Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Oktubre 2017

“Umibig Tayo . . . sa Gawa at Katotohanan”

“Umibig Tayo . . . sa Gawa at Katotohanan”

“Umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 JUAN 3:18.

AWIT: 72, 124

1. Ano ang pinakamataas na uri ng pag-ibig, at bakit? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

ANG pag-ibig na salig sa tamang mga simulain (a·gaʹpe) ay kaloob ni Jehova. Siya ang Pinagmulan nito. (1 Juan 4:7) Ito ang pinakamataas na uri ng pag-ibig. Kalakip dito ang pagmamahal at paggiliw, pero ang pangunahing pagkakakilanlan nito ay ang mapagsakripisyong pagkilos alang-alang sa kapakanan ng iba. Ayon sa isang reperensiya, ang a·gaʹpe ay “maaari lamang makilala sa pamamagitan ng mga pagkilos na iniuudyok nito.” Kapag nagpapakita tayo, o pinagpapakitaan, ng pag-ibig na di-makasarili, nagiging mas makabuluhan ang buhay natin, masaya at may layunin.

2, 3. Paano nagpakita si Jehova ng di-makasariling pag-ibig para sa mga tao?

2 Nagpakita si Jehova ng pag-ibig para sa mga tao bago pa man niya likhain sina Adan at Eva. Ginawa niya ang lupa para maging walang-hanggang tahanan ng mga tao, kung saan hindi lang sila basta mabubuhay kundi lubusang masisiyahan dito. Hindi ito para sa sariling kapakinabangan ni Jehova, kundi para sa atin. Nagpakita rin siya ng di-makasariling pag-ibig sa atin nang bigyan niya tayo ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa na inihanda niya.

 3 Pagkatapos maghimagsik sina Adan at Eva, ipinakita ni Jehova ang kaniyang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig. Isinaayos niyang tubusin ang magiging inapo ng dalawang rebeldeng iyon dahil nakatitiyak siya na ang ilan sa mga ito ay tutugon sa Kaniyang pag-ibig. (Gen. 3:15; 1 Juan 4:10) Mula nang ipangako niya ang Tagapagligtas, itinuring ni Jehova na parang naihandog na ang haing iyon. Pagkaraan nang mga 4,000 taon, sa kabila ng napakalaking sakripisyo, inihandog ni Jehova ang kaniyang kaisa-isang Anak para sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Laking pasasalamat natin sa di-makasariling pag-ibig ni Jehova!

4. Bakit posibleng magpakita ng di-makasariling pag-ibig kahit ang di-sakdal na mga tao?

4 May kakayahan tayong magpakita ng di-makasariling pag-ibig dahil nilalang tayo ng Diyos ayon sa kaniyang larawan. Hindi ito madaling gawin dahil sa ating minanang kasalanan, pero posible pa rin ito. Ipinakita ni Abel ang pag-ibig niya sa Diyos nang kusang-loob niyang ihandog ang pinakamainam na tinataglay niya. (Gen. 4:3, 4) Nagpakita si Noe ng di-makasariling pag-ibig sa kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng pangangaral ng mensahe ng Diyos sa loob ng maraming taon kahit walang tumutugon. (2 Ped. 2:5) Nang utusan si Abraham na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac, nanaig ang pag-ibig niya sa Diyos kaysa sa sarili niyang damdamin. (Sant. 2:21) Gaya ng tapat na mga lalaking iyon, gusto rin nating magpakita ng pag-ibig kahit hindi ito madaling gawin.

TUNAY NA PAG-IBIG AT HUWAD NA PAG-IBIG

5. Sa ano-anong paraan natin maipakikita ang tunay na pag-ibig?

5 Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na pag-ibig ay ipinakikita, hindi “sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:18) Ibig bang sabihin, hindi natin puwedeng ipahayag ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng salita? Hindi naman. (1 Tes. 4:18) Pero hindi puwedeng puro salita lang ang ating pag-ibig, lalo na kung kailangan ang pagkilos. Halimbawa, kung ang isang kapuwa Kristiyano ay salat sa mga pangangailangan sa buhay, hindi sapat ang mababait na salita. (Sant. 2:15, 16) Sa katulad na paraan, kung mahal natin si Jehova at ang ating kapuwa, hindi lang natin hihilingin sa Diyos na ‘magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani’; lubusan din tayong makikibahagi sa gawaing pangangaral.—Mat. 9:38.

