Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) ENERO 2016

Ang Espiritu ay Nagpapatotoo Kasama ng Ating Espiritu

Ang Espiritu ay Nagpapatotoo Kasama ng Ating Espiritu

“Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.”—ROMA 8:16.

AWIT: 109, 108

1-3. Dahil sa anong mga pangyayari naging espesyal na araw ang Pentecostes? At paano tinupad ng mga iyon ang hula sa Kasulatan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

MGA alas nuwebe ng umaga noon, araw ng Linggo. Espesyal ang araw na iyon para sa mga nasa Jerusalem. Araw iyon ng kapistahan, at sabbath din. Naihandog na ang regular na mga pang-umagang hain sa templo. Sabik na sabik ang lahat habang inihahanda ng mataas na saserdote ang handog na ikinakaway—dalawang tinapay na may lebadura at gawa sa bagong mga butil. (Lev. 23:15-20) Hudyat ito na nagsimula na ang pag-aani ng trigo. Araw iyon ng Pentecostes, taóng 33 C.E.

2 Habang nagaganap ang mga bagay na iyon sa templo, may isa pang mas mahalagang mangyayari sa isang silid sa itaas ng isang bahay sa lunsod. Mga 120 Kristiyano ang nagkatipon doon at “nagpapatuloy sa pananalangin.” (Gawa 1:13-15) Ang mangyayari sa kanila ay nauugnay sa ginagawa ng mataas na saserdote tuwing Pentecostes, at katuparan din iyon ng inihula ni propeta Joel mga 800 taon patiuna. (Joel 2:28-32; Gawa 2:16-21) Ano  kayang napakahalagang bagay ang mangyayari?

3 Basahin ang Gawa 2:2-4. Nang araw na iyon, ang banal na espiritu ng Diyos ay ibinuhos sa mga Kristiyanong nagkatipon sa silid sa itaas. (Gawa 1:8) Pagkatapos, nagsimula silang manghula, o magpatotoo, tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na kanilang nakita at narinig. Ipinaliwanag ni apostol Pedro sa karamihang nagkatipon ang kahalagahan ng nangyari. Saka niya sinabi: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” Nang araw na iyon, mga 3,000 ang tumanggap sa paanyaya, nagpabautismo, at nakatanggap ng ipinangakong banal na espiritu.—Gawa 2:37, 38, 41.

4. (a) Bakit dapat tayong maging interesado sa mga nangyari noong Pentecostes? (b) Ano pang mahalagang pangyayari ang maaaring naganap nang araw na iyon maraming taon na ang nakalipas? (Tingnan ang dulong tala.)

4 Bakit napakahalaga sa atin ng Pentecostes 33 C.E.? Hindi dahil sa nangyari sa templo sa Jerusalem kundi dahil tinupad ni Jesu-Kristo, bilang Mataas na Saserdote, ang makahulang parisang iyon. [1] Dalawang makasagisag na tinapay ang inihahandog kay Jehova ng mataas na saserdote sa araw na iyon. Ang mga tinapay na iyon na may lebadura ay kumakatawan sa mga pinahirang alagad na inampon ng Diyos bilang mga anak mula sa makasalanang sangkatauhan. Kaya nabuksan ang daan para ang ilang “mga unang bunga” mula sa sangkatauhan ay makapunta sa langit at makasama sa Kaharian na magdudulot ng napakaraming pagpapala sa lahat ng iba pang masunuring mga tao. (Sant. 1:18; 1 Ped. 2:9) Kaya ang pag-asa man natin ay makasama si Jesus sa langit o mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa, mahalaga sa atin ang mga pangyayaring iyon!

KUNG PAANO NALALAMAN NG ISA NA SIYA AY PINAHIRAN

5. Paano natin nalalaman na hindi lahat ay pinapahiran sa pare-parehong paraan?

5 Kung isa ka sa mga 120 alagad na nagkaroon ng dila na parang apoy sa iyong ulo, hinding-hindi mo malilimutan ang araw na iyon. Hindi ka magdududa na pinahiran ka ng banal na espiritu, lalo na kung makahimala ka ring pinagkalooban ng kakayahang magsalita ng iba’t ibang wika. (Gawa 2:6-12) Pero hindi lahat ay pinapahiran ng banal na espiritu sa ganiyang paraan. Ang ibang mga nasa Jerusalem nang araw na iyon ay pinahiran nang mabautismuhan sila. (Gawa 2:38) Hindi sila nagkaroon ng dila na parang apoy sa kanilang ulo. Hindi rin lahat ng Kristiyano ay sa panahon ng bautismo pinapahiran. Ang mga Samaritano ay pinahiran lamang ng banal na espiritu ilang panahon matapos silang mabautismuhan. (Gawa 8:14-17) Samantala, sa kaso ni Cornelio at ng kaniyang sambahayan, pinahiran sila ng banal na espiritu bago pa man sila mabautismuhan!—Gawa 10:44-48.

