Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Blg. 5 2017

 TAMPOK NA PAKSA | TALAGA BANG MAY ANGHEL?​—KUNG BAKIT DAPAT MONG MALAMAN

May Masasamang Anghel Ba?

May Masasamang Anghel Ba?

Oo, mayroon. Saan sila nagmula? Tandaan na nilalang ng Diyos ang mga anghel na may kalayaang magpasiya. Di-nagtagal, matapos lalangin ang unang lalaki’t babae, sina Adan at Eva, inabuso ng isang perpektong espiritung nilalang ang kaniyang kalayaang pumili at nagpasimula ng rebelyon sa lupa. Nakumbinsi niya sina Adan at Eva na magrebelde rin sa Diyos. (Genesis 3:1-7; Apocalipsis 12:9) Hindi sinasabi ng Bibliya ang pangalan ng anghel na iyon o ang kaniyang ranggo bago siya magrebelde. Pero matapos siyang magrebelde, tinawag siya ng Bibliya na Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang,” at Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-puri.”—Mateo 4:8-11.

Pero hindi doon natapos ang pagrerebelde sa Diyos. Noong panahon ni Noe, napakaraming anghel ang “nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” sa langit. Bumaba sila sa lupa at nagkatawang-tao para magpakasama at gumawa ng imoralidad. Hindi ito ang layunin ng Diyos para sa kanila.—Judas 6; Genesis 6:1-4; 1 Pedro 3:19, 20.

Ano ang nangyari sa masasamang anghel na iyon? Nang magpasapit ang Diyos ng isang pangglobong delubyo para linisin ang lupa, iniwan nila ang kanilang katawang-tao at bumalik sa daigdig ng mga espiritu. Pero hindi sila hinayaan ng Diyos na makabalik sa “kanilang orihinal na kalagayan.” Sa halip, ikinulong niya sila sa napakababang kalagayan sa “ilalim ng pusikit na [espirituwal na] kadiliman,” na tinatawag na Tartaro. (Judas 6; 2 Pedro 2:4) Nagpakontrol ang mga demonyong ito kay Satanas na Diyablo, “ang tagapamahala ng mga demonyo,” na “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.”—Mateo 12:24; 2 Corinto 11:14.

Itinuturo ng Bibliya na itinatag noong 1914 ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, isang gobyerno sa langit. * Pagkatapos nito, pinalayas sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at inihagis dito sa lupa. Ang laganap na kasamaan at talamak na imoralidad ay ebidensiya ng kanilang napakasamang impluwensiya.—Apocalipsis 12:9-12.

Pero ang sobrang kasamaan at karumal-dumal na karahasan ay patunay na malapit nang magwakas ang kanilang malupit na pamamahala. Hindi na rin sila makagagawa ng kasamaan. Matapos ang 1,000-taóng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa paraisong lupa, ang masasamang espiritu ay bibigyan ng kaunting panahon para subukin ang mga tao sa huling pagkakataon. Pagkatapos, pupuksain na sila magpakailanman.—Mateo 25:41; Apocalipsis 20:1-3, 7-10.

^ par. 6 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos, tingnan ang kabanata 8 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available din sa www.jw.org/tl.