Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HULYO 2014

 TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Magagandang Asal sa Pagte-text

Magagandang Asal sa Pagte-text

ANG HAMON

Kausap mo ang isang kaibigan nang makatanggap ka ng text. Ano’ng gagawin mo?

  1. Basahin ang text habang nakikipag-usap sa kaibigan mo.

  2. Magsabi ng “excuse me” sa kaibigan mo at saka basahin ang text.

  3. Huwag pansinin ang text at ituloy lang ang pakikipag-usap sa kaibigan mo.

Mahalaga ba kung ano ang pipiliin mo? Oo naman!

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Ang pagte-text sa isang kaibigan habang nakikipag-usap sa iba ay parang paglalaro ng paborito mong isport nang hindi sumusunod sa mga patakaran nito. ‘Pero mga kaibigan ko naman sila,’ baka sabihin mo. Kaya nga mas kailangan mong magpakita ng magandang asal. Hindi mo naman kailangang maging sobrang istrikto at pormal. Pero tandaan ito: Kung wala kang respeto sa mga kaibigan mo, di-magtatagal, mawawalan ka ng kaibigan.

Bakit? Kasi naiinis ang mga tao kapag hindi sila iginagalang. Sinabi ng kabataang si Beth, * “Nakakaasar kapag tingin nang tingin sa cellphone ang kaibigan ko habang nakikipag-usap ako sa kaniya, na para bang hindi siya gaanong interesado sa sinasabi ko!” Hanggang kailan kaya mapagpapasensiyahan ni Beth ang gayong klaseng kaibigan?

Tingnan uli ang eksena sa “Ang Hamon,” at isipin ang asal mo sa paggamit ng cellphone. Aling opsyon ang pipiliin mo? Malamang na iniisip mong hindi maganda ang Opsyon A. Kumusta naman ang Opsyon B at C? Kawalang-galang ba kung ititigil mo ang pakikipag-usap para magbasa ng text? O kawalang-galang ba kung hindi mo papansinin ang text para ituloy ang pakikipag-usap?

Talagang may mga pagkakataong mahirap matukoy kung ano ang tamang paggawi. Pero makatutulong ang Bibliya. Sinasabi nito: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Lucas 6:31) Kapit din iyan sa pagte-text. Paano?

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Mag-text sa tamang oras. “Kung minsan, nakakatanggap pa rin ako ng text kahit gabing-gabi na,” ang sabi ng kabataang si Richard. “Hindi na nga importante, naabala pa ang tulog ko!” Tanungin ang sarili, ‘Nagte-text ba ako sa iba sa panahong baka nagpapahinga na sila?’—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 3:1.

Mag-ingat sa tono ng mga salita. Bahagi ng komunikasyon ang mga salita, tono ng boses, ekspresyon ng mukha, at galaw ng katawan. Pero karamihan sa mga ito ay hindi nakikita sa text. Kaya ano ang dapat mong gawin? “Maging magalang,” ang sabi ng kabataang si Jasmine. “Magsabi ng, ‘Kumusta ka?’ at gumamit ng mga salitang gaya ng ‘pakisuyo’ at ‘salamat.’ ”—Simulain sa Bibliya: Colosas 4:6.

Magkaroon ng tamang pagpapasiya. Balikan uli ang eksena sa “Ang Hamon.” Kung may hinihintay kang importanteng text, baka kailangan mong magpaalam muna sa iyong kausap. Pero kadalasan, makapaghihintay naman ang text. “Hindi naman makakaalis ang cellphone mo,” ang sabi ng 17-anyos na si Amy, “pero ang kaibigan mo, puwedeng umalis kung uunahin mo ang pagte-text.” Gumamit din ng tamang pagpapasiya kapag nasa mga gathering. “Huwag kang palaging mag-text,” ang sabi ng 18-anyos na si Jane. “Kapag text ka nang text, para mo na ring sinasabing, ‘Hindi ko kayo gustong kasama; sana nasa ibang lugar na lang ako.’ ”

Mag-isip muna bago mag-send. Posible kayang iba ang maging intindi sa text mo? Makatutulong kaya ang mga emoticon para maipakita ang talagang nadarama mo? “Kung nagbibiro ka lang, maglagay ka ng smiley,” ang sabi ng 21-anyos na si Amber. “Nasasaktan ang damdamin ng mga tao—at nagsisimula pa nga ang pag-aaway—kapag sineryoso nila ang isang biro.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 12:18.

Talagang mahalaga ang asal sa paggamit ng cellphone!

Pag-isipan: Ang magandang asal ay nagmumula sa pag-ibig. Paano maipakikita ang katangiang ito? Sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit.” (1 Corinto 13:4, 5) Aling aspekto ng pag-ibig ang kailangan mo pang pasulungin?

^ par. 11 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.