Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) OKTUBRE 2013

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Pilipinas

Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Pilipinas

MGA sampung taon na ang nakalilipas, ang mag-asawang Gregorio at Marilou, na parehong mahigit 30 anyos noon, ay mga payunir sa Maynila na nagtatrabaho nang full-time. Hindi madali iyon pero nakakaya nila. Na-promote si Marilou bilang manedyer sa bangkong pinagtatrabahuhan niya. “Ang ganda ng trabaho namin kaya maginhawa ang buhay namin,” ang sabi niya. Sa katunayan, dahil malaki ang kinikita nila, ipinasiya nilang ipatayo ang kanilang dream house sa isang magandang lokasyon na mga 19 na kilometro mula sa Maynila. Nakipagkontrata sila sa isang developer para itayo ang bahay na huhulugan nila buwan-buwan sa loob ng sampung taon.

“PAKIRAMDAM KO, NINANAKAWAN KO SI JEHOVA”

Sinabi ni Marilou: “Inuubos ng bagong trabaho ko ang aking panahon at lakas kaya naging matamlay ako sa espirituwal na mga bagay. Pakiramdam ko, ninanakawan ko si Jehova.” Ipinaliwanag niya: “Hindi ko na naibibigay kay Jehova ang panahong para sa kaniya.” Dahil hindi gusto nina Gregorio at Marilou ang pinatutunguhan ng kanilang buhay,  pinag-usapan nila ito. Sinabi ni Gregorio: “Gusto naming gumawa ng pagbabago pero hindi namin alam kung ano ang dapat gawin. Nag-usap kami kung paano namin lubusang magagamit ang aming buhay sa paglilingkod kay Jehova, lalo pa’t wala kaming anak. Nanalangin kami kay Jehova na tulungan kaming magpasiya.”

Noong panahong iyon, nakapakinig sila ng mga pahayag tungkol sa paglilingkod kung saan may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. “Ang mga pahayag na iyon ang sagot ni Jehova sa aming mga panalangin,” ang sabi ni Gregorio. Nanalangin ang mag-asawa na bigyan sila ng higit pang pananampalataya at lakas ng loob para gumawa ng tamang desisyon. Ang isang malaking hadlang ay ang kanilang ipinatatayong bahay. Tatlong taon na silang naghuhulog. Ano kaya ang gagawin nila? Sinabi ni Marilou: “Kung kakanselahin namin ang kontrata, hindi na namin mababawi ang ibinayad namin—na malaking halaga rin. Pero inisip namin na dapat unahin ang kalooban ni Jehova at hindi ang sarili naming kagustuhan.” Matapos isaalang-alang ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa ‘pagtanggap sa kawalan,’ kinansela nila ang kontrata, nagbitiw sa kanilang trabaho, ibinenta ang karamihan sa kanilang mga gamit, at lumipat sa isang liblib na nayon sa Palawan, mga 480 kilometro mula sa Maynila.—Fil. 3:8.

‘NATUTUHAN NILA ANG LIHIM’

Bago lumipat, sinubukang pasimplehin nina Gregorio at Marilou ang kanilang buhay, pero hindi nila akalain na napakasimple pala ng magiging buhay nila sa kanilang bagong teritoryo. “Na-shock kami,” ang sabi ni Marilou. “Walang kuryente, ang hirap. Sa halip na mag-on lang ng rice cooker, kailangan pa naming magsibak ng kahoy para makapagluto. Na-miss ko ang pagpunta sa mall, pagkain sa labas, at ang iba pang bagay sa siyudad.” Pero lagi nilang inaalala kung bakit sila lumipat, at di-nagtagal ay nakapag-adjust sila. Sinabi ni Marilou: “Nag-e-enjoy na ako ngayon sa pagmamasid sa kalikasan, pati na sa mga bituin sa gabi. Higit sa lahat, nakakatuwang makita ang masasayang mukha ng mga tao kapag nangangaral kami sa kanila. Dahil sa paglilingkod dito, ‘natutuhan namin ang lihim’ ng pagiging kontento.”—Fil. 4:12.

