Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) AGOSTO 2013

Pinabanal Na Kayo

Pinabanal Na Kayo

“Hinugasan na kayong malinis, . . . pinabanal na kayo.”—1 COR. 6:11.

1. Anong nakababahalang mga kalagayan ang dinatnan ni Nehemias sa Jerusalem? (Tingnan ang larawan sa pahinang ito.)

MAY bulung-bulungan sa Jerusalem. Isang napakasamang banyaga ang pinaglaanan ng silid sa templo. Napapabayaan na ng mga Levita ang kanilang atas. Sa halip na manguna sa pagsamba, ang matatandang lalaki ay nakikipagkalakalan sa araw ng Sabbath. Maraming Israelita ang nag-aasawa ng mga di-Judio. Ilan lang ito sa nakababahalang mga kalagayan na dinatnan ni Nehemias sa Jerusalem noong mga 443 B.C.E.—Neh. 13:6.

2. Paano naging isang pinabanal na bansa ang Israel?

2 Ang Israel ay isang bansang nakaalay sa Diyos. Noong 1513 B.C.E., sabik na sabik ang mga Israelita na gawin ang kalooban ni Jehova. Sinabi nila: “Ang lahat ng mga salita na sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Ex. 24:3) Kaya pinabanal sila ng Diyos, o ibinukod bilang kaniyang piniling bayan. Isa ngang napakalaking pribilehiyo! Makalipas ang 40 taon, ipinaalaala ni Moises sa kanila: “Ikaw ay isang banal na bayan kay Jehova na iyong Diyos. Ikaw ang pinili ni Jehova na iyong Diyos upang maging kaniyang bayan, isang pantanging pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng lupa.”—Deut. 7:6.

3. Ano ang espirituwal na kalagayan ng mga Judio nang bumalik si Nehemias sa Jerusalem sa ikalawang pagkakataon?

3 Nakalulungkot, naglaho ang matinding pagnanais ng Israel na maging isang banal na bansa. Bagaman laging may mga indibiduwal na naglilingkod sa Diyos, mas gusto ng karamihan sa mga Judio na magmukhang banal kaysa gawin ang kalooban ng Diyos. Noong panahong dumating si Nehemias sa Jerusalem sa ikalawang pagkakataon, mga isang daang taon na rin ang nakalipas mula nang bumalik ang tapat na mga nalabi galing sa Babilonya para isauli ang tunay na pagsamba. Ngayon, naghihingalo na naman ang espirituwalidad ng bansa.

4. Anong mga bagay ang makatutulong sa atin para makapanatiling isang pinabanal na bayan?

4 Gaya ng mga Israelita, pinabanal din ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova bilang isang bayan. Kapuwa ang mga pinahirang Kristiyano at ang “malaking pulutong” ay banal,  ibinukod para sa sagradong paglilingkod. (Apoc. 7:9, 14, 15; 1 Cor. 6:11) Ayaw ng sinuman sa atin na maiwala ang kaniyang pinabanal na katayuan sa harap ng Diyos, gaya ng nangyari sa mga Israelita nang maglaon. Ano ang makatutulong sa atin na maiwasan ito at makapanatiling banal at kapaki-pakinabang sa paglilingkod kay Jehova? Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na bagay na itinampok sa Nehemias kabanata 13: (1) Iwasan ang masasamang kasama; (2) suportahan ang teokratikong mga kaayusan; (3) unahin ang espirituwal na mga bagay; at (4) ingatan ang iyong pagkakakilanlan bilang Kristiyano. Isa-isa nating suriin ang mga ito.

IWASAN ANG MASASAMANG KASAMA

Paano ipinakita ni Nehemias na tapat siya kay Jehova? (Tingnan ang parapo 5, 6)

5, 6. Sino sina Eliasib at Tobia? Ano ang malamang na dahilan kung bakit malapít si Eliasib kay Tobia?

5 Basahin ang Nehemias 13:4-9. Napalilibutan tayo ng maruruming impluwensiya kaya mahirap makapanatiling banal. Kuning halimbawa sina Eliasib at Tobia. Si Eliasib ang mataas na saserdote, at si Tobia naman ay isang Ammonita at malamang na isang mababang opisyal ng pamahalaang Persiano sa Judea. Hinadlangan ni Tobia at ng kaniyang mga kasamahan ang pagsisikap ni Nehemias na itayong muli ang pader ng Jerusalem. (Neh. 2:10) Bawal pumasok sa bakuran ng templo ang mga Ammonita. (Deut. 23:3) Kaya bakit naglaan ang mataas na saserdote ng dako sa isang bulwagang kainan sa templo para sa isang taong gaya ni Tobia?

