Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! DISYEMBRE 2006

Calypso—Ang Naiiba at Katutubong Musika ng Trinidad

Calypso—Ang Naiiba at Katutubong Musika ng Trinidad

 Calypso—Ang Naiiba at Katutubong Musika ng Trinidad

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TRINIDAD

KAPAG naririnig mo ang dalawang isla na Republika ng Trinidad at Tobago, ano ang sumasagi sa isip mo? Maiisip ng marami ang tunog ng orkestra ng mga tambol na lata at ang buháy na buháy na himig ng musikang calypso. Sa katunayan, ang maindayog na ritmo ng calypso at ang naiibang istilo nito ay naging popular din sa ibang lugar bukod pa sa pinagmulan nito sa gawing timog ng Dagat ng Caribbean. *

Ayon sa aklat na Calypso Calaloo, ang salitang calypso ay maaaring tumukoy sa “anumang kanta na pagkalipas ng 1898 ay inaawit sa panahon ng Karnabal sa Trinidad ng mga taong nagkakasayahan sa lansangan o ng propesyonal o part-time na mga mang-aawit sa mga tanghalan.” Maaaring nagmula ang calypso sa tradisyonal na pagpapasa-pasa ng mga kuwento ng kasaysayan ng Aprika na dinala ng mga aliping Aprikano sa Trinidad. Pagkaraan nito, nakatulong sa pagbuo ng calypso ang pinahahalagahang mga katangian ng awit, sayaw, at pagtatambol ng mga Aprikano at ang impluwensiyang Pranses, Kastila, Ingles at ng iba pang lahi.

Hindi tiyak kung saan nanggaling ang salitang calypso. Sinasabi ng ilan na galing ito sa salitang kaiso ng Kanlurang Aprika, salitang papuri sa isang napakahusay na pagtatanghal. Bago pa man magwakas ang pang-aalipin sa Trinidad at Tobago noong dekada ng 1830, nagtitipun-tipon na ang mga pulutong sa taunang pagdiriwang ng mga karnabal upang makinig sa mga chantuelles (mga mang-aawit) na sa pamamagitan ng awit ay pinupuri ang kanilang sarili at hinahamak naman ang isa’t isa. Upang mapaiba, ang bawat calypsonian, gaya ng tawag sa mga mang-aawit ng calypso, ay may kani-kaniyang sobriquet, o bansag na ginagamit sa entablado, at naiibang istilo.

Istilo at Impluwensiya Nito

Kilala ang mga calypsonian sa kanilang maanghang na pananalita. Isa pa, maraming mang-aawit ng calypso ang walang kahirap-hirap na kumakatha ng ilang talatang magkakatugma ang tunog,  at kadalasan nang pinagaganda pa nga ito ng matitingkad na mga paglalarawan na akmang-akma naman sa paksa ng awit. Ang karamihan sa mga calypsonian noon ay mga taga-Trinidad na may lahing Aprikano at galing sa mahihirap na pamilya, subalit matatagpuan na sila ngayon sa lahat ng lahi, kulay, at katayuan sa buhay.

Si Dr. Hollis Liverpool, dating direktor ng kultura sa Trinidad at Tobago, ay isang istoryador at isa ring calypsonian. Tungkol sa mga mang-aawit ng calypso noon, sinabi niya sa Gumising!: “Magaling silang magpatawa, sapagkat nagpupunta ang mga tao sa tolda [ng calypso] pangunahin na para maglibang, sumagap ng tsismis, tiyakin kung totoo ang mga pangyayaring nababalitaan nila. Ang mga may-kaya naman ay nagpupunta lalo na para malaman ang ginagawa ng mahihirap, samantalang ang gobernador naman at ang kaniyang mga kasama ay nagpupunta para malaman kung gaano sila kapopular sa pulitika.”

Madalas na ang mga opisyal at ang mga may-kaya sa lipunan ang ginagawang katatawanan ng mga calypsonian. Dahil dito, itinuturing na bayani at tagapagtanggol ng karaniwang tao ang mga calypsonian subalit sakit naman ng ulo ng mga nasa kapangyarihan. Gayon na lamang katindi ang kinakathang pagbatikos ng mga calypsonian anupat napilitang gumawa ng mga batas sa kalaunan ang kolonyal na pamahalaan upang kontrolin sila. Gumanti naman ang mga mang-aawit sa pamamagitan ng pagkatha ng lirikong may dobleng kahulugan, o double entendre, anupat naging sining na ito. Ang dobleng kahulugang ito ang katangian pa rin ng liriko ng calypso hanggang ngayon.

Hindi lamang nagsasalita ng wika ang mga calypsonian, kumakatha rin sila ng wika. Sa katunayan, malaki ang naidagdag nila sa kolokyal na bokabularyo ng mga taga-West Indies. Hindi nakapagtataka na maraming tao, pati na ilang pulitiko, ang gumagamit ng mga salita ng mga calypsonian para idiin ang isang punto.

Modernong Calypso

Kamakailan lamang, nabuo ang maraming sari-sari at pinaghalu-halong uri ng calypso na nagugustuhan ng mga taong iba’t iba ang hilig sa musika. Tulad sa karamihan ng iba pang anyo ng musika, hindi nakaaabot sa mataas na pamantayang moral ang liriko ng ilang awiting calypso. Maliwanag na isang katalinuhan na maging mapili sa uri ng pananalitang pinakikinggan natin. (Efeso 5:3, 4) Maaari nating itanong sa ating sarili, ‘Mahihiya ba akong ipaliwanag sa aking mga anak o sa isang taong hindi nakaaalam ng awiting calypso ang isang partikular na lirikong doble ang kahulugan?’

Kung papasyal ka sa Trinidad at Tobago, tiyak na matutuwa ka sa magagandang baybayin at bahura doon at mabibighani ka sa iba’t ibang lahi at kultura sa isla. At baka magustuhan mo rin ang orkestra ng mga tambol na lata at ang calypso—ang buháy na buháy at nakaiindayog na tugtuging nagugustuhan ng bata’t matanda sa buong daigdig.

[Talababa]

^ par. 3 Kadalasang tumutugtog ng mga awiting calypso ang mga banda ng mga tambol na lata, subalit ang mang-aawit ng calypso ay karaniwan nang sinasaliwan ng mga instrumentong gaya ng gitara, trumpeta, saksopono, at tambol.

[Mga Larawan sa pahina 24, 25]

Mga tambol na lata