Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! NOBYEMBRE 2013

 TAMPOK NA PAKSA

Pamantayang Moral Para sa Maligayang Buhay

Pamantayang Moral Para sa Maligayang Buhay

Hindi makapaniwala si Christina! Nakakita siya ng isang itim na plastic bag na naglalaman ng napakaraming pera—katumbas ng mahigit 20-taóng suweldo niya! Alam niya kung sino ang may-ari nito. Ano’ng dapat niyang gawin? Ikaw, ano’ng gagawin mo? Makikita sa sagot mo kung ano ang pangmalas mo sa katapatan at kung mahalaga sa iyo ang pamantayang moral na ito.

Ano ba ang mga pamantayan? Ang mga ito ay mga prinsipyo sa moral o etika na itinuturing nating mabuti at mahalaga. Maaaring kasama rito ang pagpapatawad, katapatan, pag-ibig, paggalang sa buhay, at pagpipigil sa sarili. Kaya naman apektado ng mga pamantayan natin ang ating paggawi, mga priyoridad, at ugnayan, pati na ang patnubay na ibinibigay natin sa ating mga anak. Pero kahit mahalaga ang mga pamantayang ito, bumababa pa rin ang mga ito.

PAGGUHO NG MGA PAMANTAYAN

Noong 2008, ininterbyu ng mga mananaliksik sa Estados Unidos ang daan-daang kabataan tungkol sa pangmalas nila sa mga pamantayang moral. “Ang nakapanlulumo, hindi man lang nila pinag-iisipan o pinag-uusapan ang mga usaping moral,” ang sabi ni David Brooks sa The New York Times. Iniisip ng marami sa kanila na mali ang panggagahasa at pagpaslang, pero “maliban sa malulubhang kasong iyan, hindi mahalaga sa kanila kung ano ang tama at mali, kahit pa nga sa mga bagay na gaya ng pagmamaneho nang lasing, pandaraya sa iskul, o pagtataksil sa kanilang partner.” Gaya nga ng sabi ng isang kabataan, “Hindi ko pinoproblema kung ano’ng tama  at mali.” Ganito ang pangmalas ng marami: ‘Kung sa tingin mo’y tama, gawin mo. Sundin mo ang puso mo.’ Katalinuhan ba iyan?

Ang puso ng tao ay may kakayahang magpakita ng matinding pag-ibig at awa. Pero maaari din itong maging ‘mapandaya at mapanganib.’ (Jeremias 17:9) Ang masaklap na katotohanang ito ay masasalamin sa nagbabagong moralidad sa daigdig—isang bagay na matagal nang inihula ng Bibliya. “Sa mga huling araw,” ang sabi nito, “ang mga tao ay magiging makasarili, masakim, mayayabang, at palalo,” at “walang-awa [at] mararahas.” Karagdagan pa, “kanilang kapopootan ang mabuti” at sila’y magiging “mahilig sa kalayawan kaysa Diyos.”2 Timoteo 3:1-5, Good News Translation.

Dahil diyan, huwag tayong basta magtitiwala sa ating puso! Sa katunayan, tahasang sinasabi ng Bibliya: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal.” (Kawikaan 28:26) Ipinakikita ng tekstong ito na para makapagdesisyon nang tama, kailangan nating iayon ang ating puso sa matuwid na mga pamantayan. Saan natin makikita ang mga pamantayang iyan? Marami ang nagtitiwala sa Bibliya dahil sa karunungan at pagkatahasan nito.

MGA PAMANTAYANG MAPAGKAKATIWALAAN

Makikita sa mga pamantayan ng Bibliya na ang mga ito ay talagang ginawa para sa sangkatauhan. Kuning halimbawa ang ilan—ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, kabaitan, pagkabukas-palad, at katapatan.

Pag-ibig sa kapuwa.

“Kung marunong kang magmahal, tiyak na magiging maligaya ka,” ang sabi ng aklat na Engineering Happiness—A New Approach for Building a Joyful Life. Maliwanag na bilang mga tao, kailangan natin ng pag-ibig. Kung wala ito, hindi tayo magiging tunay na maligaya.

Ang sabi ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Sinabi rin ng manunulat na iyon ng Bibliya: “Kung . . . wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.”1 Corinto 13:2.

Ang pag-ibig na iyan ay hindi seksuwal ni basta sentimental; ginagabayan ito ng prinsipyo. Ito ang uri ng pag-ibig na nag-uudyok sa atin na tulungan ang mga taong nangangailangan kahit hindi natin sila kilala, at kahit walang kapalit. Sinasabi ng 1 Corinto 13:4-7: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. [Ito] ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, . . . binabata ang lahat ng bagay.”

Kapag salat sa gayong pag-ibig ang isang pamilya, lahat ay nagdurusa, lalo na ang mga bata. Halimbawa, isinulat ni Monica na dumanas siya ng pisikal, emosyonal, at seksuwal na pang-aabuso noong bata pa siya. “Walang nagmamahal sa akin at wala akong kapag-a-pag-asa sa buhay,” ang sabi niya. Nang 15 anyos na siya, nakitira siya sa kaniyang lolo’t lola na mga Saksi ni Jehova.

“Sa dalawang-taóng pagtira ko sa kanila,” ang sabi ni Monica, “tinuruan nila ang  mahiyaing tulad ko na maging palakaibigan at mapagmalasakit. Tinulungan nila akong maging isang kagalang-galang na dalaga.” Ngayon, may asawa na si Monica at maligaya. Silang mag-asawa, kasama ang kanilang tatlong anak, ay nagpapakita ng pag-ibig sa iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mensahe ng Bibliya.

