Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) OKTUBRE 2016

 TALAMBUHAY

Pagtulad sa Mabubuting Halimbawa

Pagtulad sa Mabubuting Halimbawa

“Alam mo ba kung ilang taon na ako?” ang tanong ko. “Siyempre, alam ko,” ang sagot ni Izak Marais. Nasa Patterson, New York, siya at tinawagan niya ako sa Colorado. Hayaan ninyong ikuwento ko kung bakit ganoon ang aming pag-uusap.

ISINILANG ako sa Wichita, Kansas, U.S.A., noong Disyembre 10, 1936. Panganay ako sa apat na magkakapatid. Ang mga magulang kong sina William at Jean ay tapat na mga mananamba ni Jehova. Si Itay ang company servant, ang tawag noon sa nangunguna sa isang kongregasyon. Ang nanay ko naman ay natuto ng katotohanan sa Bibliya mula sa kaniyang ina na si Emma Wagner. Maraming naturuan ng katotohanan si Lola Emma, kasama na si Gertrude Steele, na maraming taóng naglingkod bilang misyonera sa Puerto Rico. * Kaya marami akong mabubuting halimbawa na matutularan.

PAG-ALAALA SA MABUBUTING HALIMBAWA

Si Itay, nakatayo sa isang kanto habang nag-aalok ng mga magasin sa mga dumaraan

Isang Sabado ng gabi, noong limang taóng gulang ako, kasama ko si Itay at nag-aalok kami ng mga magasing Watchtower at Consolation (ngayon ay Awake!) sa lansangan. Nang panahong iyon, ang United States ay sangkot sa Digmaang Pandaigdig II. Nilapitan kami ng isang lasing na doktor at nilait niya si Itay dahil sa Kristiyanong neutralidad nito. Tinawag niyang duwag si Itay dahil ayaw nitong magsundalo. Inilapit ng doktor ang kaniyang mukha sa mukha ni Itay at sinabi, “Ba’t di mo ako suntukin, duwag!” Takót na takót ako pero humanga ako kay Itay. Ipinagpatuloy niya ang pag-aalok ng mga magasin sa mga taong naipon doon. May dumaang sundalo, at sumigaw ang doktor, “Turuan mo nga ng leksiyon ang duwag na ito!” Nakita ng sundalo na lasing ang doktor kaya sinabi niya, “Umuwi ka na, nang mahimasmasan ka!” At pareho silang umalis. Nagpapasalamat ako sa lakas ng loob na ibinigay ni Jehova sa tatay ko. May dalawa siyang barberya sa Wichita, at kostumer niya ang doktor na iyon!

Kasama ng mga magulang ko papunta sa isang kombensiyon sa Wichita noong dekada ng 1940

Noong walong taóng gulang ako, ipinagbili ng mga magulang namin ang aming bahay at mga negosyo. Gumawa sila ng isang maliit na mobile home, at lumipat kami sa Colorado para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Tumira kami malapit sa Grand Junction, kung saan nagpayunir ang mga magulang ko at nagtrabaho nang part-time sa  bukid at rantso. Dahil sa tulong ni Jehova at sa kanilang sigasig, naitatag ang isang kongregasyon doon. Noong Hunyo 20, 1948, binautismuhan ako ni Itay sa isang batis sa bundok, gayundin ang iba pa na tumanggap ng katotohanan sa Bibliya, kasama si Billie Nichols at ang kaniyang maybahay. Nang maglaon, pumasok sila sa gawaing pansirkito, gayundin ang kanilang anak at ang misis nito.

Napalapít kami at napatibay ng pakikipag-usap tungkol sa espirituwal na mga bagay sa mga kapatid na abala sa gawaing pang-Kaharian, lalo na ang pamilyang Steele—sina Don at Earlene, Dave at Julia, at Si at Martha—na malaki ang naging impluwensiya sa buhay ko. Ipinakita nila sa akin na ang pag-una sa Kaharian ay nagbibigay ng tunay na kahulugan at kagalakan sa ating buhay.

LUMIPAT ULI

Noong 19 ako, niyaya ako ni Bud Hasty, kaibigan ng pamilya namin, na samahan siyang magpayunir sa timugang bahagi ng United States. Hinilingan kami ng tagapangasiwa ng sirkito na lumipat sa Ruston, Louisiana, kung saan may mga Saksi na naging di-aktibo. Sinabihan kami na idaos ang lahat ng pulong, kahit kaunti lang ang dadalo. Nakakita kami ng angkop na dakong mapagpupulungan at inayos namin iyon. Idinaos namin ang lahat ng pulong, pero sa loob ng ilang panahon, dadalawa lang kaming dumadalo. Naghahalinhinan kami sa pagganap ng mga bahagi sa pulong at sa pagsagot sa lahat ng tanong. Kapag may pagtatanghal, pareho kaming nasa entablado, at wala kaming tagapakinig! Sa wakas, isang nakatatandang sister ang nagsimulang dumalo. Nagsimula na ring dumalo ang ilang inaaralan sa Bibliya, pati na ang ilang di-aktibo, at di-nagtagal, naging masulong ang aming kongregasyon.

