Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HULYO 2015

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Trabaho

Trabaho

Ang Bibliya ay isang sinaunang aklat pero ang mga pamantayan nito ay di-naluluma. Napapanahon pa rin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa trabaho.

Ano ang tamang pananaw sa trabaho?

ANG SINASABI NG ILAN

Napakalakas ng kompetisyon sa trabaho, kaya para hindi ka masesante, dapat na ito ang pinakaimportante sa buhay mo. Dahil sa saloobing iyan, ang ilan ay masyadong nagiging subsob sa trabaho, kaya napapabayaan nila ang kanilang pamilya at kalusugan.

ANG SABI NG BIBLIYA

Hinihimok tayo ng Bibliya na magkaroon ng balanseng pananaw sa trabaho. Sinasang-ayunan nito ang kasipagan at hinahatulan ang katamaran. (Kawikaan 6:6-11; 13:4) Pero hindi itinataguyod ng Bibliya ang pagiging workaholic. Sa halip, hinihimok tayo nito na magrelaks sa pana-panahon. Sinasabi ng Eclesiastes 4:6: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” Kaya hindi tayo dapat magpakasubsob sa trabaho, anupat napapabayaan na natin ang ating pamilya at kalusugan. Wala nga tayong mapapala kung mamamatay tayo sa katatrabaho!

“Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.”Eclesiastes 2:24.

 Mahalaga ba kung ano ang trabaho mo?

ANG SINASABI NG ILAN

Kung maganda ang kita, tanggapin mo na. Dahil sa kaisipang iyan, pati na sa tukso ng biglang-yaman, ang ilan ay nandaya at tumanggap ng ilegal na hanapbuhay.

Ang iba naman ay pumipili lang ng trabahong nakaka-challenge. Kapag ang napasukan nilang trabaho ay hindi nila pangarap o hindi nakaka-excite sa kanila, itinuturing nila itong boring. Kaya negatibo sila sa kanilang trabaho at hindi nila ibinibigay ang kanilang buong makakaya. Tinatanggihan pa nga nila ang magagandang oportunidad dahil pakiramdam nila, nakakabawas ng dignidad ang gawaing kasangkot dito.

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang trabahong may kasangkot na pandaraya o nakasasamâ sa ibang tao. (Levitico 19:11, 13; Roma 13:10) Pero ang marangal na trabaho ay kapaki-pakinabang sa iba at nakatutulong sa isa na magkaroon ng “isang mabuting budhi.”—1 Pedro 3:16.

Itinuturo rin ng Bibliya na ang trabaho ay may marangal na layunin—hindi lang para makadama ng personal na kasiyahan ang isa kundi para makapaghanapbuhay at maitaguyod ang pamilya. Hindi masamang masiyahan sa trabaho, pero hindi ito ang dapat na maging pinakaimportante sa buhay.

“Napaka-busy ni Daddy. Bukod sa trabaho niya, may mga responsibilidad pa siya sa kongregasyong dinadaluhan namin bilang mga Saksi ni Jehova. Pero mahusay ang dedikasyon ni Daddy sa trabaho. Natatapos niya ang mga dapat gawin, at may panahon pa siya para sa ’kin, sa ate ko, at kay Mommy. Maraming gawain si Daddy, pero nananatili siyang balanse.”—Alannah.

Totoo, dahil sa pagtaas ng mga bilihin, baka mabalisa tayo kung paano tayo makakaraos. Pero idiniriin ng Bibliya ang pagiging balanse. Sinasabi nito: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Hindi naman ibig sabihin na pagkakaitan natin ang ating sarili. Pero dapat tayong maging praktikal pagdating sa mga kaya nating bilhin, at maging makatuwiran sa dami ng ari-ariang ipinupundar natin.—Lucas 12:15.

ANG KAHULUGAN NITO PARA SA IYO

Maging masipag sa trabaho. Maging interesado rito. Kahit sa tingin mo ay mababang uri ito o hindi ito ang pangarap mo, sikaping maging mahusay rito. Ang kasipagan sa trabaho ay aakay sa pagkadama ng kasiyahan, at kapag napasulong mo ang iyong kasanayan, lalo kang magiging masaya sa iyong trabaho.

Pero maging balanse. Masiyahan sa paminsan-minsang pagpapahinga at pagrerelaks. Mas kasiya-siya ito pagkatapos nating magtrabahong mabuti. Gayundin, kapag pinaghihirapan natin ang panggastos natin, nagkakaroon tayo ng paggalang sa sarili at irerespeto tayo ng iba—pati na ng ating mga kapamilya.—2 Tesalonica 3:12.

“Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ . . . Nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”Mateo 6:31, 32.

Higit Pang Impormasyon

Mga Pamantayang Hindi Kumukupas—Katapatan

Magkakapera sana si Raquel kung tatanggap siya ng kickback, pero para sa kaniya, mas nakinabang siya nang tanggihan niya ang mga ito.

Kung Paano Makakamit ang Tunay na Tagumpay

Limang praktikal na hakbang para makamit ang tunay na tagumpay.