Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! OKTUBRE 2008

Puerto Rico—Kayamanan sa Ilalim ng Araw

Puerto Rico—Kayamanan sa Ilalim ng Araw

 Puerto Rico—Kayamanan sa Ilalim ng Araw

NOONG Nobyembre 19, 1493, dumating si Christopher Columbus, kasama ang plota ng mga barko mula sa Espanya, sa baybayin ng isang luntiang isla sa Caribbean. Pinangalanan niya ang isla na San Juan Bautista. Pagkatapos ng sandaling pagtigil doon para kumuha ng suplay, naglayag siya at ipinagpatuloy ang kaniyang ikalawang paglalakbay para tumuklas.

Hindi interesado ang manggagalugad na ito sa ginintuang baybayin nito na maraming puno ng palma at sagana sa tropikal na mga pananim. Mas malalaking isla at mga kayamanan ang hanap ni Columbus.

Si Ponce de León, isang Kastila na sinasabi ng ilan na kasama ni Columbus sa paglalakbay na iyon, ay desididong bumalik sa isla, na tinatawag ng mga katutubo roon na Boriquén. Nabalitaan niyang nagsusuot ng mga palamuting ginto ang mga tagaroon kaya inisip niyang may ginto sa mga burol doon. Pagkalipas ng 15 taon, bumalik siya para maghanap ng sinasabi niyang ginto. Noong 1521, itinatag ng mga Kastila ang kanilang sentrong pamayanan sa hilagang baybayin ng isla. Tinawag ni Ponce de León ang bagong bayan na Puerto Rico, na nangangahulugang “Mayamang Daungan,” dahil naniniwala siyang malapit na siyang makakuha ng maraming ginto. *

Walang basehan ang inaasahan ni Ponce de León. Madaling naubos ang ginto sa Puerto Rico, at dumami ang problema ng gobyerno. Nang dakong huli, lumipat si Ponce de León sa tinatawag ngayong estado ng Florida, E.U.A.

Bagaman kakaunti lamang ang makukuhang mineral sa isla, nakita ng mga Kastila na mapapakinabangan ang pangunahing daungan ng Puerto Rico. Noong ika-16 na siglo, ginawa nilang daungan ang kabisera ng isla para magsanggalang sa mga galeon na nagdadala ng mga bara ng ginto mula sa mga lupain sa Amerika patungong Espanya. Sa kalaunan, nakilala ang San Juan bilang “ang pinakamatibay na balwarte ng Espanya sa Amerika.”

Ang matitibay na pader, na 13 metro ang taas at hanggang 6 na metro ang kapal—pati na ang dalawang malalaking kuta—ay nagpapatotoo sa pambihirang pagsisikap na ginawa ng mga mamamayan ng San Juan para protektahan ang kanilang lunsod. Sa ngayon, isa pa rin ang San Juan sa paboritong pasyalan ng mga turista sa Caribbean. Maguguniguni ng mga turista ang buhay noong panahon ng pananakop habang binabaybay nila ang kahabaan ng mga pader sa lunsod at namamasyal sa matatandang gusali.

Pamamasyal sa Matandang San Juan

Ang napapaderang lunsod, kilala bilang Matandang San Juan, ay ibang-iba sa abala, moderno, at malaking lunsod na nasa palibot nito. Ang Matandang San Juan ay mukhang barkong nakalutang sa karagatan. Ang lungos nito, o “proa,” na nakausli sa Atlantiko ay halos napalilibutan ng dagat. Sa estratehikong lungos na ito matatagpuan ang El Morro, ang kuta ng Espanya na nagsasanggalang sa pasukan ng daungan. Sa likod ng El Morro ay may napapaderang kuta sa magkabilang baybayin ng makipot na lungos na parang hugis ng proa ng isang barko. Mga isa’t kalahating kilometro naman sa gawing silangan, matatagpuan ang isa pang malaking kuta na tinatawag na San Cristóbal, na nagsasanggalang sa “popa” laban sa anumang posibleng pagsalakay ng kalaban. Nasa gitna ng dalawang kutang ito ang Matandang San Juan, na itinalaga ng UNESCO bilang World Heritage Site noong 1983.