Isang araw, nakausap namin ni Bud ang isang ministro ng Church of Christ. Gumamit siya ng mga teksto na hindi pamilyar sa akin. Medyo nabigla ako at napaisip tungkol sa aking mga paniniwala. Isang linggo akong nagsunog ng kilay para maghanap ng sagot sa mga itinanong niya. Talagang nakatulong iyon para dibdibin ko ang katotohanan, at mula noon, sabik na sabik na akong makatagpo ng iba pang mángangarál.

Di-nagtagal, hinilingan ako ng tagapangasiwa ng sirkito na lumipat sa El Dorado, Arkansas, at tumulong sa kongregasyon doon. Habang naroroon ako, pabalik-balik ako sa Colorado para humarap sa lupong nangangalap ng mga sundalo. Minsan, nang papunta ako roon, kasama ko ang ilang kapuwa payunir sa kotse ko. Naaksidente kami sa Texas, at nawasak ang kotse ko. Tinawagan namin ang isang brother na sumundo sa amin. Dinala niya kami sa kaniyang  bahay at sa pulong. Ipinatalastas nila sa pulong na naaksidente kami, kung kaya nagbigay ng tulong pinansiyal ang mga kapatid. Ibinenta rin ng brother ang kotse ko sa halagang $25.

Nakahanap kami ng masasakyan papuntang Wichita, kung saan nagpapayunir si E. F. “Doc” McCartney, isang malapít na kaibigan ng pamilya namin. May anak siyang kambal, sina Frank at Francis, na matalik kong kaibigan mula noon hanggang ngayon. May luma silang kotse na ibinenta nila sa akin sa halagang $25, saktong-sakto sa ibinayad sa wasak na kotse ko. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na malinaw kong nakita na inilaan ni Jehova ang aking pangangailangan dahil inuuna ko ang interes ng Kaharian. Nang panahong iyon, ipinakilala sa akin ng mga McCartney ang isang maganda at masigasig na sister, si Bethel Crane. Ang nanay niyang si Ruth, isang masigasig na Saksi sa Wellington, Kansas, ay nagpayunir hanggang sa mahigit 90 na siya. Wala pang isang taon, noong 1958, nagpakasal kami ni Bethel, at sinamahan niya akong magpayunir sa El Dorado.

MGA KAPANA-PANABIK NA PAANYAYA

Dahil sa mabubuting halimbawang kinalakhan namin, nagpasiya kaming tanggapin ang anumang paanyaya ng organisasyon ni Jehova. Naatasan kaming maglingkod bilang special pioneer sa Walnut Ridge, Arkansas. At noong 1962, tuwang-tuwa kaming maanyayahan sa ika-37 klase ng Gilead. Napakasaya namin dahil kaklase namin si Don Steele. Pagkagradweyt, naatasan kami ni Bethel na maglingkod sa Nairobi, Kenya. Mabigat ang dibdib namin nang papaalis kami ng New York, pero napalitan iyon ng saya nang salubungin kami sa airport ng mga kapatid sa Nairobi!

Sa ministeryo sa Nairobi kasama sina Mary at Chris Kanaiya

Agad na napamahal sa amin ang Kenya at ang aming kasiya-siyang ministeryo doon. Ang unang progresibong Bible study namin ay sina Chris at Mary Kanaiya. Tapat pa rin silang naglilingkod nang buong panahon sa Kenya. Nang sumunod na taon, hinilingan kaming lumipat sa Kampala, Uganda, bilang unang mga misyonero sa bansang iyon. Ang saya-saya namin dahil maraming gustong mag-aral ng Bibliya, at naging mga Saksi rin sila. Pero pagkaraan ng tatlo’t kalahating taon sa Africa, umalis kami para magpamilya. Bumalik kami sa United States. Mas mabigat ang dibdib namin nang umalis kami sa Africa kaysa noong umalis kami sa New York. Napamahal na kasi sa amin ang mga taga-Africa, at pangarap naming makabalik doon balang-araw.

