Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Abril 2013

 TALAMBUHAY

Limang Dekada ng Buong-Panahong Paglilingkod Malapit sa Arctic Circle

Limang Dekada ng Buong-Panahong Paglilingkod Malapit sa Arctic Circle

“Madali sa ’yo ang magpayunir. Parehong nasa katotohanan ang mga magulang mo, at masusuportahan ka nila,” ang sabi namin sa aming kaibigan na naglilingkod bilang buong-panahong ministro. “Teka! Iisa lang ang ating Ama,” ang sagot niya. May isang mahalagang aral sa sagot niya: Pinangangalagaan at pinatitibay ng ating Ama sa langit ang kaniyang mga lingkod. Ang totoo, pinatutunayan iyan ng aming mga karanasan sa buhay.

 NAKATIRA ang aming pamilya sa isang bukid sa Northern Ostrobothnia, Finland. Sampu kaming magkakapatid. Mga bata pa kami noong sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Kahit malayo sa amin ang labanan, nag-iwan ito ng malaking takot sa amin. Nang bombahin ang kalapit na mga lunsod na Oulu at Kalajoki, kitang-kita naming naging kulay pula ang langit. Ang sabi ng mga magulang namin, magtago kami kapag nakakita kami ng mga eroplanong pandigma sa ere. Kaya nang sabihin sa amin ni Kuya Tauno ang tungkol sa paraisong lupa na wala nang pagdurusa, naantig ang puso namin.

Noong 14 anyos si Kuya Tauno, natutuhan niya ang katotohanan mula sa mga literatura ng mga Estudyante ng Bibliya. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, tumanggi siyang maglingkod sa militar dahil sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Dahil dito, nabilanggo siya at dumanas ng pagmamalupit. Pero lalo lang tumibay ang determinasyon niyang maglingkod kay Jehova. Pagkalaya niya, mas naging masigasig siya sa ministeryo. Ang halimbawa ni Kuya ang nagpakilos sa amin na dumalo sa mga pulong ng mga Saksi sa kalapit na nayon. Dumalo na rin kami ng mga kombensiyon kahit kailangan naming pag-ipunan ang pamasahe. Nananahi kami ng damit para sa aming mga kapitbahay, nagtatanim ng sibuyas, at namimitas ng berry. Dahil maraming trabaho sa bukid, hindi kami puwedeng sabay-sabay na dumalo sa kombensiyon, kaya nagsasalitan kami.

Mula kaliwa: Sina Matti (ama), Tauno, Saimi, Maria Emilia (ina), Väinö (sanggol), Aili, at Annikki noong 1935

Ang mga natutuhan namin tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin ay nagpalalim ng aming pag-ibig sa kaniya. Kaya ipinasiya naming mag-alay kay Jehova. Noong 1947, sabay kaming nagpabautismo—si Annikki sa edad na 15 at si Aili sa edad na 17. Si Ate Saimi ay nabautismuhan din nang taóng iyon. Nakipag-aral din sa amin ang isa pa naming ate na si Linnea, na may asawa na noon. Siya at ang pamilya niya ay naging mga Saksi ni Jehova rin. Pagkabautismo, naging tunguhin naming magpayunir, bilang mga vacation (o, auxiliary) pioneer sa pana-panahon.

PAGPASOK SA BUONG-PANAHONG MINISTERYO

Mula kaliwa: Sina Eeva Kallio, Saimi Mattila-Syrjälä, Aili, Annikki, at Saara Noponen noong 1949

Noong 1955, lumipat kami sa Kemi, isang lunsod sa gawing hilaga. Kahit na buong-panahon kaming nagtatrabaho, gusto pa rin naming magpayunir. Pero nag-aalala kami kung masusuportahan namin ang aming sarili. Inisip namin na kailangan muna naming mag-ipon. Noon namin nakausap ang sister na payunir na nabanggit sa simula. Nakatulong sa amin ang sinabi niya para makitang ang paglilingkod nang buong panahon kay Jehova ay hindi magagawa sa ganang sarili o sa tulong ng pamilya. Kailangan naming magtiwala sa ating Ama sa langit.

