Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Disyembre 2017

Naging ninuno ba ng Mesiyas si Jacob dahil nabili niya ang mga karapatan ni Esau bilang panganay?

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa sinaunang Israel, ang mga may karapatan sa pagkapanganay lang ba ang puwedeng maging ninuno ng Mesiyas?

Iyan ang binanggit sa ilang publikasyon natin, at mukhang kaayon ito ng mababasa natin sa Hebreo 12:16. Binabanggit ng talatang iyan na si Esau ay “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado” at “kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay [niya kay Jacob] ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” Waring ipinahihiwatig nito na nang makuha ni Jacob ang “mga karapatan bilang panganay,” nagkaroon din siya ng karapatan na maging ninuno ng Mesiyas.—Mat. 1:2, 16; Luc. 3:23, 34.

Pero kung rerepasuhin natin ang mga ulat sa Bibliya, makikita natin na hindi kailangang maging panganay ang isang lalaki para maging ninuno ng Mesiyas. Tingnan ang ilang ebidensiya:

Ang panganay na anak ni Jacob (Israel) kay Lea ay si Ruben. Nang maglaon, isinilang ni Raquel, na paboritong asawa ni Jacob, ang kanilang unang anak na si Jose. Dahil sa maling paggawi ni Ruben, ang karapatan niya sa pagkapanganay ay ipinasa kay Jose. (Gen. 29:31-35; 30:22-25; 35:22-26; 49:22-26; 1 Cro. 5:1, 2) Pero ang angkan ng Mesiyas ay hindi nagmula kay Ruben o kay Jose. Sa halip, nagmula ito kay Juda, ang ikaapat na anak na lalaki ni Jacob kay Lea.—Gen. 49:10.

Sa Lucas 3:32, nakalista ang lima sa mga ninuno ng Mesiyas. Lumilitaw na mga panganay  ang mga ito. Naging anak ni Boaz si Obed, at naging anak ni Obed si Jesse.—Ruth 4:17, 20-22; 1 Cro. 2:10-12.

Gayunman, ang anak ni Jesse na si David ay hindi panganay, kundi ang pangwalo sa magkakapatid na lalaki. Pero kay David nagmula ang angkan ng Mesiyas. (1 Sam. 16:10, 11; 17:12; Mat. 1:5, 6) At si Solomon, na isa ring ninuno ng Mesiyas, ay hindi panganay ni David.—2 Sam. 3:2-5.

Hindi naman ito nangangahulugan na hindi importante ang pagiging panganay. Ang panganay na lalaki ay may marangal na posisyon at kadalasan, siya ang susunod na ulo ng sambahayan. Magmamana rin ang panganay ng dobleng bahagi ng mga ari-arian.—Gen. 43:33; Deut. 21:17; Jos. 17:1.

Pero ang karapatan sa pagkapanganay ay puwedeng ipasa. Halimbawa, pinaalis ni Abraham si Ismael at ipinasa kay Isaac ang karapatan sa pagkapanganay. (Gen. 21:14-21; 22:2) At gaya ng binanggit kanina, ang karapatan ni Ruben sa pagkapanganay ay ibinigay kay Jose.

Kaya balikan natin ang sinasabi sa Hebreo 12:16: “Huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid o ng sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado, tulad ni Esau, na kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” Ano ang punto ni apostol Pablo rito?

Hindi tinatalakay ni Pablo ang tungkol sa angkang pinagmulan ng Mesiyas. Bago nito, hinimok niya ang mga Kristiyano na “gumawa ng tuwid na mga landas para sa [kanilang] mga paa.” Ang layunin ay para “walang sinuman ang mapagkaitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos,” na maaaring mangyari kung magkakasala sila ng seksuwal na imoralidad. (Heb. 12:12-16) Kapag ginawa nila ito, magiging gaya sila ni Esau na “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado,” o sa literal, pinili niya ang bagay na di-banal.

Nabuhay si Esau noong panahon ng mga patriyarka, kaya posibleng nagkapribilehiyo siyang maghandog ng mga hain paminsan-minsan. (Gen. 8:20, 21; 12:7, 8; Job 1:4, 5) Pero dahil sa kaniyang makalamang kaisipan, ipinagpalit ni Esau ang lahat ng pribilehiyong iyon sa isang mangkok ng nilaga. Marahil, gusto niyang iwasan ang inihulang paghihirap na daranasin ng supling ni Abraham. (Gen. 15:13) Ipinakita rin ni Esau ang kawalan niya ng pagpapahalaga sa mga bagay na sagrado nang mag-asawa siya ng dalawang paganong babae, na talagang ikinasama ng loob ng kaniyang mga magulang. (Gen. 26:34, 35) Ibang-iba nga siya kay Jacob, na pumili ng isang mananamba ng tunay na Diyos para maging asawa!—Gen. 28:6, 7; 29:10-12, 18.

Kaya ano ang magiging konklusyon natin tungkol sa angkang pinagmulan ni Jesus, ang Mesiyas? Kung minsan, mga panganay na lalaki ang pinipiling maging ninuno ng Mesiyas—pero hindi lagi. Alam at tinatanggap ito ng mga Judio, dahil kinilala nila na ang Kristo ay inapo ni David, ang bunsong anak na lalaki ni Jesse.—Mat. 22:42.