Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Setyembre 2013

Pinatitibay ng Pagpapayunir ang Kaugnayan Natin sa Diyos

Pinatitibay ng Pagpapayunir ang Kaugnayan Natin sa Diyos

“Mabuti ang umawit sa ating Diyos.”—AWIT 147:1.

1, 2. (a) Ano ang resulta kapag lagi nating iniisip ang isang mahal sa buhay at nagsasalita tayo tungkol sa kaniya? (Tingnan ang larawan sa pahinang ito.) (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

TUMITIBAY ang kaugnayan natin sa isang mahal sa buhay kapag lagi natin siyang iniisip at nagsasalita tayo tungkol sa kaniya. Totoo rin iyan pagdating sa kaugnayan natin sa Diyos na Jehova. Noong si David ay isang pastol, madalas siyang tumingin sa mga bituin sa langit at magbulay-bulay tungkol sa walang-katulad na Maylalang ng mga ito. Sumulat siya: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?” (Awit 8:3, 4) Matapos pag-isipan ni apostol Pablo ang kamangha-manghang katuparan ng layunin ni Jehova para sa espirituwal na Israel, sinabi niya: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!”—Roma 11:17-26, 33.

2 Habang nakikibahagi tayo sa ministeryo, iniisip natin si Jehova at nagsasalita tayo tungkol sa kaniya. Maganda ang epekto niyan. Sinasabi ng maraming nasa buong-panahong paglilingkod na lumalim ang pag-ibig nila sa Diyos dahil mas marami silang panahong ginugugol sa gawaing pang-Kaharian. Kung ikaw ay nasa buong-panahong paglilingkod o iyan ang tunguhin mo, pag-isipan ito: Paano mapatitibay ng buong-panahong ministeryo ang kaugnayan mo kay Jehova? Kung isa kang payunir, itanong sa sarili, ‘Ano ang makakatulong sa akin para makapagpatuloy sa kasiya-siyang larangang ito ng paglilingkod?’ Kung hindi ka pa payunir, itanong naman sa sarili, ‘Anong mga pagbabago ang puwede kong gawin para makapagpayunir?’ Talakayin natin ang ilang paraan kung paano pinatitibay ng buong-panahong paglilingkod ang kaugnayan natin sa Diyos.

 ANG PAGPAPAYUNIR AT ANG KAUGNAYAN NATIN SA DIYOS

3. Ano ang epekto sa atin ng pakikipag-usap tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap?

3 Mas napapalapit tayo kay Jehova habang nakikipag-usap tayo sa iba tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap. Anong teksto ang gustung-gusto mong gamitin kapag nagbabahay-bahay? Paborito mo ba ang Awit 37:10, 11; Daniel 2:44; Juan 5:28, 29; o Apocalipsis 21:3, 4? Sa tuwing magpapaliwanag tayo sa iba tungkol sa mga pangakong ito, napaaalalahanan tayo na ang ating bukas-palad na Diyos ang talagang tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo.’ Kaya naman mas napapalapit tayo sa kaniya.—Sant. 1:17.

4. Bakit higit nating napapahalagahan ang kabaitan ni Jehova kapag nakikita natin ang kaawa-awang kalagayan ng mga tao sa espirituwal?

4 Mas napapahalagahan natin ang katotohanan habang nakikita natin ang kaawa-awang kalagayan sa espirituwal ng mga taong pinangangaralan natin. Ang mga tao sa daigdig ay walang maaasahang patnubay para magtagumpay at lumigaya. Ang karamihan ay walang pag-asa at nag-aalala tungkol sa kinabukasan. Hindi nila alam kung paano magiging makabuluhan ang kanilang buhay. Karamihan sa mga taong relihiyoso ay walang gaanong alam sa Bibliya. Kagaya sila ng mga tao sa sinaunang Nineve. (Basahin ang Jonas 4:11.) Kapag mas madalas tayong gumagawa sa larangan, mas nakikita natin ang pagkakaiba ng espirituwal na kalagayan ng bayan ni Jehova at ng mga pinangangaralan natin. (Isa. 65:13) Napaaalalahanan tayo kung gaano kabait si Jehova dahil hindi lang ang kaniyang bayan ang pinaglalaanan niya sa espirituwal; binibigyan din niya ng pagkakataon ang iba na tumanggap ng kaaliwan at magkaroon ng tunay na pag-asa.—Apoc. 22:17.