Dadalo ng kombensiyon sa Kuopio noong 1952. Mula kaliwa: Sina Annikki, Aili, at Eeva Kallio

Noong panahong iyon, may sapat na kaming ipon na pansuporta sa aming sarili sa loob ng dalawang buwan. Kaya noong Mayo 1957, bagaman atubili, nag-aplay kami bilang payunir sa loob ng dalawang buwan sa Pello, isang munisipalidad sa Lapland, sa itaas ng Arctic Circle. Pagkalipas ng dalawang buwan,  hindi namin nagalaw ang ipon namin. Kaya nag-aplay uli kami nang dalawang buwan pa. Pagkaraan uli ng dalawang buwan, wala pa ring bawas ang ipon namin. Ngayon, sigurado na kaming pangangalagaan kami ni Jehova. Pagkatapos ng 50-taóng pagpapayunir, nasa amin pa rin ang ipon namin! Para bang hinahawakan ni Jehova ang aming mga kamay at sinasabi: ‘Huwag kayong matakot. Ako ang tutulong sa inyo.’Isa. 41:13.

Pagkatapos ng 50-taóng pagpapayunir, nasa amin pa rin ang ipon namin!

Sina Kaisu Reikko at Aili sa ministeryo

Noong 1958, iminungkahi ng aming tagapangasiwa ng sirkito na maglingkod kami bilang mga special pioneer sa Sodankylä, Lapland. Iisa lang ang sister sa lugar na iyon. Nakatutuwa ang kuwento ng sister na ito kung paano niya nalaman ang katotohanan. Ang kaniyang anak na lalaki ay sumama noon sa field trip sa Helsinki, ang kabisera ng Finland. Habang namamasyal sa lunsod ang grupo ng mga bata, ang kaniyang anak ay binigyan ng isang may-edad nang sister ng isang isyu ng Ang Bantayan, at sinabing ibigay iyon sa nanay niya. Gayon nga ang ginawa ng bata, at agad na nakumbinsi ang nanay niya na ito ang katotohanan.

Umupa kami ng isang kuwarto sa itaas ng isang tistisan. Doon kami nagpupulong. Sa simula, kami lang, isang sister na tagaroon, at ang anak na babae nito ang dumadalo sa pulong. Linggu-linggo, binabasa lang naming magkakasama ang mga materyal na pag-aaralan. Nang maglaon, isang lalaking dating nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ang nagtrabaho sa tistisan. Sumama sa aming grupo ang kaniyang buong pamilya. Di-nagtagal, silang mag-asawa ay nabautismuhan. Mula noon, ang brother na ito ang nangunguna sa aming mga pulong. Ang iba pang mga lalaki na nagtatrabaho sa tistisan ay nagsimulang dumalo sa mga pulong at tumanggap ng katotohanan sa Bibliya. Pagkaraan ng ilang taon, ang aming grupo ay lumaki at naging isang kongregasyon.

MGA HAMON SA PANGANGARAL

Malayo ang nilalakbay namin para mangaral. Kapag tag-araw, naglalakad kami, namimisikleta, at namamangka pa nga para marating ang mga tao sa aming teritoryo. Malaking tulong ang aming mga bisikleta. Ginagamit din namin ito sa pagdalo sa mga kombensiyon at pagdalaw sa aming mga magulang, na daan-daang kilometro ang layo sa amin. Kapag taglamig, maaga pa lang ay naglalakbay na kami sakay ng bus patungo sa isang nayon para magbahay-bahay. Matapos naming makubrehan iyon, maglalakad naman kami papunta sa kabilang nayon. Kung minsan, natatabunan ng makapal na niyebe ang  kalsada. Kaya sinusundan na lang namin ang naiwang bakas ng mga naunang dumaan. Pero kapag umulan uli ng niyebe, natatabunan ito. Kapag nagsimula ang tagsibol, ang niyebe ay malambot at basa kaya nahihirapan kaming maglakad.

Magkasama sa ministeryo, isang araw sa taglamig

Dahil sa lamig at niyebe, nagsusuot kami ng makakapal na damit, stocking na wool, dalawa o tatlong pares ng medyas, at matataas na bota. Madalas mapuno ng niyebe ang mga bota namin kaya kapag nasa hagdanan na kami ng isang bahay, hinuhubad namin ang mga ito at ipinapagpag para maalis ang niyebe. Nababasa rin ang laylayan ng aming mahahabang coat dahil sa niyebe. At kapag bumaba pa ang temperatura, ang laylayan ay nagyeyelo. Sinabi ng isang maybahay, “Talagang tunay ang pananampalataya n’yo para dumayo rito sa kabila ng masamang panahon.” Mahigit 11 kilometro ang nilakad namin para marating ang bahay na iyon.