ISANG BAGONG ATAS

Tumira kami sa kanlurang bahagi ng Colorado, kung saan nakatira ang mga magulang ko. Di-nagtagal, isinilang ang aming unang anak na babae, si Kimberly, at pagkaraan ng 17 buwan, ipinanganak naman si Stephany. Sineryoso namin ang aming bagong atas bilang mga magulang, at sinikap naming itanim ang katotohanan sa puso ng aming mga anak. Gusto naming tularan ang mabubuting halimbawang nakita namin para sa kanila. Totoo na mahalaga ang mabubuting halimbawa sa paghubog sa mga anak. Pero hindi ito garantiya na lálakí silang naglilingkod kay Jehova. Iniwan ng nakababata kong kapatid na lalaki at isang kapatid kong babae ang katotohanan. Sana’y bumalik sila balang-araw at muling tularan ang mabubuting halimbawang ipinakita sa kanila.

Masaya kami sa pagpapalaki sa aming mga anak at sinisikap namin na laging gawin ang mga bagay-bagay bilang isang pamilya. Dahil malapit kami sa Aspen, Colorado, nag-aral kaming lahat na mag-ski para paminsan-minsan ay makapag-ski kaming  magkakasama. Sa mga panahong ito ng paglilibang, nakakausap namin ang aming mga anak habang nakasakay kami sa ski lift. Nagka-camping din kami at masayang nag-uusap-usap sa palibot ng bonfire. Kahit bata pa sila, may mga tanong na sila, gaya ng, “Ano’ng gusto kong maging paglaki ko?” at “Anong klaseng tao ang gusto kong mapangasawa?” Sinikap naming ikintal ang espirituwal na mga pamantayan sa puso’t isip ng aming mga anak. Pinasigla namin silang gawing tunguhin ang buong-panahong ministeryo at mag-asawa lang ng may gayunding tunguhin. Ipinaunawa namin sa kanila na hindi magandang mag-asawa sa murang edad. Nagkaroon kami ng kasabihan, “Stay free until you are at least 23 (Huwag mag-asawa hangga’t hindi ka pa 23).”

Gaya ng ginawa ng aming mga magulang, sinikap naming daluhan ang mga pulong at regular na makibahagi sa ministeryo bilang pamilya. Pinatutuloy namin sa aming tahanan ang ilang kapatid na nasa buong-panahong ministeryo. Madalas din naming ikuwento sa kanila ang masayang panahong ginugol namin sa gawaing pagmimisyonero. Sinabi namin sa mga bata na sana’y makabalik kami sa Africa kasama sila. Gustong-gusto nila iyon.

Regular kaming nagpa-family study, at isinasadula namin ang mga sitwasyong puwedeng mangyari sa paaralan. Ang mga bata ang gumaganap na Saksi na sumasagot sa mga tanong. Tuwang-tuwa silang matuto sa ganitong paraan, at nagkakaroon sila ng kumpiyansa. Habang lumalaki sila, may mga panahong nagrereklamo sila tungkol sa family study. Minsan, dahil suko na ako, sinabihan ko silang pumunta sa kuwarto nila at hindi na kami mag-ii-study. Nabigla sila at napaiyak, at sinabing gusto nilang mag-study. Nakita naming naitatanim na pala namin ang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay sa kanilang musmos na puso. Nagustuhan na nila ang pag-ii-study, at hinayaan namin silang sabihin ang kanilang niloloob. Pero kung minsan, masakit din kapag sinasabi nilang hindi sila sang-ayon sa ilang aspekto ng katotohanan. Pero sa ganitong paraan, nalalaman namin kung ano talaga ang nasa puso nila. Kapag nagpaliwanag na kami sa kanila, tinatanggap naman nila ang kaisipan ni Jehova sa mga bagay-bagay.

IBA PANG MGA PAGBABAGO

Napakabilis pala ng proyektong pagpapalaki sa aming mga anak! Sa tulong at patnubay ng organisasyon ng Diyos, ginawa namin ang aming buong makakaya para palakihin sila na may pag-ibig kay Jehova. Laking pasasalamat namin na pareho silang nagpayunir pagkagradweyt sa high school, at natuto sila ng mga skill para masuportahan ang kanilang sarili sa pinansiyal. Lumipat sila sa Cleveland, Tennessee, kasama ng dalawa pang sister, para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Miss na miss namin sila, pero natutuwa kami na ginagamit nila ang kanilang buhay sa buong-panahong paglilingkod. Nagpayunir uli kami ni Bethel, at nabuksan sa amin ang iba pang pribilehiyo. Naglingkod kami bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito at tumulong sa mga gawain sa kombensiyon.

Bago lumipat sa Tennessee, pumunta ang aming mga anak sa London, England, at bumisita sa tanggapang pansangay. Doon, nakilala ni Stephany, noon ay 19, si Paul Norton, isang kabataang Bethelite. Sa isa pang paglalakbay roon, nakilala naman ni Kimberly ang katrabaho ni Paul na si Brian Llewellyn. Ikinasal sina Paul at Stephany—pero 23 na si Stephany noon. Nang sumunod na taon, ikinasal naman sina Brian at Kimberly—nang si Kimberly ay 25. Kaya hindi sila nag-asawa hangga’t hindi sila 23. Pasadong-pasado sa amin ang napili nilang mapangasawa.

