Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Gumising!  |  Hunyo 2006

Kasaysayang Tigmak sa Dugo

Kasaysayang Tigmak sa Dugo

 Kasaysayang Tigmak sa Dugo

MGA ilang taon pa lamang ang nakalilipas, ang terorismo ay parang sa iilang lugar lamang nagaganap, gaya ng Northern Ireland, Basque Country sa hilagang Espanya, at sa ilang dako sa Gitnang Silangan. Sa ngayon—lalo na mula noong Setyembre 11, 2001, nang pabagsakin ang Twin Towers sa New York—mabilis itong lumaganap sa buong mundo at naganap sa malaparaisong Bali; Madrid, Espanya; London, Inglatera; Sri Lanka; Thailand; at maging sa Nepal. Gayunman, hindi na bago ang terorismo. Ano ba ang kahulugan ng salitang “terorismo”?

Ang terorismo ay binigyang-kahulugan bilang “labag sa batas na paggamit o bantang paggamit ng puwersa o dahas ng isang tao o organisadong grupo laban sa mga tao o ari-arian upang takutin o puwersahin ang mga samahan o pamahalaan, kadalasang dahil sa ipinaglalabang ideolohiya o dahil sa pulitika.” (The American Heritage Dictionary of the English Language) Subalit ganito ang obserbasyon ng manunulat na si Jessica Stern: “Pagkarami-raming kahulugan ang nababasa ng mga nag-aaral hinggil sa terorismo . . . Subalit dalawang pagkakakilanlan lamang ng terorismo ang kailangan para makita ang kaibahan nito sa iba pang anyo ng karahasan.” Anu-ano ito? “Una, mga sibilyan ang biktima ng terorismo. . . . Pangalawa, gumagamit ang mga terorista ng karahasan para sindakin ang mga tao: kadalasang mas mahalaga sa kanila na takutin ang kanilang mga biktima kaysa saktan ang mga ito. Ang sinasadyang pananakot na ito ang ipinagkaiba ng terorismo sa basta pagpatay o pananakit.”

Karahasan Noon Pa Man

Noong unang siglo sa Judea, isang marahas na grupo na tinatawag na mga Zealot ang nakibaka upang palayain ang mga Judio mula sa mga kamay ng mga Romano. Ang ilan sa kanilang masisigasig na miyembro ay nakilala bilang Sicarii, o mga lalaking may sundang, na ipinangalan dahil sa punyal na itinatago nila sa kanilang mga kasuutan. Habang nakikihalubilo ang mga Sicarii sa mga dumalo sa kapistahan sa Jerusalem, nilaslas nila ang lalamunan ng kanilang mga kaaway o sinaksak sa likod ang mga ito. *

Noong 66 C.E., kinubkob ng isang grupo ng mga Zealot ang tanggulan ng Masada malapit sa  Dagat na Patay. Pinaslang nila ang mga Romanong sundalo na nasa garison at ginawa nilang sentro ng kanilang operasyon ang tanggulang nasa taluktok ng bundok. Mula roon, sinalakay at niligalig nila ang mga Romanong mananakop sa loob ng maraming taon. Noong 73 C.E., ang Masada ay nabawi ng Roman Tenth Legion, sa pangunguna ni Gobernador Flavius Silva, subalit hindi nila nalupig ang mga Zealot. Isang istoryador nang panahong iyon ang nagsabi na sa halip na sumuko  sa Roma, 960 sa kanila—lahat ng naroroon maliban sa dalawang babae at limang bata—ang nagpakamatay.

Ipinapalagay ng ilan na ang paghihimagsik ng mga Zealot ang pasimula ng tinatawag ngayong terorismo. Totoo man ito o hindi, mula noon, napakalaki ng naging impluwensiya nito sa daigdig.

