Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HULYO 2013

Ang Mailap na Sand Cat

Ang Mailap na Sand Cat

Matapos ang mga dalawang-buwang pagbubuntis, ang sand cat ay karaniwan nang nagsisilang ng tatlong kuting

SA GITNA ng tigang na disyerto, sa kalaliman ng gabi, isang sand cat ang lumabas sa lungga nito at huminto. Tumingin-tingin ito sa paligid at nakiramdam. Habang nakayukyok, tahimik nitong binagtas ang buhanginan.

Biglang-bigla, nilundag ng sand cat ang walang kamalay-malay na biktima nito—isang dagang gerbil. Pagkatapos, patuloy itong nanila sa buong magdamag, anupat paminsan-minsan ay lumulundag para manghuli pa ng biktima. Kapag mas marami itong nahuli kaysa sa kaya nitong kainin, tatabunan niya iyon ng buhangin. Babalik ito sa lungga niya sa madaling-araw at halos maghapon na ito roon. Pansinin ang ilang kawili-wiling bagay tungkol sa mailap na pusang ito:

  • Ang matalas na pandinig ng sand cat ay nakatutulong para matagpuan ang sinisila nito, kahit nasa ilalim pa iyon ng lupa

  • Para makahanap ng mapapangasawa, ang lalaking sand cat ay naglalabas ng matitinis na ungol na parang kahol. Dahil matalas ang pandinig ng babaing sand cat, naririnig niya ito kahit sa malayo

  • Ang mga balahibo sa talampakan ng sand cat ay nakatutulong para huwag itong lumubog sa buhangin at makayanan ang sobrang init o sobrang lamig ng buhangin

  •  Ang loob ng bawat tainga ay nababalutan ng makapal na puting balahibo para hindi mapasok ng buhanging inililipad ng hangin

  • Mahirap tuntunin ang sand cat dahil ang talampakan nito ay nababalot ng makapal na balahibo kung kaya halos wala itong iniiwang bakas

  • Ang mga sand cat ay nabubuhay sa tubig na nakukuha nila sa kanilang mga nasisila

  • Umaabot nang hanggang 80 digri Celsius ang init ng buhangin sa Kara-Kum Desert. Kung minsan naman, bumababa nang hanggang -25 digri Celsius ang temperatura ng hangin doon