Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) NOBYEMBRE 2006

Christophe Plantin—Isa sa mga Tagapagpasimula ng Paglilimbag ng Bibliya

Christophe Plantin—Isa sa mga Tagapagpasimula ng Paglilimbag ng Bibliya

 Christophe Plantin—Isa sa mga Tagapagpasimula ng Paglilimbag ng Bibliya

KILALÁ si Johannes Gutenberg (nabuhay noong mga 1397-1468) sa paglilimbag ng unang Bibliya gamit ang isahang tipong letra. Pero iilan lamang ang nakakakilala kay Christophe Plantin. Isa siya sa mga tagapagpasimula ng paglilimbag at may mahalagang papel sa paggawa ng mga aklat at mga Bibliya para mabasa ng mga tao sa buong daigdig noong ika-16 na siglo.

Isinilang si Christophe Plantin noong mga 1520 sa Saint-Avertin, Pransiya. Palibhasa’y naghahangad na manirahan sa isang lugar kung saan may higit na kalayaan sa relihiyon at mas maraming magagandang pagkakataon para yumaman kung ihahambing sa Pransiya, lumipat si Plantin, na noo’y mga 28 anyos, sa Antwerp sa Mabababang Bansa. *

Sinimulan ni Plantin ang kaniyang karera bilang bookbinder at tagadisenyo ng mga produktong gawa sa balat. Ang mga produkto niyang gawa sa balat at magagarbo ang disenyo ay gustung-gusto ng mayayaman. Subalit dahil sa isang insidente noong 1555, napilitan si Plantin na magbago ng karera. Habang naglalakbay upang ihatid ang isang maliit na kahong gawa sa balat na inorder sa kaniya para sa tagapamahala ng Mabababang Bansa, si Haring Philip II ng Espanya, sinalakay si Plantin sa isang lansangan sa Antwerp. Sinaksak siya sa balikat ng ilang lasing na lalaki. Bagaman gumaling naman si Plantin mula sa pagkakasaksak na iyon, hindi na niya kayang magtrabaho nang manu-mano kaya napilitan siyang ihinto ang kaniyang negosyo. Sa pamamagitan ng pinansiyal na tulong mula kay Hendrik Niclaes, ang lider ng isang grupo ng mga Anabaptist, pinasimulan ni Plantin ang paglilimbag.

“Sipag at Tiyaga”

Tinawag ni Plantin ang kaniyang palimbagan na De Gulden Passer (Ang Ginintuang Kompas). Makikita sa kaniyang tatak ang isang pares ng ginintuang kompas na pangguhit na may inskripsiyong “Labore et Constantia,” na nangangahulugang “Sipag at Tiyaga.” Waring angkop ang tatak na ito sa masipag na lalaking ito.

Yamang nabuhay noong panahon ng matinding alitan ng relihiyon at pulitika sa Europa, sinikap ni Plantin na umiwas sa gulo. Pinakamahalaga sa kaniya ang kaniyang paglilimbag. Bagaman nakisimpatiya siya sa Repormasyong Protestante, “wala [siyang] tiyak na paniniwala pagdating sa relihiyon,” ang sabi ng awtor na si Maurits Sabbe. Dahil dito, bumangon ang maraming usap-usapan na si Plantin ay naglilimbag ng mga aklat na nagtataguyod ng erehiya. Halimbawa, noong 1562, napilitan siyang manganlong sa Paris nang mahigit isang taon.

Pagbalik ni Plantin sa Antwerp noong 1563, nakisosyo siya sa mayayamang negosyante, na ang ilan ay kilala sa pagtataguyod ng mga paniniwala ng mga Calvinista. Sa loob ng limang-taóng pakikisosyo, 260 magkakaibang akda ang inilimbag sa mga palimbagan ni Plantin. Kasama rito ang mga edisyon ng Bibliya sa wikang Hebreo, Griego, at Latin, gayundin ang magaganda at makikinang na edisyon ng Katolikong Bibliya ng Louvain sa wikang Olandes.