Terorismo na Nag-ugat sa Sangkakristiyanuhan

Sa loob ng dalawang siglo mula noong 1095, nagparoo’t parito sa Europa at Gitnang Silangan ang mga hukbo ng krusada. Ang kalaban nila ay mga puwersang Muslim mula sa Asia at Hilagang Aprika. Nais ng bawat panig na masakop ang Jerusalem, at sinikap ng bawat pangkat na magwagi sa labanan. Sa kanilang mga pakikidigma, nagtagaan ang “banal na mga mandirigma” na iyon. Pati ang mga inosenteng tao ay nabiktima ng kanilang mga espada at palakol na pandigma. Ganito ang pagkakalarawan ng isang klerigo noong ika-12 siglo na si William ng Tiro hinggil sa pagpasok ng mga krusado sa Jerusalem noong taóng 1099:

“Sabay-sabay silang naglalakad sa mga lansangan hawak ang kanilang mga espada at sibat. Pinagtataga at pinagpapatay nila ang lahat ng masalubong nila, mga lalaki, babae, at bata, wala silang patawad. . . . Napakarami nilang pinatay, kaya patung-patong ang mga bangkay sa mga lansangan, at walang madaanan malibang tapakan ang mga bangkay. . . . Dumanak ang napakaraming dugo, anupat dugo ang dumaloy sa mga lagusan at kanal, at nakahandusay ang mga bangkay sa lahat ng lansangan sa buong bayan.” *

Nang sumunod na mga siglo, gumagamit na ang mga terorista ng mga pampasabog at mga baril na nagdulot ng panghihilakbot at kamatayan.

Milyun-milyon ang Namatay

Para sa mga istoryador, ang naganap noong Hunyo 28, 1914 ay isang malaking pagbabago sa kasaysayan ng Europa. Binaril ng isang kabataang lalaki, na kinilala ng ilan bilang bayani, ang prinsipe ng Austria na si Artsiduke Francis Ferdinand. Ang pangyayaring iyon ang nagpasiklab sa Digmaang Pandaigdig I. Dalawampung milyon katao ang namatay nang magwakas ang Malaking Digmaan.

Ang Digmaang Pandaigdig I ay nasundan pa ng Digmaang Pandaigdig II, na naging tanyag sa mga kampong piitan, paglipol sa mga sibilyan sa pamamagitan ng pambobomba mula sa himpapawid, at marahas na pagpatay sa inosenteng mga tao bilang ganti sa mga kaaway. Pagkatapos ng digmaan, patuloy pa rin ang pagpatay. Noong dekada ng 1970, mahigit isang milyon katao ang pinatay sa Cambodia. At sa Rwanda, nahihintakutan pa rin ang mga mamamayan dahil sa masaker na pumatay ng mahigit 800,000 katao noong dekada ng 1990.

Mula noong 1914 hanggang sa panahon natin sa ngayon, nagdurusa ang sangkatauhan dahil sa pagsalakay ng mga terorista sa maraming bansa. Subalit may ilan sa ngayon na waring hindi pa rin natuto mula sa kasaysayan. Dahil sa madalas na pagsalakay ng mga terorista, daan-daan ang namamatay, libu-libo ang nalulumpo, at milyun-milyon ang napagkakaitan ng karapatang mamuhay nang payapa at ligtas. Binobomba ang mga pamilihan, sinusunog ang mga nayon, hinahalay ang mga kababaihan, binibihag ang mga bata, at pinapatay ang mga tao. Sa kabila ng mga batas at pagbatikos ng daigdig, hindi pa rin humihinto ang paulit-ulit na kalupitang ito. Mawawala pa kaya ang terorismo?

[Mga Talababa]

^ par. 5 Gaya ng ulat sa Gawa 21:38, isang Romanong kumandante ng militar ang nagparatang kay apostol Pablo bilang pinuno ng 4,000 “mga lalaking may sundang.”

^ par. 10 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘ibigin ang kanilang mga kaaway,’ hindi ang kapootan at patayin sila.—Mateo 5:43-45.

[Blurb sa pahina 6]

Noong hunyo 28, 1914, sumiklab ang digmaan sa buong daigdig

[Larawan sa pahina 5]

ISTANBUL—NOBYEMBRE 15, 2003

[Larawan sa pahina 5]

MADRID—MARSO 11, 2004

[Larawan sa pahina 5]

LONDON—HULYO 7, 2005

[Larawan sa pahina 4, 5]

NEW YORK—SETYEMBRE 11, 2001

[Picture Credit Lines sa pahina 5]

Mula kaliwa pakanan: AP Photo/Murad Sezer; AP Photo/ Paul White; Photo by Peter Macdiarmid/Getty Images

[Picture Credit Line sa pahina 6]

Culver Pictures