“Kayo rin naman ay maging matiisin.”—SANT. 5:8.

AWIT: 78, 139

1, 2. (a) Bakit natin naitatanong: “Hanggang kailan”? (b) Paano tayo mapatitibay ng halimbawa ng tapat na mga lingkod noon?

“HANGGANG kailan?” Iyan ang tanong ng tapat na mga propetang sina Isaias at Habakuk. (Isa. 6:11; Hab. 1:2) Nang isulat ni Haring David ang Awit 13, apat na beses din niyang itinanong: “Hanggang kailan?” (Awit 13:1, 2) Naitanong din ito kahit ng ating Panginoong Jesu-Kristo nang kausap niya ang mga taong walang pananampalataya. (Mat. 17:17) Kaya hindi na tayo dapat magtaka kung paminsan-minsan ay naitatanong din natin: “Hanggang kailan?”

2 Bakit natin naitatanong iyan? Baka dumaranas tayo ng kawalang-katarungan. O baka nahihirapan tayo dahil sa katandaan, pagkakasakit, o sa pamumuhay sa “panahong [ito na] mapanganib” at “mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Baka nasasagad na tayo dahil sa masasamang ugali ng mga nasa paligid natin. Anuman ang dahilan, nakapagpapatibay malaman na nasabi rin ng tapat na mga lingkod ni Jehova noon ang tanong na iyan, at hindi naman sila hinusgahan dahil dito.

3. Ano ang makatutulong sa atin kapag napaharap tayo sa mahihirap na kalagayan?

3 Pero ano ang makatutulong sa atin kapag napaharap tayo sa  gayong mahihirap na kalagayan? Kinasihan ang alagad na si Santiago, kapatid ni Jesus sa ina, na isulat: “Maging matiisin kayo, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon.” (Sant. 5:7) Oo, lahat tayo ay kailangang maging matiisin. Ano ang kasama sa makadiyos na katangiang ito?

ANO ANG PAGKAMATIISIN?

4, 5. (a) Ano ang kasama sa pagiging matiisin? (b) Paano inilarawan ng alagad na si Santiago ang isang aspekto ng pagkamatiisin? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

4 Ayon sa Bibliya, ang pagkamatiisin ay nagmumula sa banal na espiritu ng Diyos; kung wala ang tulong ng Diyos, napakahirap para sa di-sakdal na mga tao na maging matiisin. Kaloob ng Diyos ang pagkamatiisin, at mahalagang paraan ito para maipakita ang pag-ibig natin sa kaniya. Kapahayagan din ito ng pag-ibig natin para sa iba. Kung madalas tayong mawalan ng pasensiya, hihina ang bigkis ng pag-ibig, pero tumitibay ito kapag matiisin tayo. (1 Cor. 13:4; Gal. 5:22) Nauugnay rin ang pagkamatiisin sa iba pang mahahalagang katangiang Kristiyano, gaya ng pagbabata. Kung mayroon tayong pagbabata, mapagtitiisan natin ang mahihirap na kalagayan at mananatiling positibo. (Col. 1:11; Sant. 1:3, 4) Kung matiisin tayo, hindi tayo gaganti kahit nagdurusa tayo at mananatili tayong matatag anumang problema ang dumating. Isa pa, hinihimok tayo ng Bibliya na maging handang maghintay. Ang aspektong ito ng pagkamatiisin ay itinatampok sa Santiago 5:7, 8. (Basahin.)

5 Bakit dapat tayong maging handang maghintay sa pagkilos ni Jehova? Inihalintulad ni Santiago ang sitwasyon natin sa isang magsasaka. Kahit nagtatrabaho nang husto ang magsasaka, hindi niya kontrolado ang lagay ng panahon o ang pagtubo ng mga tanim niya. Hindi niya puwedeng pabilisin ang panahon. Tanggap niya na kailangan siyang matiyagang maghintay para sa “mahalagang bunga ng lupa.” Sa katulad na paraan, habang hinihintay nating matupad ang mga pangako ni Jehova, maraming bagay ang hindi natin kontrolado. (Mar. 13:32, 33; Gawa 1:7) Tulad ng magsasaka, kailangan din nating matiyagang maghintay.

6. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni propeta Mikas?

6 Ang mga kalagayan sa ngayon ay katulad noong panahon ni propeta Mikas. Nabuhay siya nang namamahala ang masamang haring si Ahaz, noong napakalaganap ng lahat ng uri ng katiwalian. Sa katunayan, ang mga tao ay gumagawa ng kasamaan “nang may kahusayan.” (Basahin ang Mikas 7:1-3.) Alam ni Mikas na hindi niya mababago ang sitwasyon. Kaya ano ang ginawa niya? Sinabi niya: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.” (Mik. 7:7) Tulad ni Mikas, kailangan din nating magkaroon ng “mapaghintay na saloobin.”

7. Bakit hindi sapat ang basta paghihintay sa katuparan ng mga pangako ni Jehova?

7 Kung may pananampalataya tayo na katulad ng kay Mikas, magiging handa tayong maghintay kay Jehova. Hindi tayo tulad ng isang bilanggo na naghihintay sa kaniyang pagbitay. Wala na siyang magagawa kundi maghintay, at hindi niya pinananabikan ang mangyayari. Ibang-iba tayo! Handa tayong maghintay kay Jehova dahil alam nating tutuparin niya ang kaniyang pangako na bibigyan tayo ng buhay na walang hanggan sa tamang panahon, sa pinakamagandang panahon! Kaya naman, ‘nagbabata tayo nang lubos at may mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.’ (Col. 1:11, 12) Pero hindi malulugod ang Diyos kung magbubulong-bulungan tayo habang naghihintay at magrereklamong mabagal siya.—Col. 3:12.

 MAHUHUSAY NA HALIMBAWA NG PAGKAMATIISIN

8. Ano ang kailangan nating tandaan habang binubulay-bulay natin ang halimbawa ng tapat na mga lalaki at babae noon?

8 Mas magiging handa tayong maghintay kung aalalahanin natin ang tapat na mga lalaki at babae noon na matiyagang naghintay sa katuparan ng mga pangako ni Jehova. (Roma 15:4) Habang binubulay-bulay natin ang kanilang halimbawa, tandaan kung gaano sila katagal naghintay, bakit sila handang maghintay, at anong mga pagpapala ang natamo nila dahil sa pagkamatiisin.

Maraming taóng naghintay si Abraham bago isilang ang mga apo niyang sina Esau at Jacob (Tingnan ang parapo 9, 10)

9, 10. Gaano katagal naghintay sina Abraham at Sara kay Jehova?

9 Tingnan ang halimbawa nina Abraham at Sara. Kabilang sila roon sa “mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” Sinasabi ng Kasulatan na “pagkatapos makapagpakita ng pagtitiis si Abraham,” natamo niya ang pangako na pagpapalain siya ni Jehova at pararamihin ang kaniyang binhi. (Heb. 6:12, 15) Bakit kailangan ni Abraham na maging matiisin? Dahil mahabang panahon ang kailangan para matupad ang pangako. Nagsimulang magkabisa ang tipan ni Jehova kay Abraham noong Nisan 14, 1943 B.C.E., nang siya at si Sara, kasama ng kanilang sambahayan, ay tumawid sa Ilog Eufrates at pumasok sa Lupang Pangako. Pagkatapos, kailangan pang maghintay si Abraham nang 25 taon bago isilang ang anak niyang si Isaac noong 1918 B.C.E., at 60 taon pa bago ipanganak ang mga apo niyang sina Esau at Jacob noong 1858 B.C.E.—Heb. 11:9.

