Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) SETYEMBRE 2012

Tinitipon ni Jehova ang Kaniyang Maligayang Bayan

Tinitipon ni Jehova ang Kaniyang Maligayang Bayan

“Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata at ang iyong naninirahang dayuhan.”—DEUT. 31:12.

1, 2. Sa artikulong ito, ano ang matututuhan natin tungkol sa teokratikong mga kombensiyon?

MATAGAL nang bahagi ng makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ang internasyonal at pandistritong mga kombensiyon. Marami sa atin ang nakadalo na sa masasayang pagtitipong ito, marahil sa loob ng nakalipas na mga dekada.

2 Nagdaos din ng mga banal na kombensiyon ang bayan ng Diyos libu-libong taon na ang nakararaan. Rerepasuhin natin ang mga kombensiyong binanggit sa Bibliya at ang pagkakatulad ng mga ito sa mga kombensiyon natin sa ngayon. Tatalakayin din natin ang mga pakinabang ng pagdalo sa mga ito.—Awit 44:1; Roma 15:4.

MAHAHALAGANG KOMBENSIYON, NOON AT NGAYON

3. (a) Ano ang mga nangyari sa unang nakaulat na kombensiyon ng bayan ni Jehova? (b) Paano malalaman ng mga Israelita na panahon na para magtipon?

3 Ang unang malaking kombensiyon na binanggit sa Bibliya ay ang pagtitipon ng bayan ng Diyos sa paanan ng Bundok Sinai para tumanggap ng mga tagubilin mula kay Jehova. Talagang espesyal na okasyon iyon sa kasaysayan ng dalisay na pagsamba. Hindi malilimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil itinanghal ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan nang ibigay niya sa kanila ang Kautusan. (Ex. 19:2-9, 16-19; basahin ang Exodo 20:18; Deuteronomio 4:9, 10.) Nang araw na iyon, nagkaroon ng pagbabago sa kaugnayan ng Diyos at ng Israel. Di-nagtagal pagkatapos nito, gumawa si Jehova ng kaayusan kung paano titipunin ang kaniyang bayan. Inutusan niya si Moises na gumawa ng dalawang trumpetang pilak na gagamiting pantawag sa “buong kapulungan” para magtipon “sa pasukan ng tolda ng kapisanan.” (Bil. 10:1-4) Isip-isipin ang pananabik nila sa mga pagtitipong iyon!

4, 5. Bakit napakahalaga ng mga kombensiyong idinaos ni Moises at ni Josue?

 4 Nang malapit nang matapos ang 40-taóng pagpapagala-gala ng mga Israelita sa ilang, tinipon sila ni Moises. Napakahalagang sandali nito sa kasaysayan ng bansang Israel. Naghahanda silang pumasok sa Lupang Pangako, kaya iyon na ang tamang panahon para ipaalaala sa kanila ni Moises ang lahat ng ginawa at gagawin ni Jehova para sa kanila.—Deut. 29:1-15; 30:15-20; 31:30.

5 Marahil nang pagkakataon ding iyon, binanggit ni Moises na magkakaroon ng regular na pagtitipon at pagtuturo sa bayan ng Diyos. Tuwing Kapistahan ng mga Kubol kapag mga taon ng Sabbath, ang mga lalaki, babae, bata, at naninirahang dayuhan sa Israel ay dapat magtipon sa dakong pinili ni Jehova ‘upang makapakinig sila at upang matuto silang matakot kay Jehova at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusan.’ (Basahin ang Deuteronomio 31:1, 10-12.) Maliwanag na gusto ni Jehova na magtipun-tipon ang kaniyang bayan para pag-aralan ang kaniyang Salita at mga layunin. Pagkatapos masakop ng mga Israelita ang Lupang Pangako, tinipon ni Josue ang buong Israel. Nang panahong iyon, napalilibutan pa rin sila ng mga bansang pagano, kaya alam ni Josue na kailangan nila ng pampatibay-loob para manatiling matapat kay Jehova. Nang araw na iyon, nangako ang bayan na maglilingkod sila sa Diyos.—Jos. 23:1, 2; 24:1, 15, 21-24.

6, 7. Bakit masasabing mahalaga ang mga kombensiyong idinaos ng bayan ni Jehova sa ating panahon?

