Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! OKTUBRE 2008

European Bison—Iniligtas Mula sa Pagkalipol

European Bison—Iniligtas Mula sa Pagkalipol

 European Bison—Iniligtas Mula sa Pagkalipol

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND

Tuwang-tuwa ang mga mangangaso. Sa wakas, nakita nila ang mga bakas ng paa na hinahanap nila. Patuloy silang naglakad hanggang sa makita nila ang kanilang target. Matingkad na kayumanggi ang balahibo nito at halos itim naman ang balbas. Nakakurba patayo ang sungay nito. Karne at balat ang habol ng mga mangangaso dahil mataas ang bentahan nito.

Tinamaan na ang hayop sa unang putok ng baril. Tumakbo ito sa gubat para magtago, pero hindi ito nakaligtas sa mga mangangaso. Napuruhan ito sa ikalawang putok, anupat bumagsak sa lupa ang kalahating toneladang nilalang. Walang kamalay-malay ang mga mangangaso na maitatala sa kasaysayan ang ginawa nila. Abril 1919 noon, at ang napatay nila ay ang kahuli-hulihang ligáw na European bison na nabubuhay sa kapatagan sa Poland. Mabuti na lamang at nang panahong iyon, may inaalagaan nang mga bison sa mga zoo at ang iba naman ay inaalagaan ng mga pribadong indibiduwal.

NAPAKARAMING European bison (Bison bonasus), tinatawag din kung minsan na wisent, ang dati-rati’y naninirahan sa kalakhang bahagi ng kontinente ng Europa. Ang isang adultong lalaking bison ay tumitimbang nang hanggang 900 kilo at umaabot nang hanggang mahigit dalawang metro mula paa hanggang balikat. Tinatawag na mga emperador sa kagubatan ang malalaking mamalyang ito.

Kapansin-pansin na alangan ang sukat ng unahang bahagi ng katawan ng bison kumpara sa hulihang bahagi nito. Malapad at napakalaki ng balikat nito na may malaking umbok samantalang mas maliit naman ang hulihang bahagi ng katawan nito. Maiikli ang balahibo sa hulihang bahagi nito, samantalang mahaba at makapal naman ang balahibo sa bandang harapan nito.

Muntik Nang Malipol

Tinataya na mayroon na lamang ilang libong European bison sa ngayon. Nawalan sila ng likas na tirahan dahil sa pagsasaka at pagkalbo sa kagubatan, at walang-tigil na pangangaso. Pagsapit ng ikawalong siglo, unti-unting naubos ang European bison sa Gaul (Pransiya at Belgium ngayon).

Noong ika-16 na siglo, gumawa ng hakbang ang mga hari sa Poland para maingatan ang mga hayop na ito. Isa sa mga hari na unang kumilos ay si Sigismund II Augustus. Nagpalabas siya ng batas na ang pagpatay sa European bison ay isang krimeng karapat-dapat sa parusang kamatayan. Bakit? “Intensiyon niya,” ang sabi ni  Dr. Zbigniew Krasiński ng Białowieza National Park, “na ireserba ang mga hayop na ito para sa pangangaso ng mga tagapamahala at iba pang maharlika.” Sa kabila ng mabigat na parusang ito, nanganganib pa rin ang ligáw na mga bison, at sa pagtatapos ng ika-18 siglo, sa Kagubatan ng Białowieza sa gawing silangan ng Poland at sa Caucasia na lamang makikita ang mga European bison.

Noong ika-19 na siglo, bumuti-buti ang situwasyon. Pagkatapos sakupin ng Imperyo ng Russia ang Kagubatan ng Białowieza, ipinag-utos ni Emperador Alexander I na protektahan ang mga European bison. Kitang-kita agad ang resulta ng pagsisikap na ito. Unti-unting dumami ang mga bison, at noong 1857, halos 1,900 European bison ang nasa pangangalaga ng gobyerno. Nang maglaon, naglaan sila ng lugar para doon manginain ang mga bison sa panahon ng taglamig. Gumawa rin ng mga hukay na maiinuman at hinawan ang lupa para mapagtamnan ng mga halamang makakain ng mga bison.