Ang isang mapandayang kaaway ng pag-ibig ay ang materyalismo—ang paniniwala na ang kaalwanan at pagpapasarap sa buhay ang pinakamahalaga. Pero paulit-ulit na ipinakikita ng mga pag-aaral na hindi kailangan ang maraming pera para maging maligaya. Sa katunayan, ang mga taong nagiging materyalistiko ay lalong hindi nagiging maligaya, at pinatutunayan iyan ng Bibliya. Sinasabi ng Eclesiastes 5:10: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan.” Sinasabi rin ng Bibliya: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay.”Hebreo 13:5.

Kabaitan at pagkabukas-palad.

“Hindi ba’t ang sarap sana kung puwede kang pumasok sa isang tindahan at bumili ng habambuhay na kaligayahan?” ang sabi ng isang artikulo ng The Greater Good Science Center sa University of California, Berkeley, sa Estados Unidos. “Parang imposible iyan, pero puwedeng mangyari—basta’t ang bibilhin mo ay para sa ibang tao.” Ang punto? Mas nagiging maligaya tayo sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.

Ang sabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”Gawa 20:35.

Kadalasan, ang pinakamaganda at pinakakasiya-siyang uri ng pagbibigay ay ang pagbibigay ng ating sarili—ng ating panahon at lakas. Halimbawa, nakakita si Karen ng tatlong babae—isang nanay at dalawa nitong anak na babae—na nasa loob ng kotseng nakataas ang hood. Ang nanay at ang isang anak ay papuntang airport, pero ayaw mag-start ng kotse, at wala pa ang taxi na ipinatawag nila. Nag-alok si Karen na ihatid sila, kahit 45 minuto ang layo ng airport. Tinanggap nila ang alok niya. Pagbalik ni Karen, nakita niyang naghihintay pa rin sa loob ng kotse ang isang anak.

“Parating na ang mister ko,” ang sabi ng babae.

“Mabuti naman,” ang sagot ni Karen. “Papunta ako sa Kingdom Hall, o pinaka-church namin, para mag-gardening.”

“Saksi ni Jehova ka?” ang tanong ng babae.

“Oo,” ang sabi ni Karen, at saglit silang nag-usap.

Pagkaraan ng ilang linggo, nakatanggap ng sulat si Karen. Ang sabi roon: “Hindi po namin nakakalimutan ng nanay ko ang kabutihan n’yo. Dahil sa inyo, nahabol namin ang aming flight! Sabi po ni Ate, Saksi ni Jehova raw kayo, kaya pala. Saksi rin po ang nanay ko, ako naman po inactive. Pero aayusin ko iyan sa lalong madaling panahon!” Tuwang-tuwa si Karen na nakatulong siya sa dalawang kapananampalataya. “Napaiyak ako,” ang sabi niya.

Isinulat ng awtor na si Charles D. Warner: “Ang isang magandang konsuwelo sa buhay . . . ay na kapag taimtim kang tumutulong sa  iba, natutulungan mo rin ang sarili mo.” Iyan ay dahil hindi nilalang ng Diyos ang tao para maging makasarili kundi para ipakita ang mga katangian Niya.Genesis 1:27.

Katapatan.

Mahalaga sa isang sibilisadong lipunan ang pamantayang ito. Ang pagiging di-tapat ay sanhi ng takot, kawalan ng tiwala, at pagkabulok ng lipunan.

Ang sabi ng Bibliya: “Sino ang magiging panauhin sa . . . tolda [ng Diyos]?” Ang sagot? “Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at . . . nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:1, 2) Oo, ang tunay na katapatan, gaya ng ibang katangiang tinalakay natin, ay bahagi ng ating pagkatao. Hindi lang ito dahil sa sirkumstansiya o dahil sa ito ang madaling gawin.

Natatandaan mo pa ba si Christina na nakakita ng bag na may pera? Gusto niyang mapalugdan ang Diyos sa halip na magkaroon ng kayamanan. Kaya nang bumalik ang nag-aalalang may-ari, sinabi ni Christina na nakita na ang bag nito. Hangang-hanga ang negosyante sa katapatan ni Christina. Humanga rin ang employer ni Christina kaya nang maglaon, ginawa niya itong general storekeeper, isang posisyon para sa mga mapagkakatiwalaan. Totoo nga ang sinasabi ng 1 Pedro 3:10: “Siya na nagnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw, magpigil siya ng kaniyang . . . mga labi mula sa pagsasalita ng panlilinlang.”

‘LUMAKAD SA DAAN NG MABUBUTING TAO’

Masasalamin sa mga pamantayang moral ng Bibliya ang matinding pag-ibig sa atin ng Maylalang. Tinutulungan tayo ng mga pamantayang ito na “makalakad . . . sa daan ng mabubuting tao.” (Kawikaan 2:20; Isaias 48:17, 18) Kapag sinusunod natin ang patnubay na iyan, naipakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos at pagpapalain tayo nang sagana. Sa katunayan, nangako ang Bibliya: “Ingatan mo ang . . . daan [ng Diyos], at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”Awit 37:34.

Oo, napakagandang kinabukasan ang naghihintay sa mga sumusunod sa pamantayan ng Bibliya—buhay sa mapayapang daigdig na walang kasamaan! Talagang dapat nating isaalang-alang ang mga pamantayang itinuturo ng Bibliya.