“Walang maitutumbas sa kasiyahang masaksihan ang espirituwal na pagsulong. Naging mas makabuluhan ang buhay namin.”—Gregorio at Marilou

Ikinuwento ni Gregorio: “Nang dumating kami rito, apat lang ang Saksi. Tuwang-tuwa sila nang magsimula akong magpahayag linggu-linggo at tumugtog ng gitara sa tuwing kakanta ng mga Kingdom song.” Sa loob ng isang taon, nasaksihan ng mag-asawa kung paano sumulong ang maliit na grupong iyon tungo sa isang kongregasyon na may 24 na mamamahayag. Sinabi ni Gregorio: “Damang-dama namin ang pag-ibig ng kongregasyon.” Pagkaraan ng mahigit anim-na-taóng paglilingkod sa liblib na lugar na iyon,  sinabi nila: “Walang maitutumbas sa kasiyahang masaksihan ang espirituwal na pagsulong. Naging mas makabuluhan ang buhay namin.”

“‘NATIKMAN KO AT NAKITA NA SI JEHOVA AY MABUTI’!”

Sa Pilipinas, halos 3,000 Saksi ang lumipat sa mga lugar na may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Mga 500 sa kanila ay mga sister na walang asawa. Kuning halimbawa si Karen.

Karen

Si Karen, na mga 25 anyos ngayon, ay lumaki sa Baggao, Cagayan. Tin-edyer pa lang siya, iniisip na niyang palawakin ang kaniyang ministeryo. Sinabi niya: “Alam kong maikli na ang panahon at kailangang marinig ng lahat ng uri ng tao ang mensahe ng Kaharian, kaya gusto kong maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan.” Bagaman hinimok siya ng ilang kapamilya na kumuha ng mataas na edukasyon sa halip na lumipat at mangaral sa liblib na lugar, nanalangin si Karen kay Jehova para humingi ng patnubay. Nakipag-usap din siya sa mga naglilingkod sa nakabukod na teritoryo. Sa edad na 18, lumipat siya sa isang liblib na lugar na mahigit 60 kilometro mula sa kanila.

Ang teritoryo ng maliit na kongregasyong sinuportahan ni Karen ay isang bulubunduking lugar sa kahabaan ng Karagatang Pasipiko. Naaalala ni Karen: “Para makarating sa bagong kongregasyon mula sa Baggao, naglakad kami nang tatlong araw sa kabundukan at mahigit 30 beses kaming tumawid ng mga ilog.” Sinabi pa niya: “Para mapuntahan ang ilang Bible study, naglalakad ako nang anim na oras, nakikitulog sa bahay ng Bible study ko, at kinabukasan ay maglalakad uli nang anim na oras pauwi.” Sulit ba ang mga pagsisikap niya? “Kung minsan, ang sakit-sakit ng mga binti ko, pero,” ang nakangiting sabi ni Karen, “umabot sa 18 ang Bible study ko. ‘Natikman ko at nakita na si Jehova ay mabuti’!”—Awit 34:8.

“NATUTO AKONG MAGTIWALA KAY JEHOVA”

Sukhi

Ano ang nag-udyok kay Sukhi, isang dalagang sister sa Estados Unidos na mahigit 40 anyos, para lumipat sa Pilipinas? Noong 2011, napakinggan niya sa isang pansirkitong asamblea ang interbyu sa isang mag-asawa. Ikinuwento nila kung paano nila ibinenta ang halos lahat ng kanilang gamit para makalipat at makapangaral sa Mexico. “Dahil sa interbyung iyon,” sinabi ni Sukhi, “napag-isipan ko ang mga tunguhing wala sa isip ko noon.” Nang malaman ni Sukhi, na lahing Indian, ang malaking pangangailangan sa Pilipinas para mangaral sa teritoryong Punjabi, ipinasiya niyang lumipat at tumulong doon. Napaharap ba siya sa mga hadlang?

