Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! SETYEMBRE 2012

Medikal na mga Alternatibo sa Pagsasalin ng Dugo

Medikal na mga Alternatibo sa Pagsasalin ng Dugo

NOONG Mayo 20-22, 2011, ang nangungunang mga eksperto mula sa mahigit 40 bansa ay nagtipon sa Moscow para sa 60th Jubilee International Congress of the European Society for Cardiovascular and Endovascular Surgery. “Para sa mga doktor, ang ganito kalaking pagtitipon ay singhalaga ng Olympics para sa mga atleta,” ang sabi ng isang tagapagbalita sa TV sa Russia.

Sa tatlong araw na kombensiyon, isang booth na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa medikal na mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo ang nakatawag-pansin sa marami. Ang staff na nagbabantay roon ay kabilang sa Hospital Information Services for Jehovah’s Witnesses (HIS). Maraming doktor ang nagsikuha ng mga information folder, aklat, DVD, at mga artikulo sa medisina tungkol sa paksang ito. Pero ang pinakagusto nila ay ang DVD dahil sa video nito na pinamagatang Transfusion-Alternative Strategies—Simple, Safe, Effective. *

Mga staff ng Hospital Information Services for Jehovah’s Witnesses ang nagbantay sa booth na ito. Maraming doktor ang kumuha ng mga information folder, aklat, DVD, at mga artikulo sa medisina

 Ang marami sa mga doktor na nagpunta sa booth ay sang-ayon na kailangang iwasan ang pagtapon ng maraming dugo kapag nag-oopera. Isang siruhano sa puso mula sa Italya na nagsalita sa pagtitipong iyon ang nagsabi na kilala niya ang mga Saksi ni Jehova at mga 70 Saksi na ang naoperahan niya nang hindi nagsasalin ng dugo. Sinabi rin niya na pangkaraniwan lang sa kaniyang klinika ang pag-oopera nang walang dugo. Isang propesor sa Deutsches Herzzentrum Berlin (German Heart Institute Berlin) ang kumuha ng dalawang kopya ng DVD para sa kaniyang sarili at sa isa pang kasamahan. Sinabi ng propesor sa mga tagapakinig na kamakailan lang ay nag-opera siya nang hindi nagsasalin ng dugo sa isang sanggol na tumitimbang lang ng 2.5 kilo; at sa kaniyang klinika, nakapag-opera na sila sa puso sa mas maliliit na sanggol.

Posibleng makapag-opera nang hindi nagsasalin ng dugo kung gagamit ng tamang mga teknik para maiwasang tumapon ang maraming dugo, tamang mga kagamitan, at tamang gamot

Isang buwan pagkaraan ng kombensiyon sa Moscow, ang mga doktor mula sa iba’t ibang bansa ay nagtipon sa lunsod ng Arkhangel’sk para sa Fourth Belomorsk Symposium of Anesthesiologists and Intensive Care Physicians of the Northwest Region of Russia. Naglagay uli ng booth doon ang HIS, at muli na naman itong nakatawag ng pansin. Nang makita ang mga nakadispley, isang doktora mula sa St. Petersburg ang nagsabi, “Ito mismo ang kailangan namin!” Sinabi niyang ikinalulungkot niya na naging rutin ng mga kapuwa niya doktor na salinan ng dugo ang mga pasyenteng nasunog ang katawan. “Malaki ang maitutulong ng inyong mga materyal sa komperensiyang idaraos sa St. Petersburg hinggil sa paggamot sa mga pasyenteng nasunog ang katawan,” ang masiglang sabi niya.

Sa buong mundo, parami nang paraming doktor ang sumasang-ayon sa mga bentaha ng paggamot at pag-oopera nang walang dugo. Ito kaya ang magiging standard ng medikal na paggamot sa buong daigdig sa kalaunan? Panahon lang ang makapagsasabi.

^ par. 3 Ginawa ng mga Saksi ni Jehova.