Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) NOBYEMBRE 2016

Patuloy na Patibayin ang Isa’t Isa Bawat Araw

Patuloy na Patibayin ang Isa’t Isa Bawat Araw

“Kung mayroon kayong anumang salitang pampatibay-loob para sa mga tao, sabihin ninyo.”—GAWA 13:15.

AWIT: 121, 45

1, 2. Ipakita kung bakit mahalaga ang pampatibay-loob.

“HINDI na nga ako pinapatibay ng mga magulang ko, lagi pa nila akong pinipintasan. Ang sakit nilang magsalita,” ang sabi ni Cristina, edad 18. [1] “Sabi nila, immature daw ako, hindi na raw ako natuto, at ang taba-taba ko. Kaya lagi akong umiiyak at ayokong makipag-usap sa kanila. Pakiramdam ko, wala akong halaga.” Napakasaklap nga ng buhay kung walang pampatibay-loob!

2 Sa kabaligtaran, malaki ang naitutulong ng pampatibay-loob. “Maraming taon kong pinaglalabanan ang pagkadama ng kawalang-halaga,” ang sabi ni Rubén. “Pero nang mangaral ako kasama ng isang elder, napansin niya na hindi maganda ang araw ko. Nakisimpatiya siya habang sinasabi ko ang nadarama ko. ’Tapos, ipinaalaala niya sa ’kin ang mabubuting nagagawa ko. Ipinaalaala rin niya sa akin ang sinabi ni Jesus—na bawat isa sa atin ay mas mahalaga kaysa sa maraming maya. Madalas kong alalahanin ang tekstong iyon, at naaantig pa rin ako. Nakatulong talaga sa ’kin ang sinabi ng elder.”—Mat. 10:31.

3. (a) Ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa pampatibay-loob? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Hindi nga nakapagtataka na idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng laging pagbibigay ng pampatibay-loob. Isinulat ni apostol  Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy; ngunit patuloy ninyong payuhan [patibayin] ang isa’t isa bawat araw, . . . dahil baka may sinuman sa inyo na maging mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.” (Heb. 3:12, 13) Alam mong mahalaga ang payo na patibaying-loob ang isa’t isa. Malamang na ikaw mismo ay napasigla nang may magpatibay sa iyo. Kaya talakayin natin ang mga tanong na ito: Bakit mahalaga ang pampatibay-loob? Ano ang matututuhan natin kay Jehova, kay Jesus, at kay Pablo sa paraan nila ng pagpapatibay sa iba? At paano tayo makapagbibigay ng mabisang pampatibay-loob?

KAILANGAN NATING LAHAT NG PAMPATIBAY-LOOB

4. Sino ang nangangailangan ng pampatibay-loob, at bakit salat ito sa ngayon?

4 Lahat tayo ay nangangailangan ng pampatibay-loob. Totoong-totoo iyan lalo na sa mga bata. “Kailangan ng mga bata . . . ang pampatibay-loob kung paanong kailangan ng mga halaman ang tubig,” ang paliwanag ng edukador na si Timothy Evans. “Kapag pinatitibay-loob ang bata, nadarama niyang karapat-dapat siya at mahalaga.” Pero nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib. Ang mga tao ay makasarili, walang gaanong likas na pagmamahal, at salat sa pagbibigay ng pampatibay-loob. (2 Tim. 3:1-5) May mga magulang na hindi nagbibigay ng komendasyon sa kanilang mga anak dahil sila mismo ay hindi nakatanggap nito sa kanilang sariling magulang. Maraming empleado ang nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng komendasyon sa kanilang trabaho.

5. Ano ang kasama sa pampatibay-loob?

5 Kadalasan, kasama sa pampatibay-loob ang pagbibigay ng komendasyon sa mabuting nagawa ng isa. Mapatitibay rin natin ang iba kung sasabihin natin sa kanila ang kanilang mabubuting katangian o magsasalita tayo nang “may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14) Ang salitang Griego na kadalasang isinasaling “pampatibay-loob” ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” Habang naglilingkod tayo kasama ng ating mga kapatid, malamang na may mga pagkakataon tayong makapagsalita ng nakapagpapatibay. (Basahin ang Eclesiastes 4:9, 10.) Sinasamantala ba natin ang mga pagkakataong ito para sabihin sa iba kung bakit natin sila iniibig at pinahahalagahan? Bago sagutin iyan, makabubuting pag-isipan muna ang kawikaang ito: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!”—Kaw. 15:23.

