Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) ENERO 2017

Makapananatili Kang Mahinhin Kahit May Pagsubok

Makapananatili Kang Mahinhin Kahit May Pagsubok

“Maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.”—MIK. 6:8.

AWIT: 48, 95

1-3. Ano ang pagkakamali ng isang propeta mula sa Juda, at ano ang resulta? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

SA PANAHON ng paghahari ni Jeroboam, nagsugo si Jehova ng isang propeta mula sa Juda para ihatid ang mensahe ng paghatol laban sa apostatang haring iyon ng Israel. Inihatid ng mapagpakumbabang propeta ang mensahe ng Diyos, at pinrotektahan siya ni Jehova mula sa galit ni Jeroboam.—1 Hari 13:1-10.

2 Nang pauwi na ang propeta, nasalubong niya ang isang matandang lalaki mula sa Bethel. Sinabi ng lalaki na isa rin siyang propeta ni Jehova. Nilinlang niya ang nakababatang lalaki kaya sumuway ito sa mahigpit na utos ni Jehova na ‘huwag kumain ng tinapay o uminom ng tubig sa Israel’ at ‘huwag bumalik sa daan na pinanggalingan niya.’ Hindi natuwa si Jehova. Nang maglaon, habang nasa daan pauwi, inatake ng isang leon ang propeta at pinatay siya.—1 Hari 13:11-24.

3 Bakit nangahas na sumama sa matandang lalaki ang isang dating mahinhing propeta? Walang sinasabi ang Bibliya. Pero malamang na nalimutan niyang dapat siyang ‘maging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos.’ (Basahin ang Mikas 6:8.) Sa Bibliya, ang paglakad na kasama ni Jehova ay nangangahulugan ng pagtitiwala sa kaniya, pagsuporta sa kaniyang soberanya, at pagsunod  sa kaniya. Alam na alam ng isang taong mahinhin na kailangan niyang laging makipagtalastasan sa kaniyang Ama na maibigin at Makapangyarihan-sa-lahat. Dapat sana ay hiniling ng propeta na linawin sa kaniya ni Jehova ang mga tagubilin Niya, pero walang binabanggit ang Bibliya na ginawa iyon ng propeta. Kung minsan, kailangan din nating gumawa ng mabibigat na desisyon, at baka hindi malinaw sa atin kung ano ang tamang gawin. Makaiiwas tayo sa malulubhang pagkakamali kung may-kahinhinan nating hihilingin ang patnubay ni Jehova.

4. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

4 Sa naunang artikulo, natutuhan natin kung bakit mahalaga pa rin ang kahinhinan para sa mga Kristiyano at kung ano ang kahulugan nito. Pero sa anong mga sitwasyon maaaring masubok ang ating kahinhinan? At paano natin malilinang ang napakagandang katangiang ito at makapanatiling mahinhin kahit sa mahihirap na sitwasyon? Para masagot ang mga tanong na iyan, tatalakayin natin ang tatlong karaniwang sitwasyon na maaaring sumubok sa ating kahinhinan at kung paano tayo kikilos nang may karunungan sa bawat sitwasyon.—Kaw. 11:2.

KAPAG NAGBAGO ANG ATING KALAGAYAN

5, 6. Paano nagpakita si Barzilai ng kahinhinan?

5 Maaaring masubok ang ating kahinhinan kapag nagbago ang ating atas o kalagayan. Nang alukin ni David ang 80-anyos na si Barzilai para manirahan sa kaniyang maharlikang korte, tiyak na tuwang-tuwa si Barzilai sa malaking karangalang ito. Magkakaroon siya ng pagkakataong laging makasama ang hari. Pero hindi ito tinanggap ni Barzilai. Bakit? Sinabi niya kay David na matanda na siya at ayaw niyang maging pabigat sa hari. Kaya inirekomenda ni Barzilai si Kimham, na malamang na anak niya.—2 Sam. 19:31-37.

