Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! DISYEMBRE 2006

Paano Na Tayo Kung Walang Buriko?

Paano Na Tayo Kung Walang Buriko?

 Paano Na Tayo Kung Walang Buriko?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ETIOPIA

SA MGA kalsada ng Addis Ababa—ang kabiserang lunsod ng Etiopia, na siyang ika-16 na pinakamataong bansa sa daigdig—matagal nang mahalagang paraan ng transportasyon ang buriko. Ang karamihan sa mga drayber ng sasakyan ay nasanay nang makibagay sa mga ito, at alam nilang kabisado na ng mga buriko ang kanilang pupuntahan at determinado silang makarating doon. Bagaman hindi natatakot ang mga buriko sa masikip na trapiko, mapanganib ang malalaking kargada nito, at hindi sila lumilingon. Kaya kung ayaw mong masagi sa uling, tuyong dumi ng baka, o anumang kargada nito, mabuti pang tumabi ka na!

Ang tinatayang dami ng buriko sa Etiopia ay mga limang milyon, halos 1 buriko sa bawat 12 katao. Milyun-milyong Etiope ang nakatira sa liblib na taluktok ng mga burol, na ang pagitan ay malalalim na bangin. Ang mga bahagi ng malaking talampas sa gitna ng bansa ay hinati-hati ng pagkarami-raming maliliit na batis. Mauubos ang yaman ng anumang bansa sa pagtatayo ng mga tulay o maging ng di-sementadong mga kalsada sa mga lugar na ito. Kaya ang matatag at matiyagang buriko ang pinakamagandang paraan ng transportasyon.

Nakatatagal ang buriko sa halos lahat ng klima sa Etiopia—mula sa tuyot at mainit na kapatagan hanggang sa bulubunduking mga rehiyon. At angkop na angkop ito sa matatarik na dalisdis, makitid at maputik na mga daanan, mababatong sahig ng ilog, at iba pang baku-bakong kalupaan. Nararating nito ang hindi nararating ng kabayo o kamelyo. Para sa milyun-milyon katao, ang buriko ang pangunahing paraan sa pagbibiyahe ng mga paninda lalo na sa mga lunsod na ang mga kabahayan ay hindi marating ng mga de-motor na sasakyan.

Nakaliliko ang mga buriko sa masisikip na panulukan at nakatatawid sa mga daanang makikitid at may bakod. Hindi nila kailangan ng mamahaling gulong at wala silang problema sa madulas na lupa. Anuman ang hugis at laki ng kargada, naihahatid nila ito sa pintuan mismo nasaan man ang bahay. Samantalang bumubusina ang mga drayber na namumula na sa galit,  madali namang nakalulusot ang mga buriko sa buhul-buhol na trapiko. Walang sinumang pulis ang mag-iisip na pagmultahin ang burikong sasalubong sa one-way na kalsada. At hindi kailanman problema ang paradahan. Makabibili ka ng buriko sa halagang mga 50 dolyar, pero mas mura naman ito kung ihahambing sa de-motor na sasakyan!

Mga Buriko sa Kabisera

Sa umaga, libu-libong buriko ang nagbibiyahe patungong Addis Ababa—na may populasyong mahigit 3,000,000—madalas na mahigit 25 kilometro ang layo. Mas abala tuwing Miyerkules at Sabado, sapagkat araw ito ng palengke. Baka abutin ng mga tatlong oras ang biyahe, anupat kailangang umalis bago magbukang-liwayway. Kung minsan, ang mga may-ari ay kasabay ng mga ito sa paglalakad, pero mas madalas na tumatakbo ang mga may-ari para makahabol.

Ang karaniwang kargada ay sako ng butil, gulay, panggatong, semento, uling, at mga dram ng mantika at kahun-kahong inuming de-bote. Tumitimbang nang 90 kilo o higit pa ang kargada ng ilang buriko. Ang mahahabang kargada naman, tulad ng kawayan o eukalipto, ay itinatali sa kanilang tagiliran at hinihila nito sa daan. Marahil ang talagang nakatutuwang pagmasdan ay ang kargada nilang siniksik o matataas na bungkos ng dayami anupat halos hindi na makita ang mga buriko.