6. Bakit gusto ng Diyablo na masiraan tayo ng loob? Magbigay ng halimbawa.

6 Gusto ni Satanas na Diyablo na masiraan tayo ng loob dahil alam niya na makapagpapahina ito sa atin sa espirituwal at sa iba pang paraan. “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan?” ang tanong ng Kawikaan 24:10. “Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Gumamit si Satanas ng mga trahedya at akusasyon para pahinain ang loob ng matuwid na si Job, pero nabigo ang kaniyang pakana. (Job 2:3; 22:3; 27:5) Malalabanan natin ang mga gawa ng Diyablo kung patitibayin natin ang loob ng ating mga kapamilya at kakongregasyon. Tutulong ito para maging masaya tayo at panatag sa loob ng tahanan at sa Kingdom Hall.

MGA HUWARAN SA PAGBIBIGAY NG PAMPATIBAY-LOOB

7, 8. (a) Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na mahalaga kay Jehova ang pagbibigay ng pampatibay-loob sa iba? (b) Paano matutularan ng mga magulang ang halimbawa ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

7 Si Jehova. Umawit ang salmista: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay  inililigtas niya.” (Awit 34:18) Nang matakot at panghinaan ng loob ang tapat na propetang si Jeremias, tinulungan siya ni Jehova na magkaroon ng kumpiyansa. (Jer. 1:6-10) At isip-isipin kung paano napatibay ang may-edad nang propetang si Daniel nang isugo ng Diyos ang isang anghel para palakasin siya. Tinawag ng anghel na iyon si Daniel na “lubhang kalugud-lugod,” o napakahalaga! (Dan. 10:8, 11, 18, 19) Puwede mo rin bang patibayin ang mga mamamahayag, payunir, at may-edad na mga kapatid na nanghihina?

8 Kahit mahabang panahon nang magkasama si Jehova at si Jesus, alam ni Jehova na kailangan pa rin niyang patibayin ang kaniyang Anak noong nasa lupa ito. Sa dalawang pagkakataon, narinig ni Jesus ang tinig ng kaniyang Ama mula sa langit na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mat. 3:17; 17:5) Sa gayon, pinatibay ng Diyos si Jesus at tiniyak sa kaniya na mabuti ang kaniyang ginagawa. Tiyak na napatibay si Jesus sa dalawang pagkakataon nang marinig niya ang mga salitang ito—sa pasimula ng kaniyang ministeryo at noong huling taon ng kaniyang buhay dito sa lupa. Nagsugo rin si Jehova ng isang anghel para palakasin si Jesus nang naghihirap ang kalooban nito noong gabi bago siya mamatay. (Luc. 22:43) Kung tayo ay mga magulang, tularan natin ang halimbawa ni Jehova at laging patibaying-loob ang ating mga anak at bigyan sila ng komendasyon sa mabubuting nagagawa nila. Lalo pa natin silang palakasin kung nasusubok ang kanilang katapatan sa paaralan araw-araw.

9. Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga apostol?

9 Si Jesus. Noong gabing pasinayaan ni Jesus ang Memoryal, nakitaan niya ng pagmamapuri ang kaniyang mga apostol. Mapagpakumbabang hinugasan ni Jesus ang kanilang mga paa, pero nagtatalo pa rin sila kung sino ang pinakadakila sa kanila; at masyadong tiwala si Pedro sa sarili. (Luc. 22:24, 33, 34) Pero binigyang-komendasyon ni Jesus ang kaniyang tapat na mga apostol dahil nanatili silang kasama niya sa kaniyang mga pagsubok. Inihula niya na gagawa sila ng mga gawa na mas dakila kaysa sa ginawa niya, at tiniyak niya sa kanila na mahal sila ng Diyos. (Luc. 22:28; Juan 14:12; 16:27) Tanungin ang sarili, ‘Matutularan ko ba si Jesus sa pagbibigay ng komendasyon sa mga anak ko at sa iba dahil sa mabubuting nagagawa nila, sa halip na magpokus sa mga pagkukulang nila?’

10, 11. Paano ipinakita ni Pablo na alam niyang mahalagang patibaying-loob ang iba?