6 Natulungan si Barzilai ng kahinhinan para gumawa ng makatuwirang desisyon. Tinanggihan niya ang alok ni David hindi dahil sa nadama niyang wala siyang kakayahan o dahil gusto na niyang magretiro. Aminado siyang nagbago na ang kaniyang kalagayan at tanggap niya ang kaniyang limitasyon. Ayaw niyang kumuha ng responsibilidad na hindi niya kaya. (Basahin ang Galacia 6:4, 5.) Ang pagpopokus sa posisyon, pagkilala, at pagiging prominente ay ugat ng egotismo, kompetisyon, at pagkadismaya. (Gal. 5:26) Pero ang kahinhinan ay tutulong sa lahat na magpokus sa kanilang kakayahan at pagsisikap na luwalhatiin ang Diyos at gawin ang buong makakaya para makatulong sa iba.—1 Cor. 10:31.

7, 8. Paano makatutulong ang kahinhinan para huwag tayong umasa sa sarili?

7 Kapag nadaragdagan ang responsibilidad, nadaragdagan din ang awtoridad, at puwedeng masubok nito ang ating kahinhinan. Nang mabalitaan ni Nehemias ang kaawa-awang kalagayan ng mga nasa Jerusalem, marubdob siyang nanalangin kay Jehova. (Neh. 1:4, 11) Sinagot ito ni Jehova nang atasan ni Haring Artajerjes si Nehemias bilang gobernador ng rehiyong iyon. Pero sa kabila ng mataas na posisyon, kayamanan, at malaking awtoridad, hindi umasa si Nehemias sa kaniyang sariling karanasan o kakayahan. Patuloy siyang lumakad na kasama ng Diyos. Lagi siyang umaasa sa patnubay ni Jehova sa pamamagitan ng pagsangguni sa Kautusan ng Diyos. (Neh. 8:1, 8, 9) Hindi naging dominante si Nehemias sa nasasakupan niya; sa halip, siya ang naglingkod sa kanila gamit ang kaniyang sariling pag-aari.—Neh. 5:14-19.

8 Makikita sa halimbawa ni Nehemias na ang kahinhinan ay makatutulong para hindi tayo umasa sa sarili kapag nabigyan ng bagong atas o karagdagang responsibilidad. Ang isang elder na nananalig sa kaniyang sariling karanasan ay baka matuksong  gampanan ang ilang gawain sa kongregasyon nang hindi muna nananalangin kay Jehova. Ang iba naman ay baka nagdedesisyon muna at saka nananalangin na pagpalain sana ito ni Jehova. Pero kahinhinan ba iyon? Hindi nalilimutan ng isang taong mahinhin ang kaniyang dako sa harap ng Diyos at ang papel niya sa kaayusan ng Diyos. Hindi ang kakayahan natin ang mahalaga. Kaya kapag bumangon ang isang sitwasyon o problemang napagdaanan na natin, dapat tayong mag-ingat na huwag magtiwala sa sarili. (Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.) Bilang miyembro ng sambahayan ng Diyos, nagiging pangunahin sa atin na magampanan ang ating papel para sa kapakanan ng ating pamilya o ng kongregasyon sa halip na maghangad ng posisyon o makaangat sa iba.—1 Tim. 3:15.

KAPAG PINUPUNA O PINUPURI

9, 10. Paano tayo matutulungan ng kahinhinan para maharap ang di-makatarungang pamumuna?

9 Mahirap kontrolin ang damdamin kapag hindi makatarungan ang pamumuna sa atin. Laging umiiyak si Hana dahil lagi siyang tinutuya ng karibal niyang si Penina. Si Hana ay mahal ng asawa niya, pero baog siya. Nang minsang nananalangin siya sa tabernakulo, pinagbintangan siyang lasing ng mataas na saserdoteng si Eli. Napakasakit nito! Pero kahit ganoon ang nangyari, nanatiling mahinhin si Hana. Nagpigil siya sa sarili at magalang na sumagot kay Eli. Ang kaniyang nakaaantig na panalangin ay iningatan sa Bibliya. Punong-puno ito ng kapahayagan ng pananampalataya, papuri, at pasasalamat.—1 Sam. 1:5-7, 12-16; 2:1-10.

10 Ang kahinhinan ay tutulong din sa atin na “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Karaniwan nang hindi makatarungan ang buhay sa sistemang ito ni Satanas, kaya kailangan nating pigilang magalit dahil sa di-patas na pagtrato ng masasamang tao. (Awit 37:1) Pero kapag kapananampalataya na ang nakagawa ng hindi maganda sa atin, mas masakit ito. Tutularan ng isang taong mahinhin si Jesus. “Nang siya ay laitin,” ang sabi ng Bibliya, “hindi siya nanlait bilang ganti . . . , kundi patuloy  na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:23) Alam ni Jesus na si Jehova ang gaganti. (Roma 12:19) Pinapayuhan din ang mga Kristiyano na maging mapagpakumbaba at huwag ‘gumanti ng pinsala sa pinsala.’—1 Ped. 3:8, 9.