6 Sa ating panahon, nagkaroon din ng mahahalagang kombensiyon kung saan ipinatalastas ang malalaking pagbabago sa mga gawain ng ating organisasyon o sa pagkaunawa natin sa Kasulatan. (Kaw. 4:18) Noong 1919, ginanap sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., ang unang malaking kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Mga 7,000 ang dumalo. Ipinatalastas doon ang isang pangglobong kampanya ng pangangaral. Noong 1922, sa lugar ding iyon, idinaos ang isang kombensiyon na tumagal nang siyam na araw. Pinasigla ni Joseph F. Rutherford ang kaniyang mga tagapakinig: “Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Lumusob sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Ang pampasiglang ito ay malugod na tinanggap ng mga dumalo sa kombensiyong iyon, pati na ng bayan ng Diyos sa buong daigdig.

7 Noong 1931, sa Columbus, Ohio, tuwang-tuwang tinanggap ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang Mga Saksi ni Jehova. Noong 1935 naman, sa Washington, D.C., ipinaliwanag ni Brother Rutherford ang pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” na ayon sa Apocalipsis ay “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apoc. 7:9-17) Noong 1942, habang nagaganap ang Digmaang Pandaigdig II, binigkas ni Nathan H. Knorr ang kapana-panabik na pahayag na “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” Ipinaliwanag niya kung ano ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” sa Apocalipsis 17 at sinabi niya na malaki pa ang gagawing pangangaral pagkatapos ng digmaan.

Internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1950

8, 9. Bakit naging madamdamin ang ilang kombensiyon ng bayan ng Diyos?

8 Sa “Maliligayang Bansa” na Teokratikong Asamblea sa Cleveland, Ohio, noong 1946, natatangi ang pahayag ni Brother Knorr na “Ang mga Suliranin ng Muling Pagtatayo at Pagpapalawak.” Inilarawan ng isa sa mga dumalo ang reaksiyon ng mga tagapakinig:  “Nasa likuran niya ako sa plataporma nang gabing iyon, at habang ipinaliliwanag niya ang gawain at ang mga plano para sa pagpapalawak sa tahanan at palimbagan sa Brooklyn Bethel, di-maputul-putol ang palakpakan ng napakaraming tagapakinig. Kahit hindi matanaw mula sa plataporma ang mga mukha nila, damang-dama mo ang kanilang kagalakan.” Sa isang internasyonal na kombensiyon naman sa New York City noong 1950, tuwang-tuwa ang mga dumalo nang matanggap nila ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures, ang unang tomo ng isang Bibliya sa makabagong Ingles na nagsauli sa pangalan ng Diyos sa kaniyang Salita.—Jer. 16:21.

9 Naging madamdamin din ang mga kombensiyong ginanap sa mga bansa kung saan dating inuusig ang mga Saksi ni Jehova o ipinagbabawal ang kanilang gawain. Halimbawa, sumumpa si Adolf Hitler na pupuksain niya ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Pero noong 1955, may 107,000 Saksi na nagtipon sa isang kombensiyon sa Nuremberg, kung saan dating nagpaparada ang mga sundalo ni Hitler. Marami sa mga dumalo ang naiyak sa tuwa! Noong 1989, idinaos sa Poland ang tatlong kombensiyon na may temang “Makadiyos na Debosyon” na dinaluhan ng 166,518. Marami sa mga delegado ang nagmula sa dating Unyong Sobyet at Czechoslovakia, at sa iba pang mga bansa sa Silangang Europa. Para sa ilan, ito ang kauna-unahang pagkakataon nilang makadalo sa pagtitipon na may mahigit 15 o 20 lingkod ni Jehova. Isip-isipin din ang kagalakan ng mga kapatid sa “Banal na Pagtuturo” na Internasyonal na Kombensiyon na ginanap sa Kiev, Ukraine, noong 1993, kung saan 7,402 ang nabautismuhan—ang pinakamataas na bilang ng mga Saksi ni Jehova na nabautismuhan sa loob ng isang araw.—Isa. 60:22; Hag. 2:7.