Mabilis ang lakad ng mga buriko habang pasan ang kanilang mabibigat na kargada patungo sa palengke sa umaga. Kapag naibenta nang lahat ang mga kargada nito, mas mabagal na silang lumakad pauwi, humihinto pa nga kung minsan para manginain sa tabi ng daan. Kapag hindi naghahatid sa palengke, ginagamit pa rin ang mga buriko para sa araw-araw na paghahatid ng sinalok na tubig at panggatong. Maaari din silang ipahiram o paupahan. Kasama pa nga ang ilan sa mga pangkat ng panghanapbuhay na mga buriko na ginagamit sa transportasyon! Sa ilang lugar, ang mga buriko ay humihila ng kariton, o kung minsan, magkapares na buriko ang humihila ng malaki-laking karwahe.

Kagalang-galang

Halos hindi na kailangang alagaan ang mga buriko. Sila na mismo ang naghahanap ng makakain nila at hindi sila pihikan. Kapag tinratong mabuti, napapamahal sila sa kanilang amo. Sa talino, mas angat sila sa mga kabayo. Napakatalas din ng kanilang memorya sa mga direksiyon. Kahit walang kasamang tao, kaya nilang maghatid ng tubig sa layong limang milya, basta may magsasakay at magbababa ng kanilang kargada sa magkabilang dulo ng ruta. Nilalagyan pa nga sila ng mga kampanilya para malaman ng mga taong paghahatiran na parating na ang buriko at makukuha na ang kanilang karga.

Bagaman masisipag ang mga buriko, ipaaalam nila kung masyado nang mabigat ang kargada nila at kung kailangan na nilang magpahinga. Sa ganitong mga kalagayan, o kapag nasasaktan sila sa pagkakalagay ng kargada, maaaring bigla na lamang silang humiga. Kapag nangyari ito, baka hindi sila maunawaan at pagsalitaan o saktan pa nga sila. Baka maalaala mo ang ulat sa Bibliya tungkol sa isang pangyayaring katulad nito.—Bilang 22:20-31.

Dapat lamang bigyan ng konsiderasyon at malasakit ang mga buriko. Nakalulungkot nga kapag nahulog sa kanal ang buriko at nabalian ng binti dahil hindi nakapuwestong mabuti ang kargada at tumatabingi ito. Humihina ang masisipag na kargador na ito dahil sa sugat, iba’t ibang parasito, impeksiyon sa paa, pulmonya, at iba pang sakit. Dahil dito, nagtayo ng isang makabagong klinika para sa mga buriko sa Debre Zeyit, di-kalayuan sa Addis Ababa. May mga computer doon, silid-gamutan, ambulansiya, at maalwang silid para sa pag-oopera ng mga buriko. Kaya noong 2002, mga 40,000 buriko ang nalapatan ng iba’t ibang paraan ng paggamot.

Buriko ang sinakyan ng patriyarkang si Abraham nang tawirin niya ang bulubunduking lugar patungong Bundok Moria. (Genesis 22:3) Sa mahabang kasaysayan ng bansang Israel, bahagi ng araw-araw na buhay ang buriko. Maging noong matagumpay na pumasok si Jesu-Kristo sa Jerusalem, sakay siya ng buriko.—Mateo 21:1-9.

May mahabang kasaysayan na rin ang buriko sa Etiopia. Pero hanggang ngayon ay mahalaga pa rin ito sa buhay ng mga tagaroon. Bagaman nagbago na ang disenyo ng mga trak at kotse sa paglipas ng mga taon, hindi pa rin nagbabago ang modelo ng buriko. Talagang kagalang-galang ito!

[Picture Credit Line sa pahina 26]

‘The Donkey Sanctuary,’ Sidmouth, Devon, UK