Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! PEBRERO 2007

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

 Pagmamasid sa Daigdig

“Ang maghapong panonood ng telebisyon, di-sama-samang pagkain ng pamilya at maging ang paharap na disenyo ng itinutulak na [mga stroller]” ay humahadlang sa komunikasyon sa pagitan ng bata at magulang. Dahil dito, ang mga batang bago pa lamang pumapasok sa paaralan ay “nagmamaktol” kapag hindi nila masabi ang gusto nilang sabihin.—THE INDEPENDENT, BRITANYA.

Sa Espanya, 23 porsiyento ng mga bata ang isinilang ng mga magulang na hindi kasal. Sa Pransiya naman, 43 porsiyento; sa Denmark, 45 porsiyento; at sa Sweden, 55 porsiyento.INSTITUTO DE POLÍTICA FAMILIAR, ESPANYA.

Sangkatlo ng bilang ng mga Britano ang natutulog nang wala pang limang oras gabi-gabi, kaya sila “nahihirapang magtuon ng pansin, nagiging malilimutin, [at] sumpungin.” Lalong lumalaki ang “panganib ng sobrang katabaan, diyabetis, depresyon, diborsiyo at malubhang banggaan ng kotse” dahil sa kakulangan ng tulog.—THE INDEPENDENT, BRITANYA.

Karahasan “Para Lamang Magpalipas-Oras”

“Dumadalas ang mga insidente ng pambubugbog at panghihiya ng mga kabataan na inirerekord sa video ng kanilang mga cellphone,” sabi ng pahayagang El País sa Espanya. Ang ilang biktima ay hindi na gumaling mula sa matinding pambubugbog sa kanila. Bakit kaya gumagawa ng ganitong krimen ang mga kabataan? “Hindi nila ginagawa iyon para magnakaw o dahil nagtatangi sila ng lahi o dahil miyembro sila ng isang gang. Ginagawa nila iyon—at ito ang nakapanlulumong dahilan—para lamang magpalipas-oras,” ang paliwanag ng magasing XL. “Kung minsan, lasing sila, kung minsan, hindi,” ang sabi ni Vicente Garrido, isang sikologong nagpakadalubhasa sa kriminolohiya. “Subalit ang isang bagay na karaniwan sa kanila ay ang kawalan ng pagsisisi.”

Walang Gaanong Interes sa mga Sakit sa Tropiko

Karamihan sa mga sakit sa tropiko ay di-gaanong pinagtutuunan ng pansin sa larangan ng pananaliksik sa medisina. Bakit? “Ang masaklap nito, . . . ang industriya sa paggawa ng gamot ay hindi humahanap ng [bagong mga paggamot],” ang sabi ni Michael Ferguson, isang molecular biologist sa University of Dundee, sa Scotland. Walang nakikitang dahilan ang mga kompanya ng gamot para gawin iyon, dahil alam nilang hindi nila mababawi ang kanilang puhunan. Mas gusto ng mga kompanyang ito na gumawa ng mga mamahaling gamot para sa mga may Alzheimer’s disease, sobrang katabaan, at impotensiya. Samantala, tinatayang “1 milyon katao sa buong daigdig ang namamatay taun-taon dahil sa malarya, habang wala pa ring ligtas at mabisang mga paggamot,” sabi ng magasing New Scientist.

Mga Batang “Mamimili”

Ayon sa La Sapienza University sa Roma, Italya, ang mga batang tatlong taóng gulang ay nakakakilala na ng iba’t ibang tatak sa pamilihan, at sa edad na walo, nagiging “mamimili” na sila. Malaki ang ginagampanang papel ng mga komersiyal sa TV sa kanilang buhay, anupat ginagawa silang maliliit na “diktador,” na kumukulit sa kanilang mga magulang na ibili sila ng ilang produkto, ang sabi ng La Repubblica. “Mapanganib ito,” sabi ng pahayagan, sapagkat ang mga bata ay “natututong mamuhay at maniwala sa isang likhang-isip na daigdig, na anumang bagay na iniaalok (at binibili) ay talagang kailangan.”

“Nagdadalang-taong” Manikin

Ang mga tauhan ng ospital para sa mga nagdadalang-tao ay karaniwang sinasanay sa tunay na mga pasyenteng nagdadalang-tao. Pero ayon sa isang ulat ng Associated Press, isang “robot birth simulator” na pinanganlang Noelle ang “nagiging popular” ngayon. Ang “nagdadalang-taong” manikin, na may pulso at lumalaking kuwelyo ng matris, ay maaaring iprograma upang kunwari’y kakitaan ng ilang komplikasyon at indikasyon ng madaling panganganak o nagtatagal na paghilab ng tiyan. Ang “sanggol” na isisilang ni Noelle ay maaaring malusog na may mamula-mulang kutis o nangingitim na dahil sa kakulangan ng oksiheno. Bakit kaya gumagamit ng manikin para sa pagsasanay? “Mas mabuti nang magkamali sa isang $20,000 na robot kaysa sa isang tunay na pasyente,” paliwanag ng ulat.