Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) HUNYO 2016

Makadiyos na Katangian na Mas Mahalaga Kaysa sa Diamante

Makadiyos na Katangian na Mas Mahalaga Kaysa sa Diamante

Ang mga diamante ay matagal nang pinahahalagahan bilang mamahaling hiyas. Ang ilan ay nagkakahalaga ng milyon-milyong dolyar. Pero posible kaya na sa paningin ng Diyos, may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa mga diamante o iba pang batong hiyas?

 Si Haykanush, isang di-bautisadong mamamahayag na taga-Armenia, ay nakapulot ng isang pasaporte malapit sa kaniyang bahay. Sa loob ng pasaporte, may ilang debit card at malaking halaga ng pera. Sinabi niya ito sa kaniyang mister na isa ring di-bautisadong mamamahayag.

Ang mag-asawa ay gipit at baon sa utang; pero ipinasiya nilang dalhin ang pera sa adres na nasa pasaporte. Nagulat ang lalaking may-ari nito at ang pamilya niya. Ipinaliwanag ni Haykanush at ng kaniyang asawa na gusto nilang maging tapat dahil sa mga natututuhan nila mula sa Bibliya. Ginamit nila ang pagkakataong iyon para magpatotoo tungkol sa mga Saksi ni Jehova at mag-iwan ng mga literatura sa pamilyang iyon.

Binibigyan ng pamilya si Haykanush ng pera bilang pabuya, pero tinanggihan niya iyon. Kinabukasan, dinalaw ng asawang babae ang mag-asawa sa bahay nila. Bilang pasasalamat kay Haykanush, pinilit niya siyang tanggapin ang isang singsing na may diamante.

Tulad ng pamilyang iyon, marami ang malamang na magugulat sa katapatang ipinakita ni Haykanush at ng asawa niya. Pero magugulat din ba si Jehova? Ano ang tingin niya sa kanilang katapatan? Sulit ba talaga ang pagiging tapat nila?

MGA KATANGIANG MAS MAHALAGA KAYSA SA MATERYAL NA MGA BAGAY

Hindi mahirap malaman ang sagot sa mga tanong na iyan dahil para sa mga lingkod ng Diyos, ang pagpapakita ng mga katangian ni Jehova ay mas mahalaga sa paningin Niya kaysa sa mga diamante, ginto, o iba pang materyal na mga bagay. Oo, kung ikukumpara sa tingin ng karamihan, iba ang itinuturing ni Jehova na mahalaga at hindi mahalaga. (Isa. 55:8, 9) At para sa mga lingkod niya, napakalaking bagay na matularan nila ang mga katangian ni Jehova.

Halimbawa, tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaunawaan at karunungan. Ayon sa Kawikaan 3:13-15: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagkakamit nito bilang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa pagkakamit ng pilak bilang pakinabang at ang pagkakamit nito bilang ani kaysa sa ginto. Ito ay mas mahalaga kaysa sa mga korales, at ang lahat ng iba pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito.” Maliwanag na mas pinahahalagahan ni Jehova ang mga katangiang iyon kaysa sa anumang materyal na kayamanan.

Kumusta naman ang katapatan?

Si Jehova ay tapat; siya ay “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) At kinasihan niya si apostol Pablo para sumulat sa mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo: “Magpatuloy kayo sa pananalangin para sa amin, sapagkat nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Heb. 13:18.

Si Jesu-Kristo ay nagpakita rin ng mahusay na halimbawa ng katapatan. Halimbawa, nang sabihan siya ng mataas na saserdoteng si Caifas: “Sa harap ng Diyos na buháy ay pinanunumpa kita na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos!” may-katapatang nagpakilala si Jesus na siya ang Mesiyas kahit maaari siyang paratangan ng Sanedrin ng pamumusong at maaari itong humantong sa pagpatay sa kaniya.—Mat. 26:63-67.

Kumusta naman tayo? Magiging tapat pa rin ba tayo sa mga sitwasyon na puwede tayong makinabang sa pamamagitan ng di-pagbanggit sa ilang detalye o kaunting pagpilipit sa impormasyon?

 KUNG BAKIT MAHIRAP MAGING TAPAT

Totoong mahirap maging tapat sa mga huling araw na ito dahil maraming tao ang “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi.” (2 Tim. 3:2) Posibleng mapilitan ang iba na maging di-tapat dahil gipit sila sa pera o wala silang katiyakan sa trabaho. Iniisip ng marami na hindi masamang magnakaw, mandaya, o masangkot sa iba pang ilegal na gawain. Ganiyan ang paniniwala ng marami, kaya pagdating sa materyal na pakinabang, hindi na raw importante ang katapatan. Maging ang ilang Kristiyano ay nakagawa ng maling desisyon sa bagay na ito at naiwala ang kanilang magandang katayuan sa kongregasyon dahil sa ‘di-tapat na materyal na pakinabang.’—1 Tim. 3:8; Tito 1:7.