6 Malapít na kasamahan ni Eliasib si Tobia. Nakapag-asawa si Tobia at ang kaniyang anak na si Jehohanan ng mga babaing Judio, at mataas ang tingin ng maraming Judio kay Tobia. (Neh. 6:17-19) Napangasawa naman ng apo ni Eliasib ang anak na babae ni Sanbalat, na gobernador ng Samaria at isa sa malalapít na kaibigan ni Tobia. (Neh. 13:28) Malamang na dahil sa mga ugnayang iyan kung kaya hinayaan ng mataas na saserdoteng si Eliasib na maimpluwensiyahan siya ng isang mananalansang at di-sumasampalataya. Pero nagpakita ng katapatan si Nehemias kay Jehova nang ihagis niya ang lahat ng muwebles ni Tobia sa labas ng bulwagang kainan.

7. Ano ang ginagawa ng mga elder at ng iba pa para maingatan ang kanilang pinabanal na katayuan sa harap ni Jehova?

7 Bilang isang bayang nakaalay sa Diyos, dapat na lagi tayong maging tapat kay Jehova. Hindi tayo makapananatiling banal sa harap niya kung hindi tayo susunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Hindi natin dapat hayaang maging mas mahalaga pa ang mga ugnayang pampamilya kaysa sa mga simulain sa Bibliya. Ang mga elder ay nagpapagabay sa kaisipan ni Jehova, hindi sa sarili nilang mga opinyon o damdamin. (1 Tim. 5:21) Nag-iingat sila na huwag makagawa ng anumang bagay na magkokompromiso sa katayuan nila sa harap ng Diyos.—1 Tim. 2:8.

8. Ano ang dapat tandaan ng lahat ng nakaalay na lingkod ni Jehova kung tungkol sa mga kasama?

8 Dapat nating tandaan na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Cor. 15:33) Ang ilang kamag-anak natin ay baka hindi mabuting impluwensiya. Noong una, mabuting halimbawa si Eliasib. Lubusan niyang sinuportahan si Nehemias sa muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Neh. 3:1) Pero nang maglaon, ang masamang impluwensiya ni Tobia at ng iba pa ang malamang na nagtulak kay Eliasib na gumawa ng mga bagay na nagparumi sa kaniya sa harap ni Jehova. Ang mabubuting kasama ay nagpapasigla sa atin na makibahagi sa kapaki-pakinabang na mga gawaing Kristiyano, gaya ng pagbabasa ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at paglilingkod sa larangan. Mahal na mahal natin at pinasasalamatan ang mga kapamilyang nag-uudyok sa atin na gawin ang tama.

SUPORTAHAN ANG TEOKRATIKONG MGA KAAYUSAN

9. Bakit hindi nasusunod ang mga kaayusan sa templo? Sino ang sinisi ni Nehemias?

9 Basahin ang Nehemias 13:10-13. Pagbalik ni Nehemias sa Jerusalem, lumilitaw na halos  wala nang nag-aabuloy sa templo. Dahil dito, iniwan ng mga Levita ang kanilang atas para magtrabaho sa kanilang mga bukid. Sinisi ni Nehemias ang mga kinatawang tagapamahala. Maliwanag na hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin—alinman sa hindi nila kinokolekta ang ikapu ng bayan o hindi nila ito ipinadadala sa templo. (Neh. 12:44) Kaya kumilos si Nehemias para makolekta ang mga ikapu. Nag-atas siya ng mapagkakatiwalaang mga lalaki para mangasiwa sa mga imbakan ng templo at sa pagbibigay ng ikapu sa mga Levita.

10, 11. Ano ang pribilehiyo ng bayan ng Diyos sa pagsuporta sa tunay na pagsamba?

10 Ano ang aral para sa atin? Ipinaaalaala nito ang pribilehiyo nating parangalan si Jehova ng ating mahahalagang pag-aari. (Kaw. 3:9) Kapag nag-aabuloy tayo para suportahan ang kaniyang gawain, ibinibigay lang natin kay Jehova ang dati nang sa kaniya. (1 Cro. 29:14-16) Baka iniisip nating kaunti lang ang tinataglay natin, pero kung gugustuhin natin, lahat tayo ay puwedeng makapagbigay.—2 Cor. 8:12.

11 Sa loob ng maraming taon, linggu-linggong inaanyayahan ng isang malaking pamilya ang may-edad nang mag-asawang special pioneer para kumaing kasama nila. Bagaman may walong anak, laging sinasabi ng nanay, “Ano ba naman ang magdagdag ng dalawang plato?” Mukhang maliit na bagay lang ito, pero ang laki ng pasasalamat ng mga special pioneer sa kanilang kabaitan! Naging pagpapala rin sa pamilya ang mag-asawang payunir. Ang kanilang nakapagpapatibay na mga salita at karanasan ay nakatulong sa mga anak na sumulong sa espirituwal. Nang maglaon, ang walong anak ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod.