5. Paano nakagagaan sa ating problema ang pagtulong sa iba sa espirituwal?

5 Naiiwasan nating labis na magpokus sa ating problema habang tinutulungan natin ang iba sa espirituwal. Napatunayan ito ng regular pioneer na si Trisha nang magdiborsiyo ang mga magulang niya. Sinabi niya: “Iyon ang isa sa pinakamasakit na karanasan ko sa buhay.” Noong minsang napakalungkot niya at ayaw niyang lumabas ng bahay, pinuntahan pa rin niya ang tatlong batang Bible study niya na mas magulo ang sitwasyon ng pamilya. Iniwan na sila ng tatay nila, at minamaltrato sila ng kanilang kuya. Sinabi ni Trisha: “Walang-wala ang problema ko sa mga pinagdadaanan nila. Habang nag-aaral kami, kitang-kita sa mga mata nila na masayang-masaya sila. Ang mga batang iyon ay regalo sa akin ni Jehova, lalo na nang araw na iyon.”

6, 7. (a) Paano tumitibay ang pananampalataya natin habang itinuturo natin sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya? (b) Ano ang epekto sa atin kapag nakikita nating nagbabago ang buhay ng mga Bible study dahil sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya?

6 Tumitibay ang ating pananampalataya habang nagtuturo tayo ng mga katotohanan sa Bibliya. Sinabi ni Pablo tungkol sa ilang Judio noon na hindi nagkakapit ng ipinangangaral nila: “Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?” (Roma 2:21) Hindi ganiyan ang mga payunir! Karaniwan na, marami silang pagkakataong magturo ng katotohanan at magdaos ng Bible study. Para maging epektibo sila, kailangan nilang maghanda para sa bawat pag-aaral at marahil mag-research para masagot ang mga itinatanong sa kanila. Sinabi ng payunir na si Janeen: “Sa tuwing magtuturo ako sa iba, mas tumitimo sa isip at puso ko ang katotohanan. Dahil dito, patuloy na lumalakas ang pananampalataya ko.”

7 Lumalalim ang ating pagpapahalaga sa karunungan ng Diyos kapag nakikita nating nagbabago ang buhay ng mga Bible study dahil sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. (Isa. 48:17, 18) Nakakatulong iyan para maging mas determinado tayong patuloy na ikapit ang mga simulaing iyon sa ating buhay. Sinabi ng payunir na si Adrianna: “Puwedeng mapariwara ang  buhay ng mga tao kapag umaasa sila sa sarili nilang karunungan. Pero kapag natutuhan nilang umasa sa karunungan ni Jehova, kaagad na may pagbabago sa buhay nila.” Sinabi naman ni Phil: “Nasasaksihan mo kung paano binabago ni Jehova ang mga tao na hindi kayang baguhin ang sarili nila.”

8. Ano ang epekto sa atin ng paggawa sa ministeryo kasama ng mga kapatid?

8 Napapatibay tayo habang naglilingkod sa ministeryo kasama ng mga kapatid. (Kaw. 13:20) Karamihan sa mga payunir ay gumugugol ng maraming panahon sa ministeryo kasama ng mga kapuwa ebanghelisador. Kaya naman mas marami silang pagkakataon para ‘makipagpalitan ng pampatibay-loob.’ (Roma 1:12; basahin ang Kawikaan 27:17.) Sinabi ng payunir na si Lisa: “Laging may kompetisyon at inggitan sa trabaho. Araw-araw, makakarinig ka ng tsismis at malaswang pananalita. Gagawin ng mga katrabaho ko ang kahit ano para maging angat sa iba. Kung minsan, iinsultuhin ka o tutuyain dahil sa iyong Kristiyanong paggawi. Pero kapag naglilingkod ka kasama ng mga kapatid, talagang mapapatibay ka. Pag-uwi ko sa gabi, ang sarap ng pakiramdam kahit pagód na pagód ako.”

9. Ano ang epekto sa pagsasama ng mag-asawa kapag pareho silang payunir?

9 Pinatitibay ng pagpapayunir ang pagsasama ng mag-asawa. (Ecles. 4:12) Sinabi ni Madeline na nagpapayunir kasama ng kaniyang asawa: “Pinag-uusapan naming mag-asawa ang nangyari sa maghapon sa ministeryo o ang nabasa namin sa Bibliya na magagamit sa larangan. Habang tumatagal kami sa pagpapayunir, mas napapalapit kami sa isa’t isa.” Sinabi naman ni Trisha: “Pareho kami ng mister ko na umiiwas sa utang, kaya hindi namin pinag-aawayan ang pera. Sabay ang iskedyul namin sa paglilingkod kaya madalas kaming magkasama sa mga return visit at Bible study, na  nakakatulong para maging mas malapít kami sa isa’t isa at kay Jehova.”