Pero ang karamihan sa mga Kristiyano ay tumutulad kay Jesus. Nauunawaan nila na ang makadiyos na mga katangian ay mas mahalaga kaysa sa anumang kayamanan o pakinabang. Kaya naman ang mga kabataang Kristiyano ay hindi nandaraya para makakuha ng mataas na grade sa paaralan. (Kaw. 20:23) Totoo, hindi laging may katapat na pabuya ang pagiging tapat natin, gaya sa kaso ni Haykanush. Pero ito ang tama sa paningin ng Diyos, at dahil dito, nananatiling malinis ang ating konsensiya, na napakahalaga.

Makikita iyan sa karanasan ni Gagik. Sinabi niya: “Bago ako maging Kristiyano, nagtatrabaho ako sa isang malaking kompanya. Kaunting kita lang ang idinedeklara ng may-ari para makaiwas sa pagbabayad ng buwis. Bilang managing director, inaasahan akong ‘makipagkasundo’ sa ahente ng buwis—susuhulan ko siya para palampasin niya ang nangyayaring katiwalian sa kompanya. Dahil dito, nakilala ako bilang isang taong di-tapat. Nang malaman ko ang katotohanan sa Bibliya, itinigil ko na ang pandaraya, kahit malaki ang kinikita ko sa trabahong iyon. Nagtayo na lang ako ng sarili kong negosyo. At mula pa noon, rehistrado na ang kompanya ko at nagbabayad ako ng tamang buwis.”—2 Cor. 8:21.

Sinabi ni Gagik: “Nangalahati ang kita ko, kaya hindi naging madaling maglaan para sa pamilya ko. Pero mas masaya ako ngayon. Malinis ang konsensiya ko sa harap ni Jehova. Naging magandang halimbawa ako sa dalawang anak ko, at naging kuwalipikado sa mga pribilehiyo sa kongregasyon. Kaya kilalá na ako ng mga auditor ng buwis at ng iba pang katransaksiyon ko bilang tapat na tao.”

TUTULUNGAN TAYO NI JEHOVA

Mahal ni Jehova ang mga nagsisikap na gayakan ang kaniyang turo sa pamamagitan ng pagpapakita ng magaganda niyang katangian, kasama na rito ang katapatan. (Tito 2:10) Kinasihan niya si Haring David na ibigay ang katiyakang ito: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.”—Awit 37:25.

Naging totoo ito sa karanasan ni Ruth. Nanatili siya sa kaniyang biyenang si Noemi at hindi niya ito pinabayaan sa katandaan nito. Lumipat si Ruth sa Israel, kung saan maaari niyang sambahin ang tunay na Diyos. (Ruth 1:16, 17) Doon, naging tapat siya, nagtrabaho nang husto, at masipag na naghimalay ayon sa probisyon ng Kautusan. Gaya ni David nang maglaon, hindi pinabayaan ni Jehova sina Ruth at Noemi. (Ruth 2:2-18) Pero hindi lang materyal na pangangailangan ang inilaan ni Jehova kay Ruth. Pinili niya rin si Ruth na maging ninuno ni Haring David at ng ipinangakong Mesiyas!—Ruth 4:13-17; Mat. 1:5, 16.

Ang ilang lingkod ni Jehova ay gipit sa materyal. Sa halip na magkapera sa maling paraan, sinisikap nilang magtrabaho nang mabuti at maging masipag. Kaya naman naipakikita  nilang mas mahalaga sa kanila ang mga katangian ng Diyos, gaya ng katapatan, kaysa sa anumang materyal na bagay.—Kaw. 12:24; Efe. 4:28.

Tulad ni Ruth, ang mga Kristiyano sa buong mundo ay nananampalataya sa kakayahan ni Jehova na tumulong. Lubos ang tiwala nila sa Isa na nangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Heb. 13:5) Palaging ipinakikita ni Jehova na kaya niyang tulungan at talagang tutulungan niya ang mga nananatiling tapat sa panahon ng kanilang kagipitan. Tinutupad niya ang kaniyang pangakong ilalaan niya ang kanilang pangangailangan.—Mat. 6:33.

Oo, mahalaga sa mga tao ang mga diamante at iba pang mamahaling bagay. Pero makatitiyak tayo na para sa ating makalangit na Ama, ang pagpapakita natin ng katapatan at ng iba pang katangian niya ay mas mahalaga, oo, di-hamak na mas mahalaga, kaysa sa mamahaling hiyas!

Kapag tapat tayo, nananatiling malinis ang ating konsensiya at may kalayaan tayo sa pagsasalita sa ministeryo