10 Si apostol Pablo. Sa kaniyang mga liham, pinuri ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Maraming taon siyang naglakbay kasama ng ilan sa kanila at tiyak na alam niya ang mga kahinaan nila, pero magagandang bagay ang sinabi niya tungkol sa kanila. Halimbawa, inilarawan ni Pablo si Timoteo bilang kaniyang “minamahal at tapat na anak sa Panginoon,” na tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng ibang Kristiyano. (1 Cor. 4:17; Fil. 2:19, 20) Sinabi ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto na si Tito ay “isang kabahagi ko at kamanggagawa para sa inyong mga kapakanan.” (2 Cor. 8:23) Tiyak na napatibay sina Timoteo at Tito nang malaman nila na ganoon ang tingin ni Pablo sa kanila!

11 Isinapanganib nina Pablo at Bernabe ang kanilang buhay nang bumalik sila sa mga lugar kung saan sila nakaranas ng mararahas na pagsalakay. Halimbawa, sa kabila ng mga pagsalansang na naranasan nila sa Listra, bumalik sila roon para patibayin ang mga bagong alagad na manatili sa pananampalataya. (Gawa 14:19-22) Sa Efeso, napaharap si Pablo sa maraming galít na tao. Sinasabi sa Gawa 20:1, 2: “Pagkatapos na humupa ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad, at nang mapatibay-loob na niya sila at makapagpaalam sa kanila, yumaon siya upang maglakbay patungong Macedonia. Pagkatapos na lumibot sa mga bahaging iyon at mapatibay-loob ang mga naroon sa pamamagitan ng  maraming salita, pumaroon siya sa Gresya.” Talagang napakahalaga kay Pablo ang pagbibigay ng pampatibay-loob.

MAGPATIBAYAN NGAYON

12. Bakit makabubuti sa atin na dumalo sa mga pagpupulong?

12 May-kabaitang isinaayos ng ating makalangit na Ama ang ating regular na pagpupulong para makapagbigay tayo at makatanggap ng pampatibay-loob. (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Gaya ng unang mga tagasunod ni Jesus, nagtitipon din tayo para matuto at mapatibay. (1 Cor. 14:31) Si Cristina, na binanggit sa simula ng artikulong ito, ay nagsabi: “Ang gustong-gusto ko sa mga pulong ay ang pag-ibig at pampatibay-loob na natatanggap ko do’n. Kung minsan, malungkot ako pagdating sa Kingdom Hall. Pero lalapitan ako ng mga sister, yayakapin, at sasabihing ang ganda-ganda ko. Sinasabi nilang mahal nila ako at natutuwa silang makitang sumusulong ako sa espirituwal. Gumagaan talaga ang pakiramdam ko dahil sa pampatibay nila!” Nakagiginhawa nga kung lahat tayo ay ‘magpapalitan ng pampatibay-loob’!—Roma 1:11, 12.

13. Bakit kailangan ng makaranasang mga lingkod ng Diyos ang pampatibay-loob?

13 Kahit makaranasang mga lingkod ng Diyos ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. Halimbawa, tapat na naglingkod sa Diyos si Josue sa loob ng maraming taon. Pero inutusan ni Jehova si Moises: “Atasan mo si Josue at patibayin mo ang kaniyang loob at palakasin mo siya, sapagkat siya ang tatawid sa unahan ng bayang ito at siya ang magpapangyaring manahin nila ang lupain na makikita mo.” (Deut. 3:27, 28) Mabigat na atas ang babalikatin ni Josue. Pangungunahan niya ang mga Israelita sa pagkubkob sa Lupang Pangako. Makararanas siya ng mga hadlang at isang pagkatalo sa digmaan. (Jos. 7:1-9) Tiyak na kinailangan ni Josue na mapatibay at mapalakas! Kaya naman personal nating patibayin ang mga elder, kasama na ang mga tagapangasiwa ng sirkito, na nagpapagal sa pangangalaga sa kawan ng Diyos. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:12, 13.) “Kung minsan, binibigyan kami ng mga kapatid ng thank-you letter na nagsasabing nag-enjoy sila sa dalaw namin,” ang sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito. “Iniingatan namin ang mga sulat na ito at binabasa kapag nanghihina ang loob namin. Talagang napapatibay kami sa mga ito.”

