Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) ABRIL 2014

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Noong panahon ng Bibliya, bakit pinupunit ng isang tao ang kaniyang kasuutan?

SA Kasulatan, may mga ulat na nagsasabing hinapak o pinunit ng isa ang kaniyang damit. Maaaring kakatwa ito sa ngayon, pero para sa mga Judio noon, pagpapakita ito ng matinding emosyon dahil sa pamimighati, kahihiyan, galit, o pagdadalamhati.

Halimbawa, “hinapak [ni Ruben] ang kaniyang mga kasuutan” nang malaman niyang hindi na niya maililigtas ang kapatid niyang si Jose dahil naipagbili na ito para maging alipin. Inakala ng kanilang amang si Jacob na nilapa ng mabangis na hayop si Jose kaya “hinapak [niya] ang kaniyang mga balabal.” (Gen. 37:18-35) Nang ibalita kay Job na namatay ang lahat ng kaniyang anak, “hinapak [niya] ang kaniyang damit.” (Job 1:18-20) Isang mensahero na “may hapak na mga kasuutan” ang nagbalita sa mataas na saserdoteng si Eli na natalo sa labanan ang mga Israelita, napatay ang dalawang anak ni Eli, at nabihag ang kaban ng tipan. (1 Sam. 4:12-17) Nang basahin kay Josias ang Kautusan at maunawaan niyang mali ang ginagawa ng kaniyang bayan, “hinapak [niya] ang kaniyang mga kasuutan.”2 Hari 22:8-13.

Noong nililitis si Jesus, ‘hinapak ng mataas na saserdoteng si Caifas ang kaniyang mga panlabas na kasuutan’ matapos niyang marinig ang inaakala niyang pamumusong ni Jesus. (Mat. 26:59-66) Ayon sa tradisyong rabiniko, dapat punitin ng isa ang kaniyang mga kasuutan kapag nakarinig siya ng pamumusong laban sa pangalan ng Diyos. Pero pagkatapos mawasak ang templo sa Jerusalem, isang opinyong rabiniko ang nagsabing ang “sinumang makarinig ng pamumusong laban sa Banal na Pangalan ay hindi na kailangang magpunit ng kaniyang mga kasuutan, dahil kung gagawin niya iyon, ang kaniyang mga kasuutan ay magiging basahan.”

Siyempre pa, kahit punitin ng isa ang kaniyang damit, wala itong saysay sa paningin ng Diyos kung hindi siya tunay na nagdadalamhati. Kaya naman sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan na ‘hapakin ang kanilang mga puso, at hindi ang kanilang mga kasuutan, at manumbalik sa kaniya.’Joel 2:13.