Dahil malalayo ang aming teritoryo, madalas kaming makitulog sa mga taganayon. Kapag gabi na, nagtatanung-tanong na kami kung saan kami puwedeng makitulog. Simple lang ang bahay ng mga tao, pero mababait sila at mapagpatuloy. Hindi lang nila kami pinatutuloy, pinakakain pa nila kami. Kadalasan, balat ng hayop ang higaan namin. Paminsan-minsan, komportable ang aming tulugan. Halimbawa, sa isang malaking bahay, pinaakyat kami ng isang babae sa guest room, kung saan may magandang kama na may maputi at mabangong sapin. Maraming beses kaming inaabot nang hatinggabi sa pakikipag-usap ng Bibliya sa mga pamilyang nagpapatuloy sa amin. Sa isang bahay, ang mag-asawang nakatira doon ay natulog sa isang panig ng kuwarto, at kami naman sa kabila. Inumaga kami sa pag-uusap tungkol sa Bibliya dahil nagsalitan ang mag-asawa sa pagtatanong sa amin.

NAGING MABUNGA ANG MINISTERYO NAMIN

Maganda ang Lapland. Pero mas maganda ang mga tagarito na nagpapahalaga kay Jehova. Kasama sa taimtim na mga taong napatotohanan namin ay ang mga dumayo sa Lapland para magtroso. Kung minsan, may napupuntahan kaming maliit na bahay na marami palang nakatirang lalaki. Nakikinig sila sa mensahe ng Bibliya at tumatanggap ng mga literatura.

Marami kaming magagandang karanasan. Isang araw, maaga ng limang minuto ang orasan sa istasyon ng bus, kaya hindi namin ito naabutan. Sumakay kami ng ibang bus papunta sa ibang nayon na hindi pa namin nagagawa. Sa unang bahay, nakausap namin ang isang babae na nagsabi, “Mabuti at dumating na kayo. Talagang hinihintay ko kayo.” Kapatid pala siya ng isang babaing tinuturuan namin ng Bibliya at hiniling niya rito na puntahan namin siya nang araw na iyon mismo. Pero hindi ito nasabi sa amin. Nakapagpasimula kami ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniya at sa mga kamag-anak niyang nakatira sa kalapit-bahay. Di-nagtagal, pinag-isa na lang namin ang pagtuturo sa kanila ng  Bibliya, at mga 12 katao ang dumadalo. Mula noon, maraming miyembro ng pamilyang ito ang naging mga Saksi ni Jehova.

Noong 1965, nalipat kami sa kasalukuyan naming kongregasyon sa Kuusamo, sa ibaba lang ng Arctic Circle. Nang panahong iyon, iilan lang ang mamamahayag dito. Sa simula, parang mahirap mangaral sa teritoryong ito. Relihiyoso ang mga tao at ayaw nila sa amin. Pero marami ang may paggalang sa Bibliya. Unti-unti, sinikap naming makilala ang mga tagarito. Pagkaraan ng mga dalawang taon, mas madali nang makapagpasimula ng pag-aaral ng Bibliya sa kanila.

ABALA PA RIN SA MINISTERYO

Ang ilan sa mga tinuruan namin ng Bibliya

Ngayon, halos araw-araw pa rin kami sa ministeryo, pero hindi na namin kayang maglingkod nang maghapon. Naging mas madali ang pangangaral sa aming malawak na teritoryo nang matutong magmaneho si Aili, udyok ng aming pamangking lalaki. Nakakuha siya ng lisensiya noong 1987 sa edad na 56. Malaking tulong din nang maitayo ang aming bagong Kingdom Hall, at lumipat kami sa isang kuwartong karugtong nito.

Malaking kagalakan sa amin na marami ang tumatanggap ng katotohanan sa hilagang Finland. Nang magsimula kaming magpayunir dito, iilan lang ang mamamahayag. Ngayon, mayroon nang isang sirkito na binubuo ng maraming kongregasyon. Sa mga asamblea at kombensiyon, madalas na may lumalapit sa amin at nagsasabing tinuturuan namin ng Bibliya ang pamilya nila noong bata pa sila. Ang binhing naihasik ay namunga pagkaraan ng ilang taon o dekada pa nga!1 Cor. 3:6.

Nasisiyahan kaming mangaral kahit tag-ulan

Noong 2008, naka-50 taon na kami sa paglilingkod bilang mga special pioneer. Nagpapasalamat kami kay Jehova na napatibay namin ang isa’t isa na magpatuloy sa paglilingkod sa kaniya. Simple lang ang buhay namin, pero hindi kami nagkulang ng anuman. (Awit 23:1) Talagang hindi pala kami dapat nag-atubili noon! Nakatutuwa na sa nagdaang mga taon, pinalakas kami ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang pangako sa Isaias 41:10: ‘Patitibayin ko kayo. Talagang tutulungan ko kayo. Talagang aalalayan ko kayong mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.’