Maingat na isinauli sa dati nitong hitsura ang matandang lunsod. Pinintahan ng mga residente roon ang kanilang mga bahay ng masisiglang pastel na kulay, nilagyan ng dekorasyong makukulay na bulaklak ang mga balkonaheng yari sa bakal, at tinamnan ang kanilang bakuran ng tropikal na mga halaman. Galing sa mga minahan ng bakal sa Espanya ang mga kulay abuhing-bughaw na  mga batong ginamit sa paggawa ng kalsada sa makipot na mga kalye ng San Juan. Ginawang bato ang mga latak ng tinunaw na mga bakal mula sa mga minahan, at ginamit na pabigat at pambalanse sa mga barko ng Espanya na naglalakbay papuntang Puerto Rico.

Sa mga muralya ng San Cristóbal, ang sinaunang mga kanyon ng Espanya ay nakaturo pa rin sa daungan. Sa ngayon, sa halip na mga galeon ng Espanya na puno ng ginto, malalaking barko na puno ng mga turista ang madalas na dumadaong dito. Lalo pang dinadayo ng mga turista ang lunsod dahil sa tahimik na kapaligiran at palakaibigang mga tagaroon. Kailangang pagbigyan ang mga tumatawid sa mga kalye ng matandang lunsod, kaya madalas na matiyagang naghihintay ang mga relaks na drayber sa mga turistang tumatawid at kumukuha ng litrato.

Apat na Mahahalagang Ekosistema na Sulit Pangalagaan

Bagaman sangkatlo ng populasyon ng isla ang nakatira sa San Juan, marami pang ibang magagandang tanawin sa Puerto Rico. Oo nga’t medyo maliit ang isla kumpara sa iba, pero dahil sa iba-iba ang klima rito at mayroon ditong mga bundok at ilog, sagana ito sa maraming uri ng mga hayop at halaman. Ang sumusunod ay apat lamang sa mga natatanging ekosistema na pinagsisikapang pangalagaan ng mga ahensiya sa Puerto Rico.

 Ang El Yunque National Forest ay isang reserbadong lugar kung saan iniingatan ang isa sa ilan pang natitirang tropikal na maulang kagubatan sa Caribbean. May magagandang talon dito. Nagdaragdag ng kulay sa luntiang mga pananim sa maulap na kagubatan ang kulay-kahel na mga bulaklak ng bromeliad, samantalang nag-aagawan naman ng puwesto ang mga puno ng palma at pakô, at mga baging na liana. Bagaman nanganganib malipol, may mga Puerto Rican parrot pa sa lugar na ito, at ang walang-tigil na pagkokak ng mga coquí—maliit na tree frog na naging isang pambansang simbolo ng Puerto Rico—ang maririnig na musika sa kagubatan.

Kung titingnan sa malayo, parang may lambong na pilak ang mga dalisdis sa El Yunque. Likha ito ng mga dahon ng punong yagrumo, isang uri ng puno na dumami pagkatapos ng pananalanta ng Bagyong Hugo mga ilang taon na ang nakalipas. Magandang senyales ang pagyabong na ito. “Makababawi ang kagubatan mula sa likas na mga sakuna nang hindi gaanong tinutulungan,” ang paliwanag ng isang biyologo sa parke. “Ang talagang kalaban ay ang mga tao.” Matatagpuan sa parke ang mga 225 uri ng puno, 100 uri ng pakô, at mga 50 uri ng orkid. Dahil napakaraming klase ng halaman dito, inuri ito bilang isang United Nations Biosphere Reserve.

Guánica Biosphere Reserve. Malamang na 1 porsiyento na lamang ng tropikal na tuyong kagubatan ang natitira sa buong daigdig. Magkagayunman, may makikita pa ring mga tuyong gubat mga ilang oras na biyahe lang mula sa El Yunque. Inilalarawan ng ilang botaniko ang Guánica bilang “ang pinakamagandang halimbawa marahil ng luntiang subtropikal na tuyong kagubatan sa daigdig.” Matatagpuan dito ang karamihan sa katutubong mga ibon ng Puerto Rico, pati na 750 uri ng halaman, na 7 porsiyento nito ay nanganganib nang malipol. Inaakit ng kakaibang mga bulaklak ang mga hummingbird at maraming paruparo. Nasa hangganan ng tuyong kagubatan ang mahaba at malinis na baybayin na dinadayo ng  mga green turtle at leatherback turtle para mangitlog.