6. Ano ang tinatanggap ng lahat ng pinahiran, at ano ang epekto nito sa kanila?

6 Kaya hindi lahat ay pinapahiran sa pare-parehong paraan. Maaaring agad na nauunawaan ng iba ang pagtawag sa kanila, samantalang unti-unti naman itong nauunawaan ng iba. Anuman ang kaso, lahat ay tumatanggap ng binanggit ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan din niya, pagkatapos ninyong maniwala, kayo ay tinatakan ng ipinangakong banal na espiritu, na isang paunang tanda ng ating mana.” (Efe. 1:13, 14) Ang espesyal na pagkilos na ito ng banal na espiritu ay isang garantiya ng mangyayari sa hinaharap. Dahil dito, kumbinsidong-kumbinsido ang isang pinahirang Kristiyano.—Basahin ang 2 Corinto 1:21, 22; 5:5.

7. Ano ang dapat gawin ng bawat pinahirang Kristiyano para matanggap ang kaniyang gantimpala sa langit?

 7 Garantisado na bang mabubuhay sa langit ang Kristiyanong tumanggap ng palatandaang ito? Hindi. Nakatitiyak siya na inanyayahan siya. Pero ang kaniyang makalangit na gantimpala ay nakadepende sa pananatili niyang tapat. Ganito ang paliwanag ni Pedro: “Sa dahilang ito, mga kapatid, lalo pa ninyong gawin ang inyong buong makakaya upang tiyakin para sa inyong sarili ang pagtawag at pagpili sa inyo; sapagkat kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito ay hindi kayo sa anumang paraan mabibigo kailanman. Sa katunayan, gayon saganang ilalaan sa inyo ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:10, 11) Kaya bawat pinahirang Kristiyano ay dapat magsikap na manatiling tapat. Kung hindi, masasayang ang kaniyang makalangit na pagtawag, o paanyaya.—Heb. 3:1; Apoc. 2:10.

PAANO NALALAMAN NG ISA?

8, 9. (a) Bakit mahirap para sa karamihan na maunawaan kung ano ang nangyayari kapag pinahiran ang isa? (b) Paano nalalaman ng isa na inanyayahan siyang pumunta sa langit?

8 Baka mahirap para sa karamihan ng mga lingkod ng Diyos na maunawaan kung paano nagiging pinahiran ang isa, at makatuwiran naman iyon. Hindi kasi nila iyon naranasan. Ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao ay ang mabuhay sila magpakailanman dito sa lupa. (Gen. 1:28; Awit 37:29) Espesyal na kaayusan ang pagpili sa ilan na pupunta sa langit at mamamahala bilang mga hari at saserdote. Ang pagtawag na ito ay nagdudulot ng malaking pagbabago sa kaisipan, pananaw, at pag-asa ng isang tao kapag pinahiran na siya.—Basahin ang Efeso 1:18.

9 Pero paano nalalaman ng isa na mayroon siyang makalangit na pagtawag, na nakatanggap siya ng natatanging palatandaang ito? Makikita ang sagot sa sinabi ni Pablo sa mga pinahirang kapatid sa Roma, na “tinawag upang maging mga banal.” Sinabi niya sa kanila: “Hindi kayo muling tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na sanhi ng pagkatakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.” (Roma 1:7; 8:15, 16) Ibig sabihin, sa pamamagitan ng banal na espiritu, tinitiyak ng Diyos sa isang tao na inanyayahan siyang maging kasamang tagapamahala ni Jesus sa Kaharian.—1 Tes. 2:12.

10. Ano ang ibig sabihin ng 1 Juan 2:27 na hindi na kailangan ng isang pinahirang Kristiyano na turuan siya ng sinuman?

10 Ang mga nakatanggap ng espesyal na paanyayang ito mula sa Diyos ay hindi nangangailangan ng katiyakan mula sa iba na pinahiran sila. Lubusan itong tinitiyak ni Jehova sa kanilang puso at isip. Sinasabi ni apostol Juan sa mga pinahirang Kristiyano: “Kayo ay may pagkapahid mula sa isa na banal; kayong lahat ay may kaalaman.” Sinabi pa niya: “Kung tungkol naman sa inyo, ang pagkapahid na tinanggap ninyo mula sa kaniya ay nananatili sa inyo, at hindi ninyo kailangang turuan kayo ng sinuman; kundi, kung paanong ang pagkapahid mula sa kaniya ay nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay, at totoo at hindi kasinungalingan, at kung paanong tinuruan kayo nito, manatili kayong kaisa niya.” (1 Juan 2:20, 27) Kailangan pa rin nila ng espirituwal na tagubilin gaya ng iba. Pero hindi nila kailangan na kumpirmahin sa kanila ng iba na sila ay pinahiran. Tinitiyak ito sa kanila ng  pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso!

