Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! NOBYEMBRE 2011

 Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ako Makakapili ng Mabuting Libangan?

Paano Ako Makakapili ng Mabuting Libangan?

Kung isa kang Kristiyano, tiyak na mapamili ka pagdating sa libangan. Hindi mo basta sinusunod ang sinasabi ng iba na panoorin mo, basahin, o pakinggan. Bakit? Dahil maraming libangan sa ngayon ang nagtatampok ng seksuwal na imoralidad, karahasan, at espiritismo—mga bagay na dapat mong iwasan. Pero mayroon pa rin namang mabuting libangan. Tingnan natin kung paano ka makakapili. *

PELIKULA

Lagyan ng ✔ ang paborito mong klase ng pelikula.

  • Comedyy
  • Drama
  • Action/Adventure
  • Science fiction
  • Iba pa

Alam mo ba . . . ? Ang India ay karaniwan nang nakagagawa ng mahigit 1,000 pelikula taun-taon—di-hamak na mas marami kaysa sa alinmang bansa.

Kung ano ang iiwasan. Maraming pelikula ang nagpapakita ng mga pamantayang salungat sa Bibliya. Ang ilan ay nagtatampok ng karahasan, lantarang pakikipag-sex, at okultismo. Pero ayon sa Bibliya: “Alisin . . . ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.” (Colosas 3:8) Ipinagbabawal din ng Diyos ang mga gawain na may halong espiritismo.—Deuteronomio 18:10-13.

Kung paano magiging mapamili. “Kapag nakita ko sa trailer na kuwestiyunable ang pelikula, hindi ko ’yon panonoorin.”—Jerrine. *

“Hindi ko basta pinakikinggan ang rekomendasyon ng iba maliban nang tiyak ko na pareho kami ng pamantayan.”—Caitlyn.

“Kapag nanonood ako ng sine at naasiwa ako sa mga eksena, lumalabas ako agad.”—Marina.

“Para mas malaman ko ang nilalaman ng pelikula, tinitingnan ko sa Internet ang rating nito may kinalaman sa sex, karahasan, at pagmumura.”—Natasha.

Tip: Maghanap ng mga pelikula na malamang na walang kuwestiyunableng eksena. “Enjoy na enjoy akong panoorin ang tungkol sa nagdaang panahon—mga pelikulang batay sa classic literature,” ang sabi ng tin-edyer na si Masami.

Tanungin ang sarili,

‘Ang mga pinapanood ko bang pelikula ay mas nagpapadali—o mas nagpapahirap—sa akin na sundin ang mga utos ng Diyos tungkol sa sekso, karahasan, at espiritismo?’

 AKLAT

Lagyan ng ✔ ang paborito mong klase ng babasahín.

  • Fiction
  • Nonfiction
  • Classic literature
  • Other

Alam mo ba . . . ? Sa Estados Unidos pa lang, mahigit na sa 1,000 aklat ang inilalathala linggu-linggo.

Pabor sa entertainment industry—kikita kasi sila nang malaki—kung babale-walain mo ang iyong budhing sinanay sa Bibliya at basta na lang panonoorin, babasahin, o pakikinggan ang gusto ng karamihan.

Kung ano ang iiwasan. Gaya ng mga pelikula, maraming aklat ang nagtatampok ng mga pamantayang salungat sa Bibliya. Halimbawa, ang ilan ay naglalaman ng malalaswang pananalita o tungkol sa espiritismo. Pero sinasabi ng Bibliya: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.” (Efeso 5:3) Sinasabi rin nito na ang mga gawaing nagsasangkot ng espiritismo ay “masama sa paningin ni Jehova.”—2 Hari 17:17.

Kung paano magiging mapamili. “Kapag pumipili ako ng aklat, tinitingnan ko ang back cover at ang ilang pahina. Kapag may nakita akong kuwestiyunable, hindi ko iyon bibilhin.”—Marie.

“Habang lumalaki ako at natututong magpasiya, nakikita ko na mahalagang sundin ang idinidikta ng aking konsiyensiya. Kung sa tingin ko’y masamang basahin ang isang aklat, hindi ko na iyon tinatapos. Alam kong salungat iyon sa pangmalas ng Diyos.”—Corinne.

Tip: Subukan ang ibang klase ng babasahin. “Mas nag-e-enjoy akong magbasa ng classic literature kaysa sa modern fiction,” ang sabi ni Lara, 17 anyos. “Talagang napakaganda ng mga pananalita, paglalarawan sa mga karakter, at takbo ng istorya!”

Tanungin ang sarili,

‘Ang mga aklat bang kinawiwilihan kong basahin ay nagtataguyod ng paggawi na ayaw ng Diyos?’

 MUSIKA

Lagyan ng ✔ ang paborito mong klase ng musika.

  • Rock
  • Classical
  • Jazz
  • R&B
  • Hip-hop
  • Iba pa

Alam mo ba . . . ? Mga 30,000 album ang inilalabas taun-taon ng apat na malalaking recording company sa daigdig.

Kung ano ang iiwasan. Gaya ng mga pelikula at aklat, karamihan ng mga awitin sa ngayon ay imoral. Dahil sa mahahalay na liriko at music video, baka mas mahirapan kang kontrolin ang iyong seksuwal na pagnanasa. (1 Corinto 6:18) “Ang karamihan ng musika sa ngayon ay humihila sa isa na labagin ang mga pamantayan ng Bibliya,” ang sabi ng 21-anyos na si Leigh, “at naeengganyo ng tugtog ang mga tao na magsayaw nang mapang-akit.”

Kung paano magiging mapamili. “Itinatanong ko sa sarili ko, ‘Kung ipapakita ko sa mga adultong Kristiyano ang music list ko, mapapahiya ba ako?’ Nakakatulong ito sa akin sa pagpapasiya kung anong klase ng musika ang dapat kong pakinggan.”—Leanne.

Tip. Subukan ang iba’t ibang uri ng musika. “Mahilig si Daddy sa classical music, kaya madalas na rin akong makarinig nito noong bata pa ako,” ang sabi ng tin-edyer na si Roberto. “Mas naging pamilyar ako sa classical music nang mag-aral ako ng piano, at nakaka-enjoy pala ang musikang ito!”

Tanungin ang sarili,

‘Ang mga musika bang pinakikinggan ko ay mas nagpapadali—o mas nagpapahirap—sa akin na labanan ang seksuwal na pagnanasa?’

MAGBASA PA TUNGKOL DITO!

Tingnan ang aklat na Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, Kabanata 31 at 32, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 3 Hindi inirerekomenda ni kinokondena ng Gumising! ang alinmang partikular na pelikula, aklat, o awitin. Ang layunin ng artikulong ito ay tulungan kang magkaroon ng budhing sinanay sa Bibliya na tutulong sa iyo na maging masunurin sa mga pamantayan ng Diyos.—Awit 119:104; Roma 12:9.

^ par. 13 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

Higit Pang Impormasyon

Malalabanan Mo ang Tukso!

May tatlong hakbang na makatutulong sa iyo na maging determinadong labanan ang tukso.

Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2

Ilan sa mga paksa: eskuwela, paglilibang, kasama, magulang, pagbabago sa buhay, damdamin, at di-kasekso.