Makabuluhan at kasiya-siya ang buhay kapag nasa buong-panahong paglilingkod (Tingnan ang parapo 9)

10. Ano ang epekto sa ating pagtitiwala kay Jehova kapag inuuna natin ang Kaharian at nararanasan ang tulong niya?

10 Lalo tayong nagtitiwala kay Jehova habang inuuna natin ang Kaharian, nararanasan ang kaniyang suporta, at nakikitang sinasagot niya ang ating mga panalangin. Totoo naman iyan para sa lahat ng tapat na Kristiyano. Pero para sa mga nasa buong-panahong paglilingkod, nakakatulong sa kanila ang pagtitiwala kay Jehova para makapagpatuloy sa pagpapayunir. (Basahin ang Mateo 6:30-34.) Tinanggap ni Curt, na isang payunir at kahaliling tagapangasiwa ng sirkito, ang atas na dumalaw sa isang kongregasyon, kasama ang kaniyang maybahay na isa ring payunir. Dalawa at kalahating oras ang layo nito mula sa bahay nila. Sapat ang gasolina sa kotse nila papunta roon pero hindi na ito kasya pauwi, at isang linggo pa bago siya sumuweldo. Sinabi ni Curt, “Nagduda ako sa naging desisyon ko.” Matapos manalangin, napagpasiyahan nilang tumuloy pa rin at magtiwalang ilalaan ng Diyos ang kailangan nila. Nang paalis na sila, isang sister ang tumawag at nagsabing may regalo siya sa kanila—ang eksaktong halaga na kailangan nila para makapagpagasolina pauwi. Sinabi ni Curt, “Kapag may ganito kang mga karanasan, kitang-kita mo ang tulong ni Jehova.”

11. Ano ang ilang pagpapala na tinatanggap ng mga payunir?

11 Oo, madalas mapatunayan ng mga payunir na habang ginagawa nila ang kanilang buong makakaya sa paglilingkod kay Jehova at nagiging mas malapít sa kaniya, waring walang tigil ang dating ng mga pagpapala. (Deut. 28:2) Pero may mga hamon pa rin sa pagpapayunir. Walang lingkod ni Jehova ang ligtas sa mga problemang dulot ng paghihimagsik ni Adan. Kinailangan ng ibang payunir na pansamantalang huminto dahil sa ilang problema. Pero kadalasan na, puwedeng malunasan o maiwasan pa nga ang mga hamon. Ano ang makakatulong sa mga payunir na magpatuloy sa kanilang espesyal na pribilehiyo?

KUNG PAANO MAKAPAGPAPATULOY SA PAGPAPAYUNIR

12, 13. (a) Ano ang dapat gawin ng isang payunir kung nahihirapan siyang abutin ang kahilingang oras? (b) Bakit napakahalagang isama sa iskedyul ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw, personal na pag-aaral, at pagbubulay-bulay?

12 Karamihan sa mga payunir ay abalang-abala. Marami silang kailangang gawin kaya mahalagang maging organisado. (1 Cor. 14:33, 40) Kung ang isang payunir ay nahihirapang maabot ang kahilingang oras, baka kailangan niyang suriin kung paano niya ginagamit ang kaniyang panahon. (Efe. 5:15, 16) Maaari niyang itanong sa sarili: ‘Napakaraming oras ba ang nauubos ko sa paglilibang? Kailangan ko bang maging disiplinado para hindi maaksaya ang panahon ko sa mga bagay na di-mahalaga? Puwede ko bang i-adjust ang iskedyul ko sa trabaho?’ Kailangang pag-isipan ito ng mga payunir paminsan-minsan at gumawa ng mga pagbabago kung kailangan.

13 Ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw, personal na pag-aaral, at pagbubulay-bulay ay dapat na kasama sa iskedyul ng mga payunir. Kaya naman kailangang maging disiplinado ang isang payunir para hindi maubos ang panahong nakalaan sa mahahalagang bagay sa mga aktibidad na di-gaanong mahalaga. (Fil. 1:10) Ipagpalagay na isang payunir ang umuwi pagkatapos ng maghapong paglilingkod. Plano niyang gamitin ang gabing iyon para sa paghahanda sa pulong. Pero nagbasa muna siya ng mga sulat. Pagkatapos, binuksan niya ang computer, nagbasa ng mga e-mail, at sinagot ang mga ito. Habang nag-i-Internet, nagpunta siya sa isang Web site para tingnan kung bumaba na ang presyo ng isang bagay na balak niyang bilhin. Hindi niya namalayan na nakadalawang oras na siya pero hindi pa siya nakapag-aaral gaya ng plano niya. Bakit problema ito para sa payunir na iyon? Kailangang alagaan ng mga atleta ang kanilang katawan  para tumagal sila sa kanilang propesyon. Sa katulad na paraan, kailangan ng mga payunir ng mabuting iskedyul ng personal na pag-aaral para tumibay sila sa espirituwal at makapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod.—1 Tim. 4:16.