DUMARANAS NG “ISANG BAGONG PAGSILANG”

11, 12. Ano ang maaaring itinatanong ng mga pinahirang Kristiyano, pero ano ang hindi nila pinag-aalinlanganan?

11 Kapag natanggap nila ang katiyakang ito mula sa banal na espiritu, ang mga pinahirang Kristiyano ay nakararanas ng malalaking pagbabago. Sinasabi ni Jesus na sila ay nagiging “born again,” o ‘ipinanganak muli.’ [2] (Juan 3:3, 5) Ipinaliwanag pa niya: “Huwag kang mamangha sapagkat sinabi ko sa iyo, Kayo ay dapat na maipanganak muli. Ang hangin ay humihihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang hugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumaparoon. Gayundin ang bawat isa na ipinanganak mula sa espiritu.” (Juan 3:7, 8) Kaya imposible itong maipaliwanag nang lubusan sa mga hindi nakaranas nito.

12 Baka maitanong ng mga inanyayahan: ‘Bakit kaya ako pinili? Bakit ako at hindi ang iba?’ Baka isipin pa nga nila kung karapat-dapat sila. Pero hindi nila kinukuwestiyon kung inanyayahan ba sila. Nag-uumapaw sa kagalakan at pasasalamat ang kanilang puso. Nadarama nila ang gaya ng nadama ni Pedro: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat ayon sa kaniyang dakilang awa ay binigyan niya tayo ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana. Ito ay nakataan sa langit para sa inyo.” (1 Ped. 1:3, 4) Kapag nababasa ng mga pinahiran ang mga salitang iyan, wala silang kaduda-duda na personal silang kinakausap ng kanilang makalangit na Ama.

13. Anong pagbabago sa kaisipan ang nararanasan ng mga pinahiran ng banal na espiritu? Ano ang dahilan ng pagbabagong ito?

13 Bago nila tinanggap ang patotoo ng espiritu ng Diyos, inaasam-asam ng mga Kristiyanong iyon na mabuhay magpakailanman sa lupa. Pinananabikan nila ang panahon kapag nilinis na ni Jehova ang lupang ito, at gusto nilang makita ang mga pagpapalang iyon. Baka ginuguniguni pa nila ang pagsalubong sa mga mahal sa buhay na binuhay-muli. Inaasam-asam nilang tumira sa sarili nilang bahay na sila ang nagtayo at kumain ng mga bunga ng mga punong sila mismo ang nagtanim. (Isa. 65:21-23) Bakit nagbago ang kanilang kaisipan? Hindi naman sila nawalan ng gana sa pag-asang mabuhay sa lupa. Hindi rin ito dahil sa stress o sa hirap na pinagdaraanan nila. Hindi sa ayaw na nilang mabuhay sa lupa, na para bang nakakapagod o nakakasawa ang mabuhay nang walang hanggan dito; hindi rin naman dahil sa gusto nilang masubukan ang buhay sa langit. Sa halip, nagbago sila dahil sa pagkilos ng espiritu ng Diyos na hindi lang tumawag, o nag-anyaya, sa kanila kundi nagpabago rin ng kanilang kaisipan at pag-asa.

14. Ano ang nadarama ng mga pinahiran tungkol sa kanilang buhay dito sa lupa?

14 Kung gayon, dapat ba nating isipin na gusto nang mamatay ng mga pinahiran? Kinasihan si Pablo na sumulat: “Sa katunayan, tayo na nasa toldang ito ay dumaraing, na nabibigatan; sapagkat nais natin, hindi ang hubarin ito, kundi ibihis yaong isa, upang yaong mortal ay malulon ng buhay.” (2 Cor. 5:4) Hindi sila nawalan ng interes sa buhay, na para bang gusto na nila itong wakasan agad. Ang totoo, gustong-gusto nilang gamitin ang bawat araw para paglingkuran si Jehova kasama ng kanilang mga kaibigan at kapamilya. Pero anuman ang ginagawa nila, laging laman ng kanilang isip ang maluwalhating  pag-asa nila sa hinaharap.—1 Cor. 15:53; 2 Ped. 1:4; 1 Juan 3:2, 3; Apoc. 20:6.