12. Anong magandang halimbawa ang ipinakikita ng mga hinirang na lalaki sa kongregasyon?

12 May isa pang aral: Gaya ni Nehemias, ang mga hinirang na lalaki sa ngayon ay nangunguna rin sa pagsuporta sa teokratikong mga kaayusan. Nakikinabang ang mga miyembro ng kongregasyon sa kanilang halimbawa. Sa bagay na ito, tinutularan din ng mga elder si apostol Pablo. Sinuportahan niya ang tunay na pagsamba at nagbigay siya ng mga praktikal na mungkahi kung paano mag-aabuloy.—1 Cor. 16:1-3; 2 Cor. 9:5-7.

UNAHIN ANG ESPIRITUWAL NA MGA BAGAY

13. Paano winalang-galang ng ilang Judio ang Sabbath?

13 Basahin ang Nehemias 13:15-21. Kung hahayaan nating maubos ang ating panahon sa materyal na mga bagay, unti-unti tayong manghihina sa espirituwal. Ayon sa Exodo 31:13, ang lingguhang Sabbath ay nagpapaalaala sa mga Israelita na sila’y isang pinabanal na bayan. Ang araw ng Sabbath ay  dapat ilaan sa pampamilyang pagsamba, panalangin, at pagbubulay-bulay sa Kautusan ng Diyos. Pero para sa ilang kakontemporaryo ni Nehemias, ang Sabbath ay naging isang pangkaraniwang araw na lang—tuloy ang hanapbuhay. Naisasaisantabi na ang pagsamba. Dahil dito, iniutos ni Nehemias na isara ang mga pintuang-daan ng lunsod tuwing takipsilim ng ikaanim na araw at paalisin ang mga banyagang mangangalakal bago magsimula ang Sabbath.

14, 15. (a) Ano ang puwedeng mangyari kung hindi natin lilimitahan ang panahong ginugugol natin sa paghahanapbuhay? (b) Paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Diyos?

14 Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Nehemias? Itinuturo nito na dapat nating limitahan ang panahong ginugugol natin sa paghahanapbuhay. Kasi kung hindi, mahahati ang ating atensiyon—o maging ang ating puso—lalo na kung nag-e-enjoy tayo sa ating trabaho. Tandaan ang babala ni Jesus tungkol sa pagpapaalipin sa dalawang panginoon. (Basahin ang Mateo 6:24.) Puwede sanang magpayaman si Nehemias, pero paano ba niya ginamit ang kaniyang panahon sa Jerusalem? (Neh. 5:14-18) Sa halip na makipagkalakalan sa mga taga-Tiro o sa iba pa, nagpokus siya sa pagtulong sa kaniyang mga kapatid at sa mga gawaing nagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Sa katulad na paraan, ang mga elder at ministeryal na lingkod sa ngayon ay nakapokus sa pagtulong sa kongregasyon, kaya naman mahal na mahal sila ng kanilang mga kapananampalataya. Bilang resulta, may pag-ibig, kapayapaan, at katiwasayan sa gitna ng bayan ng Diyos.—Ezek. 34:25, 28.

15 Bagaman hindi na kailangang mangilin ng lingguhang Sabbath ang mga Kristiyano, sinabi ni Pablo na “may nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos.” Idinagdag pa niya: “Ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin naman mula sa kaniyang sariling mga gawa.” (Heb. 4:9, 10) Bilang mga Kristiyano, makakapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos kung masunurin tayo at sumusuporta sa kaniyang layunin. Pangunahin ba sa buhay mo at ng iyong pamilya ang pampamilyang pagsamba, pagdalo sa mga pulong, at ministeryo? Baka kailangan nating manindigan sa ating mga amo o kasosyo sa negosyo, lalo na kung hindi nila iginagalang ang ating espirituwal na mga gawain. Sa diwa, baka kailangan nating ‘isara ang mga pintuang-daan ng lunsod at paalisin ang mga taga-Tiro’ para gawing pangunahin ang sagradong mga bagay. Dahil pinabanal na tayo, makabubuting itanong sa sarili, ‘Nakikita ba sa paraan ng aking pamumuhay na ibinukod ako para sa paglilingkod kay Jehova?’—Mat. 6:33.

