Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) MARSO 2015

 TALAMBUHAY

Nasumpungan Namin ang Mas Makabuluhang Karera

Nasumpungan Namin ang Mas Makabuluhang Karera

NOONG limang taóng gulang kami ni Gwen, nag-aral kaming sumayaw. Hindi pa kami magkakilala noon. Pero habang lumalaki kami, pareho kaming nagpasiya na gawing karera ang ballet. Nang halos nasa rurok na kami ng aming propesyon, tinalikuran namin ito. Bakit?

David: Ipinanganak ako noong 1945 sa lalawigan ng Shropshire, England. May farm ang tatay ko sa isang tahimik na probinsiya. Pag-uwi ko galing sa eskuwelahan, gustong-gusto kong magpakain ng mga manok, manguha ng itlog, at mag-alaga ng mga baka at tupa. Kapag bakasyon naman, tumutulong ako sa pag-aani at nagmamaneho ng mga traktora namin kung minsan.

Pero may isa pa akong hilig na naging bahagi ng buhay ko. Napansin ng tatay ko na noong maliit pa ako, napapasayaw ako sa tuwing makakarinig ako ng tugtog. Kaya noong limang taóng gulang ako, sinabi niya kay Inay na ipasok ako sa isang eskuwelahan sa pagsasayaw para matuto ako ng tap dancing. Nakita ng titser ko ang potensiyal kong maging ballet dancer at sinanay niya ako. Sa edad na 15, nanalo ako ng scholarship sa kilaláng Royal Ballet School sa London. Doon ko nakilala si Gwen na naging kapartner ko sa pagsasayaw.

Gwen: Ipinanganak ako sa mataong lunsod ng London noong 1944. Bata pa lang, may pananampalataya na ako sa Diyos. Sinubukan kong basahin ang Bibliya pero hindi ko ito maintindihan. Sa edad na limang taon, nag-aral ako ng pagsasayaw. Makalipas ang anim na taon, nanalo ako sa isang kompetisyon na sinalihan ng mga mananayaw sa buong Britanya. Bilang premyo, nakapasok ako sa junior section ng The Royal Ballet School sa White Lodge, isang napakagandang Georgian mansion sa Richmond Park sa labas ng London. Doon ako nag-aral at sinanay ng mga tinitingalang guro ng ballet. Sa edad na 16, naging senior student ako sa The Royal Ballet School sa sentro ng London, at do’n ko nakilala si David. Sa loob lang ng ilang buwan, magkasama na kaming sumasayaw sa mga eksena ng opera sa Royal Opera House sa Covent Garden, London.

Nalibot namin ang buong mundo dahil sa aming karera sa ballet

David: Oo, gaya ng sabi ni Gwen, naranasan naming magsayaw sa kilaláng Royal Opera House at makasama sa London Festival Ballet (ngayon ay English National Ballet). Isa sa mga choreographer ng Royal Ballet ang nagtayo ng isang internasyonal na kompanya sa Wuppertal, Germany, at napili niya kami ni Gwen na maging mga soloistang mananayaw. Sa aming propesyon, nagtanghal kami sa mga teatro sa iba’t ibang bansa, kasama ng mga sikát na mananayaw gaya nina Dame Margot Fonteyn at Rudolf Nureyev. Sa ganitong buhay na puro kompetisyon, ang isa ay nagiging makasarili. Kaya masyado kaming naging tutók sa aming propesyon.

 Gwen: Nasa pagsasayaw ang aking buong isip at katawan. Ambisyon namin ni David na maging pinakasikat na mga mananayaw. Tuwang-tuwa akong pumirma ng autograph, tumanggap ng bulaklak, at mapalakpakan ng mga manonood. Sa industriyang ito, napalilibutan ako ng mga taong imoral, naninigarilyo, at naglalasing. Gaya ng iba pa sa propesyong ito, umasa ako sa anting-anting.

NAGBAGO NANG HUSTO ANG BUHAY NAMIN

Noong ikasal kami

David: Pagkatapos ng maraming taon sa propesyong ito, nagsawa ako sa kabibiyahe. Dahil sa farm ako lumaki, hinanap-hanap ko ang simpleng buhay sa probinsiya. Kaya noong 1967, iniwan ko ang karera ko at nagtrabaho sa isang malaking farm malapit sa bahay ng mga magulang ko. Pinarentahan sa akin ng may-ari nito ang isang maliit na bahay. Pagkatapos, tinawagan ko si Gwen sa teatro at niyayang magpakasal. Nahirapan siyang magdesisyon kasi ginawa na siyang soloistang mananayaw at gumaganda ang kaniyang karera. Pero nagpakasal pa rin siya sa ’kin at sumama sa probinsiya namin kahit hindi siya sanáy roon.