TINAWAG KA BA?

15. Anong mga bagay ang hindi indikasyon na ang isa ay pinahiran ng banal na espiritu?

15 Baka pinag-iisipan mo kung nakatanggap ka rin ng gayong paanyaya. Kung sa palagay mo ay oo, mahalagang pag-isipan ang mga sumusunod: Nadarama mo bang kakaiba ang sigasig mo sa ministeryo? Masugid ka bang estudyante ng Salita ng Diyos at gustong-gusto mong pag-aralan ang “malalalim na bagay ng Diyos”? (1 Cor. 2:10) Nakita mo bang pinagpapala ni Jehova ang iyong ministeryo? Masidhi ba ang pagnanais mo na gawin ang kalooban ni Jehova? Nakadarama ka ba ng pananagutang tulungan ang iba sa espirituwal? Nakikita mo ba ang tulong ni Jehova sa iyong buhay? Kung ang sagot mo ay oo, nangangahulugan ba ito na may makalangit kang pagtawag? Hindi. Bakit? Dahil hindi lang ang mga may makalangit na pagtawag ang nakadarama ng ganito. Binibigyan ni Jehova ng banal na espiritu ang kaniyang mga lingkod anuman ang kanilang pag-asa. Sa katunayan, kung nag-aalinlangan ka kung may makalangit kang pagtawag, ito mismo ay indikasyon na hindi ka tinawag. Ang mga tinatawag ni Jehova ay hindi nag-aalinlangan kung inanyayahan sila o hindi! Kumbinsido sila!

16. Paano natin nalaman na hindi lahat ng tumanggap ng espiritu ng Diyos ay inanyayahang pumunta sa langit?

16 Sa Kasulatan, maraming tapat na lalaki ang pinakilos ng banal na espiritu, pero hindi sa langit ang pag-asa nila. Isa sa mga ito ay si Juan Bautista. Pinapurihan siya ni Jesus pero sinabi rin ni Jesus na hindi kasama si Juan sa makalangit na Kaharian. (Mat. 11:10, 11) Pinakilos din ng banal na espiritu si David. (1 Sam. 16:13) Matibay ang pananampalataya niya at kinasihan pa nga siyang sumulat ng ilang bahagi ng Bibliya. (Mar. 12:36) Pero noong Pentecostes, sinabi ni Pedro na “hindi umakyat si David sa langit.” (Gawa 2:34) Kumilos sa kanila ang banal na espiritu sa kamangha-manghang paraan, pero hindi sila nito binigyan ng patotoo na pinili silang mabuhay sa langit. Hindi ito nangangahulugan na hindi sila karapat-dapat. Ipinakikita lang nito na sa paraisong lupa sila bubuhayin ni Jehova.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.

17, 18. (a) Anong gantimpala ang inaasam ng karamihan sa mga lingkod ng Diyos ngayon? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Hindi makalangit ang pag-asa ng karamihan sa mga lingkod ng Diyos ngayon. Makalupa ang pag-asa nila tulad nina David, Juan Bautista, at iba pang tapat na mga lalaki at babae noon. Gaya ni Abraham, inaasam-asam nilang mabuhay bilang sakop ng Kaharian. (Heb. 11:10) Isang nalabi na lang ng mga may makalangit na pag-asa ang narito sa lupa sa panahong ito ng kawakasan. (Apoc. 12:17) Ibig sabihin, karamihan sa 144,000 pinili ay namatay na nang tapat at nasa langit na.

18 Kaya paano kung may magsabi na makalangit ang pag-asa niya? Kung may kakongregasyon ka na nagsimulang makibahagi sa mga emblema sa Hapunan ng Panginoon, ano ang dapat na maging reaksiyon mo? Dapat ka bang mabahala kung dumarami ang nagsasabing may makalangit na pagtawag sila? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

^ [1] (parapo 4) Posibleng ang Pentecostes ay pumapatak sa panahon nang ibigay ang Kautusan sa Sinai. (Ex. 19:1) Kung ganoon nga, kung paanong ginamit si Moises para dalhin ang Israel sa tipang Kautusan, dinala rin ni Jesu-Kristo ang bagong bansa, ang espirituwal na Israel, tungo sa bagong tipan sa kaparehong araw.

^ [2] (parapo 11) Para sa karagdagang paliwanag tungkol sa pagiging “born again,” o ipinanganak muli, tingnan ang Bantayan, Abril 1, 2009, p. 3-11.