INGATAN ANG IYONG PAGKAKAKILANLAN BILANG KRISTIYANO

16. Noong panahon ni Nehemias, paano nanganib ang pagkakakilanlan ng bansa bilang isang pinabanal na bayan?

16 Basahin ang Nehemias 13:23-27. Noong panahon ni Nehemias, ang mga lalaking Israelita ay nag-aasawa ng mga banyaga. Kaya nang unang dumalaw si Nehemias sa Jerusalem, pinalagda niya ang lahat ng matatandang lalaki sa isang kasunduan na hindi mag-aasawa ng mga pagano ang mga lalaking Israelita. (Neh. 9:38; 10:30) Pero makalipas ang ilang taon, natuklasan niyang hindi tumupad sa kasunduan ang mga lalaking Judio. Ang mas malala pa, nanganganib na mawala ang kanilang pagkakakilanlan bilang pinabanal na bayan ng Diyos! Ang mga anak ng mga banyagang babaing ito ay hindi nakakabasa ni nakapagsasalita man ng Hebreo. Paglaki nila, ituturing ba nila ang kanilang sarili bilang mga Israelita? O iisipin nilang sila ay mga Asdodita, Ammonita, o Moabita? Kung hindi sila marunong ng wikang Hebreo, paano nila maiintindihan ang Kautusan ng Diyos? Paano nila makikilala si Jehova at pipiliing paglingkuran siya sa halip na ang mga huwad na diyos ng kanilang mga ina? Kumilos agad si Nehemias para protektahan ang pagkakakilanlan ng bansa.—Neh. 13:28.

Tulungan ang iyong anak na maging malapít kay Jehova (Tingnan ang parapo 17, 18)

17. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak para magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova?

 17 Sa ngayon, kailangan nating kumilos agad para tulungan ang ating mga anak na madebelop ang kanilang pagkakakilanlang Kristiyano. Mga magulang, tanungin ang sarili, ‘Gaano katatas ang mga anak ko sa pagsasalita ng “dalisay na wika” ng katotohanan sa Bibliya? (Zef. 3:9) Sa pakikipag-usap ng mga anak ko, ipinakikita ba nila na sila’y naiimpluwensiyahan ng espiritu ng Diyos o ng sanlibutan?’ Huwag masiraan ng loob kung may napapansin kayo na kailangan nilang pasulungin. Hindi madaling matuto ng isang wika, lalo na kung maraming panggambala. Napapaharap ang inyong mga anak sa napakaraming panggigipit. Kaya maging matiyaga at samantalahin ang Pampamilyang Pagsamba at iba pang pagkakataon para tulungan ang inyong mga anak na maging malapít kay Jehova. (Deut. 6:6-9) Idiin ang kapakinabangan ng pagiging naiiba sa sanlibutan ni Satanas. (Juan 17:15-17) At sikaping abutin ang kanilang puso.

18. Bakit ang mga magulang na Kristiyano ang nasa pinakamagandang posisyon para tumulong sa kanilang mga anak na mag-alay kay Jehova?

18 Siyempre pa, ang inyong anak ang magpapasiya kung paglilingkuran niya ang Diyos o hindi. Pero malaki ang magagawa ng mga magulang. Kasama riyan ang pagpapakita ng mabuting halimbawa, pagtatakda ng malinaw na mga limitasyon, at pakikipag-usap sa mga anak tungkol sa magiging resulta ng kanilang mga desisyon. Mga magulang, kayo ang nasa pinakamagandang posisyon para tumulong sa inyong mga anak na mag-alay kay Jehova. Kailangan nila ang inyong tulong para madebelop ang kanilang pagkakakilanlang Kristiyano at maingatan ito. Pero siyempre, lahat tayo ay dapat na maging mapagbantay para hindi natin maiwala ang ating makasagisag na “mga panlabas na kasuutan”—ang mga katangian at mga pamantayang nagpapakilala sa atin bilang mga tagasunod ni Kristo.—Apoc. 3:4, 5; 16:15.

AALALAHANIN “SA IKABUBUTI”

19, 20. Ano ang maaari nating gawin para alalahanin tayo ni Jehova “sa ikabubuti”?

19 Si propeta Malakias, isa sa mga kakontemporaryo ni Nehemias, ay nagsabi na “isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat . . . para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Mal. 3:16, 17) Hinding-hindi kalilimutan ng Diyos ang mga may takot sa kaniya at umiibig sa kaniyang pangalan.—Heb. 6:10.

20 Nanalangin si Nehemias: “Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.” (Neh. 13:31) Gaya ni Nehemias, ang ating pangalan ay mapapasulat sa aklat ng alaala ng Diyos kung patuloy nating iiwasan ang masasamang kasama, susuportahan ang teokratikong mga kaayusan, uunahin ang espirituwal na mga bagay, at iingatan ang ating pagkakakilanlang Kristiyano. ‘Patuloy nating subukin kung tayo ay nasa pananampalataya.’ (2 Cor. 13:5) Kung iingatan natin ang ating pinabanal na kaugnayan kay Jehova, aalalahanin niya tayo “sa ikabubuti.”