Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Marso 2016

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Kailan naging bihag ng Babilonyang Dakila ang bayan ng Diyos?

Ang espirituwal na pagkabihag na iyan ay nagsimula noong ikalawang siglo C.E. at natapos noong 1919. Bakit kailangan ang pagbabagong ito sa ating pagkaunawa?

Ipinakikita ng lahat ng katibayan na natapos ang pagkabihag na ito noong 1919 at mula noon, ang mga pinahirang Kristiyano ay tinitipon sa isinauling kongregasyon. Pag-isipan ito: Ang bayan ng Diyos ay sinubok at dinalisay noong mga taon matapos itatag sa langit ang Kaharian ng Diyos noong 1914. * (Mal. 3:1-4) Pagkatapos, noong 1919, nag-atas si Jesus ng “tapat at maingat na alipin” para paglaanan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” ang nilinis na bayan ng Diyos. (Mat. 24:45-47) Nang taóng iyon, nagsimulang bumalik ang bayan ng Diyos sa kanilang bigay-Diyos na espirituwal na lupain. Nang panahon ding iyon, pinalaya sila mula sa makasagisag na pagkabihag sa Babilonyang Dakila. (Apoc. 18:4) Pero kailan aktuwal na nagsimula ang pagkabihag na iyon?

Dati, ipinaliwanag natin na nagsimula noong 1918 ang pagkabihag ng bayan ng Diyos sa Babilonyang Dakila at tumagal lang ito nang maikling panahon. Halimbawa, sinabi ng Bantayan, Marso 15, 1992: “Gaya ng sinaunang bayan ng Diyos na nadalang bihag sa Babilonya sa loob ng isang panahon, noong 1918 ang mga lingkod ni Jehova ay dumanas ng pagkabihag sa Babilonyang Dakila.” Pero ipinakikita ng karagdagang pananaliksik na ang pagkabihag na ito ay nagsimula maraming taon bago pa ang 1918.

Halimbawa, suriin natin ang isang hula tungkol sa pagkabihag na ito at paglaya ng bayan ng Diyos. Nakaulat ito sa Ezekiel 37:1-14. Sa pangitain, nakakita si Ezekiel ng isang libis na punô ng mga buto. Ipinaliwanag ni Jehova kay Ezekiel na ang mga butong ito ay kumakatawan sa “buong sambahayan ng Israel.” Sa mas malaking katuparan nito, ang hulang ito tungkol sa pagsasauli ay kumakapit sa “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16; Gawa 3:21) Sumunod, nakita ni Ezekiel na nabuhay ang mga buto at naging isang malaking hukbong militar. Angkop ngang paglalarawan ito sa espirituwal na pagbuhay-muli sa bayan ng Diyos na natapos noong 1919! Pero ano ang ipinahihiwatig ng pangitaing ito hinggil sa haba ng panahong nasasangkot?

Una, pansinin na ang mga buto ay inilarawan na “natuyo” o “tuyung-tuyo.” (Ezek. 37:2, 11) Ipinahihiwatig nito na matagal nang patay ang mga may-ari nito. Ikalawa, ang pagsasauli ay inilarawan na unti-unting nagaganap, hindi biglaan. Sa umpisa,  may kumakalampag na ingay, at “ang mga buto ay nagsimulang magkalapit, buto sa kaniyang kapuwa buto.” Pagkatapos, ang mga ito ay nagkaroon ng “mga litid at ng laman.” Sumunod, ang mga buto, litid, at laman ay natakpan ng balat. Nang maglaon, “ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila ay nagsimulang mabuhay.” Bilang panghuli, inilagay ni Jehova ang binuhay-muling bayan sa kanilang lupain. Lahat ng ito ay mangangailangan ng mahabang panahon.—Ezek. 37:7-10, 14.

Matagal na panahong naging bihag ang sinaunang bansang Israel. Nagsimula ito noong 740 B.C.E. nang bumagsak ang 10-tribong hilagang kaharian at maging tapon ang marami sa kanila. Pagkatapos, noong 607 B.C.E., nawasak ang Jerusalem at ang mga taga-timugang kaharian ng Juda ay naging tapon din. Nagwakas ang pagkabihag na ito noong 537 B.C.E. nang isang nalabi ng mga Judio ang bumalik sa Jerusalem para muling itayo ang templo at muling itatag ang dalisay na pagsamba.

Ipinakikita ng mga detalyeng ito mula sa Kasulatan na ang pagkabihag ng bayan ng Diyos sa Babilonyang Dakila ay tumagal nang mahabang panahon, hindi lang mula 1918 hanggang 1919. Ang pagkabihag ay kasabay ng panahon kung kailan ang makasagisag na mga panirang-damo ay tutubong kasama ng tulad-trigong “mga anak ng kaharian.” (Mat. 13:36-43) Ang panahong iyan ng pagtubo ay tumutukoy sa panahon kung kailan mas marami ang mga apostata kaysa sa mga tunay na Kristiyano. Kaya masasabing ang kongregasyong Kristiyano ay nabihag ng Babilonyang Dakila. Nagsimula ang pagkabihag na iyan noong ikalawang siglo C.E. at nagpatuloy hanggang sa linisin ang espirituwal na templo sa panahon ng kawakasan.—Gawa 20:29, 30; 2 Tes. 2:3, 6; 1 Juan 2:18, 19.

