Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) ENERO 2013

Huwag Hayaan ang Anuman na Mailayo Ka kay Jehova

Huwag Hayaan ang Anuman na Mailayo Ka kay Jehova

“Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo.”—JOS. 24:15.

1-3. (a) Bakit mabuting halimbawa si Josue para sa atin? (b) Ano ang dapat nating tandaan kapag nagpapasiya?

PAGPILI. Napakahalaga nito sa buhay. Ang taong may kakayahang pumili ay may kontrol at makapagpapasiya sa magiging takbo ng buhay niya. Bilang paglalarawan, isipin ang isang tao na naglalakad sa isang landas. Mayamaya, nakarating siya sa sangandaan nito. Aling landas ang pipiliin niya? Kung mayroon siyang espesipikong destinasyon, tiyak na pipiliin niya ang landas na papunta sa patutunguhan niya, hindi ang landas na maglalayo sa kaniya roon.

2 Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga taong napaharap sa katulad na sitwasyon. Halimbawa, kailangang magpasiya si Cain kung magpapadala siya sa kaniyang galit o kokontrolin ito. (Gen. 4:6, 7) Kailangang pumili si Josue kung ang paglilingkuran niya ay ang tunay na Diyos o ang huwad na mga diyos. (Jos. 24:15) Tunguhin ni Josue na maging malapít kay Jehova, kaya pinili niya ang landasing aakay sa kaniya roon. Hindi ganiyan ang tunguhin ni Cain, kaya pinili niya ang landas na lalong naglayo sa kaniya kay Jehova.

3 Kung minsan, para tayong nasa isang sangandaan kapag nagpapasiya. Kapag nangyari iyan, tandaan ang iyong destinasyon, o tunguhin—ang magbigay-kaluwalhatian kay Jehova at umiwas sa anumang maglalayo sa iyo mula sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 3:12.) Sa artikulong ito at sa susunod, susuriin natin ang pitong aspekto ng buhay na hindi natin dapat pahintulutang maglayo sa atin kay Jehova.

TRABAHO AT KARERA

4. Bakit mahalaga ang paghahanapbuhay?

4 Pananagutan ng mga Kristiyano na tustusan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya. Ipinakikita ng Bibliya  na ang sinumang ayaw maglaan para sa kaniyang sambahayan ay lalong masama kaysa sa di-sumasampalataya. (2 Tes. 3:10; 1 Tim. 5:8) Kaya naman, mahalaga ang paghahanapbuhay. Pero kung hindi tayo mag-iingat, ang trabaho at karera ay maaaring maglayo sa atin kay Jehova. Paano?

5. Ano ang dapat mong pag-isipan bago tanggapin ang isang trabaho?

5 Ipagpalagay na naghahanap ka ng trabaho. Kung mahirap makahanap ng trabaho sa inyong bansa, baka matukso kang tanggapin na lang ang kahit anong trabaho na iniaalok sa iyo. Pero paano kung labag ito sa mga simulain ng Bibliya? Paano kung uubos ito ng iyong oras anupat wala ka nang panahon para sa gawaing Kristiyano o sa iyong pamilya? Tatanggapin mo pa rin ba ang alok na iyon, at mangangatuwirang mas mabuti nang may trabaho kaysa sa wala? Tandaan, maaari kang mapalayo kay Jehova kung magkakamali ka ng pagpili. (Heb. 2:1) Naghahanap ka man o nagpaplanong lumipat ng trabaho, paano ka makagagawa ng matalinong pasiya?

6, 7. (a) Ano marahil ang mga tunguhin ng isang tao sa pagtatrabaho? (b) Anong tunguhin ang maglalapít sa iyo kay Jehova, at bakit?

6 Gaya ng nabanggit na, tandaan ang iyong destinasyon. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang inaasahan ko sa trabahong ito?’ Kung ang pangunahing dahilan mo sa pagtatrabaho ay para suportahan ang iyong sarili at ang iyong pamilya sa paglilingkod kay Jehova, pagpapalain niya ang iyong pagsisikap. (Mat. 6:33) Matutulungan ka niya kung bigla kang mawalan ng trabaho o bumagsak ang ekonomiya. (Isa. 59:1) “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”—2 Ped. 2:9.

