Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HUNYO 2013

 TAMPOK NA PAKSA: BILI BA TAYO NANG BILI?

Bakit Tayo Namimili?

Bakit Tayo Namimili?

Sa isang pandaigdig na surbey na inilabas noong 2012, kalahati sa mga tinanong ang umamin na bumibili sila ng mga bagay na hindi naman nila talaga kailangan. Dalawang-katlo ang nababahala dahil sa sobrang pamimili ng mga tao. May katuwiran naman sila. Maraming mámimíli ang nababaon sa utang. Sinasabi ng mga mananaliksik na sa halip na masiyahan, lalo tayong nai-stress at nalulungkot dahil sa sobrang pamimili! Kung gayon, bakit nga ba tayo bili nang bili?

BILANG mga mámimíli, nakahantad tayo sa sangkatutak na advertisement. Ano ba talaga ang layunin ng mga negosyante? Ibig nilang isipin nating kailangan natin ang isang bagay pero ang totoo, gusto lang natin iyon. Alam nilang malaki ang impluwensiya ng emosyon sa mga mámimíli. Kaya ginagawa nilang exciting ang mga advertisement at ang mismong pagsa-shopping.

Sinasabi ng aklat na Why People Buy Things They Don’t Need: “Kapag may pinaplanong bilhin, ang mámimíli ay kadalasan nang nagpapantasyang hinahanap ang isang bagay, nakikita ito, at binibili ito.” Iniisip ng ilang eksperto na puwedeng manabik nang husto ang mga nagsa-shopping kaya tumataas ang kanilang adrenaline. Ganito ang paliwanag ng eksperto sa marketing na si Jim Pooler: “Kung mahahalata ng nagbebenta ang nararamdamang ito ng mámimíli, puwede niyang samantalahin [iyon].”

Paano mo maiiwasang mabiktima ng mga tusong negosyante? Sa halip na magpadala sa emosyon, paghambingin mo ang mga pangako sa advertisement at ang realidad.

 PANGAKO: “Mas Gaganda ang Buhay Mo”

Natural lang na maghangad tayo ng mas magandang buhay. Palaging sinasabi ng mga advertiser na maaabot natin ang lahat ng ating pangarap—magandang kalusugan, seguridad, kawalan ng stress, at mas malapít na mga ugnayan—kung tama ang ating mga binibili.

REALIDAD:

Habang nadaragdagan ang ari-arian natin, nababawasan naman ang kalidad ng ating buhay. Mas maraming panahon at pera ang kailangan para mapangalagaan ang dagdag na mga ari-arian. Lalo tayong nai-stress dahil sa mga utang, at nababawasan ang panahon natin para sa pamilya at mga kaibigan.

Habang nadaragdagan ang ari-arian natin, nababawasan naman ang kalidad ng ating buhay

Simulain: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”Lucas 12:15.

PANGAKO: “Hahangaan Ka ng Iba”

Iilan lamang ang aaming bumibili sila ng mga bagay para pahangain ang iba. Pero sinabi ni Jim Pooler: “Kapag nagsa-shopping ang mga tao, ang pangunahing dahilan nito ay para makipagkompetensiya sa kanilang mga kaibigan, kapitbahay, katrabaho at kamag-anak.” Dahil dito, kadalasan nang ipinakikita sa mga advertisement na ang mga produkto ay ginagamit ng mga sikát at mayayaman. Ang mensahe: “Puwede ka ring maging sikát at mayaman!”

REALIDAD:

Kung susukatin natin ang ating tagumpay sa pamamagitan ng pagkukumpara ng ating sarili sa iba, lagi lang tayong madidismaya. Kapag nakuha mo na ang isang bagay na gusto mo, maghahangad ka na naman ng higit pa roon.

Simulain: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak.”Eclesiastes 5:10.

PANGAKO: “Ipakita Mo Kung Sino Ka”

Sinasabi sa aklat na Shiny Objects: “Ang isang karaniwang paraan ng pagsasabi sa iba kung sino tayo (o kung ano ang gusto nating marating) ay sa pamamagitan ng mga bagay na ginagamit natin at idinidispley.” Alam ito ng mga advertiser, kaya iniuugnay nila ang mga produkto—lalo na ang mga mamahaling brand—sa partikular na mga istilo ng buhay at pamantayan.

Ano ang tingin mo sa iyong sarili, at ano ang gusto mong maging tingin sa iyo ng iba? Fashionista? Mahilig sa sports? Anuman ang gusto mong maging tingin sa iyo, ipinangangako ng mga advertiser na mangyayari iyan kung tama ang pipiliin mong brand.

REALIDAD:

Hindi kayang baguhin ng anumang produkto ang tunay nating pagkatao ni mabibigyan man tayo nito ng magagandang katangiang gaya ng katapatan at integridad.

Simulain: “Ang inyong kagayakan ay huwag yaong . . . pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi ang lihim na pagkatao ng puso.”1 Pedro 3:3, 4.