Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! SETYEMBRE 2008

Kamatayan—Ito Na ba Talaga ang Wakas?

Kamatayan—Ito Na ba Talaga ang Wakas?

 Kamatayan—Ito Na ba Talaga ang Wakas?

NOONG Pebrero 1987, ipinasiya ng isang 85-taóng-gulang na lalaki na itigil na ang dialysis na siyang tanging bumubuhay sa kaniya. Namatay siya nang payapa sa kanilang bahay makalipas ang dalawang linggo, sa tabi ng kaniyang nag-iisang anak na lalaki.

Sa mga huling sandaling iyon, nagkaroon ng pagkakataon ang mag-ama na pag-isipan ang isang paksang napag-usapan na nila noon: Maaari bang mabuhay-muli ang mga nasa libingan? Pinag-aalinlanganan ito ng ama na mataas ang pinag-aralan. Naimpluwensiyahan siya ng turo hinggil sa ebolusyon at dismayado siya sa pagpapaimbabaw ng mga relihiyon. Isa siyang agnostiko, anupat nag-aalinlangan kung umiiral nga ang Diyos.

Gusto ng anak na aliwin at bigyan ng pag-asa ang kaniyang ama, kaya ipinaliwanag niya rito kung bakit talagang posibleng mabuhay-muli ang mga nasa libingan. Bago mamatay, inamin ng ama na gusto rin niyang mabuhay-muli na may panibagong lakas at kalusugan.

Kaaliwan Para sa mga Napapaharap sa Kamatayan

Gusto ng karamihan ng mga tao na mabuhay-muli basta hindi na sila magkakasakit at mapapanauli ang kanilang lakas sa isang mapayapang daigdig. Ang mga tao ay hindi tulad ng mga hayop, na ayon sa Bibliya ay ‘walang katuwiran.’ (2 Pedro 2:12) Inililibing natin ang mga namatay. Iniisip natin ang kinabukasan. Ayaw nating tumanda, magkasakit, at mamatay. Pero iyan ang dinaranas natin.

Labis tayong nababahala kapag naiisip nating mamamatay tayo o ang isang mahal sa buhay. Pero hinihimok tayo ng Bibliya na huwag matakot sa kamatayan. Sinasabi nito: “Mas mabuti ang pumaroon sa bahay ng pagdadalamhati kaysa pumaroon sa bahay ng pigingan.” Idinagdag pa nito: “Dapat itong isapuso niyaong buháy.” (Eclesiastes 7:2) Bakit dapat nating isapuso, o pag-isipang mabuti, ang tungkol sa kamatayan?

Ang pangunahing dahilan ay sapagkat likas sa atin ang pagnanais na mabuhay at magtamasa ng kapayapaan at katiwasayan. Walang sinuman sa atin ang gustong mamatay. Napakahirap tanggapin ang kamatayan. Ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit: “Ang panahong walang takda ay inilagay [ng Diyos] sa kanilang puso,” o “sa kanilang isip.” (Eclesiastes 3:11; Revised Standard Version) Gusto nating mabuhay—hindi mamatay. Pag-isipan ito: Magiging gayon na lamang ba katindi ang pagnanais na iyon kung hindi talaga layunin ng ating Maylalang na mabuhay tayo nang walang hanggan? Posible nga kayang mabuhay-muli ang isang tao—malusog at maligaya magpakailanman?

Dahilan Para Maniwala

Noong nakaraang taon, sa AARP The Magazine, na inilathala ng American Association of Retired Persons, itinampok ang artikulong “Pagkabuhay-Muli.” Ipinakikita ng interbyu sa maraming indibiduwal na mahigit 50 anyos na “halos tatlong-kapat (73 porsiyento) ang sumasang-ayon sa pangungusap na ‘Naniniwala ako sa pagkabuhay-muli.’” Sa kabilang banda, iniulat ng magasin na halos sangkapat naman ang sumang-ayon sa pangungusap na “Naniniwala akong kapag namatay ako, iyon na ang wakas.” Pero ito ba talaga ang gustong paniwalaan ng mga tao?

Sa artikulo ring iyon, isang Katolikong taga-New York na nagngangalang Tom, ang di-umano’y nagsabi ng ganito: “Nangangaral sila ng tungkol sa pagkabuhay-muli. Kung anu-anong ideya ang itinuturo nila. Bahala ka na lang pumili ng gusto mong paniwalaan. Basta ako, nagsisimba. Akala ng iba, naniniwala ako sa pagkabuhay-muli, pero hindi. Kung totoo man iyon, eh di, salamat.”

 Gaya ni Tom, marami ang nag-aalinlangan kung posible ngang mabuhay ang mga nasa libingan—tulad ng amang binanggit sa introduksiyon, na madalas magsabi sa kaniyang anak, “Magandang mayroon kang pinaniniwalaang relihiyon kung takot kang mamatay.” Pero kailangan niyang aminin at ng iba pang nag-aalinlangan sa pagkabuhay-muli, na ang paniniwala sa Maylalang na pinakamakapangyarihan sa lahat ang makapagbibigay ng sagot sa hindi maipaliwanag na mga himala.

Halimbawa, tatlong linggo lamang matapos ang paglilihi, nabubuo na ang mga selula ng utak ng embryo. Mabilis dumami ang mga selulang ito—kung minsan ay umaabot pa nga nang 250,000 sa loob lamang ng isang minuto! Makalipas ang siyam na buwan, ipanganganak ang isang sanggol na ang utak ay may makahimalang kakayahan na matuto. Ayon sa molecular biologist na si James Watson, ang “[utak ng tao] pa rin ang pinakamasalimuot na bagay na natuklasan natin sa uniberso.”

Tulad ng karamihan, namamangha ka rin ba kapag pinag-iisipan mo ang mga kababalaghang gaya nito? Natutulungan ka ba ng gayong pagbubulay-bulay upang masagot ang tanong na ibinangon ng isang lalaki matagal na panahon na ang nakalilipas: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” Buong-pagtitiwalang sumagot sa Diyos ang lalaking iyon: “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”—Job 14:14, 15.

Oo, makabubuting isaalang-alang natin ang nakakukumbinsing katibayan na posible ang pagkabuhay-muli.