Nakalulungkot, hindi nagtagal ang masasayang araw ng mga bison. Sa loob ng 60 taon, nangalahati ang populasyon ng mga bison. Dumating ang pinakamatinding dagok para sa ligáw na mga bison sa Poland nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Sa kabila ng batas ng Alemanya na “ingatan ang mga bison na ito bilang pambihirang likas-yaman para sa susunod na mga salinlahi,” halos maubos ang mga hayop na ito dahil sa hukbo ng umurong na mga Aleman, mga kalaban nitong mandirigmang Ruso, at walang-tigil na mga mangangaso. Gaya ng binanggit sa pasimula ng artikulong ito, napatay ang kahuli-hulihang ligáw na European bison sa Poland noong 1919.

Muli Na Namang Dumami

Para iligtas sa pagkalipol ang mga hayop na ito, itinatag ang International Society for the Protection of the European Bison noong 1923. Ang unang tunguhin nito ay alamin ang bilang ng mga purong-lahing bison na inaalagaan. * Napag-alaman na sa buong daigdig, 54 pang purong-lahing European bison na nabubuhay sa kapatagan ang matatagpuan sa iba’t ibang zoo at mga lugar kung saan inaalagaan ang iba’t ibang uri ng mga ligáw na hayop. Pero hindi lahat sa kanila ay puwedeng palahian. Napakatanda na ng ilan, samantalang may sakit naman ang iba. Nang maglaon, 12 bison ang pinili para paramihin. Ang lahat ng European bison na nabubuhay sa kapatagan ngayon ay sinasabing nagmula sa 5 lamang sa mga ito.

Noong taglagas ng 1929, dalawang European bison na nabubuhay sa kapatagan ang matagumpay na naibalik sa kanilang likas na tirahan. Inilagay sila sa isang inayos na reserbadong lugar sa Kagubatan ng Białowieza. Pagkalipas ng sampung taon, umabot nang 16 ang bilang nito.

Ligtas Na Mula sa Pagkalipol?

Sa pasimula ng ika-21 siglo, humigit-kumulang 2,900 na ang European bison sa buong daigdig. Mga 700 ang matatagpuan sa Poland. Sa paglipas ng mga taon, nag-alaga rin ng mga kawan ng bison sa Belarus, Kyrgyzstan, Lithuania, Russia, at Ukraine.

Pero hindi nangangahulugang ligtas na sa panganib ang mga European bison. Problema pa rin ang mga peste, sakit, kakulangan sa tubig at pagkain, at mga mangangaso. Bunga ng limitadong gene na ginamit sa pagpapalahi, malaking problema rin ang mga uring may depekto. Dahil dito, ang European bison ay nananatili pa rin sa Red List—talaan ng mga halaman at hayop sa buong daigdig na nanganganib malipol.

Nakatulong ang pagsisikap ng tao para maingatang buhay ang uring ito hanggang sa panahon natin. Pero ipinaaalaala sa atin ni Dr. Krasiński, na sinipi kanina, na “ipinakikita sa atin ng nangyari sa European bison na napakadaling maisapanganib ang isang uri ng nilalang pero napakahirap naman itong maisalba.” Wala pa ring katiyakan ang kinabukasan ng hayop na ito, pati na ng marami pang iba. Pero sa ngayon, “ang mga emperador ng kagubatan” ay nailigtas na mula sa pagkalipol.

[Talababa]

^ par. 13 May dalawang klase ng European bison—ang European bison na nabubuhay sa kapatagan at ang Caucasian, o bison na nabubuhay sa kabundukan. Ang kahuli-hulihang Caucasian bison ay namatay noong 1927. Pero bago nito, pinalahian ang isang Caucasian bison sa isang bison na nabubuhay sa kapatagan. Mayroon pa ring nalahiang Caucasian bison na nabubuhay hanggang sa ngayon.

 [Mga Larawan sa pahina 10]

“European bison” sa Białowieza National Park

[Credit Line]

All photos: Białowieski Park Narodowy