10. Aling mga kombensiyon ang naging espesyal sa iyo, at bakit?

10 Baka naging espesyal sa iyo ang ilang pandistrito o internasyonal na kombensiyon. Natatandaan mo pa ba ang unang kombensiyong nadaluhan mo, o ang kombensiyon kung kailan ka nabautismuhan? Ang mga ito ay mahahalagang pangyayari sa iyong buhay bilang lingkod ni Jehova. Pahalagahan mo ang mga ito!—Awit 42:4.

REGULAR NA MGA PAGKAKATAON PARA MAGSAYA

11. Anong regular na kaayusan ng pangkapanahunang kapistahan ang iniutos ng Diyos sa sinaunang Israel?

11 Kahilingan ni Jehova na magtipon sa Jerusalem ang mga Israelita para sa tatlong pangkapanahunang kapistahan bawat taon. Ang mga ito ay ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Kapistahan ng mga Sanlinggo (tinawag na Pentecostes nang maglaon), at ang Kapistahan ng mga Kubol. Ganito ang iniutos ng Diyos: “Sa tatlong pagkakataon sa isang taon, ang bawat lalaki sa iyo ay lalapit sa harap ng mukha ng tunay na Panginoon, si Jehova.” (Ex. 23:14-17) Alam ng maraming ulo ng pamilya ang espirituwal na kahalagahan ng mga kapistahang ito kung kaya isinasama nila ang kanilang buong mag-anak.—1 Sam. 1:1-7; Luc. 2:41, 42.

12, 13. Ano ang kailangang gawin ng maraming Israelita para makadalo sa mga taunang kapistahan?

 12 Pag-isipan kung ano ang kailangang gawin ng isang pamilyang Israelita para makadalo sa mga kapistahang iyon. Halimbawa, sina Jose at Maria ay kailangang maglakbay nang mga 100 kilometro mula Nazaret patungong Jerusalem. Sa palagay mo, gaano katagal mo lalakbayin ang distansiyang iyon kung maglalakad kang kasama ang maliliit na bata? Ipinakikita ng ulat ng pagpunta ni Jesus sa Jerusalem noong bata pa siya na ang magkakamag-anak at magkakakilala ay naglalakbay nang magkakasama. Isip-isipin ang kanilang paglalakbay habang sama-sama silang naghahanda ng pagkain at naghahanap ng matutulugan sa mga lugar na hindi nila kabisado. Pero alam nating ligtas ang mga lugar na iyon dahil kahit ang 12-anyos na si Jesus ay pinahintulutan ng kaniyang mga magulang na makapagparoo’t parito. Tiyak na di-malilimutan ang mga kapistahang iyon, lalo na ng mga bata at mga kabataan!—Luc. 2:44-46.

13 Nang mangalat ang mga Israelita sa labas ng kanilang lupain, marami sa dumadalo sa kapistahan ang nagmula sa iba’t ibang bansa. Noong Pentecostes ng taóng 33 C.E., ang mga Judio at proselitang dumayo sa Jerusalem ay nagmula pa sa mga lugar na gaya ng Italya, Libya, Creta, Asia Minor, at Mesopotamia.—Gawa 2:5-11; 20:16.

14. Paano nakinabang sa mga taunang kapistahan ang mga Israelita?

14 Para sa tapat na mga Israelita, ang pinakamahalaga at pinakamasayang bahagi ng mga kapistahang iyon ay ang pribilehiyo nilang sambahin si Jehova kasama ng libu-libong umiibig sa kaniya. Ano ang epekto nito sa mga dumadalo? Ganito ang sabi ni Jehova nang magbigay siya ng tagubilin tungkol sa Kapistahan ng mga Kubol: “Magsasaya ka sa panahon ng iyong kapistahan, ikaw at ang iyong anak na lalaki at ang iyong anak na babae at ang iyong aliping lalaki at ang iyong aliping babae at ang Levita at ang naninirahang dayuhan at ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan. Pitong araw mong ipagdiriwang ang kapistahan para kay Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin ni Jehova, sapagkat pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng iyong bunga at sa bawat gawa ng iyong kamay, at ikaw ay lubusang magagalak.”—Deut. 16:14, 15; basahin ang Mateo 5:3.

KUNG BAKIT DAPAT NATING PAHALAGAHAN ANG MGA KOMBENSIYON SA NGAYON

15, 16. Anong pagsasakripisyo ang kinailangan mong gawin para makadalo sa mga kombensiyon? Bakit sulit ito?

