Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Mayo 2017

Masayang Mamuhay Nang Simple

Masayang Mamuhay Nang Simple

IKINASAL sina Daniel at Miriam noong Setyembre 2000. Tumira sila sa Barcelona, Spain, at nagkaroon ng komportableng buhay. Ikinuwento ni Daniel: “Dahil maganda ang trabaho namin, nakakakain kami sa mamahaling mga restawran, nakakapamasyal sa ibang bansa, at nakakabili ng magagandang damit. Regular din naman kami sa ministeryo.” Pero may nagpabago nito.

Sa kombensiyon noong 2006, naantig si Daniel ng tanong sa isang pahayag: “Ginagawa ba natin ang ating buong makakaya upang ang mga ‘sumusuray-suray patungo sa patayan’ ay maakay natin sa daang patungo sa buhay na walang hanggan?” (Kaw. 24:11) Idiniin sa pahayag ang pananagutang ipaalam sa iba ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Bibliya. (Gawa 20:26, 27) Naalaala ni Daniel, “Pakiramdam ko, parang nakikipag-usap si Jehova sa akin.” Binanggit din sa pahayag na kung palalawakin ng isa ang kaniyang ministeryo, lalo siyang magiging masaya. Alam ni Daniel na totoo iyon, dahil nagpapayunir na noon si Miriam, at naging masaya ito at pinagpapala.

Dahil dito, nagpasiya si Daniel na panahon na para gumawa ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Binawasan niya ang kaniyang oras sa trabaho, nagpayunir, at binulay-bulay kung gaano kasayang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.

MGA HAMON, NA SINUNDAN NG ISANG MAGANDANG BALITA

Noong Mayo 2007, nagbitiw sa trabaho sina Daniel at Miriam at lumipat sa Panama, isang bansang nabisita na nila noon. Ang bagong teritoryo nila ay binubuo ng maraming isla ng Bocas del Toro Archipelago sa Caribbean Sea, at karamihan sa mga nakatira dito ay katutubong Ngabe. Sa tantiya ng mag-asawa, makapaglilingkod sila sa Panama nang mga walong buwan gamit ang kanilang ipon.

Pinupuntahan nila ang mga isla sakay ng bangka at bisikleta. Tandang-tanda pa nila ang kanilang unang paglalakbay gamit ang bisikleta—mga 32 kilometro ang layo, sa matatarik na burol, at nakabilad sa nakapapasong init ng araw. Halos himatayin sa pagod si Daniel. Pero ang mga pamilyang Ngabe na nakilala nila ay napakamapagpatuloy, lalo na nang matuto ang mag-asawa ng ilang salita sa lokal na wika. Di-nagtagal, mayroon na silang 23 Bible study.

Nang maubos na ang kanilang ipon, biglang nalungkot ang mag-asawa. Naalaala ni Daniel: “Mangiyak-ngiyak kami habang iniisip ang tungkol sa pagbalik namin sa Spain. Ayaw naming iwan ang mga Bible study namin.” Pero makalipas ang isang buwan, nakatanggap sila ng isang magandang balita. Sinabi ni Miriam: “Inanyayahan kaming maglingkod bilang special pioneer. Ang saya namin kasi hindi na namin kailangang umalis sa aming atas!”

ANG TALAGANG NAGPAPASAYA SA KANILA

Noong 2015, dahil sa mga pagbabago sa organisasyon, hinilingan sina Daniel at Miriam na ipagpatuloy ang paglilingkod bilang regular pioneer. Ano na ang gagawin nila ngayon? Nagtiwala sila sa pangako ng Awit 37:5: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” Nakahanap sila ng trabahong susuporta sa pagpapayunir nila, at ngayon, naglilingkod sila sa isang kongregasyon sa probinsiya ng Veraguas, Panama.

Sinabi ni Daniel: “Bago kami umalis sa Spain, hindi kami sigurado kung kaya naming mamuhay nang simple. Pero nakaya namin, at hindi kami nagkukulang ng anumang kailangan namin.” Ano ang talagang nagpapasaya sa kanila? Ang sabi nila, “Walang kapantay ang kagalakang tulungan ang mapagpakumbabang mga tao na makilala si Jehova!”