Sa loob ng daan-daang taon ng espirituwal na pagkabihag, ipinagkait ng klero at ng mga lider ng politika ang Salita ng Diyos mula sa kanilang mga sakop dahil sa kagustuhang mapanatili ang kanilang kapangyarihan. Isang krimen noon ang pagbabasa ng Bibliya sa wikang naiintindihan ng mga tao. Ang ilan na lumabag dito ay sinunog pa nga sa tulos. At ang sinumang nagsasalita nang salungat sa turo ng klero ay pinarurusahan, kung kaya nahadlangan ang pagsisikap na palaganapin ang liwanag ng katotohanan.

Kumusta naman ang ikalawang pangyayari, ang pagsasauli? Kailan at paano ito naganap? Unti-unting nangyari ang espirituwal na pagsasauling ito. May kasama itong “kumakalampag” na ingay sa huling mga siglo bago ang panahon ng kawakasan. Bagaman malaki ang impluwensiya ng mga turo ng huwad na relihiyon nang panahong iyon, may tapat na mga indibiduwal na nanindigan sa tunay na pagsamba sa abot ng kanilang makakaya. Ang ilan  sa kanila ay nagsalin ng Bibliya sa wika ng karaniwang mga tao. Ang iba naman ay naghayag ng mga katotohanang natutuhan nila mula sa Salita ng Diyos.

Pagkatapos, noong mga 1870, sinikap ni Charles Taze Russell at ng mga kasamahan niya na isauli ang mga katotohanan sa Bibliya. Para bang nagsimulang magkalaman at magkabalat ang espirituwal na mga kalansay. Ang Zion’s Watch Tower at iba pang publikasyon ay tumulong sa mga tapat-puso na malaman ang espirituwal na mga katotohanan. Nakatulong din ang mga kasangkapang gaya ng “Photo-Drama of Creation” noong 1914 at aklat na The Finished Mystery noong 1917 para mapatibay ang bayan ng Diyos. At sa wakas, noong 1919, binigyang-buhay ang bayan ng Diyos sa espirituwal na diwa at inilagay sila sa kanilang bagong espirituwal na lupain. Mula noon, ang nalabi ng mga pinahiran ay sinamahan ng mga may makalupang pag-asa, at magkasama silang naging “isang lubhang napakalaking hukbong militar.”—Ezek. 37:10; Zac. 8:20-23. *

Maliwanag kung gayon na ang bayan ng Diyos ay naging bihag ng Babilonyang Dakila nang lumaganap ang apostasya noong ikalawang siglo C.E. Isa itong madilim na yugto ng panahon, katulad ng naranasan ng sinaunang mga Israelita habang sila ay nasa pagkatapon. Anong saya natin na pagkatapos ng maraming-siglong espirituwal na paniniil, nabubuhay na tayo sa panahon kung kailan ang mga “may kaunawaan ay sisikat” nang maningning at “marami ang maglilinis ng kanilang sarili” at sila ay “mapadadalisay”!—Dan. 12:3, 10.

Aktuwal bang dinala ni Satanas si Jesus sa templo nang tuksuhin niya ito?

Ang totoo, hindi natin matitiyak kung aktuwal ngang tumayo si Jesus sa templo o kung ginawa niya ito sa pamamagitan ng pangitain. Parehong binanggit noon sa mga publikasyon natin ang dalawang posibilidad na ito.

Tingnan muna natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. Sinabi ng apostol na si Mateo sa kaniyang Ebanghelyo: “Nang magkagayon ay dinala siya [si Jesus] ng Diyablo sa banal na lunsod, at inilagay niya siya sa ibabaw ng moog [o pinakamataas na lugar] ng templo.” (Mat. 4:5) Ganito naman ang ulat ni Lucas: “Ngayon ay dinala niya siya sa Jerusalem at inilagay siya sa moog ng templo.”—Luc. 4:9.

Ipinaliwanag sa mga publikasyon natin noon na maaaring hindi literal na dinala ni Satanas si Jesus sa templo nang tuksuhin niya ito. Inihalintulad ito ng The Watchtower, isyu ng Marso 1, 1961, sa pagtukso ni Satanas kay Jesus nang ipakita niya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan mula sa isang mataas na bundok. Sinabi sa isyung iyon na wala namang ganoon kataas na bundok kung saan makikita ang lahat ng kaharian ng sanlibutan. Pagkatapos, binanggit ng Watchtower na sa katulad na paraan, malamang na hindi rin aktuwal na dinala ni Satanas si Jesus sa literal na templo. Pero sinabi naman ng sumunod na mga isyu ng Watchtower na kung tumalon si Jesus mula sa templo, posibleng namatay siya.

