Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! HUNYO 2006

Mga Batang Nahintakutan

Mga Batang Nahintakutan

 Mga Batang Nahintakutan

Pagkagat ng dilim sa mga lansangan ng hilagang Uganda, makikita mo ang libu-libong batang naglalakad nang nakayapak. Umaalis sila sa kanilang mga nayon bago dumilim at naglalakad patungo sa mas malalaking lunsod, gaya ng Gulu, Kitgum, at Lira. Pagdating doon, kani-kaniya na sila papunta sa mga gusali, istasyon ng bus, parke, at mga plasa. Pagsikat ng araw, muli mo silang makikitang naglalakad pauwi sa kanilang tahanan. Bakit kakaiba ang kanilang rutin?

BIYAHERONG panggabi ang tawag sa kanila ng ilan. Subalit hindi nagtatrabaho sa gabi ang mga kabataang ito. Pagkagat ng dilim, umaalis sila sa kanilang tahanan dahil kapag gumabi na, delikado sa kanilang lugar.

Sa loob ng halos dalawang dekada, nilulusob ng mga gerilya ang mga nayon at kinikidnap ang mga bata. Taun-taon, daan-daang batang lalaki at babae ang dinudukot sa kanilang mga tahanan at dinadala sa masukal na kagubatan. Karaniwan nang sa gabi kinukuha ng mga rebelde ang mga bata at ginagawa silang mga mandirigma at kargador, at pinupuwersa ang mga batang babae na makipagtalik. Kapag hindi sumunod ang mga bata, posibleng tagpasin ng mga bumihag sa kanila ang kanilang ilong o labi. Ang mga nahuling tumatakas ay pinapatay sa nakapanghihilakbot na paraan.

May iba pang mga batang biktima ng terorismo. Ang mga baldadong tin-edyer sa Sierra Leone ay musmos pa nang putulin ng mga lalaki ang kanilang mga kamay at mga paa gamit ang gulok. Sa Afghanistan, may mga batang lalaki at babaing naglalaro ng makukulay na minang korteng paruparo na naputulan ng mga daliri at nabulag nang bigla na lamang sumabog ang mga “laruang” iyon.

Iba naman ang dinanas ng ilang kabataang biktima ng terorismo. Halimbawa, noong 1995 sa Oklahoma City, E.U.A., kabilang sa 168 namatay dahil sa pagsalakay ng terorista ay 19 na bata, ang ilan ay mga sanggol pa. Tulad ng napakalakas na hihip ng hangin sa aandap-andap na mga kandila, gayon kabilis winakasan ng bomba ang buhay ng mga inosenteng bata. Inagaw ng mga terorista ang kanilang karapatang maging bata, maglaro at magsaya at yumakap sa mga bisig ng kanilang mga magulang.

Kamakailan lamang naganap ang mga ito, subalit napakaraming siglo nang sinasalot ng terorismo ang sangkatauhan, gaya ng makikita natin.

[Kahon sa pahina 3]

NAGHAHANDA SAKALING MAMATAY ANG ANAK

“Nang gisingin ko ngayong umaga ang aking labing-isang-taóng-gulang na anak na lalaki, itinanong niya, ‘Sumalakay na po ba ang mga terorista?’” Iyan ang isinulat ng awtor na si David Grossman hinggil sa karahasang sumasalot sa kanilang lupain. Idinagdag pa niya: “Takot na takot ang aking anak.”

Kamakailan, napakaraming bata ang namatay sa mga pagsalakay ng mga terorista kaya naman pinaghahandaan na ng ilang magulang ang marahas na pagkamatay ng kanilang mga anak. “Hindi ko malimutan ang sinabi sa akin ng isang magkasintahan tungkol sa mga plano nila sa hinaharap,” ang isinulat ni Grossman. “Magpapakasal sila at tatlo ang magiging anak nila. Hindi dalawa, kundi tatlo. Para kung sakaling mamatay ang isa, may dalawa pang matitira.”

Hindi nila binanggit kung ano ang gagawin nila kung sakaling dalawang anak ang mamatay—o ang tatlo. *

[Talababa]

^ par. 12 Ang mga sinipi sa bahaging ito ay mula sa aklat na Death as a Way of Life, ni David Grossman.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

© Sven Torfinn/ Panos Pictures