Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HUNYO 2015

Ang Parrot Fish—Gumagawa ng Buhangin

Ang Parrot Fish—Gumagawa ng Buhangin

SAAN nanggagaling ang buhangin? Marami itong pinagmumulan. Pero baka magulat ka sa ilalarawan ng artikulong ito. Ito’y isang isda na dumudurog ng korales para maging buhangin—ang parrot fish!

Ang mga parrot fish ay nakatira sa iba’t ibang tropikal na katubigan sa buong mundo. Pagkatapos isubo ang durog na korales, kinakain nila ang maliliit na pagkaing kasama nito at inilalabas ang natira bilang buhangin. Para magawa ito, ginagamit ng parrot fish ang tulad-tukang bibig nito na may malalakas na panga at matitibay na ngipin. May ilang uri ng parrot fish na nabubuhay nang hanggang 20 taon, na hindi napupudpod ang ngipin.

Sa ilang lugar, sa pamamagitan ng pagnguya sa patay na korales, ang parrot fish ay nakagagawa ng mas maraming buhangin kaysa sa ibang natural na proseso. Tinataya ng ilang mananaliksik na mga 100 kilo ng buhangin ang nagagawa ng karaniwang parrot fish taon-taon.

Swarthy parrot fish

Mayroon pang mahalagang serbisyo na ginagawa ang parrot fish. Habang walang-sawa itong nanginginain ng nilulumot na patay na korales at halamang-dagat, pinananatili rin nitong malinis ang mga korales kung kaya napananatiling malusog ang mga coral reef. Kung wala ang mga parrot fish at iba pang nanginginain ng halamang-dagat (herbivore), ang mga coral reef ay mabilis na mapupuno ng lumot at damong-dagat. “May mga nagsasabi na walang mga coral reef sa ngayon kung hindi dahil sa mga herbivore,” ang paliwanag ng aklat na Reef Life.

Dahil sa maghapong gawain nito, kailangan ng parrot fish ng sapat na tulog sa gabi, at dito ay kakaiba na naman sila. Kapag gabi, nagkalat ang maraming maninila sa mga coral reef. Kaya naman, ang mga parrot fish ay karaniwang natutulog nang nakatago sa dakong masisilungan, pero kahit doon ay hindi sila ligtas mula sa mga gutóm na pating.

Bilang karagdagang proteksiyon, binabalutan ng ilang parrot fish ang kanilang sarili sa gabi. Naglalabas sila ng malinaw na mucus, o malagkit na likido, na bumabalot sa kanila habang sila ay natutulog. Naniniwala ang mga marine scientist na ang mabahong pambalot na ito ay nagsisilbing proteksiyon ng parrot fish mula sa mga maninila.

Ang parrot fish ay isa sa pinakakitang-kita at pinakamagagandang isda sa coral reef. Kadalasan, sari-sari at matitingkad ang kanilang kulay, na nagbabago habang lumalaki sila. Higit sa lahat, sa mga lugar na hindi gaanong pinangingisdaan, ang mga parrot fish ay hindi takót sa tao. Kaya naman napakadali nilang pagmasdan.

Ang malapitang panonood at pakikinig sa parrot fish habang ngumunguya ito ng korales ay isang karanasang di-malilimutan ng mga nanggagalugad sa mga coral reef. At sa paglangoy ng makukulay na parrot fish, napananatili nilang malusog ang kanilang paligid para sa ibang nilalang sa dagat at para sa atin.