6, 7. (a) Ano ang pag-ibig na “walang pagpapaimbabaw”? (b) Magbigay ng ilang halimbawa ng huwad na pag-ibig.

6 Isinulat ni apostol Juan na dapat tayong umibig “sa gawa at katotohanan.” Kaya dapat na ang pag-ibig natin ay “walang pagpapaimbabaw.” (Roma 12:9; 2 Cor. 6:6) Hindi tayo makapagpapakita ng tunay na pag-ibig kung nagkukunwari lang tayo, na para bang nakasuot ng maskara. Pero baka maitanong mo, ‘Mayroon bang pag-ibig na may pagpapaimbabaw?’ Wala. Hindi iyon maituturing na pag-ibig, kundi huwad at walang halaga.

7 Tingnan natin ang ilang halimbawa ng huwad na pag-ibig. Sa hardin ng Eden, nagkunwari si Satanas na nagmamalasakit kay Eva, pero ang totoo, makasarili siya at mapagpaimbabaw. (Gen. 3:4, 5) Noong panahon ni David, tinraidor siya ng itinuturing niyang kaibigan na si Ahitopel. Ginawa ito ni Ahitopel para sa pansariling kapakinabangan. (2 Sam. 15:31) Sa ngayon din naman, ang mga apostata at iba pa na lumilikha ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon ay gumagamit ng “madulas na pangungusap at mapamuring pananalita” para magmukhang nagmamalasakit sila sa iba. Pero ang totoo, makasarili ang motibo nila.—Roma 16:17, 18.

8. Ano ang dapat nating itanong sa sarili?

8 Talagang kahiya-hiya ang mapagpaimbabaw  na pag-ibig dahil ginagamit ito para mandaya ng mga tao. Pero hindi madadaya si Jehova. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang mga mapagpaimbabaw ay “parurusahan . . . nang napakatindi.” (Mat. 24:51) Bilang mga lingkod ni Jehova, ayaw nating maging mapagpaimbabaw. Kaya tanungin ang sarili, ‘Lagi bang tunay ang ipinakikita kong pag-ibig, na walang bahid ng pagkamakasarili o panlilinlang?’ Talakayin natin ang siyam na paraan para makapagpakita tayo ng pag-ibig na “walang pagpapaimbabaw.”

KUNG PAANO IPAKIKITA ANG PAG-IBIG “SA GAWA AT KATOTOHANAN”

9. Ano ang gagawin natin kung tunay ang ating pag-ibig?

9 Maglingkod nang masaya kahit hindi napapansin ang ginagawa mo. Dapat ay handa tayong gumawa ng maibiging mga bagay para sa ating mga kapatid kahit “sa lihim,” o hindi nalalaman ng iba. (Basahin ang Mateo 6:1-4.) Kabaligtaran ang ginawa nina Ananias at Sapira. Hindi sila nakontentong mag-abuloy “sa lihim.” Nagsinungaling sila at pinalitaw na mas malaki ang halaga ng kanilang handog, kaya naman pinarusahan sila sa kanilang pagpapaimbabaw. (Gawa 5:1-10) Kung tunay ang ating pag-ibig, maglilingkod tayo sa ating mga kapatid kahit hindi tayo pinararangalan o kinikilala dahil sa nagawa natin. Magandang halimbawa rito ang mga brother na tumutulong sa Lupong Tagapamahala sa paghahanda ng espirituwal na pagkain. Iniiwasan nilang mapunta sa kanila ang atensiyon at hindi nila ipinagsasabi kung anong mga proyekto ang kanilang ginagawa.