Bakawan at Bahura ng Korales. Sa reserbasyon sa Guánica, mayroon ding hilera ng mga bakawan sa kahabaan ng baybayin. “Nakatutulong ang aming reserbasyon na maingatan ang mga bakawan dahil hindi ito nararating ng mga kemikal mula sa mga bukid at pabrika,” ang paliwanag ng isa sa mga tagapangalaga ng parke. “At tamang-tama ang mga bakawan na pangitlugan ng maraming isdang nakatira sa mga bahura ng korales.” Ang isa pang naiibang pang-akit sa mga turista na nakadepende sa malinis na mga bakawan ay ang kumikinang na mga look, na ang ilan ay matatagpuan sa Puerto Rico.—Tingnan  ang kahon sa ibaba.

Ang mga bahura ng korales malapit sa baybayin ay naiingatan mula sa walang-patumanggang pangingisda, at ang ilang mababang mga isla at mga bahura sa ilalim ng tubig ay itinalaga bilang mga pambansang parke. Ang mga harding ito sa ilalim ng tubig ay kapana-panabik na tanawin para sa mga maninisid, na dumadayo rito para makita ang mga pagong at mga manatee pati na ang napakaraming sari-saring makulay na mga isda.

Bagaman hindi napahanga ng Puerto Rico si Columbus at dinismaya nito ang mga konkistador na naghahanap ng kayamanan, napasasaya naman nito ngayon ang mga turista. Para sa kanila, ang Puerto Rico ay nag-uumapaw sa likas na yaman.

[Talababa]

^ par. 4 Di-nagtagal pagkatapos noon, dahil sa hindi pagkakaintindihan ng mga kartograpo, nagkapalit ang tawag sa sentrong pamayanan at sa isla. Mula noon, ang isla—sa halip na ang kabisera nito na San Juan—ang nakilalang Puerto Rico.

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

NAIIBANG OBSERBATORYO

Sulit puntahan ang Arecibo Observatory, mga 80 kilometro sa gawing kanluran ng San Juan. Matatagpuan dito ang pinakamalaking radio telescope sa daigdig, na may dish, o hugis-mangkok na replektor, na 305 metro ang diyametro. Dahil sa laki ng teleskopyong ito, napagmamasdan ng mga astronomo ang mga bagay sa kalawakan na hindi naaabot ng ibang mga teleskopyo.

[Credit Line]

Courtesy Arecibo Observatory/ David Parker/Science Photo Library

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

 “NALILIGO SA MGA BITUIN”

Sa isla ng Vieques—malapit sa baybayin ng Puerto Rico—matatagpuan ang isang look na kilala sa tawag na Bioluminescent Bay. Ganito ang tawag sa look na ito dahil sa buong daigdig, sinasabing dito matatagpuan ang pinakamaraming organismo sa tubig na nagliliwanag sa dilim. Sa tuwing nabubulabog ang pagkaliliit na mga nilalang na ito—kilala bilang dinoflagellate—naglalabas sila ng mangasul-ngasul na berdeng liwanag. Isa ito sa pinakapambihirang tanawin sa kalikasan.

Napapansin ng mga turistang dumadayo kung gabi sa look ang liwanag na ito kapag mabilis na lumalangoy papalayo sa kanilang bangka ang nabulabog na isda. Nagliliwanag na parang berdeng bulalakaw sa madilim na tubig ang dinaraanan ng mga isda. Ang bawat galaw ng mga taong lumalangoy rito ay kitang-kita kahit madilim. Kapag inangat nila ang kanilang mga braso mula sa tubig, ang pumapatak na tubig ay mistulang kumukutitap na mga bituin. “Para kang naliligo sa mga bituin!” ang sabi ng isang turista.

[Larawan sa pahina 15]

El Morro

[Larawan sa pahina 15]

Ang matandang lunsod kung titingnan mula sa San Cristóbal

[Larawan sa pahina 15]

Matandang San Juan

[Larawan sa pahina 16]

Isang puno ng pakô sa maulang kagubatan ng El Yunque

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang baybayin ng Guánica

[Credit Line]

© Heeb Christian/age fotostock

[Larawan sa pahina 17]

Mga “Puerto Rican parrot”

[Larawan sa pahina 17]

Bahura ng korales

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Passport Stock/age fotostock

[Picture Credit Line sa pahina 15]

All photos: Passport Stock/age fotostock

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Parrots: U.S. Geological Survey/Photo by James W. Wiley; reef: © Stuart Westmorland 2005; swimmer: Steve Simonsen