Kasama sina Paul, Stephany, Kimberly, at Brian sa tanggapang pansangay sa Malawi noong 2002

Ayon sa aming mga anak, ang halimbawang ipinakita namin at ng kanilang mga lolo’t lola ay nakatulong sa kanila na sundin ang utos ni Jesus na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian,’ kahit may pagkakataong nagigipit sila sa pera. (Mat. 6:33) Noong Abril 1998, sina Paul at Stephany ay inanyayahan sa ika-105 klase ng Gilead. Pagkatapos, naatasan silang maglingkod sa Malawi, Africa. Kasabay nito, inanyayahan naman sina Brian at Kimberly na maglingkod sa Bethel sa London at nang maglaon ay inilipat sila sa Bethel sa Malawi. Napakasaya namin, dahil ito na ang pinakamagandang paraan na magagamit ng mga kabataan ang kanilang buhay.

ISA PANG KAPANA-PANABIK NA PAANYAYA

Noong Enero 2001, natanggap ko ang tawag sa telepono na nabanggit sa simula. Ipinaliwanag ni Brother Marais, tagapangasiwa ng Translation Services,  na may isinasaayos na kurso tungkol sa English comprehension para sa mga tagapagsalin sa buong mundo, at sa edad na 64, napipisil akong sanayin bilang isa sa mga instruktor. Ipinanalangin namin ito ni Bethel at kinausap namin ang aming may-edad nang mga nanay para humingi ng payo. Pareho nilang gusto na pumunta kami, kahit mawawalay kami sa kanila at hindi na namin sila maaalagaan. Tumawag ako at sinabi kong malugod naming tinatanggap ang napakagandang pribilehiyong ito.

Saka naman na-diagnose na may kanser ang nanay ko. Sinabi ko sa kaniya na hindi na kami aalis at tutulungan ko ang kapatid kong si Linda sa pag-aalaga sa kaniya. “Hindi mo gagawin iyan,” ang sabi ni Inay. “Lalong sasamâ ang loob ko kung hindi kayo matutuloy.” Ganoon din ang damdamin ni Linda. Talagang pinasasalamatan namin ang kanilang pagsasakripisyo at ang tulong ng mga kapatid sa aming lugar! Nang sumunod na araw pagkaalis namin papuntang Watchtower Educational Center sa Patterson, tumawag si Linda para sabihing namatay na si Inay. Gaya ng alam naming gustong mangyari ni Inay, ibinuhos namin ang aming sarili sa aming bagong atas.

Laking tuwa namin dahil ang aming unang atas ay ang sangay sa Malawi, kung saan naglilingkod ang aming mga anak at manugang. Napakasayang reunion nga iyon! Sumunod, itinuro namin ang kurso sa mga tagapagsalin sa Zimbabwe, at pagkatapos ay sa Zambia. Pagkaraan ng tatlo’t kalahating taon ng pagtuturo, hinilingan kaming bumalik sa Malawi para isulat ang karanasan ng mga Saksing pinag-usig doon dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad. *

Pakikibahagi sa ministeryo kasama ng aming mga apo

Noong 2005, kahit mabigat na naman sa dibdib, bumalik kami ni Bethel sa Basalt, Colorado, kung saan patuloy kaming nagpapayunir. Noong 2006, lumipat sa tabing-bahay namin sina Brian at Kimberly para doon palakihin ang kanilang dalawang anak na babaeng sina Mackenzie at Elizabeth. Nasa Malawi pa rin sina Paul at Stephany, kung saan naglilingkod si Paul bilang miyembro ng Komite ng Sangay. Ngayong malapit na akong mag-80 anyos, natutuwa ako sa nakababatang mga brother na nakasama ko nang maraming taon. Sila na ngayon ang bumabalikat ng dati kong mga pananagutan. Malaking bahagi ng kasiyahang nadarama namin ay dahil sa mabubuting halimbawang ipinakita sa amin, na sinisikap naman naming tularan para sa aming mga anak at mga apo.

^ par. 5 Tungkol sa gawaing pagmimisyonero ng mga miyembro ng pamilyang Steele, tingnan ang Watchtower ng Mayo 1, 1956, p. 269-272, at ng Marso 15, 1971, p. 186-190.

^ par. 30 Halimbawa, tingnan ang talambuhay ni Trophim Nsomba sa Ang Bantayan, Abril 15, 2015, p. 14-18.