Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Agosto 2016

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit naging isyu sa mga kaaway ni Jesus ang paghuhugas ng kamay?

Isa lang ito sa maraming isyu na ipinipintas ng mga kaaway ni Jesus sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Sa Kautusang Mosaiko, maraming utos tungkol sa seremonya ng pagpapadalisay may kinalaman sa mga bagay na gaya ng agas mula sa katawan, ketong, at mga bangkay ng tao at hayop. Mayroon din itong mga tagubilin kung paano maaalis ang karumihan. Magagawa ito sa pamamagitan ng paghahain, paghuhugas, o pagwiwisik.—Lev., kab. 11-15; Bil., kab. 19.

May paliwanag ang mga Judiong rabbi sa bawat detalye ng mga kautusang ito. Binanggit ng isang reperensiya na ang bawat sanhi ng karumihan ay dadaan sa “pagtatanong may kinalaman sa mga kalagayan kung saan ito nakuha, kung gaano karami ang mahahawahan at kung paano ito makahahawa sa iba, mga kagamitan at bagay na puwede at hindi puwedeng maging marumi, at mga paraan at ritwal na kailangan para sa pagpapadalisay.”

Tinanong si Jesus ng mga kaaway niya: “Bakit hindi gumagawi ang iyong mga alagad ayon sa tradisyon ng sinaunang mga tao, kundi kumakain sila na may mga kamay na marurungis?” (Mar. 7:5) Hindi kalinisan ang habol ng mga kaaway na iyon. Bilang ritwal, kahilingan ng mga rabbi na buhusan ng tubig ang kanilang mga kamay bago kumain. Idinagdag ng nabanggit na reperensiya: “Pinagdedebatihan din kung anong sisidlan ang gagamitin sa pagbubuhos, anong uri ng tubig ang angkop, sino ang dapat magbuhos, at hanggang saang bahagi ng kamay ang dapat buhusan ng tubig.”

Simple lang ang tugon ni Jesus sa gawang-taong mga kautusang ito. Sinabi niya sa mga Judiong lider ng relihiyon na iyon noong unang siglo: “Angkop ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagpaimbabaw, gaya ng nasusulat, ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa akin [kay Jehova]. Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga utos ng mga tao.’ Pinababayaan ang utos ng Diyos, nanghahawakan kayong mahigpit sa tradisyon ng mga tao.”—Mar. 7:6-8.