10. Paano tayo mangunguna sa pagpapakita ng dangal sa iba?

10 Manguna sa pagpapakita ng dangal sa iba. (Basahin ang Roma 12:10.) Nagpakita si Jesus ng halimbawa ng pagbibigay-dangal sa iba nang hugasan niya ang paa ng kaniyang mga apostol. (Juan 13:3-5, 12-15) Para makapaglingkod sa iba, kailangan tayong magsikap na maging mapagpakumbaba. Saka lang naunawaan ng mga apostol ang ginawa ni Jesus nang matanggap nila ang banal na espiritu. (Juan 13:7) Mabibigyang-dangal natin ang iba kung hindi natin iisiping nakahihigit tayo sa kanila dahil sa ating edukasyon, materyal na pag-aari, o mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova. (Roma 12:3) Hindi rin tayo maiinggit sa mga tumatanggap ng papuri. Sa halip, makikigalak tayo sa kanila kahit sa palagay natin ay karapat-dapat din tayong parangalan o kilalanin dahil sa naitulong natin.

11. Kapag nagbibigay ng komendasyon, bakit kailangang taimtim ito?

11 Magbigay ng taimtim na komendasyon. Samantalahin natin ang mga pagkakataon para purihin ang iba dahil iyon ay “mabuti sa ikatitibay” nila. (Efe. 4:29) Pero kailangang taimtim ito. Kung hindi, baka binobola lang natin sila, o umiiwas tayong magbigay ng kinakailangang payo. (Kaw. 29:5) Hindi rin tamang purihin ang isang tao at pagkatapos ay siraan siya nang talikuran; pagpapaimbabaw rin iyan. Iniwasan iyan ni apostol Pablo at nagpakita siya ng magandang halimbawa ng tunay na pag-ibig sa pagbibigay ng komendasyon sa iba. Taimtim niyang pinapurihan ang mga Kristiyano sa Corinto dahil sa kanilang paggawi. (1 Cor. 11:2) Pero kapag kailangan silang payuhan, ipinaliliwanag niya sa kanila ang dahilan sa mabait at malinaw na paraan.—1 Cor. 11:20-22.

Ang pagbibigay sa mga kapatid na nangangailangan ay isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig (Tingnan ang parapo 12)

12. Pagdating sa pagiging mapagpatuloy, paano natin maipakikitang tunay ang ating pag-ibig?

12 Maging mapagpatuloy. Iniutos ni Jehova na maging bukas-palad tayo sa ating mga kapatid. (Basahin ang 1 Juan 3:17.) Pero kailangang malinis ang ating motibo at walang bahid ng pagkamakasarili. Tanungin ang sarili: ‘Mapagpatuloy lang ba ako sa malalapít na kaibigan, prominenteng mga kapatid, o sa mga  may maigaganti sa akin balang-araw? O sinisikap ko bang maging bukas-palad sa mga kapatid na hindi ko gaanong kilala o walang kakayahang suklian ang aking kabaitan?’ (Luc. 14:12-14) Ipagpalagay naman na isang kapuwa Kristiyano ang nangangailangan ng tulong dahil sa isang maling desisyon. O baka naging mapagpatuloy tayo sa kaniya pero hindi tayo pinasalamatan. Sa gayong mga sitwasyon, sundin natin ang payong ito: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang bulung-bulungan.” (1 Ped. 4:9) Kung gagawin mo iyan, magiging masaya ka dahil nagbigay ka nang may tamang motibo.—Gawa 20:35.

13. (a) Bakit kailangan nating maging matiyaga kapag tinutulungan ang mahihina? (b) Anong praktikal na mga tulong ang maibibigay natin sa mahihina?

13 Alalayan ang mahihina. Masusubok din ang pagiging tunay ng ating pag-ibig kung sinusunod natin ang utos ng Bibliya na “alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tes. 5:14) Maraming kapatid na dating mahina ang naging matatag sa pananampalataya nang maglaon. Pero ang iba ay nangangailangan ng matiyaga at patuluyang pagtulong. Puwede nating gamitin ang Kasulatan para patibayin sila, anyayahan silang sumama sa atin sa ministeryo, o maglaan ng panahon para pakinggan sila. At sa halip na basta isiping ang isang brother o sister ay “mahina” o “malakas,” kilalanin natin na lahat tayo ay may mga kalakasan at kahinaan. Kahit si apostol Pablo ay umamin na mayroon siyang mga kahinaan. (2 Cor. 12:9, 10) Kaya lahat tayo ay nangangailangan ng tulong at pampatibay mula sa ating mga kapuwa Kristiyano.

