Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! MAYO 2014

Paghahanap sa mga Mangkukulam sa Europa

Paghahanap sa mga Mangkukulam sa Europa

SA Europa, mga ilang siglo na ang nakararaan, ang takot sa pangkukulam ay humantong sa paghahanap at pagpatay sa mga mangkukulam. Nangyari ito sa Pransiya, Alemanya, hilagang Italya, Switzerland, at sa tinatawag na Low Countries—Belgium, Luxembourg, at Netherlands. “Libo-libo ang namatay sa Europa at sa mga kolonya ng Europa,” at “milyon-milyong iba pa ang pinahirapan, inaresto, pinagtatanong, kinapootan, hiniya, o tinakot,” ang sabi ng aklat na Witch Hunts in the Western World. * Paano nagsimula ang ganitong pagkatakot at bakit?

Ang Inkisisyon at ang The Hammer of Witches

May malaking kinalaman sa kuwentong ito ang Inkisisyon. Binuo ito ng Simbahang Romano Katoliko noong ika-13 siglo “para kumbertehin ang mga apostata at hadlangan ang paghiwalay ng iba,” ang paliwanag ng aklat na Der Hexenwahn (The Witch Mania). Ang Inkisisyon ang nagsilbing pulis ng simbahan.

Noong Disyembre 5, 1484, inilabas ni Pope Innocent VIII ang isang utos na nagbabawal sa pangkukulam. Inatasan din niya ang dalawang inkisidor—sina Jakob Sprenger at Heinrich Kramer (kilalá rin sa kaniyang pangalang Latin na Henricus Institoris)—para ayusin ang problema. Sumulat sila ng isang aklat na pinamagatang Malleus Maleficarum, o The Hammer of Witches. Tinanggap ito ng mga Katoliko at Protestante bilang awtoridad may kinalaman sa pangkukulam. Ang aklat na ito ay naglalaman ng likhang-isip na mga kuwento tungkol sa mga mangkukulam batay sa mga sabi-sabi. Mababasa rito ang mga argumento ng batas at ng simbahan laban sa pangkukulam, pati na ang mga tagubilin kung paano makikilala at lilipulin ang mga mangkukulam. Sinasabing ang The Hammer of Witches “ang pinakamabalasik  at . . . pinakamapaminsalang aklat sa daigdig ng panitikan.”

Sinasabing ang The Hammer of Witches “ang pinakamabalasik at . . . pinakamapaminsalang aklat sa daigdig ng panitikan”

Hindi kailangan ang katibayan kapag napagbintangang mangkukulam ang isa. Sinasabi ng aklat na Hexen und Hexenprozesse (Witches and Witch Trials) na ang layunin ng mga paglilitis ay “para lang paaminin ang napagbintangan sa pamamagitan ng panghihikayat, panggigipit, o pamimilit.” Karaniwan na lang ang pagpapahirap.

Dahil sa The Hammer of Witches at sa utos na inilabas ni Pope Innocent VIII, isinagawa ang malawakang paghahanap sa mga mangkukulam sa Europa. Nakatulong din ang bagong teknolohiya—ang paglilimbag—para ikalat ang kabaliwang ito hanggang sa ibayong dagat ng Atlantiko at Amerika.

Sino ang mga Napagbintangan?

Mahigit 70 porsiyento ng napagbintangan ay mga babae, lalo na ang mga balo, na kadalasa’y walang tagapagtanggol. Kasama sa mga biktima ang mahihirap, matatanda, at mga babaeng nagbibigay ng mga halamang-gamot, lalo na kapag hindi ito tumalab. Walang ligtas dito—mayaman o mahirap, lalaki o babae, hamak o prominente.

Sinisisi ng mga tao ang mga “mangkukulam” sa lahat ng uri ng kasamaan. Diumano, sila ang “nagdudulot ng pagyeyelo at mga salot ng susô at higad para sirain ang mga binhi at bunga ng lupa,” ang sabi ng magasing Aleman na Damals. Kapag tinamaan ng graniso ang ani, kapag hindi nakapagbigay ng gatas ang baka, kapag baog ang isang lalaki o babae, mga mangkukulam ang sisisihin!

Tinitimbang ang mga pinagsususpetsahan dahil ang mga mangkukulam daw ay magaan o walang timbang

Paano nakikilala ang mga mangkukulam? Ang ilang pinagsususpetsahan ay ginagapos at inilalagay sa “banal” na tubig na malamig. Kapag lumubog, sila ay inosente at saka iaahon. Kapag lumutang, ituturing silang mangkukulam at agad papatayin o ibibigay sa mga tagapaglitis. Ang iba naman ay tinitimbang sa pag-aakalang ang mga mangkukulam ay magaan o walang timbang.

Ang isa pang paraan ay ang paghahanap sa “marka ng Diyablo,” na “isang nakikitang tanda na iniwan ng Diyablo matapos makipagkasundo sa mangkukulam,” ang sabi ng Witch Hunts in the Western World. Para malaman kung may marka ang isa, ‘inaahit ng mga opisyal ang lahat ng buhok sa ulo at katawan ng napagbintangan at sinusuri ang kaliit-liitang bahagi ng katawan nito’—sa harap ng publiko! Pagkatapos, tutusukin nila ng karayom ang anumang makita nila, gaya ng bálat, kulugo, at pilat. Kung hindi iyon masakit o hindi dumugo, ituturing itong marka ni Satanas.

Kapuwa sinuportahan ng mga pamahalaang Katoliko at Protestante ang paghahanap sa mga mangkukulam. At sa ilang rehiyon, mas pursigido pa ang mga tagapamahalang Protestante kaysa sa Katoliko. Pero sa kalaunan, nakapag-isip-isip din sila. Halimbawa, noong 1631, si Friedrich Spee, isang paring Jesuita na naghatid ng maraming “taong nahatulang mangkukulam” sa tulos para sunugin nang buháy, ay sumulat na, para sa kaniya, walang kasalanan ang mga ito. Nagbabala siya na kung magpapatuloy ang pagtugis na ito, mauubos ang tao sa lupain! Samantala, naintindihan ng mga manggagamot na ang mga bagay na gaya ng pangingisay ay maaaring dahil sa sakit at hindi dahil sa pagsanib ng demonyo. Noong ika-17 siglo, biglang bumaba ang bilang ng mga paglilitis, at sa pagtatapos ng siglong iyon, lubusan na itong inihinto.

Ano ang itinuturo sa atin ng malagim na panahong iyon? Ang isang mahalagang aral ay ito: Nang palitan ng mga nag-aangking Kristiyano ang dalisay na mga turo ni Jesu-Kristo ng relihiyosong mga kasinungalingan at pamahiin, nagbunga ito ng katakot-takot na kasamaan. Bilang paghula sa upasalang idudulot ng di-tapat na mga taong iyon sa tunay na Kristiyanismo, nagbabala ang Bibliya: “Pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.”2 Pedro 2:1, 2.

^ par. 2 Kasama sa mga kolonya ng Europa ang mga lupain sa Amerika.