Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Gumising!  |  Nobyembre 2008

Mahabang Buhay—Nasa Okinawa ba ang Sekreto?

Mahabang Buhay—Nasa Okinawa ba ang Sekreto?

 Mahabang Buhay—Nasa Okinawa ba ang Sekreto?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

▪ Sa mga isla ng Okinawa, Hapon, na 1.3 milyon ang populasyon, tinatayang halos 740 ang sentenaryo noong 2006—90 porsiyento ay kababaihan. Nangangahulugan ito na sa bawat 100,000 katao, mga 50 ang sentenaryo, ayon sa Okinawa Centenarian Study, na pinangungunahan ni Dr. Makoto Suzuki. Sa karamihan ng mauunlad na bansa, ang proporsiyon ay tinatayang 10 hanggang 20 sa bawat 100,000 katao.

Sa isinasagawang pananaliksik, na sinasabing “ang pinakamatagal nang isinasagawang pag-aaral sa mga sentenaryo sa buong daigdig,” natuklasan na “napakaraming sentenaryo ang malulusog.” Para malaman kung bakit, sinuri ni Suzuki at ng kaniyang pangkat ang istilo ng pamumuhay at gene ng mahigit 900 sentenaryo, pati na ng marami pang taga-Okinawa na edad 70 pataas. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga may-edad nang ito ay karaniwan nang payat pero malakas at malusog, hindi barado ang kanilang mga ugat, at kapansin-pansing kakaunti lamang sa kanila ang may kanser at sakit sa puso. At sa mga indibiduwal na halos 100 taóng gulang, mas kakaunti lamang ang may dementia kung ikukumpara sa mga kaedad nila sa ibang mauunlad na bansa. Ang sekreto?

Isang mahalagang salik ang gene. Pero may iba pang mga salik—hindi paninigarilyo, katamtamang pag-inom ng alak, at wastong pagkain. Ang pagkain ng mga taga-Okinawa ay karaniwan nang mababa sa kalori at mas marami silang kinakaing gulay at prutas, at mga pagkaing mayaman sa natural fiber at good fat (omega-3, monounsaturated fat). Nakaugalian din ng mga tao rito na mga 80 porsiyento pa lamang ang kanilang kabusugan, tumitigil na sila sa pagkain. “Sa oras na maramdaman mong busog ka na, huminto ka na sa pagkain,” ang sabi ni Dr. Bradley Willcox, isa sa mga mananaliksik sa isinasagawang pag-aaral na iyon. “Mga 20 minuto pa ang lumilipas bago malaman ng utak na busog ka na.”

Laging naeehersisyo ang mga taga-Okinawa dahil sa paghahalaman, araw-araw na paglalakad, tradisyonal na pagsasayaw, o iba pang mga gawain. Lumilitaw rin sa pagsusuri na ang mga sentenaryo ay positibong mag-isip at madaling makibagay. Kaya nilang harapin ang tensiyon, at ang mga kababaihan lalo na ay “maraming malalapít na kaibigan.”

“Walang makahimalang gamot” na pampahaba ng buhay, ang sabi ni Dr. Willcox. Gaya ng ipinakikita sa pag-aaral, mahahalagang salik ang gene, pagkain, ehersisyo, mabubuting kaugalian, “at tamang mga paraan ng pagharap sa tensiyon.”