“Ang Pinakamahalagang Tagumpay sa Tipograpiya”

Noong 1567, nang tumitindi ang paglaban sa pamamahala ng mga Kastila sa Mabababang Bansa, ipinadala ni Haring Philip II ng Espanya ang Duke ng Alba upang maging gobernador doon. Yamang taglay niya ang ganap na awtoridad  mula sa hari, sinikap ng duke na lipulin ang tumitinding paglaban ng mga Protestante. Kaya pinasimulan ni Plantin ang isang napakalaking proyekto na inaasahan niyang mag-aalis ng lahat ng pagsusupetsa na isa siyang erehe. Lubha niyang hinangad na makapaglimbag ng akademikong edisyon ng mga teksto ng Bibliya sa orihinal na mga wika nito. Para sa bagong edisyong ito, nakuha ni Plantin ang suporta ni Philip II. Nangako ang hari na magbibigay siya ng pinansiyal na tulong at ipinadala ang kilaláng humanista na si Arias Montano upang mangasiwa sa proyekto.

Mahusay si Montano pagdating sa wika, at 11 oras siyang nagtatrabaho bawat araw. Tinulungan siya ng mga lingguwistang Kastila, Pranses, at taga-Belgium. Ang kanilang tunguhin ay maghanda ng isang bagong bersiyon ng kilaláng Complutensian Polyglot. * Bukod sa Latin na Vulgate, Griegong Septuagint, at sa orihinal na tekstong Hebreo, kasama sa bagong Polyglot Bible ni Plantin ang isang Aramaikong Targum at ang Syriac na Peshitta, pati na ang literal na salin ng mga ito sa Latin.

Nagsimula ang paglilimbag noong 1568. Natapos ang napakalaking proyektong ito noong 1573. Napakabilis na nito noong panahong iyon. Sa kaniyang liham kay Haring Philip II, sumulat si Montano: “Mas marami pang natatapos dito sa loob ng isang buwan kaysa sa Roma sa loob ng isang taon.” Nakapaglimbag si Plantin ng 1,213 kopya ng bagong Polyglot Bible, na ang bawat isa ay binubuo ng isang set ng walong malalaking tomo. Makikita sa pantitulong pahina ang larawan ng isang leon, toro, lobo, at kordero na mapayapa at magkakasamang nanginginain sa iisang labangan, sa gayo’y inilalarawan ang Isaias 65:25. Ang halaga ng isang set na hindi pa nagagawang tomo ay 70 guildermalaki-laking halaga ito, yamang ang pangkaraniwang pamilya noong panahong iyon ay kumikita lamang ng mga 50 guilder sa isang taon. Ang kumpletong set ay nakilala nang bandang huli bilang ang  Antwerp Polyglot. Tinawag din itong Biblia Regia (Royal Bible) dahil si Haring Philip II ang nagbigay ng pondo para rito.

Bagaman sinang-ayunan ni Pope Gregory XIII ang Bibliyang iyon, binatikos nang husto si Arias Montano sa kaniyang ginawa. Ang isang dahilan ay itinuring ni Montano na nakahihigit ang orihinal na tekstong Hebreo kung ihahambing sa Latin na Vulgate. Ang pangunahin niyang kaaway ay si León de Castro, isang teologong Kastila na naniniwalang ang Latin na Vulgate ang dapat na maging pangunahing saligan. Inakusahan ni de Castro si Montano na sinisingitan daw nito ang teksto ng pilosopiyang laban sa Trinidad. Halimbawa, partikular na binanggit ni de Castro na hindi mababasa sa 1 Juan 5:7 sa Syriac na Peshitta ang mga pananalitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa” (King James Version), na sa katunayan naman ay huwad at idinagdag lamang. Subalit pinatunayan ng Inkisisyong Kastila ang pagiging inosente ni Montano sa erehiya. Itinuturing ng ilan ang Antwerp Polyglot bilang “ang pinakamahalagang tagumpay sa tipograpiya na naabot ng isang independiyenteng tagapaglimbag noong ika-16 na siglo.”

Isang Namamalaging Kapakinabangan

Karamihan sa mga tagapaglimbag noong panahong iyon ay mayroon lamang dalawa o tatlong palimbagan. Subalit sa tugatog ng kaniyang paglilimbag, malamang na si Plantin ay may di-kukulangin sa 22 palimbagan at 160 manggagawa. Sa mga lupaing gumagamit ng wikang Kastila, nakilala siya bilang isa sa mga nangunguna sa paglilimbag.

Samantala, tumitindi ang paglaban sa pamamahala ng mga Kastila sa Mabababang Bansa. Nasangkot ang Antwerp sa alitan. Noong 1576, nagrebelde ang mga Kastilang mersenaryo na hindi nakatanggap ng kanilang sahod, at dinambong nila ang lunsod. Mahigit sa 600 bahay ang sinunog, at libu-libong naninirahan sa Antwerp ang pinaslang. Tumakas mula sa lunsod ang mga negosyante. Nangahulugan ito ng malaking kalugihan kay Plantin. Karagdagan pa, naobliga siyang magbayad ng napakalaking tibuto sa mga mersenaryo.