Gwen: Oo, nahirapan akong pakibagayan ang buhay sa farm. Noon ko lang naranasan ang paggagatas ng baka, pagpapakain ng baboy at manok anuman ang lagay ng panahon. Pumasok si David sa siyam-na-buwang kurso sa pag-aalaga ng mga hayop para matutuhan ang pinakabagong mga paraan. Gabi na ang uwi niya at malungkot ako hangga’t hindi pa siya dumarating. Ipinanganak na noon ang panganay naming si Gilly. Sinabi sa ’kin ni David na mag-aral akong magmaneho, at isang araw, nang pumunta ako sa kalapit na bayan, nakita ko si Gael. Nakilala ko na siya noong nagtatrabaho siya sa isang tindahan.

Buhay sa farm noong bagong kasal kami

Niyaya ako ni Gael na magtsaa sa bahay nila. Tiningnan namin ang mga litrato ng kasal niya, at may nakita akong kuha ng isang grupo sa labas ng tinatawag nilang Kingdom Hall. Tinanong ko siya kung anong simbahan ’yon. Nagulat ako nang sabihin niyang mga Saksi ni Jehova silang mag-asawa. Naalala kong Saksi nga rin pala ang isa kong mabait na tiyahin. Pero naalala ko rin kung gaano katindi ang galit ng tatay ko sa kaniya. Itinatapon pa nga niya no’n ang mga publikasyon ng tiyahin ko. Nagtaka nga ako kung bakit gano’n na lang ang galit sa kaniya ni Itay, na likas namang mapagmahal.

Sa wakas, nagkaroon ako ng pagkakataong malaman kung bakit iba ang mga paniniwala ng tiyahin ko kumpara sa mga turo ng simbahan. Ipinakita sa akin ni Gael kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Nagulat ako dahil marami palang doktrina, gaya ng Trinidad at imortalidad ng kaluluwa, na salungat  sa itinuturo ng Kasulatan. (Ecles. 9:5, 10; Juan 14:28; 17:3) Nakita ko rin sa Bibliya ang pangalan ng Diyos, Jehova, sa kauna-unahang pagkakataon.—Ex. 6:3.

David: Sinabi sa akin ni Gwen ang mga natututuhan niya. Naalaala ko ang sabi ni Itay noong bata pa ako na dapat kong basahin ang Bibliya. Kaya pumayag kami ni Gwen na makipag-aral ng Bibliya kay Gael at sa mister niyang si Derrick. Makaraan ang anim na buwan, lumipat kami sa Oswestry sa Shropshire, dahil do’n kami nabigyan ng pagkakataong umupa ng maliit na farm. Isang Saksing tagaroon, si Deirdre, ang matiyagang nagtuloy ng pagtuturo sa amin ng Bibliya. Mabagal ang pagsulong namin no’ng una. Masyado kasi kaming abala sa pag-aalaga ng mga hayop. Pero unti-unti ring nagkaugat ang katotohanan sa puso namin.

Gwen: Naging malaking hamon sa akin kung paano ko aalisin ang paniniwala sa mga pamahiin. Natulungan ako ng Isaias 65:11 na makita ang pangmalas ni Jehova sa “mga nag-aayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte.” Hindi ko agad naitapon ang lahat ng anting-anting at agimat ko. Kinailangan kong manalangin nang ilang ulit para magawa iyon. Nang mabasa ko na “sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas,” nalaman ko kung anong uri ng tao ang hinahanap ni Jehova. (Mat. 23:12) Gusto kong paglingkuran ang isang Diyos na dahil sa pagmamalasakit sa atin ay isinakripisyo ang kaniyang pinakamamahal na Anak bilang pantubos. Nasundan na noon ang panganay namin, at nakakatuwang malaman na puwedeng mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa ang pamilya namin.

David: Nang maintindihan ko ang kamangha-manghang katuparan ng mga hula sa Bibliya, gaya ng nasa Mateo kabanata 24 at aklat ng Daniel, nakumbinsi akong ito na ang katotohanan. Napag-isip-isip kong sa sistemang ito ng mga bagay, walang maitutumbas sa magandang kaugnayan kay Jehova. Kaya sa paglipas ng panahon, nabawasan ang pagkaambisyoso ko. Naunawaan kong hindi lang kapakanan ko ang mahalaga kundi pati ang sa aking asawa’t mga anak. Nakumbinsi ako ng Filipos 2:4 na hindi ko dapat palaging isipin ang sarili ko at ang pangarap na magkaroon ng mas malaking farm. Sa halip, dapat kong unahin ang paglilingkod kay Jehova. Itinigil ko na ang paninigarilyo. Pero hindi naging madali ang pagdalo sa pulong tuwing Sabado ng gabi na 10 kilometro ang layo sa amin. Mga gano’ng oras kasi namin ginagatasan ang mga baka. Pero sa tulong ni Gwen, kahit minsan ay hindi kami pumalya sa mga pulong; ni pumalya mang isama ang mga anak namin sa ministeryo tuwing Linggo ng umaga—matapos gatasan ang mga baka.

