Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) HUNYO 2013

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sino ang tinutukoy ng Genesis 6:2, 4 na “mga anak ng tunay na Diyos” bago ang Baha?

May katibayan na ang pananalitang ito ay tumutukoy sa mga espiritung anak ng Diyos. Anong katibayan?

Sinasabi ng naunang talata: “Napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.”—Gen. 6:2.

Sa Hebreong Kasulatan, ang mga pananalitang “mga anak ng tunay na Diyos” at “mga anak ng Diyos” ay mababasa sa Genesis 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:7; at Awit 89:6. Ano ang ipinakikita ng mga tekstong ito tungkol sa “mga anak ng Diyos”?

Maliwanag na ang “mga anak ng tunay na Diyos” sa Job 1:6 ay tumutukoy sa mga espiritung nilalang na nagkatipon sa harap ng Diyos. Kabilang sa kanila si Satanas, na mula sa “pagpaparoo’t parito sa lupa.” (Job 1:7; 2:1, 2) Gayundin, mababasa sa Job 38:4-7 ang tungkol sa “mga anak ng Diyos” na “sumigaw sa pagpuri” nang ‘ilatag ng Diyos ang batong-panulok’ ng lupa. Tiyak na mga anghel ang tinutukoy rito dahil hindi pa nalalalang ang mga tao noon. Ang “mga anak ng Diyos” na binabanggit sa Awit 89:6 ay tiyak na mga nilalang sa langit na kasama ng Diyos, hindi mga tao.

Sino kung gayon ang “mga anak ng tunay na Diyos” na binabanggit sa Genesis 6:2, 4? Batay sa pinatutunayan ng naunang mga teksto, makatuwiran lang na isiping ang tinutukoy sa tekstong ito ay ang mga espiritung anak ng Diyos na bumaba sa lupa.

Hindi mapaniwalaan ng ilan na magiging interesado ang mga anghel sa pakikipagtalik. Ipinakikita ng sinabi ni Jesus sa Mateo 22:30 na ang pag-aasawa at pakikipagtalik ay hindi umiiral sa langit. Gayunman, may ilang pagkakataong nagkatawang-tao ang mga anghel, at kumain at uminom pa nga kasama ng mga tao. (Gen. 18:1-8; 19:1-3) Kaya makatuwirang isipin na kapag nagkatawang-tao ang mga anghel, magagawa nilang makipagtalik sa mga babae.

May mga ebidensiya sa Bibliya na nagpapakitang gayon nga ang ginawa ng ilang anghel. Sa Judas 6, 7, ang kasalanan ng mga lalaki sa Sodoma, na sumunod sa kanilang di-likas na pagnanasa sa sekso, ay ikinumpara sa kasalanan ng “mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.” Ang mga anghel na iyon at ang mga taga-Sodoma ay parehong ‘nakiapid nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit.’ Iniuugnay naman ng 1 Pedro 3:19, 20 ang masuwaying mga anghel sa “mga araw ni Noe.” (2 Ped. 2:4, 5) Kaya maikukumpara ang kasalanang ginawa ng masuwaying mga anghel noong mga araw ni Noe sa kasalanan ng mga taga-Sodoma at Gomorra.

Ipinakikita lang ng konklusyong ito na ang “mga anak ng tunay na Diyos” na binabanggit sa Genesis 6:2, 4 ay mga anghel na nagkatawang-tao at nakipagtalik sa mga babae.

 Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay “nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan.” (1 Ped. 3:19) Ano ang ibig sabihin nito?

Sinasabi ni apostol Pedro na ang mga espiritung ito ay “naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe.” (1 Ped. 3:20) Maliwanag na ang tinutukoy ni Pedro ay ang mga espiritung nilalang na sumama sa pagrerebelde ni Satanas. Sinasabi ni Judas na ang mga anghel na “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” ay “itinaan [ng Diyos] sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.”—Jud. 6.

Paano naging masuwayin ang mga espiritung nilalang noong panahon ni Noe? Bago ang Delubyo, nagkatawang-tao ang masasamang espiritung ito—isang bagay na hindi nilayon ng Diyos para sa kanila. (Gen. 6:2, 4) Isa pa, ang mga anghel na ito ay nakipagtalik sa mga babae, isang bagay na napakasama dahil hindi sila nilikha ng Diyos para gawin iyon. (Gen. 5:2) Ang masasama at masuwaying mga anghel na ito ay pupuksain ng Diyos sa kaniyang takdang panahon. Pero sa ngayon, gaya ng sinabi ni Judas, sila ay nasa “pusikit na kadiliman”—isang espirituwal na bilangguan, wika nga.

Kailan at paano nangaral si Jesus sa “mga espiritung nasa bilangguan?” Isinulat ni Pedro na ginawa ito ni Jesus matapos siyang ‘buhayin sa espiritu.’ (1 Ped. 3:18, 19) Pansinin din ang paggamit ni Pedro ng salitang “nangaral.” Ipinakikita nito na tapos nang mangaral si Jesus nang isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham. Lumalabas na ilang panahon matapos buhaying-muli si Jesus, inihayag niya ang makatarungang hatol sa masasamang espiritu. Hindi ito pangangaral para bigyan sila ng pag-asa. Isa itong pangangaral ng mensahe ng paghatol. (Jon. 1:1, 2) Nang ipakita ni Jesus ang kaniyang pananampalataya at katapatan hanggang kamatayan at siya ay buhaying muli—patunay na walang kapangyarihan sa kaniya ang Diyablo—nagkaroon siya ng basehan sa paghahayag ng gayong mensahe ng paghatol.—Juan 14:30; 16:8-11.

Sa hinaharap, igagapos ni Jesus si Satanas at ang mga anghel na iyon at ihahagis sila sa kalaliman. (Luc. 8:30, 31; Apoc. 20:1-3) Samantala, ang masuwaying mga espiritung ito ay nasa pusikit na espirituwal na kadiliman, at tiyak ang kanilang pagkapuksa.—Apoc. 20:7-10.