11, 12. (a) Paano makatutulong ang kahinhinan kapag labis tayong pinupuri? (b) Paano makatutulong ang kahinhinan sa ating pananamit at pag-aayos, at sa ating paggawi?

11 Ang labis na papuri ay puwede ring sumubok sa ating kahinhinan. Tingnan kung paano hinarap ni Esther ang malalaking pagbabago sa buhay niya. Napakaganda niya at lalo pa siyang pinaganda sa loob ng isang taon gamit ang mamahaling mga langis na pangmasahe. Araw-araw niyang kasama ang maraming kabataang babae mula sa buong Imperyo ng Persia, na nagpapaligsahan para makuha ang atensiyon ng hari. Pero nanatiling magalang at mahinhin si Esther. Hindi siya naging mayabang o pangahas kahit noong maging reyna siya.—Es. 2:9, 12, 15, 17.

Ang pananamit ba natin at pag-aayos ay nagpapakita ng paggalang kay Jehova at sa iba, o nagpapakita ito ng kawalang-kahinhinan? (Tingnan ang parapo 12)

12 Ang kahinhinan ay tumutulong sa atin na manamit, mag-ayos, at gumawi nang disente at kagalang-galang. Sa halip na magyabang o magpapansin, nagpapakita tayo ng “tahimik at mahinahong espiritu.” (Basahin ang 1 Pedro 3:3, 4; Jer. 9:23, 24) Kung mataas ang tingin natin sa ating sarili, lalabas at lalabas ito sa ating paggawi. Halimbawa, baka nagpapahiwatig tayo na may espesyal tayong pribilehiyo, na may alam tayong hindi alam ng iba, o na may koneksiyon tayo sa mga kapatid na nangangasiwa. O baka ang paraan natin ng pagpapaliwanag ay para sa atin mapunta ang papuri sa mga ideyang may kontribusyon din naman ang iba. Muli, nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa. Marami sa mga sinabi niya ay sinipi niya sa Hebreong Kasulatan o ibinatay niya rito. May-kahinhinan siyang nagsalita nang gayon para malaman ng mga tagapakinig niya na hindi sa kaniya galing ang sinasabi niya kundi kay Jehova.—Juan 8:28.

KAPAG NAGDEDESISYON

13, 14. Paano makatutulong ang kahinhinan para makagawa tayo ng tamang desisyon?

13 Nasusubok din ang ating kahinhinan kapag nagdedesisyon tayo. Habang nasa Cesarea si Pablo, sinabi sa kaniya ng propetang si Agabo na kung tutuloy siya sa Jerusalem, maaaresto siya. Baka nga mapatay pa siya. Dahil sa takot, pinakiusapan ng mga kapatid si Pablo na huwag nang umalis. Pero hindi nagpapigil si Pablo. Hindi naman sobra ang tiwala niya sa sarili, pero hindi rin siya takót na takót. Lubusan siyang nagtiwala kay Jehova at handa niyang gawin ang atas niya, saanman ito ipahintulot ni Jehova. Nang marinig ito ng mga kapatid, may-kahinhinan nilang iginalang ang desisyon ni Pablo na pumunta sa Jerusalem.—Gawa 21:10-14.

14 Ang kahinhinan ay tutulong din sa atin na makapagdesisyon nang tama kahit hindi natin lubusang alam o kontrolado ang kalalabasan nito. Halimbawa, kung papasok tayo sa isang uri ng buong-panahong paglilingkod, paano kung magkasakit tayo? Paano kung mangailangan ng tulong ang mga magulang natin? Paano kung tumanda na tayo? Gaano man karaming panalangin o pagsasaliksik ang gawin natin, hindi pa rin lubusang masasagot ang ganitong mga tanong. (Ecles. 8:16, 17) Tutulungan tayo ng pagtitiwala kay Jehova na kilalanin at tanggapin ang mga limitasyon natin. Matapos magsaliksik, humingi ng payo, at manalangin para sa patnubay, kailangan tayong sumunod sa pag-akay ng banal na espiritu ng Diyos. (Basahin ang Eclesiastes 11:4-6.) Sa gayon, maaaring pagpalain ni Jehova  ang ating desisyon o akayin tayo sa ibang tunguhin.—Kaw. 16:3, 9.

