Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

GUMISING! ENERO 2004

 Ang Pangmalas ng Bibliya

Magdudulot ba ng Pandaigdig na Kapayapaan ang Diplomasya?

Magdudulot ba ng Pandaigdig na Kapayapaan ang Diplomasya?

GUSTO mo bang matapos na ang lahat ng digmaan? Malamang na may diplomatikong solusyon sa mga alitang pambansa at pang-internasyonal. Ipinapalagay ng marami na kung magtutulungan lamang sana ang mga pinuno ng daigdig, mawawala na ang digmaan. Gayunman, marahil ay nadidismaya ka sa mga resulta ng diplomasya. Sa loob ng maraming siglo, napagtibay ang mga kasunduan, nakabuo ng mga resolusyon, at nakapagdaos ng mga summit meeting ang mga diplomatiko, subalit kakaunting usapin lamang ang permanenteng nalutas.

Maraming masasabi ang Bibliya hinggil sa diplomasya at kapayapaan. Sinasagot nito ang mga sumusunod na katanungan: Anong mga salik sa kasalukuyan ang humahadlang sa diplomasya upang ito’y makapagdulot ng kapayapaan? Dapat bang makisangkot ang mga Kristiyano sa diplomasya? Paano ba matatamo ang tunay na kapayapaan sa dakong huli?

Ano ang Humahadlang sa Kapayapaan?

Inilalarawan ng ilang ulat sa Bibliya kung paanong ang paghaharap ng dalawang panig ay maaaring  umakay sa kapayapaan. Halimbawa, may-kahusayang kinumbinsi ni Abigail si David at ang hukbo nito na huwag maghiganti laban sa sambahayan niya. (1 Samuel 25:18-35) Nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon hinggil sa isang hari na walang ibang naiisip na makatuwirang hakbang kundi ang magpadala ng mga embahador upang makipagpayapaan. (Lucas 14:31, 32) Oo, kinikilala ng Bibliya na malulutas ng ilang anyo ng diplomasya ang mga alitan. Kung gayon, bakit kadalasan nang hindi gaanong nagtatagumpay ang mga usapang pangkapayapaan?

May-katumpakang inihuhula ng Bibliya na magiging magulo ang ating panahon. Dahil sa balakyot na impluwensiya ni Satanas na Diyablo, ang mga tao ay hindi magiging “bukás sa anumang kasunduan” kundi magiging “mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:3, 4; Apocalipsis 12:12) Karagdagan pa, inihula ni Jesus na ang katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay ay kakikitaan ng “mga digmaan at mga ulat ng mga digmaan.” (Marcos 13:7, 8) Sino ang makapagkakaila na ang mga ito ay lalong nagiging laganap? Yamang ganiyan ang kalagayan, nakapagtataka ba na ang mga pagsisikap ukol sa kapayapaan sa pagitan ng mga bansa ay madalas na nauuwi sa wala?

Pag-isipan din ang katotohanang ito: Bagaman pinagsisikapan nang husto ng mga diplomatiko na iwasan ang mga alitan, ang pangunahing tunguhin naman ng bawat isa ay ang itaguyod ang mga kapakanan ng kaniyang bansa. Iyan ang pinakamahalagang salik sa pulitikal na diplomasya. Dapat bang makisangkot ang mga Kristiyano sa ganiyang mga bagay?

Anuman ang kanilang mga motibo, walang kakayahan ni kapangyarihan man ang mga diplomatiko sa daigdig na kumatha ng permanenteng mga solusyon

Ang mga Kristiyano at ang Diplomasya

Ipinapayo ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.” (Awit 146:3) Ipinahihiwatig nito na anuman ang kanilang mga motibo, walang kakayahan ni kapangyarihan man ang mga diplomatiko sa daigdig na kumatha ng permanenteng mga solusyon.

Nang litisin si Jesus sa harapan ni Poncio Pilato, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Ang mga planong pangkapayapaan ay kadalasan nang nababahiran ng nasyonalistikong pagkapoot at pulitikal na pag-iimbot. Kaya, umiiwas ang tunay na mga Kristiyano na makisangkot sa mga alitan ng daigdig at sa mga pagsisikap nito sa diplomasya.

Nangangahulugan ba iyan na walang pakialam ang mga Kristiyano sa mga nangyayari sa daigdig? Manhid ba sila pagdating sa pagdurusa ng tao? Hindi naman. Sa kabaligtaran, inilalarawan ng Bibliya ang tunay na mga mananamba ng Diyos bilang mga indibiduwal na “nagbubuntunghininga at dumaraing” sa masasamang bagay na nagaganap sa palibot nila. (Ezekiel 9:4) Ang mga Kristiyano ay nagtitiwala lamang sa Diyos na siyang magdudulot ng kapayapaan gaya ng kaniyang ipinangako. Ang pagwawakas ba ng digmaan ay katumbas ng kapayapaan para sa iyo? Siguradong isasakatuparan iyan ng Kaharian ng Diyos. (Awit 46:8, 9) Ngunit bukod pa diyan, titiyakin nito ang ganap na katiwasayan at mabuting kapakanan ng lahat ng naninirahan sa lupa. (Mikas 4:3, 4; Apocalipsis 21:3, 4) Ang gayong nakahihigit na kapayapaan ay hindi kailanman makakamit ng diplomasya o ng mga pagsisikap ng “nag-iingat-ng-kapayapaan” na mga organisasyon ng tao.

Maliwanag na ipinakikita ng hula ng Bibliya at ng karanasan noon na ang pagtitiwala sa diplomasya ng tao upang magdulot ng kapayapaan ay umaakay lamang sa pagkasiphayo. Makikita ng mga umaasa kay Jesu-Kristo ukol sa kapayapaan at ng mga sumusuporta sa Kaharian ng Diyos na matutupad ang kanilang hangarin ukol sa tunay na kapayapaan. Karagdagan pa, matatamasa nila ito magpakailanman!— Awit 37:11, 29.