Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) HULYO 2006

Di-Biblikal na Pagbanggit sa Bayang Tinatawag na Israel

Di-Biblikal na Pagbanggit sa Bayang Tinatawag na Israel

 Di-Biblikal na Pagbanggit sa Bayang Tinatawag na Israel

SA Cairo Museum sa Ehipto, may isang inukit na granito na nagpapaalala ng tagumpay ni Paraong Merneptah. Ayon sa pagtantiya ng mga iskolar, ang ika-13 anak na lalaking ito ni Ramses II ay namahala sa pagitan ng 1212 at 1202 B.C.E.—hanggang sa huling bahagi ng panahon ng mga Hukom sa sinaunang Israel. Ganito ang mababasa sa huling dalawang linya ng inukit na granito ni Merneptah: “Ang Canaan ay dinambong. Kinuha ang Askelon, binihag ang Gezer, [at] lubusang winasak ang Yano‘am. Ang Israel ay iginuho, ang binhi nito ay naglaho.”

Ano kaya ang kahulugan ng salitang “Israel” sa kontekstong ito? Sa sulat na hieroglyphic, may ilang di-binibigkas na pananda, na tinatawag na mga determinative, na idinaragdag sa ispeling upang ipahiwatig ang kategoryang kinabibilangan ng mga salita. Ang publikasyong The Rise of Ancient Israel ay nagpaliwanag: “Ang pananda sa tatlo sa apat na termino—Askelon, Gezer at Yanoam—ay nagpapahiwatig sa atin na ang mga ito ay mga lunsod. . . . Samantalang ang pananda naman sa Israel ay para sa bayan [o, kabuuan ng mga mamamayan].”—Amin ang italiko.

Ano ang kabuluhan ng tekstong ito? Ganito ang sagot ng editor at awtor na si Hershel Shanks: “Ipinakikita ng Merneptah Stele [isang inukit na granito] na ang bayan na tinatawag na Israel ay umiral noong 1212 B.C.E. at na hindi lamang ito alam ng paraon ng Ehipto, kundi itinuring din niyang dapat ipagyabang na nalupig niya ito sa digmaan.” Ganito naman ang sinabi ni William G. Dever, propesor sa arkeolohiya sa Malapit na Silangan: “Mariing sinasabi sa atin ng Merneptah stele: Talagang may umiral sa Canaan na isang bayan na tinatawag ang kanilang sarili na ‘Israel,’ kung kaya tinawag silang ‘Israel’ ng mga Ehipsiyo—na malayong magsabi na totoo ang Bibliya, at hinding-hindi mag-iimbento ng gayong espesipiko at natatanging bayan na gaya ng ‘Israel’ para sa kanilang sariling propaganda.”

Sa Bibliya, unang binanggit ang Israel bilang pangalang ibinigay sa patriyarkang si Jacob. Ang mga inapo ng 12 anak na lalaki ni Jacob ay nakilalang “mga anak ni Israel.” (Genesis 32:22-28, 32; 35:9, 10) Sa paglipas ng mga taon, ginamit ni propeta Moises at ng Paraon ng Ehipto ang salitang “Israel” kapag tinutukoy ang mga inapong ito ni Jacob. (Exodo 5:1, 2) Ang Merneptah stela ang pinakamatandang kilalang di-Biblikal na reperensiyang bumanggit sa isang bayang tinatawag na Israel.

[Mga Larawan sa pahina 24]

Merneptah stela

Ipinakikita ng kombinasyon ng huling tatlong pananda (mula kanan pakaliwa)—isang patpat at nakaupong lalaki at babae—na isang banyagang bayan ang Israel

[Credit Line]

Egyptian National Museum, Cairo, Egypt/Giraudon/The Bridgeman Art Library