Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) OKTUBRE 2014

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Taiwan

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Taiwan

MGA limang taon na ang nakalilipas, sina Choong Keon at Julie, isang mag-asawang mga edad 35 na ngayon, ay naglilingkod bilang mga regular pioneer sa Sydney, Australia. “Nagtatrabaho kami nang part-time at maalwan ang buhay namin,” ang kuwento ni Choong Keon. “Maganda ang klima sa lugar namin at relaks ang buhay. Malapit lang ang pamilya namin at mga kaibigan.” Pero may bumabagabag kina Choong Keon at Julie. Ano iyon? Alam nilang nasa kalagayan silang maglingkod pa nang higit, pero takót silang gumawa ng mga pagbabago.

Pagkatapos, sa isang kombensiyon noong 2009, isang pahayag ang tumatak sa isip nila. Para sa mga nasa kalagayang magpalawak ng kanilang ministeryo, sinabi ng tagapagsalita: “Pag-isipan ito: Maililiko lang ng drayber ang kaniyang sasakyan pakaliwa o pakanan kung tumatakbo na ito. Sa katulad na paraan, magagabayan lang tayo ni Jesus sa pagpapalawak ng ating ministeryo kung kumikilos na tayo—kung talagang nagsisikap tayong abutin ang ating tunguhin.” * Pakiramdam ng mag-asawa, sila ang kinakausap ng tagapagsalita. Sa kombensiyon ding iyon, isang mag-asawang misyonero sa Taiwan ang ininterbyu. Ikinuwento nila ang kanilang kagalakan sa ministeryo at sinabing malaki pa ang pangangailangan doon. Pakiramdam uli nina Choong Keon at Julie, para sa kanila ang mga salitang iyon.

“Pagkatapos ng kombensiyong iyon,” ang sabi ni Julie, “nanalangin kami kay Jehova na bigyan kami ng lakas ng loob na kumilos para makalipat sa Taiwan.” Sinabi pa niya: “Pero takót kami. Parang tatalon kami sa malalim na swimming pool sa unang pagkakataon.” Ang isang teksto na nakatulong sa kanila para tumalon, wika nga, ay ang Eclesiastes 11:4: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng  binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” Sinabi ni Choong Keon: “Nagpasiya kaming tumigil na sa ‘pagbabantay at pagtingin’ at simulan na ang ‘paghahasik at paggapas.’ ” Nanalangin sila—nang maraming beses—nagbasa ng mga karanasan ng mga misyonero, nakipag-e-mail sa mga nakalipat na sa Taiwan, at ibinenta nila ang kanilang mga sasakyan at furniture. Makalipas ang tatlong buwan, nasa Taiwan na sila.

KALIGAYAHAN SA PANGANGARAL

Mahigit 100 brother at sister mula sa iba’t ibang bansa ang naglilingkod ngayon sa Taiwan, sa mga lugar na malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Galing sila sa Australia, Britain, Canada, France, Japan, Korea, Spain, at United States, at iba-iba ang kanilang edad, mula 21 hanggang 73. Kasama rito ang mahigit 50 sister na single. Ano ang nag-udyok sa masisigasig na brother at sister na ito para maglingkod sa ibang bansa? Alamin natin.

Laura

Si Laura, isang sister na single mula sa Canada, ay naglilingkod bilang payunir sa kanlurang bahagi ng Taiwan. Pero mga 10 taon bago nito, wala siyang ganang mangaral. Sinabi ni Laura, “Hindi ako gaanong naglilingkod sa larangan kaya hindi ko talaga nae-enjoy iyon.” Pagkatapos, niyaya siya ng kaniyang mga kaibigan sa Canada na mangaral sa Mexico nang isang buwan. “Iyon ang unang pagkakataon na nakapaglingkod ako nang marami-raming oras at hindi ko akalaing magugustuhan ko iyon!”

Napakilos ng magandang karanasang ito si Laura na lumipat sa isang kongregasyon sa Canada na banyaga ang wika. Nag-enrol siya sa isang klase sa pag-aaral ng wikang Chinese, naglingkod kasama ng Chinese group, at ginawa niyang tunguhin ang paglipat sa Taiwan, na natupad noong Setyembre 2008. “Mga isang taon din bago ako nakapag-adjust sa bagong kapaligiran,” ang kuwento ni Laura, “pero ngayon, parang ayoko nang bumalik sa Canada.” Ano ang masasabi niya tungkol sa pangangaral? “Napakasaya,” ang sagot niya. “Wala nang hihigit pa sa kasiyahang makita ang pagbabago ng mga Bible study  habang nakikilala nila si Jehova. Maraming beses kong nadama iyan dahil sa paglilingkod sa Taiwan.”

