Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HULYO 2015

Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Malarya

Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Malarya

Tinataya ng World Health Organization na noong 2013, mahigit 198 milyon katao ang nagkasakit ng malarya at mga 584,000 ang namatay dahil dito. Halos 4 sa bawat 5 namatay ay mga batang wala pang limang taóng gulang. Ang sakit na ito ay isang banta sa mga sandaang bansa at teritoryo sa buong daigdig, at mga 3.2 bilyon katao ang nanganganib magkasakit nito.

1 ANO ANG MALARYA?

Ang malarya ay sakit na nakukuha sa mga parasito. Ang ilang sintomas nito ay lagnat, pangangatog, pagpapawis, sakit ng ulo at katawan, pagduduwal, at pagsusuka. Ang mga sintomas ay maaaring umulit tuwing 48 hanggang 72 oras, depende sa uri ng parasito at kung gaano katagal nang may sakit ang pasyente.

2 PAANO KUMAKALAT ANG MALARYA?

  1. Ang parasito ng malarya—mga protozoan na tinatawag na Plasmodia—ay nakakapasok sa dugo ng tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Anopheles.

  2. Pinapasok ng mga parasito ang mga selula ng atay ng maysakit, kung saan nagpaparami ang mga ito.

  3. Kapag pumutok ang isang selula ng atay, maglalabasan ang mga parasito, na sasalakay naman sa pulang selula ng dugo ng maysakit. Doon, patuloy ang pagdami ng mga parasito.

  4. Kapag pumutok ang isang pulang selula ng dugo, maglalabasan ang mga parasito, na sasalakay naman sa mas marami pang pulang selula ng dugo.

  5. Tuloy-tuloy ang pagsalakay sa mga pulang selula ng dugo at pagputok ng mga ito. Karaniwan na, ang maysakit ay kakikitaan ng mga sintomas ng malarya sa tuwing pumuputok ang mga pulang selula ng dugo.

 3 PAANO MO MAPOPROTEKTAHAN ANG IYONG SARILI?

Kung nakatira ka sa lugar na laganap ang malarya . . .

  • Gumamit ng kulambo. Dapat na ito ay

    • ginamitan ng insecticide.

    • walang butas o punit.

    • nakasuksok nang mabuti sa ilalim ng kutson.

  • Gamitan ng indoor residual spraying ang inyong bahay.

  • Kung posible, maglagay ng mga screen sa mga pinto at bintana, at gumamit ng air-conditioner at electric fan, para maitaboy ang mga lamok at huwag silang mamugad.

  • Magsuot ng mga damit na mapusyaw ang kulay at tiyaking natatakpan nang husto ang iyong balat.

  • Hangga’t maaari, iwasan ang mga lugar na may maraming halaman kung saan naglalagi ang mga lamok, at may nakaimbak na tubig kung saan sila nangingitlog.

  • Kung magkasakit ka, magpagamot agad.

Kung plano mong pumunta sa lugar na laganap ang malarya . . .

  • Alamin ang pinakabagong impormasyon bago ka maglakbay. Maaaring iba-iba ang uri ng parasito ng malarya sa bawat lugar, at depende rito kung aling uri ng gamot ang pinakaepektibo. Makabubuti ring kausapin ang iyong doktor tungkol sa mga bagay na dapat mong malaman hinggil sa rekord ng kalusugan mo.

  • Habang naroroon ka, sundin ang mga tagubilin sa artikulong ito para sa mga nakatira sa lugar na laganap ang malarya.

  • Kung magkasakit ka, magpagamot agad. Tandaan na ang mga sintomas ay maaaring lumitaw isa hanggang apat na linggo pagkatapos makagat ng lamok.