14. Ano ang handa nating gawin para mapanatili ang kapayapaan sa ating mga kapatid?

14 Makipagpayapaan. Ginagawa natin ang ating buong makakaya para mapanatili ang kapayapaan sa ating mga kapatid, kahit sa palagay natin ay mali ang pagkaunawa sa atin o pinakitunguhan tayo nang di-maganda. (Basahin ang Roma 12:17, 18.) Kung nakasakit tayo ng iba, makatutulong ang paghingi ng tawad, pero kailangang taos-puso ito. Halimbawa, sa halip na sabihing “Sorry kung ganiyan ang nararamdaman mo,” mas mabuting aminin ang kasalanan natin at sabihing “Sorry, nasaktan kita sa sinabi ko.” Lalong mahalaga ang kapayapaan para sa mga mag-asawa. Hindi sila magkukunwaring nagmamahalan sa harap ng ibang tao pero di-nagkikibuan, nagbabangayan, o sinasaktan pa nga ang isa’t isa kapag dadalawa lang sila.

15. Paano natin maipakikita na tunay ang ating pagpapatawad?

15 Lubusang magpatawad. Kung may nakasakit sa atin, pinapatawad natin siya at hindi tayo naghihinanakit. Kapag “pinagtitiisan [natin] ang isa’t isa sa pag-ibig, na marubdob na pinagsisikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan,” lubusan nating mapapatawad kahit ang mga nakasakit sa atin nang di-namamalayan. (Efe. 4:2, 3) Pero para maging tunay ang ating pagpapatawad, huwag na nating isipin ang ginawa sa atin dahil ang pag-ibig ay hindi “nagbibilang ng pinsala.” (1 Cor. 13: 4, 5) Kung maghihinanakit tayo o magkikimkim ng sama ng loob, baka tuluyang masira ang kaugnayan natin, hindi lang sa ating kapatid, kundi pati kay Jehova. (Mat. 6:14, 15) Maipakikita rin nating taimtim ang ating pagpapatawad kung ipananalangin natin ang mga nagkasala sa atin.—Luc. 6:27, 28.

16. Ano ang dapat na maging tingin natin sa mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova?

16 Magparaya. Kung tumanggap tayo ng mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova, mapatutunayan nating tunay ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng ‘paghanap, hindi ng sarili nating kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.’ (1 Cor. 10:24) Halimbawa, sa ating mga asamblea at kombensiyon, may mga attendant na naatasang magpaupo sa mga dadalo. Hindi nila sinasamantala ang kanilang atas para makakuha ng pinakamagagandang upuan para sa kanilang sarili at mga kapamilya. Sa halip, nauupo sila sa di-gaanong magagandang puwesto sa seksiyong nakaatas sa kanila. Dahil sa kanilang pagsasakripisyo at pagpaparaya, nagpapakita sila ng pag-ibig na walang bahid ng pagkamakasarili. Paano mo sila matutularan?

17. Ano ang gagawin ng isang nagkasala nang malubha kung tunay ang kaniyang pag-ibig?

17 Ipagtapat at ihinto ang lihim na mga kasalanan. Inililihim ng ilang Kristiyano ang nagawa nilang malubhang pagkakasala dahil ayaw nilang mapahiya o biguin ang iba. (Kaw. 28:13) Pero hindi ito maibigin, dahil makasasamâ ito hindi lang sa nagkasala kundi pati sa iba. Hahadlangan nito ang pagdaloy ng espiritu ng Diyos at isasapanganib ang kapayapaan ng buong kongregasyon. (Efe. 4:30) Pakikilusin ng tunay na pag-ibig ang mga Kristiyanong nakagawa ng malulubhang kasalanan na makipag-usap sa mga elder para mabigyan sila ng kinakailangang tulong.—Sant. 5:14, 15.

18. Gaano kahalaga ang tunay na pag-ibig?

18 Pag-ibig ang pinakadakilang katangian. (1 Cor. 13:13) Ito ang pagkakakilanlan natin bilang mga tagasunod ni Jesus at bilang mga tagatulad ni Jehova, ang Bukal ng pag-ibig. (Efe. 5:1, 2) “Kung . . . wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan,” ang sabi ni Pablo. (1 Cor. 13:2) Patuloy nawa nating ipakita ang ating pag-ibig, hindi lang “sa salita” kundi pati “sa gawa at katotohanan.”