HAMON SA PAG-AARAL NG IBANG WIKA

Brian at Michelle

Sina Brian at Michelle, mag-asawang mga edad 35 mula sa United States, ay lumipat sa Taiwan mga walong taon na ang nakalilipas. Pakiramdam nila noong una, wala silang gaanong nagagawa sa ministeryo. Pero isang makaranasang misyonero ang nagsabi sa kanila: “Kahit nakapagbigay ka lang ng tract sa isang tao, malaki na ang nagawa mo sa ministeryo. Kasi malamang na iyon ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng mensahe tungkol kay Jehova.” Ang nakapagpapatibay na komentong iyan ang tumulong kina Brian at Michelle na huwag sumuko. Isa pang brother ang nagsabi: “Para hindi kayo masiraan ng loob, sukatin n’yo ang inyong pagsulong sa pag-aaral ng Chinese, hindi kada araw, kundi kada asamblea.” Sumulong sila at ngayo’y mahuhusay na payunir na.

Ano ang maaaring magpakilos sa iyo para mag-aral ng ibang wika? Subukang pumunta sa bansa kung saan mo gustong maglingkod. Dumalo sa mga pulong doon, makisama sa mga kapatid, at sumama sa kanila sa pangangaral. Sinabi ni Brian: “Kapag nakita mo kung gaano karami ang tumatanggap sa mensahe ng Kaharian at kung gaano kainit ang pagmamahal ng mga kapatid, mapapakilos kang harapin ang mga hamon ng paglilingkod sa ibang bansa.”

PAANO NAMAN ANG PAGHAHANAPBUHAY?

Kristin at Michelle

Ang ilang lumipat sa Taiwan ay nagtuturo ng Ingles para suportahan ang kanilang pagpapayunir. Ang mag-asawang sina Kristin at Michelle naman ay nagtitinda ng seafood. Sinabi ni Kristin, “Hindi ito ang linya ko, pero dahil sa trabahong ito, nakapanatili ako sa bansa.” Di-nagtagal, nagkaroon ng mga suki si Kristin. Ang part-time na trabahong ito ang sumusuporta sa kaniya at sa kaniyang maybahay, at may panahon sila para sa kanilang pangunahing gawain—ang pagpapayunir.

“I-ENJOY MO ANG BIYAHE”

Sina William at Jennifer, mag-asawang galing sa United States, ay mga pitong taon na sa Taiwan. “Ang pag-aaral ng wika, pagpapayunir, pag-aasikaso sa kongregasyon, at paghahanapbuhay ay nakakapagod kung minsan,” ang sabi ni William. Ano ang nakatulong sa kanila na magtagumpay at manatiling masaya? Sinisikap nilang magtakda ng realistikong mga tunguhin. Halimbawa, dahil hindi sila umaasa na mabilis silang matututo ng wikang Chinese, hindi sila nasisiraan ng loob kahit mabagal ang kanilang pagsulong.

William at Jennifer

Naaalala pa ni William ang sinabi sa kaniya ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, “I-enjoy mo ang biyahe, hindi lang ang destinasyon.” Ibig sabihin, matapos magtakda ng espirituwal na tunguhin, dapat nating i-enjoy ang mga hakbang na gagawin natin sa pag-abot sa tunguhing iyon. Ang pagsunod sa payong ito, ayon kay William, ang nakatulong sa kanilang mag-asawa na makibagay, makinig sa payo ng mga brother na nangunguna sa kongregasyon, at makapag-adjust para magtagumpay sa kanilang ministeryo sa bagong lugar. Idinagdag pa niya, “Nakatulong din ito sa amin na maglaan ng panahon para i-enjoy ang kagandahan ng isla kung saan kami naglilingkod.”