15 Napakagandang halimbawa ng sinaunang mga pagtitipong iyon para sa bayan ng Diyos sa ngayon! Bagaman marami nang nagbago sa paglipas ng mga taon, hindi nagbabago ang pangunahing mga katangian ng mga kombensiyon. Gaya ng sinaunang mga lingkod ng Diyos, marami sa atin ang kailangang gumawa ng pagsasakripisyo para makadalo. Pero sulit ang ating pagsisikap. Ang mga kombensiyon ay mahalagang bahagi pa rin ng ating pagsamba. Tumatanggap tayo ng kaalaman at unawang kailangan natin para makapanatiling malapít sa Diyos. Pinasisigla tayo ng mga ito na ikapit ang ating natutuhan, iwasan ang mga problema, at magpokus sa mga bagay na makapagpapaligaya sa atin.—Awit 122:1-4.

South Korea

16 Karaniwan nang nagdudulot ng kagalakan ang mga kombensiyong ito sa mga dumadalo. Ganito ang ulat tungkol sa isang malaking kombensiyon noong 1946: “Napakagandang tingnan ng libu-libong saksi na sama-sama sa iisang lugar, at lalo pang nakatutuwang pakinggan ang pagsaliw ng malaking orkestra sa tinig ng karamihan anupat umaalingawngaw sa grandstand ang masasayang awiting pang-Kaharian na pumupuri kay Jehova.” Idinagdag pa ng ulat na maraming delegado ang nagpatala bilang  boluntaryo sa iba’t ibang departamento, udyok ng kagalakang makapaglingkod sa kanilang mga kapatid. Nakaranas ka na rin ba ng ganiyang kasiyahan sa panahon ng pandistrito o internasyonal na mga kombensiyon?—Awit 110:3; Isa. 42:10-12.

17. Ano ang ilang pagbabagong ginawa sa ating mga kombensiyon?

17 Nagkaroon ng ilang pagbabago sa ating mga kombensiyon. Halimbawa, may mga kombensiyon noon na tumatagal nang walong araw! May pang-umaga, panghapon, at panggabing sesyon. Regular na bahagi ng programa ang paglilingkod sa larangan. Kung minsan, may mga sesyon na nagsisimula nang alas nuwebe ng umaga, at may mga sesyon na inaabot nang hanggang alas nuwebe ng gabi. Puspusang nagtatrabaho ang mga boluntaryo para maihanda ang almusal, tanghalian, at hapunan ng mga dumalo. Sa ngayon, mas maikli na ang mga kombensiyon. Mas nakapagbibigay na rin ng di-nababahaging pansin sa programa ang karamihan sa mga kapatid dahil kani-kaniyang baon na ang mga pamilya at indibiduwal.

Mozambique

18, 19. Anong mga bahagi ng ating mga kombensiyon ang pinananabikan mo, at bakit?

18 May matatagal nang bahagi ng programa ng kombensiyon na pinananabikan pa rin natin. Halimbawa, sa pamamagitan ng mga pahayag at mga bagong publikasyong inilalabas sa kombensiyon, tumatanggap tayo ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” para maunawaan ang mga hula at turo ng Bibliya. (Mat. 24:45) Ang mga publikasyong ito ay magagamit natin para tulungan ang taimtim na mga indibiduwal. Ang mga dramang salig sa Bibliya ay nagpapasigla sa bata’t matanda na suriin ang kanilang motibo at mag-ingat laban sa di-makadiyos na kaisipan ng sanlibutan. Tinutulungan tayo ng pahayag sa bautismo na muling suriin kung ano ang mahalaga sa ating buhay. Nagagalak din tayong masaksihan ang bautismo ng iba bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.

19 Oo, matagal nang bahagi ng dalisay na pagsamba ang mga kombensiyon. Pinatitibay tayo ng mga ito na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan sa kabila ng mga pagsubok. Nagkakaroon din tayo ng pagkakataong makakilala ng mga bagong kaibigan, pahalagahan ang ating pandaigdig na kapatiran, at tumanggap ng pagpapala at pangangalaga ni Jehova. Tiyak na isasaayos natin ang ating iskedyul para makadalo at makinabang sa bawat sesyon ng ating mga kombensiyon.—Kaw. 10:22.