Hindi nagustuhan ng aming mga kamag-anak ang mga pagbabagong ginawa namin. Anim na taóng hindi kinausap si Gwen ng tatay niya. Pinigilan din kami ng mga magulang ko na makisama sa mga Saksi.

Gwen: Tinulungan kami ni Jehova na makayanan ang mga hamong ’yon. Sa paglipas ng panahon, naging pamilya na namin ang mga kapatid sa  Oswestry Congregation at maibigin nila kaming inalalayan sa panahon ng pagsubok. (Luc. 18:29, 30) Inialay namin ang aming buhay kay Jehova at nabautismuhan kami noong 1972. Gusto kong makatulong sa marami na malaman ang katotohanan, kaya nagpayunir ako.

MAS MAKABULUHANG KARERA

David: Nakakapagod ang trabaho sa farm; pero sinikap pa rin naming magpakita ng mabuting halimbawa sa mga anak namin pagdating sa pagsamba kay Jehova. Nang maglaon, dahil sa pagbabawas sa badyet ng gobyerno, napilitan kaming bitiwan ang aming farm. Dahil wala kaming bahay o hanapbuhay, at iisang taon pa lang ang bunso namin, nanalangin kami at humingi ng tulong kay Jehova. Ipinasiya naming gamitin ang aming talento at nagbukas kami ng dance studio para masuportahan ang pamilya namin. Nagbunga ang determinasyon naming unahin ang pagsamba kay Jehova. Tuwang-tuwa kami nang magpayunir ang tatlo naming anak pagkatapos ng kanilang pag-aaral. Payunir din si Gwen, kaya araw-araw niyang naaalalayan ang mga anak namin.

Nang mag-asawa ang mga anak naming sina Gilly at Denise, isinara na namin ang dance studio. Sumulat kami sa tanggapang pansangay para alamin kung saan kami puwedeng makatulong. Pinapunta nila kami sa mga bayan sa timog-silangan ng England. Dahil si Debbie na lang ang anak naming kasama sa bahay, nagpayunir na rin ako. Makaraan ang limang taon, pinapunta naman kami sa gawing hilaga para tumulong sa mga kongregasyon doon. Nang mag-asawa si Debbie, nagkapribilehiyo kaming maglingkod nang sampung taon sa programa ng internasyonal na pagtatayo sa Zimbabwe, Moldova, Hungary, at Côte d’Ivoire. Pagkatapos, bumalik kami sa England para tumulong sa konstruksiyon sa Bethel sa London. Dahil may karanasan ako sa pag-aalaga ng mga hayop, inatasan akong tumulong sa Bethel farm na ginagamit pa noon. Sa ngayon, nagpapayunir kami sa hilagang-kanluran ng England.

Masayang-masaya kami sa paglilingkod sa mga internasyonal na proyekto ng pagtatayo

Gwen: Ang una naming karera—ang ballet—ay kasiya-siya pero pansamantala lang. Ang ikalawa at pinakamahalaga naming karera—ang paglilingkod kay Jehova—ay nagbigay sa amin ng napakalaking kagalakan at panghabang-panahon. Magkapartner pa rin kami ngayon, pero sa halip na gamitin ang mga paa sa pagsasayaw, ginagamit namin ito sa pangangaral. Masayang-masaya kami sa pagtulong sa marami na matuto ng mahalaga at nagliligtas-buhay na katotohanan. Ang ganitong “mga liham ng rekomendasyon” ay mas mabuti kaysa sa anumang katanyagan sa daigdig. (2 Cor. 3:1, 2) Kung hindi namin nasumpungan ang katotohanan, ang nasa amin lang ngayon ay mga alaala, lumang litrato, at kopya ng mga programa sa teatro mula sa dati naming karera.

David: Dahil sa paglilingkod namin kay Jehova, nagbago nang husto ang aming buhay. Tinulungan ako nitong maging mas mabuting asawa at ama. Sinasabi ng Bibliya na ipinakita nina Miriam, Haring David, at iba pa ang kanilang kagalakan sa pamamagitan ng pagsasayaw. At sa bagong sanlibutan ni Jehova, kami, kasama ang iba pa, ay nananabik sumayaw dahil sa kagalakan.—Ex. 15:20; 2 Sam. 6:14.

Higit Pang Impormasyon

Ginawa Kong Karera ang Paglilingkod kay Jehova

Dalawang buwan bago maging architectural engineer, nagbago si Bill Walden ng karera sa buhay. Basahin kung paano binago ng pinili niyang buong-panahong paglilingkod sa Diyos ang kaniyang buhay.

Ang Paniniwala ng Isang Classical Pianist

Musika mismo ang naging dahilan para maniwala sa Maylalang ang dating ateistang ito. Paano siya nakumbinsi na ang Bibliya ay mula sa Diyos?