Gaya nina William at Jennifer, si Megan, isang payunir na single mula sa United States, ay ‘nag-e-enjoy sa biyahe’ habang sinisikap niyang abutin ang tunguhin niyang maging matatas sa pagsasalita ng Chinese. Tuwing weekend, sumasama siya sa isang grupo ng mamamahayag na nangangaral sa isang kakaibang teritoryo—ang daungan ng Kaohsiung na pinakamalaki sa Taiwan. Nakakapangaral si Megan sa mga nasa barko at sa mga mangingisda na galing sa Bangladesh, India, Indonesia, Pilipinas, Thailand, at Vanuatu. Ikinuwento niya: “Dahil hindi nagtatagal sa daungan ang mga mangingisda, sinisimulan  namin agad ang pag-aaral ng Bibliya. Para mas marami ang maturuan, madalas na apat o limang tao ang ini-study ko nang sabay-sabay.” Kumusta naman ang pag-aaral niya ng Chinese? Sinabi niya, “Gusto ko sanang mas mabilis pang matuto, pero iniisip ko palagi ang payo ng isang brother, ‘Gawin mo ang makakaya mo at si Jehova na ang bahala sa iyo.’ ”

Megan

LIGTAS, SIMPLE, AT EXCITING

Bago lumipat si Cathy, na taga-Britain, inalam muna niya kung saang bansa hindi delikado para sa mga sister na single. Nanalangin siya kay Jehova tungkol dito at sumulat sa ilang tanggapang pansangay para alamin ang mga posibleng panganib para sa mga sister na single. Matapos pag-aralang mabuti ang mga sagot sa kaniya, nakita niyang angkop na lugar ang Taiwan para sa kaniya.

Noong 2004, sa edad na 31, lumipat si Cathy sa Taiwan at namuhay siya nang simple. Ikinuwento niya: “Nagtanong ako sa mga kapatid kung saan mura ang mga prutas at gulay. Nakatulong ang mungkahi nila para makatipid ako.” Paano niya napapanatiling simple ang buhay niya? Sinabi ni Cathy: “Lagi akong nananalangin kay Jehova na tulungan akong makontento sa simpleng pagkain at pananamit. Nararamdaman kong sinasagot ni Jehova ang aking mga panalangin—itinuturo niya sa akin kung ano ang mga kailangan ko at tinutulungan niya akong huwag nang hanapin ang mga gusto ko lang.” Idinagdag pa niya: “Nae-enjoy ko ang simpleng buhay dahil nakakapagpokus ako sa espirituwal na mga gawain.”

Cathy

Pero hindi lang simple ang buhay ni Cathy, exciting din ito. Ipinaliwanag niya kung bakit: “Nakakapangaral ako sa lugar na marami ang tumatanggap sa mabuting balita. Talagang napakasaya!” Nang dumating siya sa Taiwan, dalawa pa lang ang kongregasyong Chinese sa lunsod kung saan siya nagsimulang magpayunir, pero ngayon ay pito na. Sinabi ni Cathy: “Exciting ang buhay ko araw-araw kasi nakikita ko mismo ang napakabilis na pagsulong at nakakabahagi ako sa pag-aani!”

“KAHIT AKO, KAILANGAN NILA!”

Ano ang nangyari kina Choong Keon at Julie, na nabanggit sa simula? Pakiramdam ni Choong Keon noong una, hindi siya gaanong nakakatulong sa kongregasyon dahil hindi siya masyadong marunong mag-Chinese. Pero kabaligtaran ang iniisip ng mga brother na tagaroon. “Nang mahati ang kongregasyon namin, binigyan ako ng maraming atas bilang ministeryal na lingkod,” ang sabi ni Choong Keon. “Noon ko naramdaman na naglilingkod nga ako kung saan malaki ang pangangailangan. Talagang napakalaki,” ang sabi niya sabay ngiti, “kasi kahit ako, kailangan nila!” Ngayon, naglilingkod na siya bilang elder. Idinagdag ni Julie: “Ngayon lang kami nakadama ng ganitong kasiyahan at kaligayahan. Pumunta kami rito para tumulong, pero pakiramdam namin, kami ang natulungan dahil sa magandang karanasang ito. Nagpapasalamat kami kay Jehova dahil pinahintulutan niya kaming maglingkod dito!”

Sa maraming lupain, malaki pa rin ang pangangailangan para sa mga manggagawa sa espirituwal na pag-aani. Matatapos ka na ba sa pag-aaral at iniisip kung ano ang gagawin mo sa iyong buhay? Kung single ka, gusto mo bang makatulong pa nang higit sa gawain ng organisasyon ni Jehova? Kung pamilyado ka naman, gusto mo bang magkaroon ng magagandang karanasan sa paglilingkod ang iyong pamilya? Retirado ka ba at may nakapagpapatibay na mga karanasang maibabahagi sa iba? Maraming pagpapala ang naghihintay sa iyo kung palalawakin mo ang iyong ministeryo at maglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.

^ par. 3 Tingnan ang aklat na ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos,’ kabanata 16, parapo 5-6.