LINANGIN ANG KAHINHINAN

15. Paano makatutulong ang pagbubulay-bulay tungkol kay Jehova para manatili tayong mapagpakumbaba?

15 Yamang maraming bentaha ang kahinhinan, dapat na higit pa natin itong linangin. Paano? Tingnan natin ang apat na paraan. Una, magiging mas mahinhin tayo at magalang kay Jehova kapag binulay-bulay natin ang kaniyang walang-kapantay na mga katangian at posisyon. (Isa. 8:13) Tandaan, lumalakad tayo kasama ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, hindi ng sinumang anghel o tao. Kung bubulay-bulayin natin iyan, mauudyukan tayong ‘magpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.’—1 Ped. 5:6.

16. Paano makatutulong ang pagbubulay-bulay sa pag-ibig ng Diyos para maging mahinhin tayo?

16 Ikalawa, ang pagbubulay-bulay tungkol sa pag-ibig ni Jehova ay tutulong sa atin na malinang ang kahinhinan. Isinulat ni apostol Pablo na binigyan ni Jehova ng “saganang karangalan” ang mga bahagi ng katawan ng tao na waring nakabababa. (1 Cor. 12:23, 24) Sa katulad na paraan, nagmamalasakit si Jehova sa bawat isa sa atin sa kabila ng ating mga limitasyon. Hindi niya tayo ikinukumpara sa iba o pinagkakaitan ng pag-ibig kapag nagkakasala tayo. Dahil sa pag-ibig ni Jehova, panatag tayo anuman ang papel natin sa kaniyang sambahayan.

17. Ano ang epekto sa atin kapag tinitingnan natin ang magagandang katangian ng iba?

17 Ikatlo, mas mapahahalagahan natin ang ating papel sa paglilingkod kay Jehova kung titingnan natin ang magagandang katangian ng iba, bilang pagtulad sa ating Diyos. Imbes na maghangad ng popularidad o gustuhing maging laging bida, may-kahinhinan tayong hihingi ng payo at susundin ang mungkahi nila. (Kaw. 13:10) Matutuwa tayo kapag nabibigyan sila ng pribilehiyo. At pupurihin natin si Jehova sa mga pagpapalang ibinibigay niya sa “buong samahan ng [ating] mga kapatid.”—1 Ped. 5:9.

18. Paano natin sasanayin ang ating budhi para maging mas sensitibo ito sa kung ano ang disente?

18 Ikaapat, kapag sinanay natin ang ating budhi ayon sa mga simulain ng Bibliya, nagiging mas sensitibo ito sa kung ano ang disente at kagalang-galang. Magiging mas mahusay tayo sa pagpapasiya kung titingnan natin ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Sa pamamagitan ng regular na pag-aaral, pananalangin, at pagkakapit ng mga natututuhan natin, unti-unti nating masasanay sa tama ang ating budhi. (1 Tim. 1:5) Matututuhan nating unahin ang kapakanan ng iba. Kung gagawin natin ang ating bahagi, tutuparin ni Jehova ang kaniyang pangakong ‘tapusin ang ating pagsasanay,’ na tutulong sa atin para malinang ang kahinhinan at iba pang makadiyos na katangian.—1 Ped. 5:10.

19. Ano ang tutulong sa atin na manatiling mahinhin magpakailanman?

19 Dahil sa isang mapangahas na gawa, naiwala ng di-pinanganlang propeta mula sa Juda ang kaniyang buhay pati na ang kaugnayan niya sa Diyos. Pero posible pa ring makapanatiling mahinhin kahit may pagsubok. May mga lingkod ng Diyos noon at ngayon na nakagawa na niyan. Habang patuloy tayong lumalakad na kasama ni Jehova, mas nalilinang natin ang kahinhinan. (Kaw. 8:13) Anuman ang ating dako sa ngayon, ang mismong paglakad na kasama ni Jehova ay isa nang napakaganda at walang-katumbas na pribilehiyo. Pahalagahan ang karangalang iyan, at patuloy na gawin ang iyong buong makakaya na lumakad nang may kahinhinan kasama ni Jehova magpakailanman.