May mga nagsasabi na dahil hindi Levita si Jesus, hindi siya awtorisadong tumayo sa ibabaw ng  santuwaryo ng templo. Kaya ikinakatuwiran nila na maaaring “dinala” si Jesus sa templo sa pamamagitan ng isang pangitain. Kahawig ito ng nangyari kay propeta Ezekiel ilang siglo bago nito.—Ezek. 8:3, 7-10; 11:1, 24; 37:1, 2.

Pero kung ang tuksong ito ay naganap lang sa isang pangitain, bumabangon ang mga tanong na ito:

  • Totoo ba ang tukso o kathang-isip lang?

  • Kung ang ibang tukso ay nilayon para ibuyo si Jesus na gumawa ng literal na mga pagkilos gaya ng gawing tinapay ang bato o aktuwal na yumukod bilang pagsamba kay Satanas, hindi ba dapat na ganoon din ang tuksong ito—na kailangang aktuwal na tumalon si Jesus mula sa templo?

Sa kabilang banda, kung aktuwal ngang tumayo si Jesus sa moog ng templo, bumabangon naman ang mga tanong na ito:

  • Nilabag ba ni Jesus ang Kautusan nang tumayo siya sa ibabaw ng santuwaryo?

  • Paano nakarating sa Jerusalem si Jesus mula sa ilang?

Makatutulong ang karagdagang impormasyon para makita ang ilang posibilidad na maaaring sagot sa huling dalawang tanong.

Una, binanggit ni Propesor D. A. Carson na ang salitang Griego na hi·e·ron’, na isinaling “templo” sa ulat nina Mateo at Lucas, ay “malamang na tumutukoy sa kabuoan ng mga gusali at bakuran, hindi lang sa mismong santuwaryo.” Kaya hindi naman kailangang sa ibabaw ng mismong santuwaryo tumayo si Jesus. Halimbawa, maaaring tumayo siya sa timog-silangang bahagi ng lugar ng templo. Mga 140 metro ang taas nito mula sa pinakasahig ng Libis ng Kidron. Ang gusali sa timog-silangan ay may patag na bubong na may halang at iyon ang pinakamataas na lugar sa templo. Sinabi ng sinaunang istoryador na si Josephus na kung tatayo roon ang isang tao at titingin sa ibaba, “mahihilo” siya dahil sa taas. Kahit hindi Levita si Jesus, maaari siyang tumayo sa lugar na iyon at walang kukuwestiyon sa kaniya.

Pero paano kaya dinala si Jesus sa templo kung nasa ilang siya? Hindi natin matitiyak ang sagot. Hindi binabanggit ng maikling ulat kung gaano katagal tinukso ni Satanas si Jesus o kung gaano kalayo sa Jerusalem ang ilang. Hindi natin maaalis ang posibilidad na naglakad si Jesus pabalik sa Jerusalem, kahit matagal-tagal na paglalakbay iyon. Walang sinasabi ang ulat na nanatili si Jesus sa ilang hanggang sa matapos ang mga tukso sa kaniya. Ang sinasabi lang nito ay dinala siya sa Jerusalem.

Kumusta naman ang tukso kay Jesus kung saan ipinakita sa kaniya ang “lahat ng mga kaharian ng sanlibutan”? Siyempre pa, hindi naman niya literal na nakita ang lahat ng kaharian dahil walang literal na bundok kung saan puwede niyang makita ang lahat ng ito. Kaya posibleng gumamit si Satanas ng isang uri ng pangitain para maipakita ang mga ito kay Jesus, kung paanong ginagamit ang isang projector at screen para maipakita sa iba ang mga larawan ng iba’t ibang lugar sa mundo. Pero kahit pangitain pa ang ginamit ni Satanas, inaasahan niya na aktuwal na gagawa si Jesus ng “gawang pagsamba” sa kaniya. (Mat. 4:8, 9) Kaya nang dalhin ni Satanas si Jesus sa templo, posibleng gusto talaga niyang isapanganib ni Jesus ang buhay nito sa pamamagitan ng pagtalon mula sa moog ng templo. Talaga ngang mas seryoso ang magiging resulta ng tukso kaysa kung ito ay isang pangitain lang.

Gaya ng binanggit sa pasimula, hindi tayo puwedeng maging dogmatiko sa bagay na ito. Pero hindi natin maaalis ang posibilidad na aktuwal na pumunta si Jesus sa Jerusalem at tumayo sa moog ng templo. Isang bagay ang tiyak: Totoong nangyari ang mga tukso at nagbigay si Jesus ng matatag na sagot sa Diyablo sa bawat isa sa mga ito.

^ par. 1 Ang Ezekiel 37:1-14 at Apocalipsis 11:7-12 ay parehong may binabanggit na espirituwal na pagsasauli na nangyari noong 1919. Pero ang hula sa Ezekiel ay tungkol sa espirituwal na pagsasauli ng buong bayan ng Diyos pagkatapos ng napakahabang panahon ng pagkabihag. Ang hula naman sa Apocalipsis ay tumutukoy sa espirituwal na pagbuhay sa isang maliit na grupo ng mga pinahirang brother na nanguna pagkatapos mahinto ang gawain sa loob ng maikling panahon.