7 Pero paano kung ang tunguhin mo ay magpayaman? Baka magtagumpay ka naman. Pero tandaan mo, may malaking kapalit ang “tagumpay” na iyon. (Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.) Ang labis-labis na pagpapahalaga sa kayamanan at karera ay maglalayo sa iyo kay Jehova.

8, 9. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa pangmalas nila sa trabaho? Ipaliwanag.

8 Kung isa kang magulang, isipin kung ano ang epekto ng halimbawa mo sa iyong mga anak. Ano ang nakikita nilang mahalaga sa iyo? Ang iyong karera? O ang iyong pakikipagkaibigan kay Jehova? Kung nakikita nila na mas importante sa iyo ang katanyagan at kayamanan, hindi kaya nila sundan ang iyong maling landasin? Hindi kaya mabawasan ang respeto nila sa iyo bilang magulang? Ganito ang sabi ng isang kabataang sister: “Bata pa ako, subsob na sa trabaho si Daddy. Noong una, parang nagsusumikap siya dahil gusto niya kaming mabigyan ng maalwang buhay. Gusto niyang maalagaan kami nang husto. Pero nitong nagdaang mga taon, may nagbago. Trabaho na lang siya nang trabaho, at ang iniuuwi niya ay mga luho sa halip na mga pangangailangan lang namin. Dahil dito, nakilala kami bilang isang pamilyang mapera pero hindi nakapagpapatibay sa espirituwal. Mas pipiliin ko ang espirituwal na patnubay ni Daddy kaysa sa pera niya.”

9 Mga magulang, huwag hayaang mapalayo kayo kay Jehova dahil sa sobrang pagpapahalaga sa karera. Maging halimbawa sa inyong mga anak. Ipakita sa kanila na naniniwala kayo na ang pinakamahalagang kayamanan ay espirituwal, hindi materyal.—Mat. 5:3.

10. Ano ang dapat isaalang-alang ng isang kabataan sa pagpili ng karera?

10 Kung isa kang kabataan na nagpaplanong pumili ng karera, paano ka makagagawa ng tamang pasiya? Gaya ng natalakay na, kailangang alamin mo kung saan patungo ang iyong buhay. Ang pipiliin mo bang pagsasanay at karera ay tutulong sa iyo na  lubusang maitaguyod ang Kaharian? O ilalayo ka nito kay Jehova? (2 Tim. 4:10) Gusto mo bang gayahin ang mga tao na ang kaligayahan ay nakadepende sa dami ng kanilang pera? O tutularan mo si David na nagtiwala kay Jehova? Isinulat niya: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:25) Tandaan, ang isang landas ay maglalayo sa iyo kay Jehova, pero ang isa ay aakay sa iyo patungo sa pinakamagandang buhay. (Basahin ang Kawikaan 10:22; Malakias 3:10.) Aling landasin ang pipiliin mo? *

PAGLILIBANG

11. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglilibang? Ano ang dapat nating tandaan?

11 Hindi sinasabi ng Bibliya na masamang magsaya, ni sinasabi man nito na pag-aaksaya lang ng panahon ang paglilibang. Isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti.” (1 Tim. 4:8) Sinasabi pa nga ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso,” at hinihimok tayo nito na maglaan ng sapat na panahon sa pagpapahinga. (Ecles. 3:4; 4:6) Pero kung hindi ka mag-iingat, ang paglilibang ay maaaring maglayo sa iyo kay Jehova. Bakit? May dalawang bagay na puwede mong ikapahamak—ang uri ng libangang pinipili mo at ang dami ng panahon na ginugugol mo rito.