14, 15. (a) Bakit dapat panatilihing simple ng mga payunir ang kanilang buhay? (b) Sakaling mapaharap sa mga problema ang isang payunir, ano ang dapat niyang gawin?

14 Pinananatiling simple ng matatagal nang payunir ang kanilang buhay. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magkaroon ng simpleng mata. (Mat. 6:22) Siya mismo ay namuhay nang simple para magampanan ang kaniyang ministeryo nang walang abala. Kaya naman nasabi niya: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Mat. 8:20) Bilang pagtulad sa halimbawa ni Jesus, tinatandaan ng mga payunir na miyentras marami silang pag-aari, mas marami silang kailangang mantinihin, ayusin, o palitan.

15 Alam ng mga payunir na kahit espesyal ang kanilang pribilehiyo, hindi sila nakahihigit sa iba. Sa halip, itinuturing nilang regalo mula kay Jehova ang kanilang pribilehiyo. Kaya naman umaasa sila sa tulong ni Jehova para makapagpatuloy sa pagpapayunir. (Fil. 4:13) Tiyak na babangon ang mga hamon at problema. (Awit 34:19) Sakaling mangyari iyan, dapat hingin ng mga payunir ang patnubay ni Jehova at hayaan siyang tulungan sila, sa halip na huminto agad sa pagpapayunir. (Basahin ang Awit 37:5.) Habang nararanasan nila ang tulong ng Diyos, higit silang napapalapit sa kanilang maibiging Ama sa langit.—Isa. 41:10.

MAKAPAGPAPAYUNIR KA RIN BA?

16. Kung gusto mong magpayunir, ano ang dapat mong gawin?

16 Kung gusto mong maranasan ang mga pagpapalang tinatanggap ng mga nasa buong-panahong paglilingkod, ipanalangin kay Jehova ang iyong tunguhin. (1 Juan 5:14, 15) Makipag-usap sa mga payunir. Magtakda ng mga tunguhin patungo sa pagiging payunir. Ganiyan ang ginawa nina Keith at Erika. Nagtatrabaho sila nang full-time at, gaya ng maraming mag-asawang kaedaran nila, bumili sila ng bahay at bagong kotse pagkatapos ng kasal nila. Sinabi nila: “Akala namin magiging maligaya kami sa mga bagay na iyon—pero hindi pala.” Nang matanggal si Keith sa trabaho, nag-auxiliary pioneer siya. Ang sabi niya: “Nang magpayunir ako, naalala ko kung gaano kasaya ang paglilingkod sa larangan.” Naging kaibigan nila ang isang mag-asawang payunir na tumulong sa kanilang madama ang kagalakang dulot ng simpleng pamumuhay at ng pagpapayunir. Ano ang ginawa nina Keith at Erika? “Gumawa kami ng listahan ng aming mga espirituwal na tunguhin, idinikit iyon sa refrigerator, at nilalagyan ng check ang tunguhing naabot na namin.” Nang maglaon, nakapagpayunir sila.

17. Bakit isang katalinuhan na pag-isipan kung may magagawa kang pagbabago sa iyong iskedyul o istilo ng pamumuhay para makapagpayunir?

17 Puwede ka rin bang magpayunir? Kung hindi pa iyan posible ngayon, gawin ang iyong buong makakaya sa ministeryo para higit kang mapalapit kay Jehova. Pagkatapos mong ipanalangin at suriin ang iyong sitwasyon, baka makita mo na makapagpapayunir ka naman kung gagawa ka ng ilang pagbabago sa iyong iskedyul o istilo ng pamumuhay. Kung magpapayunir ka, makikita mo na sulit ang anumang sakripisyong gagawin mo. Magiging mas maligaya ka dahil inuuna mo ang mga gawaing pang-Kaharian kaysa pansariling kapakanan. (Mat. 6:33) Mararanasan mo ang higit na kaligayahang dulot ng pagbibigay. At magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong isaisip si Jehova at magsalita tungkol sa kaniya, na magpapalalim sa pag-ibig mo sa kaniya at magpapasaya sa puso ni Jehova.