10 Gaano kalaking lupa ang ibinigay ni Jehova kay Abraham bilang mana? Sinasabi ng Bibliya: “Gayunma’y hindi niya siya binigyan dito ng anumang pag-aaring mamanahin, hindi, ni ng sinlapad-ng-talampakan; ngunit  nangako siyang ibibigay ito sa kaniya bilang pag-aari, at sa kaniyang binhi na kasunod niya, samantalang noon ay wala pa siyang anak.” (Gawa 7:5) Matapos tumawid si Abraham sa Eufrates, lumipas pa ang 430 taon bago maorganisa ang kaniyang mga inapo bilang isang bansa na magmamay-ari sa lupaing iyon.—Ex. 12:40-42; Gal. 3:17.

11. Bakit handang maghintay si Abraham kay Jehova? At anong mga pagpapala ang idudulot ng kaniyang pagkamatiisin?

11 Handang maghintay si Abraham dahil may pananampalataya siya kay Jehova. (Basahin ang Hebreo 11:8-12.) Masayang naghintay si Abraham kahit hindi niya nakita ang ganap na katuparan ng pangako. Pero isip-isipin ang kagalakang madarama niya kapag binuhay na siyang muli sa isang paraisong lupa! Magugulat siyang mabasa kung gaano kalaking bahagi ng Bibliya ang naglalahad ng kasaysayan niya at ng kaniyang mga inapo. * Tiyak na matutuwa siya kapag naunawaan na niya ang kaniyang mahalagang papel sa layunin ni Jehova may kinalaman sa ipinangakong binhi! Siguradong sasabihin niya na sulit ang mahabang paghihintay.

12, 13. Bakit kailangang magtiis si Jose? At anong magandang saloobin ang ipinakita niya?

12 Si Jose, apo sa tuhod ni Abraham, ay handa ring magtiis. Biktima siya ng malulupit na kawalang-katarungan. Noong mga 17 anyos siya, ipinagbili siya ng kaniyang mga kapatid para maging alipin. Pagkatapos, pinagbintangan siya ng tangkang panghahalay sa asawa ng kaniyang panginoon at nakulong dahil dito. (Gen. 39:11-20; Awit 105:17, 18) Kahit tapat si Jose, parang pinarurusahan siya sa halip na pinagpapala. Pero pagkalipas ng 13 taon, biglang nabaligtad ang sitwasyon. Pinalaya siya sa bilangguan at inilagay sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa Ehipto.—Gen. 41:14, 37-43; Gawa 7:9, 10.

13 Naghinanakit ba si Jose dahil sa mga kawalang-katarungang iyon? Nawalan ba siya ng tiwala sa kaniyang Diyos na si Jehova? Hindi. Ano ang nakatulong kay Jose na makapagtiis habang naghihintay? Ang kaniyang pananampalataya kay Jehova. Nakita niya ang pagkilos ng kamay ni Jehova sa mga pangyayari. Dahil dito, sinabi niya sa kaniyang mga kapatid: “Huwag kayong matakot, sapagkat nasa kalagayan ba ako ng Diyos? Kung tungkol sa inyo, nag-isip kayo ng masama laban sa akin. Nasa isip ng Diyos ang ikabubuti sa layuning kumilos gaya ng sa araw na ito upang ingatang buháy ang maraming tao.” (Gen. 50:19, 20) Sa bandang huli, nakita ni Jose na sulit ang maghintay.

14, 15. (a) Bakit pambihira ang pagkamatiisin ni David? (b) Bakit handang magtiis at maghintay si David?

14 Si Haring David ay biktima rin ng maraming kawalang-katarungan. Bata pa siya nang pahiran siya ni Jehova para maging hari ng Israel, pero naghintay pa si David nang mga 15 taon bago siya gawing hari sa kaniyang tribo. (2 Sam. 2:3, 4) Bago nito, tinutugis siya ng di-tapat na si Haring Saul para patayin. * Kaya namuhay si David bilang takas, kung minsan sa ibang lupain, at kung minsan, sa mga kuweba sa ilang. Sa kalaunan, napatay si Saul sa isang labanan, pero naghintay pa si David nang pitong taon bago siya maging hari sa buong bansang Israel.—2 Sam. 5:4, 5.