Nakagiginhawa ang tamang uri at dami ng paglilibang

12. Ano ang mga dapat mong pag-isipan tungkol sa uri ng libangang pinipili mo?

12 Una, pag-isipan natin kung anong uri ng libangan ang dapat nating piliin. Maraming kapaki-pakinabang na uri ng libangan. Pero karamihan ng libangan sa sanlibutan ay nagtatampok ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos, gaya ng karahasan, espiritismo, at imoralidad. Kaya naman, maingat na suriin ang iyong libangan. Ano ang epekto nito sa iyo? Inuudyukan ka ba nito na maging marahas, makipagpaligsahan, o ipagmalaki ang iyong bansa? (Kaw. 3:31) Inuubos ba nito ang pera mo? Nakatitisod ba ito sa iba? (Roma 14:21) Anong uri ng mga kasama ang nakakahalubilo mo sa libangang ito? (Kaw. 13:20) Hinihikayat ka  ba nito na gumawa ng masama?—Sant. 1:14, 15.

13, 14. Bakit dapat mong suriin ang dami ng panahon na ginugugol mo sa paglilibang?

13 Suriin din ang dami ng panahon na ginugugol mo sa paglilibang. Tanungin ang sarili, ‘Marami ba akong inuubos na panahon sa paglilibang kung kaya kaunti na lang ang natitira para sa espirituwal na mga gawain?’ Kapag labis-labis ang panahong ginugugol mo sa paglilibang, hindi na ito nakagiginhawa. Ang totoo, mas nasisiyahan sa paglilibang ang mga taong may timbang na pangmalas dito. Bakit? Palibhasa’y alam nilang inuna nila ang “mga bagay na higit na mahalaga,” hindi sila nakokonsiyensiyang magrelaks.—Basahin ang Filipos 1:10, 11.

14 Parang napakasarap gumugol ng napakaraming panahon sa paglilibang. Pero maaari tayong ilayo nito kay Jehova. Natutuhan iyan ni Kim, isang 20-anyos na sister. “Dati, lagi akong nasa party,” ang sabi niya. “Tuwing weekend—Biyernes, Sabado, at Linggo—laging may happening. Pero ngayon, nakita ko na mas maraming importanteng bagay na dapat gawin. Halimbawa, bilang payunir, gumigising ako nang alas sais ng umaga para lumabas sa larangan, kaya hindi ako puwedeng abutin nang hanggang ala una o alas dos ng madaling-araw sa mga gathering. Alam kong hindi naman masama ang mga ito, pero puwede itong maging pang-abala. Gaya ng ibang bagay, kailangang ilagay sa lugar ang mga ito.”

15. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na pumili ng nakagiginhawang libangan?

15 Pananagutan ng mga magulang na ilaan ang materyal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan ng pamilya. Kasali rito ang paglilibang. Kung isa kang magulang, huwag maging killjoy anupat iniisip na lahat ng paglilibang ay masama. Kasabay nito, kailangan ding mag-ingat laban sa masasamang impluwensiya. (1 Cor. 5:6) Kung magiging maingat ka, makapipili ka ng libangan na talagang nakagiginhawa. * Sa gayon, ikaw at ang iyong mga anak ay tatahak sa landasing maglalapít sa inyo kay Jehova.

PAMILYA

16, 17. Anong malungkot na sitwasyon ang naranasan ng maraming magulang? Bakit tayo nakatitiyak na nauunawaan ni Jehova ang kanilang damdamin?

16 Napakalapít ng ugnayan sa pagitan ng magulang at ng anak anupat ginamit ito ni Jehova para ilarawan ang pag-ibig niya sa kaniyang bayan. (Isa. 49:15) Kaya naman, normal lang na magdalamhati tayo kapag tumalikod kay Jehova ang isang mahal sa buhay. “Nanlumo ako,” ang sabi ng isang sister nang matiwalag ang anak niyang babae. “Naisip ko, ‘Bakit niya iniwan si Jehova?’ Nakonsiyensiya ako, at sinisi ko ang aking sarili.”

17 Nauunawaan ni Jehova ang damdamin mo. Siya mismo ay “nasaktan sa kaniyang puso” nang magrebelde ang unang tao na itinuring niyang miyembro ng kaniyang pamilya, pati na ang mga taong nabuhay bago ang Baha. (Gen. 6:5, 6) Para sa mga hindi pa napaharap sa ganitong sitwasyon, baka mahirap maunawaan kung gaano ito kasakit. Pero hindi mo dapat pahintulutan na mailayo ka kay Jehova ng maling paggawi ng natiwalag na kamag-anak. Kung gayon, paano mo makakayanan ang pighating dulot ng kapamilyang tumalikod kay Jehova?

18. Bakit hindi dapat sisihin ng mga magulang ang kanilang sarili kung tinalikuran ng kanilang anak si Jehova?

18 Huwag mong sisihin ang sarili mo. Binigyan tayo ni Jehova ng kakayahang pumili,  at bawat nakaalay at bautisadong miyembro ng pamilya ay “magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Gal. 6:5) Sa bandang huli, ang nagkasala—hindi ikaw—ang mananagot kay Jehova sa kaniyang desisyon. (Ezek. 18:20) Huwag mo ring sisihin ang iba. Igalang ang kaayusan ni Jehova sa pagdidisiplina. Manindigan ka laban sa Diyablo, hindi sa mga pastol na inatasang protektahan ang kongregasyon.—1 Ped. 5:8, 9.

Hindi maling umasa na manunumbalik kay Jehova ang isang mahal sa buhay

19, 20. (a) Paano makakayanan ng mga magulang ang pagkatiwalag ng kanilang anak? (b) Anong pag-asa ang wastong asamin ng gayong mga magulang?

19 Sa kabilang dako, kung maghihinanakit ka kay Jehova, inilalayo mo ang sarili mo sa kaniya. Kailangang makita ng iyong minamahal na kapamilya na mahal mo si Jehova higit kaninuman—higit pa kaysa sa iyong pamilya. Kaya para makayanan mo ang iyong sitwasyon, panatilihing malakas ang iyong espirituwalidad. Huwag mong ibukod ang iyong sarili sa tapat na mga kapananampalataya. (Kaw. 18:1) Ibuhos ang iyong niloloob kay Jehova sa panalangin. (Awit 62:7, 8) Huwag humanap ng mga dahilan para makipag-ugnayan sa tiwalag na kapamilya, halimbawa, sa pamamagitan ng e-mail. (1 Cor. 5:11) Maging abala sa paglilingkod kay Jehova. (1 Cor. 15:58) Ganito ang sabi ng sister na nabanggit kanina, “Alam ko na dapat akong maging abala sa paglilingkod kay Jehova at manatiling malakas sa espirituwal para matulungan ko ang anak ko kapag nanumbalik na siya kay Jehova.”

20 Ayon sa Bibliya, ang pag-ibig ay hindi nawawalan ng pag-asa. (1 Cor. 13:4, 7) Hindi maling umasa na balang-araw ay manunumbalik ang iyong mahal sa buhay. Sa katunayan, taun-taon, marami ang nagsisisi at bumabalik sa organisasyon ni Jehova. Hindi nagkikimkim ng galit si Jehova sa mga nagsisisi. Sa halip, siya ay “handang magpatawad.”—Awit 86:5.

GUMAWA NG MATALINONG PAGPAPASIYA

21, 22. Ano ang determinasyon mo kung tungkol sa iyong kakayahan at kalayaang magpasiya?

21 Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kakayahan at kalayaang magpasiya. (Basahin ang Deuteronomio 30:19, 20.) Pero ang kalayaang iyan ay may kaakibat na pananagutan. Dapat tanungin ng bawat Kristiyano ang kaniyang sarili: ‘Aling landas ang tinatahak ko? Hinahayaan ko bang mailayo ako kay Jehova ng trabaho at karera, paglilibang, o pamilya?’

22 Hindi nagbabago ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan. Walang makapaglalayo sa atin sa kaniya, malibang piliin natin ang maling landasin. (Roma 8:38, 39) Hindi natin pahihintulutan iyan! Huwag hayaan ang anuman na mailayo ka kay Jehova. Tatalakayin ng susunod na artikulo ang apat pang aspekto ng buhay kung saan dapat tayong mag-ingat sa ating pagpili.

^ par. 10 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagpili ng karera, tingnan ang kabanata 38 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas, Tomo 2.