Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! AGOSTO 2010

Karaniwang mga Tanong

Karaniwang mga Tanong

 Karaniwang mga Tanong

Bakit ang ilan ay nagsasalita ng laban sa mga Saksi ni Jehova?

Hindi lang talaga alam ng marami kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Saksi. Baka hindi gusto ng iba ang ginagawa nilang pangangaral. Pero ang totoo, ginagawa nila ito udyok ng pag-ibig sa kapuwa dahil alam nila na “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Roma 10:13.

Ang mga Saksi ni Jehova ba ay mga Protestante, mga Pundamentalista, o isang sekta?

Ang mga Saksi ni Jehova ay mga Kristiyano, pero hindi sila Protestante ni Katoliko man. Nakita nila na hindi salig sa Bibliya ang ilan sa mga turo ng mga relihiyong ito. Halimbawa, hindi itinuturo ng Bibliya na ang Diyos—ang mismong personipikasyon ng pag-ibig—ay nagpapahirap sa mga tao nang walang hanggan sa maapoy na impiyerno. Hindi rin nito itinuturo na may imortal na kaluluwa ang mga tao o na dapat manghimasok sa pulitika ang mga Kristiyano.—Ezekiel 18:4; Juan 15:19; 17:14; Roma 6:23. *

“Ang Pundamentalismo ay isang malaking kilusan ng mga Protestante sa Estados Unidos,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Ang ilang Pundamentalistang organisasyon ay “nagtataguyod ng mga pananaw na panlipunan at pampulitika na batay sa literal na pakahulugan nila sa mga teksto sa Bibliya.” Hindi ganiyan ang mga Saksi ni Jehova. Gaya ng nabanggit na, hindi sila nakikialam sa pulitika at hindi nila ipinipilit ang kanilang mga pananaw sa iba sa pamamagitan ng pulitika o iba pang paraan. Sa halip, nakikipag-usap sila sa mga tao, kadalasan nang sa isang indibiduwal, anupat nangangatuwiran at nagbibigay ng matibay na patotoo, gaya ng ginawa ng mga unang Kristiyano.—Gawa 19:8.

Ang sekta ay isang grupo sa isang relihiyon na may anumang laban sa kanilang relihiyon, o isang grupo na humiwalay para bumuo ng bagong relihiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi humiwalay mula sa anumang simbahan. Kaya hindi sila isang sekta.

Ano ang ginagawa ng mga Saksi sa kanilang mga pulong?

Ang kanilang mga pulong ay mga pag-aaral sa Bibliya na kadalasan nang may partisipasyon ng mga tagapakinig at bukas sa publiko. Ang isa sa kanilang lingguhang pulong, ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ay tumutulong sa mga miyembro ng kongregasyon na malinang ang kakayahan sa pagtuturo, pagbabasa, at pagsasaliksik. Ang isa pa ay ang 30-minutong pahayag na salig sa Bibliya tungkol sa mga paksang maaaring magustuhan din ng mga di-Saksi. Sinusundan ito ng pag-aaral sa Bibliya gamit ang  magasing Bantayan. Nagsisimula at nagtatapos ang mga pulong sa pamamagitan ng awit at panalangin. Walang nanghihingi o nagpapaikot ng plato para sa donasyon.—2 Corinto 8:12.

Saan nanggagaling ang pondo ng mga Saksi ni Jehova?

Ang kanilang gawain ay sinusuportahan ng mga boluntaryong donasyon. Walang bayad ang kanilang serbisyo sa bautismo, kasal, libing, o iba pang gawain sa relihiyon. Wala rin silang ikapu. Ang sinumang gustong magbigay ng donasyon ay puwedeng maghulog nito sa kahon ng kontribusyon na nasa isang tabi sa loob ng Kingdom Hall. Sila mismo ang gumagawa ng kanilang salig-Bibliyang mga literatura. Dahil dito, malaki ang natitipid nila. At ang kanilang simpleng mga Kingdom Hall at tanggapang pansangay ay karaniwan nang itinatayo ng mga boluntaryo.

Nagpapagamot ba ang mga Saksi ni Jehova?

Oo. Sa katunayan, hinahanap nila ang pinakamahusay na paraan ng panggagamot para sa kanila at sa kanilang mga mahal sa buhay. Marami ring Saksi ang nagtatrabaho bilang mga nars, paramedik, doktor, at siruhano. Pero hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na “umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:28, 29) Kapansin-pansin, dumarami ang mga doktor na naniniwalang ang paraan ng panggagamot na hindi gumagamit ng dugo ang pinakamahusay. Dahil dito, naiiwasan ang maraming panganib na nauugnay sa paggamit ng mga produktong galing sa dugo.

[Talababa]

^ par. 5 Ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa mga ito at sa maraming iba pang paksa ay mababasa sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

KUNG SAAN WALANG PAGTATANGI SA RELIHIYON

Ang bayan ng Bejucal de Ocampo sa timog ng Mexico ay naiiba. “Karamihan sa mga tagarito ay Saksi ni Jehova,” ang ulat ng pahayagang Excélsior. “Nagkakasundo ang mga relihiyon at gobyerno. . . . Sa halip na maglasing at manigarilyo, ang mga tagarito ay umaawit at nagbabasa ng Bibliya. Iginagalang din nila ang awtoridad.”

Kahit na iba-iba ang relihiyon sa bayang ito, “hindi pa nagkaroon ng alitan o pagtatalo sa pagitan ng mga relihiyon,” ang sabi sa ulat. Dagdag pa nito: “Walang magkaaway, at kahit magkakaiba ang relihiyon ng mga tao, nagbabatian sila . . . Malayang naipakikita ng bawat pamilya ang kanilang pananampalataya, at hindi ito nagiging hadlang sa kapayapaan. Hindi nagtataka ang mga tao na napakaraming Saksi ni Jehova sa Bejucal.” Isa pa, ang mga bata ay ‘disenteng manamit, mataas ang grado at disiplinado sa klase,’ ang sabi ng isang guro sa haiskul na di-Saksi.