang 300 preso at tabi-tabi sa sahig kung matulog. Unti-unti, kaming mga Saksi ay nakabuo ng maliliit na grupo para pag-usapan ang isang teksto bawat araw. Talagang napatibay kami nito.

Nang maglaon, ibinukod kami ng warden sa iba pang preso. Palihim na sinabi sa amin ng isang guwardiya: “Hindi galít sa inyo ang gobyerno. May dalawang rason kaya namin kayo ikinulong: Natatakot ang gobyerno na baka mapatay kayo ng mga Young Pioneer, at dahil nangangaral kayo na may darating na digmaan, nag-aalala ang gobyerno na baka pagdating ng sinasabi ninyong digmaan, nagsiurong na ang mga sundalo nila.”

Mga brother, matapos ang paglilitis sa kanila

Noong Oktubre 1984, iniharap kaming lahat sa korte at sinentensiyahan ng dalawang-taóng pagkabilanggo. Gaya ng dati, isinama kami sa mga di-Saksi. Pero sinabihan ng warden ang lahat ng bilanggo: “Hindi naninigarilyo ang mga Saksi ni Jehova. Kaya kayong mga guwardiya, huwag n’yo silang hihingan ng sigarilyo at huwag n’yo silang uutusang kumuha ng baga na pansindi ng sigarilyo n’yo. Mga lingkod sila ng Diyos! Lahat ng Saksi ni Jehova ay dapat bigyan ng pagkain dalawang beses sa isang araw dahil hindi naman sila kriminal. Nakulong lang sila dahil sa paniniwala nila sa Bibliya.”

May iba pang positibong resulta ang magandang reputasyon namin. Kapag madilim o umuulan, hindi pinapayagan ang mga preso na pumunta kung saan-saan. Pero kami, puwedeng lumabas ng gusali kahit kailan namin gusto. Alam nilang hindi kami  tatakas. Minsan nga nang sumamâ ang pakiramdam ng guwardiyang nagbabantay sa amin habang nagtatrabaho kami sa labas, binuhat namin siya pabalik sa compound ng bilangguan para magamot. Pinagkakatiwalaan kami ng mga opisyal ng bilangguan. Dahil sa mainam na paggawi namin, niluluwalhati ng mga nagbilanggo sa amin ang pangalan ni Jehova, at isa itong pagpapala.—1 Ped. 2:12. *

ISA NA NAMANG KAAYAAYANG PANAHON

Noong Mayo 11, 1985, nakalaya ako sa Dzaleka Prison. Napakasayang makapiling muli ang pamilya ko! Nagpapasalamat kami kay Jehova dahil tinulungan niya kaming makapanatiling tapat sa napakaligalig na mga panahong iyon. Naramdaman namin ang gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Hindi namin nais na wala kayong alam, mga kapatid, tungkol sa kapighatian na nangyari sa amin . . . Lubha kaming walang katiyakan maging sa aming mga buhay. Sa katunayan, aming nadama sa loob namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan. Ito ay upang magtiwala kami, hindi sa aming sarili, kundi sa Diyos na nagbabangon ng mga patay. Mula sa gayon kalaking bagay na gaya ng kamatayan ay sinagip nga niya kami.”—2 Cor. 1:8-10.

Si Brother Nsomba at ang asawa niyang si Lidasi, sa harap ng isang Kingdom Hall, 2004

May mga panahon talaga na akala namin, mamamatay na kami. Pero lagi kaming nananalangin kay Jehova na bigyan kami ng lakas ng loob at karunungan para makapanatili kaming mapagpakumbaba at sa gayon ay patuloy na maluwalhati ang kaniyang dakilang pangalan.

Pinagpala kami ni Jehova sa paglilingkod sa kaniya, sa kaayaaya at sa maliligalig na panahon. Napakasaya para sa amin na makita ang tanggapang pansangay sa Lilongwe na naitayo noong taóng 2000, pati na ang pagtatayo ng mahigit 1,000 Kingdom Hall sa buong Malawi! Napakalaking espirituwal na kayamanan ang mga pagpapalang ito mula kay Jehova, kaya para sa amin ni Lidasi, parang panaginip lang ito! *

^ par. 7 Hindi na inaatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito ang mga brother na may menor-de-edad na anak.

^ par. 30 Para sa higit na impormasyon tungkol sa pag-uusig sa Malawi, tingnan ang 1999 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 171-223.

^ par. 34 Habang inihahanda ang artikulong ito para ilathala, si Brother Nsomba ay namatay sa edad na 83.