Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Gumising!  |  Abril 2014

 TAMPOK NA PAKSA | BAKIT PA KAILANGANG MABUHAY?

Dahil May Makatutulong

Dahil May Makatutulong

‘Ihagis ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’1 PEDRO 5:7.

Baka gustuhin mo nang mamatay dahil naiisip mong wala ka nang magagawa para mapabuti ang iyong sitwasyon. Pero may makatutulong sa iyo.

Panalangin. Ang pananalangin ay hindi lang basta pampagaan ng loob; hindi rin ito isang bagay na ginagawa lang kapag desperado na ang isa. Ito ay aktuwal na pakikipag-usap sa Diyos na Jehova, na nagmamalasakit sa iyo. Gusto ni Jehova na sabihin mo sa kaniya ang iyong mga ikinababahala. Sa katunayan, hinihimok tayo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”Awit 55:22.

Bakit hindi mo subukang makipag-usap ngayon sa Diyos? Gamitin mo ang pangalan niyang Jehova, at magsalita ka mula sa puso. (Awit 62:8) Gusto ni Jehova na makilala mo siya bilang isang kaibigan. (Isaias 55:6; Santiago 2:23) Ang pananalangin ay isang paraan ng pakikipag-usap na magagawa mo kahit kailan, kahit saan.

Sinasabi ng American Foundation for Suicide Prevention na “ayon sa mga pag-aaral, natuklasang karamihan sa mga nagpakamatay—90% o higit pa—ay may sakit sa isip noong mamatay sila. Pero ang mga sakit na ito ay kadalasan nang hindi natukoy, na-diagnose, o nalapatan ng lunas”

Mga taong nagmamalasakit. Mahalaga sa iba ang buhay mo—pati na sa iyong mga kapamilya o kaibigan na nagmamalasakit sa iyo. Kasama rin sa mga nagmamalasakit sa iyo ang ilang hindi mo pa nakikilala. Halimbawa, sa kanilang ministeryo, ang mga Saksi ni Jehova ay nakakatagpo ng mga taong naguguluhan, at ang ilan ay umaaming desperado na sila at gusto nang magpakamatay. Dahil sa pagbabahay-bahay, natutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang gayong mga tao. Tulad ni Jesus, ang mga Saksi ni Jehova ay may malasakit din sa kanilang kapuwa. Nagmamalasakit sila sa iyo.Juan 13:35.

Mga doktor. Ang pag-iisíp na magpakamatay ay kadalasan nang palatandaan ng mood disorder, gaya ng clinical depression. Wala kang dapat ikahiya kung mayroon kang emosyonal na karamdaman—kung paanong hindi ka rin dapat mahiya kung mayroon kang pisikal na karamdaman. Sa katunayan, ang depresyon ay inihahalintulad sa “karaniwang sipon ng isip.” Kahit sino, puwedeng dapuan nito—at nagagamot ito. *

TANDAAN: Karaniwan nang imposibleng makaahon mula sa malalim na hukay ng depresyon kung nag-iisa ka. Pero kung may tutulong sa iyo, magagawa mo iyon.

ANG PUWEDE MONG GAWIN NGAYON: Humanap ng isang mapagkakatiwalaang doktor na gumagamot ng mga mood disorder gaya ng depresyon.

^ par. 8 Kung hindi maalis-alis sa isip mo ang pagpapakamatay, alamin kung saan ka makahihingi ng tulong—marahil sa isang suicide-prevention hotline o mental health center. May mga staff dito na sinanay para makatulong.

Higit Pang Impormasyon

SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA

Tutulungan ba Ako ng Diyos Kapag Nanalangin Ako?

Binibigyang-pansin ba ng Diyos ang mga problema natin?