Sumusulong ang mga anak kapag taimtim natin silang pinatitibay (Tingnan ang parapo 14)

14. Ano ang nagpapakita na epektibo ang komendasyon at pampatibay-loob kapag nagpapayo?

14 Para idiin ang payo mula sa Bibliya, nakita ng mga Kristiyanong elder at mga magulang na epektibo ang komendasyon at pampatibay-loob. Nang papurihan ni Pablo ang mga taga-Corinto sa pagkakapit ng kaniyang payo, tiyak na napasigla silang patuloy na gawin kung ano ang tama. (2 Cor. 7:8-11) Si Andreas, na may dalawang anak, ay nagsabi: “Nakakatulong sa mga bata ang  pampatibay-loob para mag-mature sila sa espirituwal at emosyonal. Naidiriin mo ang payo kapag nagbibigay ka ng pampatibay-loob. Kahit alam ng mga anak namin kung ano ang tama, nasasanay silang gawin ang tama kapag lagi namin silang pinatitibay.”

KUNG PAANO MAGBIBIGAY NG MABISANG PAMPATIBAY-LOOB

15. Ano ang isang paraan para mapatibay ang iba?

15 Pahalagahan ang mga pagsisikap at magagandang katangian ng mga kapatid. (2 Cro. 16:9; Job 1:8) Talagang pinahahalagahan ni Jehova at ni Jesus ang lahat ng ginagawa natin para suportahan ang kapakanan ng Kaharian, kahit limitado lang ang ating mga nagagawa at naitutulong dahil sa ating mga kalagayan. (Basahin ang Lucas 21:1-4; 2 Corinto 8:12.) Halimbawa, malaking pagsisikap ang ginagawa ng ilan sa ating minamahal na may-edad para regular na makadalo at makibahagi sa mga pulong at sa ministeryo. Bakit hindi natin sila papurihan at patibayin?

16. Bakit hindi tayo dapat maging maramot sa pagpapatibay-loob sa iba?

16 Samantalahin ang mga pagkakataon para patibayin ang iba. Kung may makita kang dapat papurihan, bakit hindi mo gawin iyon? Nang sina Pablo at Bernabe ay nasa Antioquia sa Pisidia, sinabi sa kanila ng mga punong opisyal ng sinagoga: “Mga lalaki, mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang pampatibay-loob para sa mga tao, sabihin ninyo.” Kaya naman nagbigay si Pablo ng isang mahusay na pahayag. (Gawa 13:13-16, 42-44) Kung mayroon tayong salitang nakapagpapatibay, bakit hindi natin iyon sabihin? Kapag nakasanayan nating maging nakapagpapatibay, malamang na patitibayin din tayo ng iba.—Luc. 6:38.

17. Paano magiging mas mabisa ang ating pagbibigay ng komendasyon?

17 Maging taimtim at espesipiko. Gaya ng makikita sa mensahe ni Jesus sa mga Kristiyano sa Tiatira, mas kapaki-pakinabang ang pampatibay-loob at papuri kung ito ay espesipiko. (Basahin ang Apocalipsis 2:18, 19.) Halimbawa, kung tayo ay mga magulang, sabihin sa ating mga anak kung ano ang pinahahalagahan natin sa kanilang espirituwal na pagsulong. Puwede nating sabihin sa isang nagsosolong ina kung ano ang hinahangaan natin sa pagpapalaki niya sa kaniyang mga anak sa kabila ng kaniyang mahirap na sitwasyon. Malaki ang maitutulong ng gayong mga papuri at pampatibay-loob!

18, 19. Paano natin mapalalakas ang mga nangangailangan ng pampatibay-loob?

18 Hindi tayo personal na kakausapin ni Jehova para sabihing patibayin natin ang isang partikular na indibiduwal, gaya noong sabihan Niya si Moises na patibayin at palakasin si Josue. Pero natutuwa ang Diyos kapag pinatitibay natin ang ating mga kapananampalataya at ang iba. (Kaw. 19:17; Heb. 12:12) Halimbawa, puwede nating sabihin sa isang brother kung paano tayo nakinabang sa kaniyang pahayag o kung paano tayo natulungan nito na maunawaan ang isang partikular na teksto. “Kahit ilang minuto lang kitang nakausap,” ang isinulat ng isang sister sa dumadalaw na tagapagsalita, “nakita mo agad na malungkot ako, at pinasigla at pinatibay mo ako. Gusto kong malaman mo na ang mabait na paraan mo ng pagsasalita, sa plataporma at sa personal, ay regalo mula kay Jehova.”

19 Marami tayong magagawang paraan para patibayin ang iba sa espirituwal kung determinado tayong sundin ang payo ni Pablo: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya nga ng ginagawa ninyo.” (1 Tes. 5:11) Tiyak na mapalulugdan nating lahat si Jehova kung patuloy nating patitibayin ang isa’t isa bawat araw.

^ [1] (parapo 1) Binago ang ilang pangalan.