Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! DISYEMBRE 2015

Kilalanin ang mga Balyena!

Kilalanin ang mga Balyena!

Taon-taon, simula Hulyo, ang mga babaeng southern right whale (Eubalaena australis) ay dumarating sa timugang baybayin ng Santa Catarina, Brazil. Galing sila sa isang rehiyon sa labas ng Antartiko, na libo-libong milya ang layo, para manganak at alagaan ito sa mababaw na katubigan. Sa loob ng ilang buwan, tuwang-tuwang pinapanood ng mga tagaroon at ng mga turista na malapit sa dagat o sa bangin ang mag-iinang balyena habang nagpapahinga o naglalaro ang mga ito sa katubigan. *

Mga Sumisirkong Higante sa Karagatan

Ang sukat ng isang babaeng balyena ay umaabot nang hanggang 16 na metro, na halos kasinghaba ng magkarugtong na bus, at tumitimbang nang hanggang 80 tonelada! Karaniwan nang kulay itim ang dambuhalang katawan nito, at may mga puting patse sa tiyan kung minsan. Napakalaki ng ulo niya, na ang sukat ay 25 porsiyento ng kabuoang haba ng kaniyang katawan. Mahaba at pakurba ang bibig niya. Wala siyang mga palikpik sa likod, di-gaya ng iba pang species ng balyena. Para makalangoy, ikinakampay niya ang kaniyang malapad na buntot nang pataas at pababa, sa halip na pakaliwa’t kanan gaya ng isda. Para magbago ng direksiyon, iginagalaw niya ang kaniyang magkabilang palikpik, tulad ng pagmamaniobra sa isang eroplano.

Nakapagtataka, kahit napakalaki ng mga right whale, flexible pa rin ang katawan nila. Makikita mo sila na nakagagawa ng ilang kahanga-hangang pagsirko, gaya ng sailing—inililitaw ang buntot sa tubig nang matagal; lobtailing—inihahampas ang buntot sa tubig nang malakas; at breaching—inihahagis ang sarili paitaas at bumabagsak sa tubig nang napakalakas na makikita mula sa malayo.

 Naiibang Pisikal na mga Katangian

Sa palibot ng ulo ng right whale, makikita rito ang mapuputi o madidilaw na kalyo—magaspang na mga patse sa balat na nababalutan ng maliliit na cyamid na kilalá bilang kuto ng balyena. “Iba-iba ang hitsura ng bawat kalyo,” ang sabi ni Karina Groch, tagapangasiwa ng Brazilian Right Whale Project, “kung paanong magkakaiba rin ang fingerprint ng mga tao, kaya naman nakikilala ang bawat right whale. Kinunan namin ang hitsura ng kalyo ng mga balyena nang dumating sila sa aming baybayin, at inilagay ang mga ito sa isang file.”

Sinasabi ng mga biologist na mahirap malaman ang edad ng mga right whale kapag namatay ang mga ito, dahil ang species na ito ng balyena ay walang mga ngipin. Tinataya nila na mga 65 taon ang haba ng buhay ng balyena. *

Kakaibang Paraan ng Pagkain

Ang mga right whale ay kumakain ng maliliit na crustacean. Mayroon silang pansala na binubuo ng daan-daang baleen plate na may nakalawit na maninipis na buhok na nasa magkabilang panig ng panga nito sa itaas. Habang lumalangoy sila, ibinubuka nila ang kanilang bibig para masala ng mga baleen plate ang tubig at maiwan ang pagkain sa mga baleen hair. Dahil diyan, ang bawat balyena ay nakakakain nang hanggang dalawang toneladang crustacean sa isang araw.

Kapag summer (Enero/Pebrero), nanginginain ang mga southern right whale sa Karagatang Antartiko para makagawa ng blubber. Ang makapal na layer na ito ng taba ay nagbibigay ng mahusay na insulasyon kapag nasa malamig na katubigan sila, at nagsisilbing reserbang pagkain kapag nandarayuhan sila.

“Right” Whale

Mula noong ika-18 siglo, malawakan ang panghuhuli sa mga right whale sa Timugang Hemisperyo. Madali silang hulihin, kung kaya sa Ingles, “right” whale ang tawag sa kanila. Mabagal kasi silang lumangoy, kaya madali silang abutan ng mga nanghuhuling nakasakay lang sa bangkang yari sa kahoy, at gamit lang ang mga sibat na may lubid. Bukod diyan, di-tulad ng ibang balyena, lumulutang ang mga right whale kapag namatay sila dahil sa sobrang dami ng kanilang blubber. Kaya madali lang sa mga nanghuhuli na hilahin ang mga ito papunta sa baybayin.

Hindi lang iyan, ang blubber at ang baleen ay mahahalagang paninda noong panahong iyon. Ginagamit ang blubber sa mga lampara sa lansangan at bilang pampadulas. Ang baleen naman ay ginagamit sa paggawa ng mga bagay gaya ng corset, latigo, at payong. Sa katunayan, ang mga baleen plate na nakukuha sa isang balyena lang ay puwedeng makatustos sa gastusin sa isang buong paglalakbay!

Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, nangaunti ang populasyon ng right whale dahil sa labis-labis na panghuhuli sa mga ito, kaya nang maglaon, ipinagbawal na ito. Sa Brazil, ang huling whaling station ay isinara noong 1973. Bagaman unti-unting dumarami ang ilang species ng balyena, ang iba naman ay nanganganib pa ring maubos.

Ang right whale ay isang napakahusay na halimbawa ng pagiging masalimuot at pagkakasari-sari ng nabubuhay na nilalang sa lupa. Pinatutunayan nito ang kahanga-hangang karunungan at kapangyarihan ng isa na lumikha nito, ang Dakilang Disenyador, ang Diyos na Jehova.—Awit 148:7.

^ par. 2 Ang ibang lugar kung saan nanganganak ang mga balyena ay sa mga baybayin ng Argentina, Australia, South Africa, at Uruguay, pati na sa Auckland Islands.

^ par. 8 Itinala ng mga siyentipiko ang tatlong species ng balyena sa kategorya ng mga right whale. Bukod sa Eubalaena australis sa Timugang Hemisperyo, nariyan din ang Eubalaena glacialis at Eubalaena japonica sa Hilagang Hemisperyo.

Higit Pang Impormasyon

AKLAT AT BROSYUR

Saan Nagmula ang Buhay?