Noong 1583, lumipat si Plantin sa Leiden, isang lunsod mga 100 kilometro sa hilaga ng Antwerp. Nagtayo siya roon ng palimbagan at kinuha siyang tagapaglimbag para sa Leiden University, isang institusyong itinatag ng mga Protestanteng Calvinista. Muling bumangon ang dating mga paratang hinggil sa kaniyang pagiging erehe sa Simbahang Katoliko. Kaya bumalik si Plantin sa Antwerp noong huling bahagi ng 1585, di-nagtagal pagkatapos maibalik ang lunsod sa pamamahala ng mga Kastila. Nang panahong iyon, mahigit 60 anyos na siya at Ang Ginintuang Kompas ay binubuo na lamang ng apat na empleadong nagtatrabaho sa iisang palimbagan. Sinikap ni Plantin na muling itayo ang kaniyang palimbagan. Pero hindi na ito muling umasenso gaya ng dati, at noong Hulyo 1, 1589, namatay si Plantin.

Sa loob ng 34 na taon, nakapaglimbag si Christophe Plantin ng 1,863 iba’t ibang edisyon ng aklat, na sa katamtaman ay halos 55 edisyon bawat taon. Maging sa ngayon, malaking tagumpay iyan para sa isang independiyenteng tagapaglimbag! Bagaman hindi pumanig si Plantin sa anumang relihiyon, itinaguyod ng kaniyang ginawa hindi lamang ang paglilimbag at tipograpiya kundi pati rin ang pag-aaral ng kinasihang Kasulatan. (2 Timoteo 3:16) Tunay nga, malaki ang nagawa ni Plantin at ng mga tagapaglimbag na kapanahon niya para magkaroon ng Bibliya ang pangkaraniwang tao sa dakong huli.

[Mga Talababa]

^ par. 3 Ang terminong “Mabababang Bansa” ay tumutukoy sa dakong baybayin sa pagitan ng Alemanya at Pransiya, na sa kasalukuyan ay binubuo ng Belgium, Netherlands, at Luxembourg.

^ par. 11 Ang Bibliyang ito na may iba’t ibang wika ay inilathala noong 1517. Naglalaman ito ng mga tekstong Hebreo, Griego, at Latin at ilang bahagi sa wikang Aramaiko. Tingnan “Ang Complutensian Polyglot—Isang Makasaysayang Tulong sa Pagsasalin,” sa Ang Bantayan ng Abril 15, 2004, pahina 28-31.

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

ANG PLANTIN-MORETUS MUSEUM

Ang gusali sa lunsod ng Antwerp kung saan nanirahan at nagtrabaho si Plantin at ang kaniyang mga inapo ay binuksan sa madla bilang museo noong 1877. Wala nang iba pang palimbagang nagmula sa panahong iyon ang nananatiling buo. Nakadispley roon ang limang palimbagan na ginamit noong ika-17 at ika-18 siglo. Ang dalawang iba pa—ang kilaláng pinakamatanda sa buong daigdig—ay halos kapanahon ni Plantin. Masusumpungan sa museo ang mga 15,000 moldeng tipo na ginagamit sa paghulma ng mga tipo, 15,000 kahoy na panlupi, at 3,000 inukit na plantsang panlimbag na gawa sa tanso. Ang aklatan ng museo ay naglalaman ng 638 manuskrito na nagmula noong ika-9 hanggang sa ika-16 na siglo gayundin ng 154 na aklat na nilimbag bago ang taóng 1501. Kasama rito ang isang orihinal na Gutenberg Bible na nagmula noong bago 1461 gayundin ang isa sa mga tanyag na Antwerp Polyglot Bible ni Plantin.

[Larawan sa pahina 15]

Arias Montano

[Larawan sa pahina 16]

Ang Antwerp Polyglot ay naglalaman ng tekstong Hebreo, Latin na “Vulgate,” at ng Griegong “Septuagint,” gayundin ng Syriac na “Peshitta” at isang Aramaikong Targum pati na ang salin ng mga ito sa Latin

[Credit Line]

By courtesy of Museum Plantin-Moretus/Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Dalawang larawan: By courtesy of Museum Plantin-Moretus/Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen