Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Nobyembre 2012

 Mula sa Aming Archive

“Ang Pinakamagandang Mensaheng Narinig Kailanman”

“Ang Pinakamagandang Mensaheng Narinig Kailanman”

“PARA saan ang mga iyan?” ang tanong ni George Naish, habang nakaturo sa isang bunton ng mga trosong 18 metro ang haba na nasa dating taguan ng armas sa Saskatoon, Saskatchewan, Canada. Sinabi sa kaniya na ginamit ang mga iyon sa pagtatayo ng mga signal tower noong Digmaang Pandaigdig I. “Naisip ko na magagamit namin ang mga trosong iyon para magtayo ng mga radio tower,” ang salaysay ni Brother Naish, “at ganito nabuo ang ideya ng pagkakaroon ng isang teokratikong istasyon ng radyo.” Pagkaraan lang ng isang taon—noong 1924—nagsahimpapawid na ang istasyong CHUC. Isa ito sa unang mga istasyon ng radyo na nagbrodkast ng relihiyosong mga programa sa Canada.

(1) Ang istasyon sa Edmonton, Alberta (2) Isang brother na humahawak ng mga power tube ng transmiter sa Toronto, Ontario

Ang Canada ay halos kasinlaki ng Europa, kaya angkop na angkop dito ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng radyo. “Dahil sa ating mga brodkast sa radyo, napaabutan ng katotohanan ang maraming tao na hindi namin makakausap nang personal,” ang sabi ni Florence Johnson na nagtrabaho sa istasyon sa Saskatoon. “At dahil noon pa lang nauuso ang radyo, sabik ang mga tao na makinig sa anumang isinasahimpapawid.” Pagsapit ng 1926, ang mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon) ay mayroon nang sariling istasyon ng radyo sa apat na lunsod sa Canada. *

(3) Studio ng CHUC sa Saskatoon, Saskatchewan

Ano ang mapapakinggan sa mga brodkast na ito? Madalas umawit ang mga mang-aawit mula sa lokal na kongregasyon, na sinasaliwan ng mga manunugtog at ng maliliit na orkestra. Siyempre pa, ang mga brother ay nagbibigay rin ng mga sermon at nangunguna sa mga talakayan sa Bibliya. Ganito ang naalaala ni Amy Jones na sumasali noon sa mga talakayan, “Habang nasa larangan, kapag nagpapakilala ako, kung minsan ay sinasabi ng ilang may-bahay, ‘Ah, oo, narinig na kita sa radyo.’”

“Halos maparalisa ang istasyon sa dami ng tawag”

Ginamit ng mga Estudyante ng Bibliya sa Halifax, Nova Scotia, ang isang bagong uri ng palatuntunan sa radyo—isang talk show kung saan maaaring tumawag at magtanong tungkol sa Bibliya ang mga tagapakinig. “Napakaganda ng pagtugon ng mga tao sa ganitong programa,” ang isinulat ng  isang brother. “Halos maparalisa ang istasyon sa dami ng tawag.”

Tulad noong panahon ni apostol Pablo, iba-iba ang naging pagtugon ng mga tao sa mensahe ng mga Estudyante ng Bibliya. (Gawa 17:1-5) Nagustuhan ng ilang tagapakinig ang mensahe. Halimbawa, nang marinig ni Hector Marshall sa radyo ang tungkol sa Studies in the Scriptures, nag-order siya ng anim na tomo. “Naisip kong gamitin ang mga aklat sa pagtuturo sa Sunday school,” ang isinulat niya nang maglaon. Pero pagkatapos niyang basahin ang Tomo I, nagpasiya siyang iwan ang kaniyang simbahan. Naging masigasig siyang ebanghelisador at tapat na naglingkod kay Jehova hanggang mamatay noong 1998. Sa silangang Nova Scotia, isang araw pagkatapos isahimpapawid ang pahayag na “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan,” sinabi ni Koronel J. A. MacDonald sa isang brother doon: “Kahapon, napakinggan ng mga tao sa Cape Breton Island ang pinakamagandang mensaheng narinig kailanman sa bahaging ito ng daigdig.”

Samantala, nagalit ang klero. Ang ilang Katoliko sa Halifax ay nagbantang pasasabugin nila ang istasyong nagbobrodkast ng mga programa ng mga Estudyante ng Bibliya. Dahil sa panunulsol ng mga lider ng relihiyon, noong 1928, biglang ipinatalastas ng pamahalaan na hindi na nito ire-renew ang lisensiya ng mga istasyong pag-aari ng mga Estudyante ng Bibliya. Bilang pagtutol sa di-makatarungang desisyong iyon, ang mga kapatid ay namahagi ng inilathalang mensahe na pinamagatang Who Owns the Air? [Sino ang May-ari ng Himpapawid?]. Sa kabila nito, tumanggi pa rin ang mga opisyal ng gobyerno na i-renew ang lisensiya sa pagbobrodkast ng mga Estudyante ng Bibliya.

Nanghina ba ang loob ng maliit na grupong iyon ng mga lingkod ni Jehova sa Canada? “Noong una, parang talagang nagtagumpay ang kaaway,” ang sabi ni Isabel Wainwright. “Pero alam kong kayang-kayang pigilan iyon ni Jehova kung iyon ang kalooban niya. Kaya marahil ibig sabihin nito ay dapat kaming gumamit ng isang bago at mas mahusay na paraan ng paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian.” Sa halip na umasa sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng radyo, ang mga Estudyante ng Bibliya sa Canada ay nagsimulang magpokus sa pagdalaw sa mga tao sa kanilang tahanan. Pero tiyak na malaking papel ang ginampanan ng radyo sa pagbobrodkast ng “pinakamagandang mensaheng narinig kailanman.”—Mula sa aming archive sa Canada.

^ par. 4 Ang mga kapatid sa Canada ay nagbayad din sa komersiyal na mga istasyon ng radyo para maisahimpapawid ang kanilang mensahe.