 15 Bakit handang magtiis at maghintay si David? Sinasagot niya ito sa mismong awit kung saan apat na beses siyang nagtanong: “Hanggang kailan?” Sinabi niya: “Sa ganang akin, nagtiwala ako sa iyong maibiging-kabaitan; magalak nawa ang aking puso sa iyong pagliligtas. Aawit ako kay Jehova, sapagkat ginawan niya ako ng mabuti.” (Awit 13:5, 6) Nagtiwala si David sa maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ni Jehova. Masaya niyang inasam ang pagliligtas ni Jehova at binulay-bulay ang kabutihan Niya sa kaniya. Oo, nadama ni David na sulit ang maghintay.

Hinihilingan tayo ni Jehova na maging matiisin dahil siya mismo ay nagtitiis din

16, 17. Bakit mahuhusay na halimbawa ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo sa pagiging handang maghintay?

16 Hinihilingan tayo ni Jehova na maging matiisin dahil siya mismo ay nagtitiis din. Siya ang pinakamahusay na halimbawa ng pagiging handang maghintay. (Basahin ang 2 Pedro 3:9.) Libo-libong taon nang nagtitiis at naghihintay si Jehova para tuluyang masagot ang mga usaping moral na ibinangon sa hardin ng Eden. ‘Patuloy niyang hinihintay’ ang panahon kung kailan lubusan nang mapababanal ang kaniyang pangalan. Magdudulot ito ng napakagandang mga pagpapala para sa “lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.”—Isa. 30:18.

17 Handa ring maghintay si Jesus. Kahit napagtagumpayan niya ang pagsubok sa kaniyang katapatan dito sa lupa at naiharap ang halaga ng kaniyang haing pantubos noong 33 C.E., kailangan niyang maghintay hanggang noong 1914 bago magsimulang mamahala. (Gawa 2:33-35; Heb. 10:12, 13) At kailangan din niyang maghintay hanggang sa matapos ang kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari bago lubusang mapuksa ang kaniyang mga kaaway. (1 Cor. 15:25) Mahabang paghihintay iyon, pero tiyak na sulit ito!

ANO ANG TUTULONG SA ATIN?

18, 19. Ano ang tutulong sa atin na maging handang magtiis at maghintay?

18 Kaya naman, dapat na handa tayong maging matiisin at maghintay. Pero ano ang tutulong sa atin? Hilingin sa panalangin ang espiritu ng Diyos. Tandaan, ang mahabang pagtitiis ay isang aspekto ng bunga ng espiritu. (Efe. 3:16; 6:18; 1 Tes. 5:17-19) Magsumamo kay Jehova na tulungan kang makapagbata.

19 Tandaan din kung ano ang nakatulong kina Abraham, Jose, at David na matiyagang maghintay sa katuparan ng mga pangako ni Jehova—ang kanilang pananampalataya at tiwala kay Jehova. Hindi lang sarili at pansariling kaalwanan ang inisip nila. Habang binubulay-bulay natin ang magagandang resulta ng kanilang pagtitiis, mapasisigla rin tayong magkaroon ng mapaghintay na saloobin.

20. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?

20 Kaya mapaharap man tayo sa mga pagsubok, determinado tayong magpakita ng “mapaghintay na saloobin.” Oo, kung minsan naitatanong natin: “Hanggang kailan, O Jehova?” (Isa. 6:11) Pero dahil sa lakas na ibinibigay ng banal na espiritu ng Diyos, masasabi rin natin ang mga salita ni Jeremias: “Si Jehova ang aking bahagi, . . . kaya naman ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa kaniya.”—Panag. 3:21, 24.

^ par. 11 Mga 15 kabanata ng aklat ng Genesis ang naglalahad ng ulat tungkol kay Abraham. Mahigit 70 ulit din siyang tinukoy ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.

^ par. 14 Kahit itinakwil na ni Jehova si Saul matapos mamahala nang mahigit dalawang taon, pinahintulutan pa rin siyang mamahala nang 38 taon hanggang sa kamatayan niya.—1 Sam. 13:1; Gawa 13:21.