“Ang hirap palang magpasiya kung alin ang ibebenta at kung alin ang hindi,” ang sabi ni Sukhi. “Isa pa, pagkatapos manirahan nang komportable sa sarili  kong apartment sa loob ng 13 taon, nakitira ako sa pamilya ko. Mahirap pero naihanda ako nito para sa simpleng buhay.” Ano ang mga naging hamon paglipat niya sa Pilipinas? “Ang pinakamalaking hamon sa akin ay ang phobia ko sa mga insekto at ang pagka-homesick. Natuto akong magtiwala kay Jehova nang higit pa!” Sulit ba ang mga pagsisikap niya? Nakangiting sinabi ni Sukhi: “Sabi ni Jehova, ‘Subukin ninyo ako, kung hindi ko ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala.’ Lalo kong napapatunayang totoo ang mga salitang ito kapag tinatanong ako ng may-bahay, ‘Kailan ka babalik? Marami pa akong itatanong.’ Tuwang-tuwa akong makatulong sa mga taong gutóm sa espirituwal!” (Mal. 3:10) Idinagdag pa ni Sukhi: “Sa totoo lang, ang pinakamahirap ay ang magdesisyong lumipat. Pero nang magawa ko na iyon, si Jehova na ang nagsaayos ng lahat.”

“NADAIG KO ANG AKING TAKOT”

Si Sime, isang may-asawang brother na malapit nang mag-40 anyos, ay umalis sa Pilipinas para magtrabaho sa isang bansa sa Gitnang Silangan. Habang naroon, napatibay siya ng isang tagapangasiwa ng sirkito at ng pahayag ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala na unahin sa kaniyang buhay si Jehova. “Pero takót akong iwan ang trabaho ko,” ang sabi ni Sime. Gayunman, nagbitiw siya sa trabaho at bumalik sa Pilipinas. Ngayon, si Sime at ang kaniyang asawang si Haidee ay naglilingkod sa Davao del Sur, sa timugang bahagi ng bansa kung saan malaki ang teritoryo at kailangan ang mga mamamahayag. Sinabi ni Sime, “Mabuti na lang at nadaig ko ang aking takot na mawalan ng trabaho at na inuna ko si Jehova. Wala nang hihigit pa sa pagbibigay kay Jehova ng ating buong makakaya!”

Sime at Haidee

“SULIT NA SULIT ITO!”

Sina Ramilo at Juliet ay mag-asawang payunir na parehong mahigit 30 anyos. Nang mabalitaan nilang nangangailangan ng tulong ang isang kongregasyon na mga 30 kilometro lang ang layo sa kanila, nagboluntaryo sila. Kaya linggu-linggo, umulan ma’t umaraw, nagmomotorsiklo sina Ramilo at Juliet para dumalo sa mga pulong at makibahagi sa pangangaral. Bagaman mahirap magbiyahe sa malulubak na kalsada at mga hanging bridge, masaya sila na napalawak nila ang kanilang ministeryo. Sinabi ni Ramilo: “May 11 kaming Bible study ng misis ko! Kailangan ang sakripisyo para makapaglingkod kung saan malaki ang pangangailangan, pero sulit na sulit ito!”—1 Cor. 15:58.

Juliet at Ramilo

Interesado ka bang maglingkod kung saan may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian sa inyong bansa o sa ibang bansa? Kung gayon, makipag-usap sa inyong tagapangasiwa ng sirkito, at basahin ang artikulong “Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?” sa Ating Ministeryo sa Kaharian, isyu ng Agosto 2011.

Higit Pang Impormasyon

Anong mga Paaralan ang Nagsasanay sa mga Payunir?

Anong pantanging pagsasanay ang ibinibigay sa mga payunir na nangangaral nang buong panahon tungkol sa Kaharian?