Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Gumising!  |  Disyembre 2014

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Lupa

Lupa

Ano ang layunin ng Diyos sa lupa?

“Ito ang sinabi ni Jehova, . . . na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, . . . na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.”Isaias 45:18.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang nagsasabi na basta na lang umiral ang lupa. Itinuturo ng ilang relihiyon na ang lupa ay isang pansamantalang lugar kung saan sinusubok ng Diyos ang mga tao kung dapat silang gantimpalaan ng buhay sa langit o pahirapan sa maapoy na impiyerno.

ANG SABI NG BIBLIYA

Sinasabi ng Bibliya na “nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Sinabi niya sa unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan . . . sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Nabanggit lang ang kamatayan nang sabihin ang tungkol sa pagsuway. (Genesis 2:17) Kaya ang lupa ay nilalang ng Diyos para maging tirahan ng tao magpakailanman. Pupunuin ito ng masunuring mga tao, aalagaan nila ito at mabubuhay sila roon nang walang hanggan.

 Magugunaw ba ang lupa?

“Itinatag niya ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”Awit 104:5.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Ipinakita ng mga siyentipiko ang iba’t ibang senaryo kung paano posibleng magunaw ang lupa o hindi na puwedeng tirhan. Kabilang sa mga banta ang likas na mga sakuna—gaya ng pagbagsak ng asteroid o kometa, mga supervolcano, pagkamatay ng araw, o global warming—at ang mga sakunang gawa ng tao—gaya ng digmaang nuklear o bioterrorism.

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi nagbabago ang layunin ng Diyos para sa lupa. Maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.” (Eclesiastes 1:4) Sinabi rin nito: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.

BAKIT DAPAT ITONG PAG-ISIPAN?

Dahil sa paniniwalang magugunaw ang lupa, inaabuso ng ilang tao ang mahahalagang yaman nito. Ang ilan naman ay nawawalan ng pag-asa at namumuhay na para bang wala nang bukas. Dahil dito, halos nawawalan na ng kabuluhan o layunin ang buhay. Pero kung naniniwala tayo na puwede tayong mabuhay magpakailanman sa lupa, malamang na gagawa tayo ng desisyon na pakikinabangan natin at ng ating pamilya—maging sa hinaharap.

Sa langit ba mapupunta ang mga tao?

“Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”Awit 115:16.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang naniniwala na mapupunta sa langit ang mabubuting tao.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ang langit ay para sa Diyos, pero ang lupa ay para sa tao. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “darating na tinatahanang lupa.” (Hebreo 2:5) Si Jesus ang unang tao na umakyat sa langit, at ipinakikita ng Bibliya na may ilang pinili na aakyat din sa langit para sa isang espesipikong layunin. Kasama ni Jesus, “mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10; Lucas 12:32; Juan 3:13.

BAKIT DAPAT ITONG PAG-ISIPAN?

Hindi kaayon ng itinuturo ng Bibliya ang paniniwala na ang mabubuting tao ay mapupunta sa langit. Kung kukunin ng Diyos ang mabubuting tao tungo sa langit, ipinahihiwatig nito na nabigo siya sa kaniyang orihinal na layunin para sa lupa at na hindi totoo ang kaniyang pangako tungkol sa buhay na walang hanggan dito sa lupa. Sa halip, nangangako ang Salita ng Diyos: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa.”—Awit 37:34.

Higit Pang Impormasyon

ANG BANTAYAN

May Layunin ba Kung Bakit Nilikha ang Ating Planeta?

Matutupad ba ang layunin para sa lupa?